Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hanapin si Jehova Bago ang Araw ng Kaniyang Galit

Hanapin si Jehova Bago ang Araw ng Kaniyang Galit

Hanapin si Jehova Bago ang Araw ng Kaniyang Galit

“Hanapin ninyo si Jehova . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”​—ZEFANIAS 2:3.

1. Ano ang espirituwal na kalagayan ng Juda nang pasimulan ni Zefanias ang kaniyang gawain bilang isang propeta?

 PINASIMULAN ni Zefanias ang kaniyang gawain bilang isang propeta sa isang kritikal na panahon sa kasaysayan ng Juda. Ang espirituwal na kalagayan ng bansa ay napakasama. Sa halip na maglagak ng kanilang pagtitiwala kay Jehova, ang mga tao ay umaasa sa patnubay ng mga paganong saserdote at mga astrologo. Ang pagsamba kay Baal, lakip na ang mga seremonya nito sa pag-aanak, ay laganap sa lupain. Sinisiil ng mga lider ng bayan​—ng mga prinsipe, ng mga maharlika, at ng mga hukom​—ang mismong mga tao na dapat sana’y ipinagtatanggol nila. (Zefanias 1:9; 3:3) Hindi kataka-takang nagpasiya si Jehova na ‘iunat ang kaniyang kamay’ laban sa Juda at Jerusalem upang puksain ang mga ito!​—Zefanias 1:4.

2. Ano ang pag-asa para sa tapat na mga lingkod ng Diyos sa Juda?

2 Subalit kahit ganoon kasama ang kalagayan, mayroon pa ring nabanaag na pag-asa. Si Josias, na anak ni Amon, ay nakaluklok na sa trono. Bagaman siya ay isang bata lamang, tunay na inibig ni Josias si Jehova. Kapag naibalik ng bagong hari ang dalisay na pagsamba sa Juda, tunay ngang makapagpapasigla ito sa ilang tapat na naglilingkod sa Diyos! Ang iba ay maaaring maudyukang sumama sa kanila at maligtas din sa araw ng galit ni Jehova.

Mga Kahilingan Para sa Kaligtasan

3, 4. Anong tatlong kahilingan ang dapat na matugunan upang ang isang indibiduwal ay makaligtas sa “araw ng galit ni Jehova”?

3 Maaari ba talagang makaligtas ang ilang indibiduwal sa araw ng galit ni Jehova? Oo, kung matutugunan nila ang tatlong kahilingang nakabalangkas sa Zefanias 2:2, 3. Habang binabasa natin ang mga talatang ito, bigyan natin ng pantanging pansin ang mga kahilingang ito. Sumulat si Zefanias: “Bago ang batas ay magsilang ng anuman, bago ang araw ay dumaang gaya ng ipa, bago dumating sa inyo ang nag-aapoy na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”

4 Kung gayon, para ang isang indibiduwal ay makaligtas, kailangan niyang (1) hanapin si Jehova, (2) hanapin ang katuwiran, at (3) hanapin ang kaamuan. Tayo ay dapat na maging lubhang interesado sa mga kahilingang ito ngayon. Bakit? Sapagkat kung paanong ang Juda at Jerusalem ay napaharap sa isang araw ng pagsusulit noong ikapitong siglo B.C.E., ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan​—sa katunayan, ang lahat ng balakyot​—ay patungo na sa pakikipagtuos sa Diyos na Jehova sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Ang sinumang nagnanais na makubli sa panahong iyon ay dapat na gumawa ng tiyak na pagkilos ngayon. Paano? Sa pamamagitan ng paghanap kay Jehova, paghanap sa katuwiran, at paghanap sa kaamuan bago maging huli ang lahat!

