Embahador—Ang Pagkakagamit Nito sa Bibliya
Embahador—Ang Pagkakagamit Nito sa Bibliya
AYON sa pagkakagamit sa Bibliya, isang opisyal na kinatawan na isinugo ng isang tagapamahala sa isang pantanging pagkakataon para sa isang espesipikong layunin. Ang matatanda at maygulang na mga lalaki ang kadalasang naglilingkod sa katungkulang ito. Kaya, ang mga salitang Griego na pre·sbeuʹo (‘gumanap bilang isang embahador’ [Efeso 6:20]; ‘maging isang embahador’ [2 Corinto 5:20]) at pre·sbeiʹa (“lupon ng mga embahador” [Lucas 14:32]) ay kapuwa nauugnay sa salitang pre·sbyʹte·ros, na nangangahulugang “matatandang lalaki; matanda.”—Gawa 11:30; Apocalipsis 4:4.
Si Jesu-Kristo ay dumating bilang “apostol,” o “isinugo” ng Diyos na Jehova. Siya ang “nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.”—Hebreo 3:1; 2 Timoteo 1:10.
Matapos buhaying-muli si Kristo tungo sa mga langit, at wala na sa lupa bilang tao, ang kaniyang tapat na mga tagasunod ay hinirang upang maging kapalit niya, na “humahalili para kay Kristo” bilang mga embahador ng Diyos. Espesipikong binabanggit ni Pablo ang kaniyang katungkulan bilang embahador. (2 Corinto 5:18-20) Siya, tulad ng lahat ng pinahirang mga tagasunod ni Jesu-Kristo, ay isinugo sa mga bansa at mga bayan na hiwalay sa Diyos na Jehova ang Kataas-taasang Soberano—mga embahador sa isang daigdig na walang pakikipagpayapaan sa Diyos. (Juan 14:30; 15:18, 19; Santiago 4:4) Bilang isang embahador, taglay ni Pablo ang mensahe ng pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo at sa gayo’y tinukoy ang kaniyang sarili samantalang nasa bilangguan bilang “isang embahador na nakatanikala.” (Efeso 6:20) Ang kaniyang pagkakatanikala ay isang patotoo sa pakikipag-alit ng daigdig sa Diyos, kay Kristo, at sa Mesiyanikong pamahalaang Kaharian, sapagkat ang mga embahador mula’t sapol ay itinuturing na hindi saklaw ng batas ng ibang bayan. Isiniwalat nito ang pinakamatinding pakikipag-alit at pinakamalulubhang insulto sa bahagi ng mga bansa nang hindi nila iginalang ang mga embahador na isinugo upang kumatawan sa Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo.
Sa pagganap ng kaniyang papel bilang isang embahador, iginalang ni Pablo ang mga batas ng lupain ngunit nanatiling lubusang neutral kung tungkol sa mga gawaing pulitikal at militar ng daigdig. Ito’y kasuwato ng simulain na ang mga embahador ng makasanlibutang mga pamahalaan ay dapat sumunod sa batas ngunit wala silang obligasyon sa bansang pinagsuguan sa kanila.
Tulad ni apostol Pablo, lahat ng tapat, pinahiran at inianak sa espiritu na mga tagasunod ni Kristo, na may makalangit na pagkamamamayan, ay “mga embahador na humahalili para kay Kristo.”—2 Corinto 5:20; Filipos 3:20.
Ang paraan ng pagtanggap ng isang tao sa mga embahador na ito ng Diyos ang magpapasiya kung paano makikitungo ang Diyos sa kaniya. Itinakda ni Jesu-Kristo ang simulain sa kaniyang ilustrasyon hinggil sa lalaking may-ari ng isang ubasan at nang una ay isinugo ang kaniyang mga alipin, pagkatapos ang kaniyang anak, bilang kaniyang mga kinatawan. Buong kalupitang minaltrato ng mga tagapagsaka ng ubasan ang mga aliping iyon at pinatay ang anak ng may-ari. Dahil dito, pinuksa ng may-ari ng ubasan ang masasamang tagapagsaka. (Mateo 21:33-41) Nagbigay si Jesus ng isa pang ilustrasyon, tungkol sa isang hari na ang kaniyang mga alipin ay pinatay habang nagsisilbing mga mensahero na nag-aanyaya ng mga panauhin sa isang piging ng kasalan. Ang mga tumatanggap sa kaniyang mga kinatawan sa gayong paraan ay ibinibilang na mga kaaway ng hari. (Mateo 22:2-7) Malinaw na binanggit ni Jesus ang simulain nang sabihin niya: “Siya na tumatanggap sa sinumang aking isinusugo ay tumatanggap din sa akin. Siya naman na tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin.”—Juan 13:20; tingnan din ang Mateo 23:34, 35; 25:34-46.
