Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Paano dapat malasin ng mga tunay na Kristiyano ang karaniwang gawain ng mga indibiduwal na pagbibigay sa iba ng mga kopya ng komersiyal na software ng mga programa para sa mga computer?
Maaaring may kamaliang ipangatuwiran ng ilan ang gawaing ito sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga pananalita ni Jesus na: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” Mangyari pa, hindi tinutukoy ni Jesus ang pagbibigay ng libreng mga kopya ng literatura o mga programa sa computer (software) na may copyright, na ang paggamit ng gayong bagay ay pinangangasiwaan ng batas. Ang ibig niyang tukuyin ay ang pagbibigay bilang bahagi ng ministeryo. Sinabi ni Jesus sa mga apostol na nagtutungo sa iba‘t ibang lunsod at mga nayon na ipangaral nila ang Kaharian, magpagaling ng mga maysakit, at magpalayas ng mga demonyo. Sa halip na maningil para sa mga ito, ang mga apostol ay dapat ‘magbigay nang walang bayad.’—Mateo 10:7, 8.
Sa pagdami ng personal at pangnegosyong mga computer, maraming tao ang nangangailangan ng software. Ito ay karaniwang binibili. Kung sa bagay, ang
ilang indibiduwal ay gumagawa ng mga programa na makukuha nang libre at na sinasabi nilang maaari itong kopyahin at ibigay sa iba pa. Subalit ang karamihan ng mga software sa computer ay komersiyal na ipinagbibili. Ito man ay para sa kanilang personal na gamit sa bahay o para sa gamit sa negosyo, ang mga gumagamit ng software ay inaasahang bibili nito at magbabayad nito. Kapag kinuha o kinopya ng isang tao ang isang pakete ng software nang hindi nagbabayad, iyan ay ilegal, gaya ng maramihang pag-photocopy ng mga aklat, kahit na ipamimigay ang mga ito nang libre.Karamihan ng mga programa sa computer (pati na ang mga laro) ay sinasaklaw ng isang lisensiya, anupat ang may-ari/gumagamit ay hinihilingang sumunod sa espesipikong mga kasunduan at mga limitasyon. Marami sa mga lisensiyang ito ang bumabanggit na isang tao lamang ang maaaring magpasok at gumamit ng programa—karaniwang ang pagpasok nito ay sa isang computer lamang, ito man ay computer sa bahay o computer sa negosyo o sa paaralan. Sinasabi ng ilang lisensiya na ang gumagamit ay maaaring magkaroon ng backup copy (isang kopyang nakareserba) para sa kaniyang sarili, subalit hindi siya gagawa ng mga kopya para sa ibang tao. Kung gustong ibigay ng may-ari ang buong programa (pati na ang lisensiya at dokumentasyon), maaari niyang gawin ito. Gayunman, sa paggawa nito ay pinuputol niya ang kaniyang karapatan sa paggamit nito. Iba-iba ang lisensiya, kaya dapat alamin ng isang taong bumibili ng isang programa o inaalukan ng isa nito kung ano ang mga itinatakda ng partikular na lisensiyang iyon.
Maraming bansa ang kabahagi sa mga kasunduan sa copyright na nagsasanggalang sa “intelektuwal na pag-aari,” gaya ng mga programa sa computer, at sinisikap nilang ipatupad ang mga batas tungkol sa copyright. Halimbawa, ang The New York Times ng Enero 14, 2000, ay nag-ulat na “inaresto ng mga opisyal ng pulisya sa Alemanya at Denmark ang mga miyembro ng inilalarawan nilang isang malaking gang ng mga namimirata ng mga software” na kumokopya at namamahagi ng mga programa at mga laro sa computer, at nagtitinda pa nga ng ilan sa mga ito sa Internet.
Ano ang paninindigan ng Kristiyanong kongregasyong hinggil dito? Buweno, sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17) Iyan ay nag-uutos sa mga Kristiyano na sumunod sa mga batas ng bansa na hindi naman sumasalungat sa kautusan ng Diyos. Kung tungkol sa mga pamahalaan, si apostol Pablo ay sumulat: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad . . . Siya na sumasalansang sa awtoridad ay naninindigan laban sa kaayusan ng Diyos; yaong mga naninindigan laban dito ay tatanggap ng hatol sa kanilang sarili.”—Roma 13:1, 2.
Ang matatanda sa Kristiyanong kongregasyon ay walang pananagutang tingnan ang mga computer ng iba, na para bang sila’y awtorisado na magpaliwanag at magpatupad ng batas hinggil sa copyright. Subalit sila’y naniniwala at nagtuturo na dapat iwasan ng mga Kristiyano ang pagkuha ng mga bagay na hindi sa kanila at dapat magsikap na maging masunurin sa batas. Nagsasanggalang ito sa mga Kristiyano upang huwag maparusahan bilang mga manlalabag-batas, at nagpapangyari ito na magkaroon sila ng isang mabuting budhi sa harap ng Diyos. Si Pablo ay sumulat: “Kaya nga may mahigpit na dahilan upang magpasakop kayo, hindi lamang dahil sa poot na iyon kundi dahil din sa inyong budhi.” (Roma 13:5) Sa katulad na paraan, ipinahayag ni Pablo ang pagnanais ng tunay na mga Kristiyano sa mga pananalitang: “Nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
[Kahon sa pahina 29]
Ang ilang negosyo at mga paaralan ay bumibili ng mga lisensiya na pangmaramihang-gamit na nagtatakda ng pinakamaraming bilang ng mga gumagamit na pahihintulutan sa paggamit ng programa. Noong 1995, tinalakay ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang isang artikulo na naglalakip ng payong ito:
“Ang karamihan sa mga kompanya na naghahanda at nagtitinda ng mga programa ng computer ay kumukuha ng karapatan para sa mga ito, at sila’y naglalaan ng lisensiya kung paano legal na magagamit ang mga programa. Ang lisensiya ay karaniwang nagsasabi na ang may-ari ay hindi makapagbibigay sa iba ng mga kopya ng programa; sa katunayan, ang paggawa nito ay ginagawang ilegal ng internasyonal na batas sa copyright. . . . Ang ilang malalaking kompanya ay nagtitinda ng mga computer na mayroon nang nakapasok at lisensiyadong mga programa. Gayunman, ang ilang tindahan ng computer ay hindi nagbibigay ng mga lisensiya sapagkat ang mga programa na naipasok na nila ay ilegal na mga kopya, na nangangahulugang nilalabag ng bumili ang batas sa paggamit ng mga programa. Kaugnay nito, dapat iwasan ng mga Kristiyano ang paglalagay, o pagkuha ng impormasyon mula sa mga electronic bulletin board na may copyright (gaya ng mga publikasyon ng Samahan) at na kinokopya nang walang legal na pahintulot mula sa mga may-ari.”