5. Ano ang kasangkot sa ‘paghanap kay Jehova’ ngayon?

5 Baka sabihin mo: ‘Ako ay isang nakaalay, bautisadong lingkod ng Diyos, isa sa mga Saksi ni Jehova. Hindi ba’t naabot ko na ang mga kahilingang iyon?’ Ang totoo, higit pa ang nasasangkot kaysa sa pag-aalay lamang ng ating sarili kay Jehova. Ang Israel ay isang nakaalay na bansa, subalit noong kaarawan ni Zefanias, ang mga mamamayan ng Juda ay hindi namuhay ayon sa pag-aalay na iyon. Bilang resulta, nang dakong huli ay itinakwil ang bansa. Ang ‘paghanap kay Jehova’ ngayon ay nagsasangkot ng pagpapaunlad at pagpapanatili ng isang magiliw at personal na kaugnayan sa kaniya kasama ng kaniyang makalupang organisasyon. Ito’y nangangahulugan ng pag-alam kung paano minamalas ng Diyos ang mga bagay-bagay at pagbibigay-pansin sa kaniyang nadarama. Hinahanap natin si Jehova kapag maingat nating pinag-aaralan ang kaniyang Salita, binubulay-bulay iyon, at ikinakapit sa buhay ang payo nito. Habang atin ding hinihiling ang patnubay ni Jehova sa pamamagitan ng marubdob na pananalangin at sinusunod ang pag-akay ng kaniyang banal na espiritu, nagiging matalik ang ating kaugnayan sa kaniya at nauudyukan tayong paglingkuran siya ‘nang ating buong puso, kaluluwa, at lakas.’​—Deuteronomio 6:5; Galacia 5:22-25; Filipos 4:6, 7; Apocalipsis 4:11.

6. Paano natin ‘hinahanap ang katuwiran,’ at bakit ito posible maging sa sanlibutang ito?

6 Ang ikalawang kahilingang binanggit sa Zefanias 2:3 ay ang ‘hanapin ang katuwiran.’ Ang karamihan sa atin ay gumawa ng mahahalagang pagbabago upang maging kuwalipikado tayo sa bautismong Kristiyano, ngunit dapat na patuloy nating itaguyod ang matutuwid na pamantayan ng Diyos sa buong buhay natin. Ang ilan na nagkaroon ng mabuting pasimula sa bagay na ito ay nagpahintulot sa kanilang sarili na madungisan ng sanlibutan. Hindi madali na hanapin ang katuwiran, sapagkat napalilibutan tayo ng mga tao na minamalas na normal ang seksuwal na imoralidad, pagsisinungaling, at iba pang kasalanan. Subalit kayang daigin ng isang matinding pagnanais na mapaluguran si Jehova ang anumang hilig na hanapin ang pagsang-ayon ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagsisikap na makibagay rito. Naiwala ng Juda ang pagsang-ayon ng Diyos dahil tinularan nito ang kaniyang di-makadiyos na mga katabing bansa. Kung gayon, sa halip na tularan ang sanlibutan, tayo nawa’y maging mga ‘tagatulad sa Diyos,’ na nililinang ang “bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”​—Efeso 4:24; 5:1.

7. Paano natin ‘hinahanap ang kaamuan’?

7 Ang pangatlong punto na binanggit sa Zefanias 2:3 ay na kung nais nating malingid sa araw ng galit ni Jehova, dapat nating ‘hanapin ang kaamuan.’ Bawat araw, nakakasalamuha natin ang mga lalaki, mga babae, at mga kabataan na talagang hindi maaamo. Para sa kanila, ang pagiging mahinahong-loob ay isang kapintasan. Ang pagkamapagpasakop ay itinuturing na isang malubhang kahinaan. Sila ay mapaghanap, makasarili, at mapaggiit ng sariling opinyon, anupat naniniwala na ang kanilang personal na “mga karapatan” at mga kagustuhan ay dapat pagbigyan anuman ang mangyari. Kay lungkot nga kung mahawahan tayo ng ilan sa gayong mga saloobin! Ito na ang panahon upang ‘hanapin ang kaamuan.’ Paano? Sa pamamagitan ng pagiging mapagpasakop sa Diyos, anupat mapagpakumbabang tinatanggap ang kaniyang disiplina at sinusunod ang kaniyang kalooban.

Bakit “Baka Sakaling” Makubli?

