Paghahanap sa mga Karapat-dapat sa Kenya
Paghahanap sa mga Karapat-dapat sa Kenya
ANG Kenya ay isang lupain na may kahanga-hangang likas na kagandahan at karilagan. Ang makakapal na kagubatan, malalawak na kapatagan, napakaiinit na disyerto, at mga bundok na nababalutan ng niyebe ang nagpapaganda sa kawili-wiling lupaing ito. Ito ang tahanan ng mahigit sa isang milyong wildebeest at ng papaubos na rhino. Makakakita rin ang isa ng malalaking kawan ng mga giraffe na bumabagtas sa mga damuhang parang.
Marami rin ang mga nilalang sa himpapawid, mula sa malalakas at sumisibad na mga agila hanggang sa laksa-laksang makukulay na ibong umaawit na pinagmumulan ng kalugud-lugod na mga tunog sa pamamagitan ng kanilang masasayang himig. At sino ang hindi makapapansin sa mga elepante at mga leon? Hindi makalilimutan ang mga tanawin at mga tunog ng Kenya.
Gayunman, may isa pang tunog na naririnig sa buong kaakit-akit na lupaing ito. Ito ang tunog ng libu-libong tinig na naghahayag ng mensahe ng pag-asa. (Isaias 52:7) Ang mga tinig na ito ay nakaaabot sa mga tao na mula sa mahigit na 40 tribo at mga wika. Sa diwang ito, ang Kenya ay isa ring lupain ng espirituwal na kagandahan.
Karamihan ng mga tao sa Kenya ay may-pagkarelihiyoso at handang makipag-usap hinggil sa espirituwal na mga bagay. Sa kabila nito, ang paghahanap ng mga taong makakausap ay isang hamon, dahil ang Kenya, gaya ng maraming iba pang bansa, ay dumaranas ng pagbabago.
Napilitan ang marami na baguhin ang kanilang paraan ng pamumuhay dahil sa mahirap na mga kalagayan sa ekonomiya. Ang mga babae, na karaniwang nagtatrabaho sa tahanan, ay nagtatrabaho na ngayon sa mga tanggapan o sa kahabaan ng mga lansangan na nagbebenta ng mga prutas, gulay, isda, at mga niláláng basket. Ang mga lalaki ay nagtatrabaho nang mahahaba at nakahahapong oras sa pagsisikap na mapaglaanan ang kanilang mga pamilya. Maging ang mga anak, na ang kanilang maliliit na kamay ay puno ng mga pakete ng mga inihaw na mani at nilagang itlog, ay lumalakad sa mga lansangan na nagbebenta ng kanilang mga paninda. Ang resulta nito ay iilang tao lamang ang nasa bahay kung araw. Ang kalagayang ito ang nag-udyok sa mga tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian na gumawa ng mga pagbabago.
Pinayuhan ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na magtuon nang higit na pansin sa mga taong nasa labas ng kanilang mga tahanan na nagsasagawa ng kanilang pang-araw-araw na mga gawain, gayundin sa mga kaibigan, kamag-anak, negosyante, at mga kamanggagawa. At tumugon ang mga kapatid, na nakikipag-usap sa mga tao saanman masumpungan ang mga ito. (Mateo 10:11) Nagbunga ba ang pagsisikap na ito na magpalawak? Oo, gayon nga! Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Ang mga Kamag-anak—Ang Ating Pinakamalalapit na Kapuwa
Ang kabisera ng Kenya, ang Nairobi, ay may tatlong milyong mamamayan. Sa silangang bahagi ng lunsod ay nakatira ang isang retiradong komandante sa hukbo na matagal nang may karaniwang pagkayamot sa mga Saksi ni Jehova, bagaman, sa kaniyang pagkadismaya, ang kaniyang sariling anak na lalaki ay isang Saksi. Isang buwan ng Pebrero, ang retiradong opisyal ay naglakbay nang 160 kilometro patungo sa bahay ng kaniyang anak sa Rift Valley sa bayan ng Nakuru. Sa kaniyang pagdalaw, niregaluhan siya ng kaniyang anak—ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. a Tinanggap ito ng ama at lumisan.