Ginamit din ni Jesus ang nagtataguyod-ng-kapayapaan na gawain ng isang embahador upang ilarawan ang ating indibiduwal na pangangailangan na makipagpayapaan sa Diyos na Jehova at iwanan ang lahat upang sundan ang mga yapak ng kaniyang Anak sa gayo’y matamo ang lingap ng Diyos at ang buhay na walang-hanggan. (Lucas 14:31-33) Sa kabilang panig, inilarawan niya ang kamangmangan ng pakikisama sa mga nagsusugo ng mga embahador upang magsalita laban sa isa na pinagkalooban ng Diyos ng makaharing kapangyarihan. (Lucas 19:12-14, 27) Ang mga Gibeonita ay mabubuting halimbawa ng pagkilos sa isang mataktika at matagumpay na pakikipagpayapaan.—Josue 9:3-15, 22-27.
Mga Sugo Bago ang Panahong Kristiyano
Bago ang panahong Kristiyano ay walang opisyal na katungkulan sa pamahalaan na tuwirang katapat ng makabagong-panahong embahador. Walang opisyal na naninirahan sa ibang bayan na kumakatawan sa isang banyagang pamahalaan. Kaya, ang mga terminong “mensahero” (Hebreo, mal·ʼakhʹ) at “sugo” (Hebreo, tsir) ay mas tumpak na lumalarawan sa kanilang mga tungkulin noong panahon ng Bibliya. Gayunman, ang kanilang ranggo at posisyon ay nakahahawig sa maraming bagay niyaong sa mga embahador, at ang ilan sa mga aspektong ito ay isasaalang-alang dito. Ang mga lalaking ito ay mga opisyal na kinatawan na nagdadala ng mga mensahe sa pagitan ng mga pamahalaan o indibiduwal na mga tagapamahala.
Di-tulad ng makabagong-panahong mga embahador, ang sinaunang mga sugo, o mga mensahero, ay hindi nanirahan sa mga kabisera ng banyagang lupain kundi isinusugo lamang sa pantanging mga kalagayan para sa espesipikong mga layunin. Kadalasan, sila’y may mga ranggo (2 Hari 18:17, 18), at ang kanilang katungkulan ay lubhang iginagalang. Dahil dito, sila’y pinagkalooban ng pagiging di-saklaw ng batas ng ibang bayan kapag kanilang dinadalaw ang ibang mga tagapamahala.
Ang pakikitungo sa mga mensahero, o mga sugo ng isang tagapamahala, ay itinuturing na pakikitungo na ipinagkakaloob sa tagapamahala at sa kaniyang pamahalaan. Kaya, nang magpakita ng pabor si Rahab sa mga mensahero na isinugo ni Josue sa Jerico bilang mga tiktik, siya sa katunayan ay kumikilos gaya ng ginawa niya dahil kinilala niya na si Jehova ang Diyos at Hari ng Israel. Alinsunod dito, pinagpakitaan naman siya ni Jehova ng lingap sa pamamagitan ni Josue. (Josue 6:17; Hebreo 11:31) Ang isang lantarang paglabag sa di-nasusulat na pandaigdig na kaugalian sa paggalang sa mga sugo ay ang pagkilos ni Hanun na hari ng Ammon, na pinagsuguan ni Haring David ng ilang lingkod bilang tanda ng pakikipagkaibigan. Ang hari ng Ammon ay nakinig sa kaniyang mga prinsipe, na may kabulaanang nagbansag sa mga mensahero na mga tiktik, at kaniyang hayagang hiniya ang mga mensahero, na inihahayag ang kaniyang paglapastangan kay David at sa kaniyang pamahalaan. Ang kahiya-hiyang ikinilos na iyon ay humantong sa digmaan.—2 Samuel 10:2–11:1; 12:26-31.
Sa halip na pauwiin ang isang embahador, na siyang ginagawa ng makabagong-panahong mga bansa kapag ang diplomatikong mga ugnayan ay napuputol, ang mga bayan noong sinaunang panahon ay nagpapadala ng mga mensahero, o mga sugo, bilang mga tagapagsalita sa isa’t isa sa panahon ng sigalot sa pagsisikap na maibalik ang mapayapang mga ugnayan. Tumukoy si Isaias ng gayong “mga mensahero ng kapayapaan.” (Isaias 33:7) Nagpadala si Hezekias ng isang pagsamo ukol sa kapayapaan kay Senakerib na hari ng Asirya. Bagaman pinagbabantaan ni Senakerib ang nakukutaang mga lunsod ng Juda, ang mga mensahero ay malayang pinadaan ng mga Asiryano sapagkat sila’y tumatayong mga sugo ni Hezekias. (2 Hari 18:13-15) Ang isa pang halimbawa nito ay makikita sa ulat tungkol kay Jefte, isang hukom sa Israel. Sa pamamagitan ng mga mensahero ay nagpadala siya ng isang liham sa hari ng mga Ammonita upang tutulan ang maling pagkilos sa bahagi nito at upang linawin ang isang pagtatalo hinggil sa mga karapatan sa teritoryo. Hangga’t maaari, naisaayos sana ni Jefte, sa pamamagitan ng kaniyang mga sugo, ang usapin nang walang digmaan. Ang mga mensaherong ito ay pinahintulutang magparoo’t parito sa pagitan ng dalawang hukbo nang walang hadlang.—Hukom 11:12-28.