8. Ano ang ipinahihiwatig ng paggamit sa pananalitang ‘baka sakali’ sa Zefanias 2:3?

8 Pansinin na sinasabi sa Zefanias 2:3: “Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” Bakit ginamit ang pananalitang ‘baka sakali’ nang tukuyin ang “maaamo sa lupa”? Buweno, ang maaamong iyon ay gumawa na ng positibong mga hakbang, subalit walang dako para sa pagtitiwala sa sarili. Hindi pa sila sumapit sa wakas ng kanilang tapat na landasin sa buhay. Posibleng magkasala ang ilan sa kanila. Totoo rin ito sa atin. Sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Oo, ang kaligtasan sa araw ng galit ni Jehova ay depende sa patuloy na paggawa natin ng kung ano ang tama sa kaniyang paningin. Gayon ba ang iyong matatag na kapasiyahan?

9. Anong matutuwid na hakbang ang ginawa ng kabataang si Haring Josias?

9 Lumilitaw na bilang tugon sa mga salita ni Zefanias, si Haring Josias ay napakilos na ‘hanapin si Jehova.’ Sinasabi ng Kasulatan: “Nang ikawalong taon ng kaniyang paghahari, habang [si Josias] ay bata pa [mga 16 na taóng gulang], pinasimulan niyang hanapin ang Diyos ni David na kaniyang ninuno.” (2 Cronica 34:3) Patuloy ring ‘hinanap [ni Josias] ang katuwiran,’ sapagkat mababasa natin: “Nang ikalabindalawang taon [nang si Josias ay halos 20 taóng gulang] ay pinasimulan niyang linisin ang Juda at Jerusalem mula sa matataas na dako at mga sagradong poste at mga nililok na imahen at mga binubong estatuwa. Karagdagan pa, giniba nila sa harap niya ang mga altar ng mga Baal.” (2 Cronica 34:3, 4) ‘Hinanap [din ni Josias] ang kaamuan,’ anupat mapagpakumbabang kumilos upang palugdan si Jehova sa pamamagitan ng pag-aalis sa idolatriya at sa iba pang maling mga relihiyosong gawain mula sa lupain. Tiyak ngang nagalak ang iba pang maaamo dahil sa mga pangyayaring iyon!

10. Ano ang nangyari sa Juda noong 607 B.C.E., ngunit sinu-sino ang iniligtas?

10 Maraming Judio ang nanumbalik kay Jehova sa panahon ng paghahari ni Josias. Gayunpaman, pagkamatay ng hari, ang karamihan ay bumalik sa kanilang dating gawi​—sa mga gawain na lubusang di-kalugud-lugod sa Diyos. Gaya ng ipinasiya ni Jehova, nilupig ng mga taga-Babilonya ang Juda at winasak ang kabiserang lunsod nito, ang Jerusalem, noong 607 B.C.E. Subalit, hindi lahat ay napahamak. Ang propetang si Jeremias, ang Etiopeng si Ebed-melec, ang mga inapo ni Jonadab, at ang iba pang tapat sa Diyos ay nakubli sa araw na iyon ng galit ni Jehova.​—Jeremias 35:18, 19; 39:11, 12, 15-18.

Mga Kaaway ng Diyos​—Magbigay-Pansin!

11. Bakit isang hamon na manatiling tapat sa Diyos ngayon, subalit ano ang makabubuting isaalang-alang ng mga kaaway ng bayan ni Jehova?

11 Samantalang hinihintay natin ang araw ng galit ni Jehova sa balakyot na sistemang ito, tayo ay ‘napapaharap sa iba’t ibang pagsubok.’ (Santiago 1:2) Sa ilang lupain na nag-aangking nagpapahalaga sa kalayaan ng pagsamba, ginagamit ng mga mapagmaniobrang klero ang kanilang impluwensiya sa sekular na mga awtoridad upang pag-usigin nang may kalupitan ang bayan ng Diyos. Sinisiraang-puri ng mga taong walang prinsipyo ang mga Saksi ni Jehova, anupat binabansagan sila na “isang mapanganib na kulto.” Nalalaman ng Diyos ang kanilang mga gawa​—at ang mga ito ay hindi maaaring hindi maparusahan. Makabubuting isaalang-alang ng kaniyang mga kaaway kung ano ang nangyari sa sinaunang mga kaaway ng kaniyang bayan, tulad ng mga Filisteo. Ang hula ay nagsasabi: “Kung tungkol sa Gaza, siya ay magiging lunsod na pinabayaan; at ang Askelon ay magiging tiwangwang na kaguhuan. Kung tungkol sa Asdod, sa tanghaling tapat ay palalayasin nila siya; at kung tungkol sa Ekron, siya ay bubunutin.” Ang mga lunsod ng mga Filisteo, ang Gaza, Askelon, Asdod, at Ekron, ay lubusang mawawasak.​—Zefanias 2:4-7.