Pag-uwi sa bahay, ibinigay ng dating opisyal ang aklat sa kaniyang asawa, na nagsimulang bumasa nito, nang hindi natatantong ito’y inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Unti-unti, nagsimulang maantig ang kaniyang puso ng katotohanan sa Bibliya at ibinahagi niya ang impormasyon sa kaniyang asawang lalaki. Dahil sa pag-uusisa, sinimulan din niyang basahin ang aklat. Nang kanilang matuklasan kung sino ang naglathala, nabatid nilang hindi nasabi sa kanila ang katotohanan hinggil sa mga Saksi ni Jehova. Nakipag-alam sila sa mga Saksi roon, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Mula sa kanilang sariling pagbabasa ng aklat, natanto nilang hindi maka-Kristiyano ang gumamit o magtinda ng tabako. (Mateo 22:39; 2 Corinto 7:1) Nang walang pag-aatubili, sinira nilang lahat ang mga sigarilyo sa kanilang tindahan. Pagkalipas ng ilang buwan ay naging kuwalipikado sila na maging mga di-bautisadong mamamahayag, at di-nagtagal ay nabautismuhan sila sa isang pandistritong kombensiyon.
Kayamanan Mula sa Basura
Sa ilang bahagi ng kabiserang distrito, may mga lumalaking nayon na tinitirhan ng daan-daang libong tao. Dito ay makakakita ang isa ng maraming hanay ng mga tahanan na gawa sa putik, kahoy, mga pinagtabasan ng metal o mga yero. Kapag mahirap maghanap ng trabaho sa mga industriya at mga pabrika, gumagawa ng paraan ang mga tao. Ang mga manggagawang Jua kali (Swahili para sa “malupit na araw”) ay nagtatrabaho sa gitna ng kasikatan ng araw, na gumagawa ng mga sandalyas mula sa mga lumang gulong ng kotse o mga lamparang de-gaas mula sa itinapong mga lata. Kinakalkal naman ng iba ang mga bunton ng basura at mga basurahan sa paghahanap ng papel, mga lata, at mga bote upang iresiklo.
Mayroon bang kayamanan sa basura! Oo! Naalaala ng isang kapatid na lalaki: “Isang malakas, marungis, at mukhang-sangganong lalaki, na may dala-dalang isang malaking plastik na sako na puno ng itinapong mga diyaryo at mga magasin, ang pumasok sa bakuran ng aming Assembly Hall. Matapos sabihin sa akin na ang kaniyang pangalan ay William, nagtanong siya: ‘Mayroon ba kayong pinakabagong mga isyu ng Ang Bantayan?’ Medyo nag-alala ako, na iniisip kung ano ang kaniyang intensiyon. Nang ipakita ko sa kaniya ang limang kopya ng magasin, tiningnan niya ito nang isa-isa at sinabi: ‘Kukunin kong lahat ito.’ Palibhasa’y nabigla, bumalik ako sa aking silid at kinuha ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. b Ipinakita ko sa kaniya ang larawan ng Paraiso at ipinaliwanag na nagdaraos kami ng pag-aaral sa Bibliya sa mga tao nang walang bayad. Pagkatapos ay iminungkahi ko: ‘William, bakit di ka kaya bumalik bukas at pasisimulan natin ang pag-aaral?’ Gayon nga ang ginawa niya!
“Isang araw ng Linggo ay dumalo siya sa pulong sa unang pagkakataon. Ako ang nagpapahayag pangmadla nang araw na iyon. Nang pumasok si William, agad niyang sinulyapan ang mga tagapakinig, nakita niya ako sa plataporma at kumaripas nang takbo palabas ng bulwagan. Nang tanungin ko siya kung bakit niya ginawa iyon. Sumagot siya nang
medyo nahihiya: ‘Napakalinis kasi ng mga tao. Ninerbiyos tuloy ako.’“Habang sumusulong si William sa kaniyang pag-aaral, nagsimulang baguhin ng katotohanan sa Bibliya ang kaniyang buhay. Naligo siya, nagpagupit, nagsuot ng malinis at maayos na mga damit, at di-nagtagal ay naging regular sa mga pulong. Nang ilabas ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, sinimulan naming pag-aralan ito. Samantala, dalawang beses na siyang nagpahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at naging isa nang di-bautisadong mamamahayag. Tuwang-tuwa ako na tanggapin siya bilang aking espirituwal na kapatid nang mabautismuhan siya sa pantanging araw ng asamblea.”
Saan unang nakita ni William ang kahalagahan ng magasing Bantayan? “Nakasumpong ako ng ilang kopya kasama ng mga itinapong papel sa basurahan.” Oo, nakasumpong siya ng kayamanan sa gayong di-sukat akalaing paraan!