12. Ano ang nangyari sa Filistia, Moab, at Ammon?

12 Nagpapatuloy ang hula: “Narinig ko ang pandurusta ng Moab at ang mapang-abusong mga salita ng mga anak ni Ammon, na kanilang ipinandusta sa aking bayan at lubhang ipinagpalalo laban sa kanilang teritoryo.” (Zefanias 2:8) Totoo, ang Ehipto at Etiopia ay nagdusa sa mga kamay ng mga mananakop na taga-Babilonya. Subalit ano ang hatol ng Diyos laban sa Moab at sa Ammon, mga bansang nagmula sa pamangkin ni Abraham na si Lot? Inihula ni Jehova: “Ang Moab ay magiging gaya ng Sodoma, at ang mga anak ni Ammon ay gaya ng Gomorra.” Di-tulad ng kanilang mga ninunong babae​—ang dalawang anak na babae ni Lot, na nakaligtas sa pagkawasak ng Sodoma at Gomorra​—ang mapagmataas na Moab at Ammon ay hindi makukubli mula sa mga paghatol ng Diyos. (Zefanias 2:9-12; Genesis 19:16, 23-26, 36-38) Sa ngayon, nasaan ang Filistia at nasaan ang mga lunsod nito? At kumusta naman ang dating mapagmataas na Moab at Ammon? Maghanap ka hangga’t kaya mo, hindi mo masusumpungan ang mga ito.

13. Ano ang natuklasan ng arkeolohiya sa Nineve?

13 Noong panahon ni Zefanias, ang Imperyo ng Asirya ay nasa tugatog ng kapangyarihan nito. Bilang paglalarawan sa isang bahagi ng maharlikang palasyo na kaniyang nahukay sa kabisera ng Asirya na Nineve, ang arkeologong si Austen Layard ay sumulat: “Ang mga kisame . . . ay nahahati sa kuwadradong mga pitak, na napipintahan ng mga bulaklak, o may mga larawan ng mga hayop. Ang ilan ay kinalupkupan ng garing, na ang bawat pitak ay napalilibutan ng eleganteng mga pagilid at mga moldura. Ang mga biga, at ang mga dingding ng mga silid, ay maaaring kinalupkupan, o binalutan pa nga, ng ginto at pilak; at ang pinakapambihirang mga kahoy, na dito’y kapansin-pansin ang sedro, ay ginamit sa kayariang kahoy.” Subalit, gaya ng patiunang sinabi sa hula ni Zefanias, ang Asirya ay wawasakin at ang kabiserang lunsod nito, ang Nineve, ay magiging “tiwangwang na kaguhuan.”​—Zefanias 2:13.

14. Paano natupad sa Nineve ang hula ni Zefanias?

14 Mga 15 taon lamang matapos bigkasin ni Zefanias ang hulang iyon, nawasak ang makapangyarihang Nineve, anupat gumuho ang maharlikang palasyo nito. Oo, ang mapagmataas na lunsod na iyon ay lubusang nawasak. Ang lawak ng kagibaan ay maliwanag na inihula sa mga salitang ito: “Kapuwa ang pelikano at ang porcupino ay magpapalipas ng gabi sa [bumagsak na] mga kapital ng kaniyang mga haligi. Isang tinig ang patuloy na aawit sa may bintana. Magkakaroon ng kagibaan sa pintuan.” (Zefanias 2:14, 15) Ang mariringal na gusali ng Nineve ay magiging angkop na dakong tirahan lamang ng mga porcupino at pelikano. Wala na sa mga lansangan ng lunsod ang mga ingay ng komersiyo, ang mga sigaw ng mga mandirigma, at ang mga usal ng mga saserdote. Sa dating mga abalang lansangang iyon, ang maririnig na lamang ay ang tinig na umaawit nang nakapangingilabot sa may bintana, na marahil ay ang malungkot na awit ng isang ibon o ugong ng hangin. Sa gayunding paraan, nawa’y sumapit sa kanilang wakas ang lahat ng mga kaaway ng Diyos!

15. Ano ang matututuhan mula sa nangyari sa Filistia, Moab, Ammon, at Asirya?

15 Ano ang matututuhan natin mula sa nangyari sa Filistia, Moab, Ammon, at Asirya? Ito: Bilang mga lingkod ni Jehova, wala tayong dapat na ikatakot sa ating mga kaaway. Nakikita ng Diyos kung ano ang ginagawa ng mga sumasalansang sa kaniyang bayan. Si Jehova ay kumilos laban sa kaniyang mga kaaway noong nakalipas, at ang kaniyang mga hatol ay isasakatuparan din sa buong tinatahanang lupa sa ngayon. Subalit may makaliligtas​—‘isang malaking pulutong mula sa lahat ng mga bansa.’ (Apocalipsis 7:9) Maaari kang makabilang sa mga ito​—subalit tangi lamang kung iyong patuloy na hahanapin si Jehova, hahanapin ang katuwiran, at hahanapin ang kaamuan.

Sa Aba ng Walang-Pakundangang mga Manggagawa ng Kasamaan!

16. Ano ang sinasabi ng hula ni Zefanias tungkol sa mga prinsipe at mga lider ng relihiyon sa Juda, at bakit naaangkop ang mga salitang ito sa Sangkakristiyanuhan?

16 Ang hula ni Zefanias ay muling nagtuon ng pansin sa Juda at Jerusalem. Sinasabi sa Zefanias 3:1, 2: “Sa aba niya na naghihimagsik at nagpaparumi ng kaniyang sarili, ang mapaniil na lunsod! Hindi siya nakinig sa tinig; hindi siya tumanggap ng disiplina. Hindi siya nagtiwala kay Jehova. Hindi siya lumapit sa kaniyang Diyos.” Tunay ngang kalunus-lunos na hindi binigyang-pansin ang mga pagsisikap ni Jehova na disiplinahin ang kaniyang bayan! Talagang napakasama ang kawalang-awa ng mga prinsipe, mga maharlika, at mga hukom. Tinuligsa ni Zefanias ang kawalang-kahihiyan ng mga lider ng relihiyon, na sinasabi: “Ang kaniyang mga propeta ay walang pakundangan, mga lalaking may kataksilan. Nilapastangan ng kaniya mismong mga saserdote ang bagay na banal; pinakitunguhan nila nang may karahasan ang kautusan.” (Zefanias 3:3, 4) Angkop na angkop nga ang mga salitang iyon sa kalagayan ng mga propeta at saserdote ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon! Walang-pakundangan nilang inalis ang banal na pangalan mula sa kanilang mga salin ng Bibliya at itinuro ang mga doktrina na may-kamaliang naglalarawan sa Isa na kanilang inaangkin na sinasamba.

17. Makinig man o hindi ang mga tao, bakit dapat na patuloy tayong magpahayag ng mabuting balita?

17 Makonsiderasyong nagbabala si Jehova sa kaniyang sinaunang bayan hinggil sa kaniyang gagawin. Isinugo niya ang kaniyang mga lingkod na mga propeta​—sina Zefanias at Jeremias, bukod sa iba pa​—upang himuking magsisi ang bayan. Oo, “Si Jehova ay . . . hindi . . . gumagawa ng kalikuan. Uma-umaga ay ibinibigay niya ang kaniyang hudisyal na pasiya. Sa araw ay hindi iyon nagkulang.” Ano ang naging pagtugon? “Ngunit ang di-matuwid ay hindi nakaaalam ng kahihiyan,” ang sabi ni Zefanias. (Zefanias 3:5) Ang gayunding babala ay ipinahahayag sa panahong ito. Kung ikaw ay isang mamamahayag ng mabuting balita, ikaw ay nakikibahagi sa gawaing ito ng pagbababala. Patuloy mong ipahayag ang mabuting balita nang walang humpay! Makinig man o hindi ang mga tao, ang iyong ministeryo ay isang tagumpay sa pangmalas ng Diyos hangga’t matapat mong isinasagawa ito; hindi ka dapat mahiya habang ginagawa mo nang may kasigasigan ang gawain ng Diyos.

18. Paano matutupad ang Zefanias 3:6?

18 Ang pagsasakatuparan sa hatol ng Diyos ay hindi lamang para sa pagkatiwangwang ng Sangkakristiyanuhan. Pinalalawak ni Jehova ang kaniyang pagtuligsa upang sumaklaw sa lahat ng bansa: “Ako ay lumipol ng mga bansa; ang kanilang mga toreng panulok ay natiwangwang. Winasak ko ang kanilang mga lansangan, anupat hindi na dinaraanan ninuman. Ang kanilang mga lunsod ay iginuho.” (Zefanias 3:6) Lubos na mapagkakatiwalaan ang mga salitang ito anupat si Jehova ay nagsalita hinggil sa pagkawasak na para bang ito ay nangyari na. Ano ang nangyari sa mga lunsod ng Filistia, Moab, at Ammon? At kumusta naman ang kabisera ng Asirya, ang Nineve? Ang pagkawasak ng mga ito ay nagsisilbing isang babalang halimbawa sa mga bansa sa ngayon. Ang Diyos ay hindi malilibak.

Patuloy na Hanapin si Jehova

19. Anong nakapupukaw-kaisipang mga tanong ang maaari nating ibangon?

19 Noong panahon ni Zefanias, ibinuhos ang galit ng Diyos sa mga may-kabalakyutan na ‘ginagawang kapaha-pahamak ang lahat ng kanilang mga pakikitungo.’ (Zefanias 3:7) Gayundin ang mangyayari sa ating panahon. Nakikita mo ba ang katibayan na malapit na ang araw ng galit ni Jehova? Patuloy mo bang ‘hinahanap si Jehova’ sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng kaniyang Salita​—araw-araw? ‘Hinahanap [mo ba] ang katuwiran’ sa pamamagitan ng pamumuhay nang malinis sa moral kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos? At ‘hinahanap [mo ba] ang kaamuan’ sa pamamagitan ng pagpapamalas ng isang maamo at mapagpasakop na saloobin sa Diyos at sa kaniyang mga kaayusan ukol sa kaligtasan?

20. Anong mga tanong ang ating isasaalang-alang sa huling artikulo ng seryeng ito hinggil sa hula ni Zefanias?

20 Kung may katapatan nating patuloy na hahanapin si Jehova, ang katuwiran, at ang kaamuan, maaasahan natin na magtatamasa tayo ng mayamang mga pagpapala ngayon​—oo, maging sa “mga huling araw” na ito na sumusubok ng pananampalataya. (2 Timoteo 3:1-5; Kawikaan 10:22) Ngunit malamang na nais nating itanong, ‘Sa anu-anong paraan tayo pinagpapala bilang mga lingkod ni Jehova sa kasalukuyang panahon, at anong mga pagpapala sa hinaharap ang inilalaan ng hula ni Zefanias para sa mga makukubli sa mabilis na dumarating na araw ng galit ni Jehova?’

Paano Mo Sasagutin?

• Paano ‘hinahanap [ng mga tao] si Jehova’?

• Ano ang kasangkot sa ‘paghanap sa katuwiran’?

• Paano natin ‘mahahanap ang kaamuan’?

• Bakit dapat na patuloy nating hanapin si Jehova, ang katuwiran, at ang kaamuan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 18]

Hinahanap mo ba si Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at marubdob na pananalangin?

[Larawan sa pahina 21]

Dahil patuloy nilang hinahanap si Jehova, isang malaking pulutong ang makaliligtas sa araw ng kaniyang galit