Pagpapatotoo sa Lugar ng Trabaho
Tayo ba’y laging alisto sa mga pagkakataon para sa di-pormal na pagpapatotoo sa ating lugar ng trabaho? Naipakilala kay James, isang matanda sa isang kongregasyon sa Nairobi, ang katotohanan sa Bibliya sa gayong paraan. At siya naman ay naging mahusay sa paggamit ng pamamaraang ito upang maabot ang iba. Halimbawa, sa isang pagkakataon, nakita ni James ang isang kamanggagawa na pumasok sa trabaho na nakasuot ng badge na “Jesus Saves.” Sa pagtulad sa ebanghelisador na si Felipe, tinanong ni James ang katrabaho: “Talaga bang nauunawaan mo ang kahulugan ng mga salitang iyan?” (Gawa 8:30) Ang tanong na iyon ay nagbukas ng isang mainam na pag-uusap. Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at ang lalaki ay nabautismuhan nang maglaon. Naging matagumpay rin ba si James sa iba? Hayaan mong ipaliwanag niya:
“Magkatrabaho kami ni Tom sa isang kompanya. Madalas kaming magkasamang sumasakay sa aming bus para sa mga kawani. Isang umaga, nagkataong nagkatabi kami sa upuan. Binabasa ko ang isa sa ating mga aklat, at hinawakan ko ito sa paraang tiyak na makikitang mabuti ito ni Tom. Gaya ng aking inaasahan, napukaw ang kaniyang pansin, at malugod kong ipinahiram sa kaniya ang aking aklat. Lubha siyang humanga sa kaniyang nabasa at sumang-ayon na magkaroon ng pag-aaral sa Bibliya. Sila ng kaniyang asawa ngayon ay mga bautisadong lingkod ni Jehova.”
Nagpatuloy si James: “Madalas kapag oras ng tanghalian sa aming kompanya, maraming lubhang kawili-wiling mga pag-uusap. Iyan ay nang, sa magkahiwalay na mga pagkakataon, nakilala ko sina Ephraim at Walter. Kapuwa nila alam na ako’y isang Saksi. Interesado si Ephraim na maunawaan kung bakit napakaraming sumasalungat sa mga Saksi ni Jehova. May mga katanungan naman si Walter hinggil sa pagkakaiba ng mga Saksi at ng ibang mga relihiyon. Kapuwa sila lubhang nasiyahan sa maka-Kasulatang mga sagot na ibinigay ko at pumayag silang mag-aral. Naging mabilis ang pagsulong ni Ephraim. Sa kalaunan, kapuwa sila ng kaniyang asawa ay nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova. Naglilingkod na siya ngayon bilang isang matanda, at ang kaniyang asawa ay isang regular pioneer. Gayunman, si Walter ay napaharap sa napakatinding pagsalansang anupat itinapon niya ang kaniyang aklat na pinag-aaralan. Gayunman, dahilan sa aking pagtitiyaga ay ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral. Tinatamasa din niya sa ngayon ang pribilehiyo ng paglilingkod bilang isang matanda.” Lahat-lahat, 11 katao ang naging tunay na mga Kristiyano dahil sinamantala ni James ang mga pagkakataon upang magpatotoo sa di-pormal na paraan sa kaniyang lugar ng trabaho.
Isang Totoong Kagila-gilalas na Resulta
Sa isang maliit na nayon sa baybayin ng Lake Victoria, nagkatipon ang mga kaibigan at mga kamag-anak sa isang seremonya ng libing. Kabilang sa mga nagdadalamhati ay isang may-edad nang Saksi. Nilapitan niya ang isang guro sa paaralan na nagngangalang Dolly at ipinaliwanag sa kaniya ang kalagayan ng mga patay at ang layunin ni Jehova na alisin
ang kamatayan magpakailanman. Nang mapansin ang kaniyang mabuting pagtugon, kaniyang tiniyak dito: “Pag-uwi mo sa bayan mo, isa sa aming mga misyonero ang dadalaw sa iyo at magtuturo sa iyo ng Bibliya.”Ang bayan ni Dolly ang ikatlong pinakamalaking lunsod sa Kenya. Apat lamang na misyonerong Saksi ang naglilingkod doon nang panahong iyon. Hindi naman aktuwal na ipinagbigay-alam ng may-edad nang kapatid na lalaki sa mga misyonero na dalawin si Dolly. Lubos lamang siyang nagtitiwala na gayon nga ang mangyayari. At nagkagayon nga! Sa loob nang maikling panahon, isang misyonera ang nakipag-usap kay Dolly at pinasimulan ang isang pag-aaral ng Bibliya sa kaniya. Si Dolly ay bautisado na ngayon, ang kaniyang kabataang anak na babae ay nakatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay bautisado na rin. Tinamasa pa nga niya ang kagalakan na makadalo sa Pioneer Service School.
Pag-aasikaso sa Pagsulong
Ang pagdiriin sa di-pormal na pagpapatotoo ay nagpangyari sa libu-libo pa na makapakinig ng mabuting balita sa Kenya. Mahigit na 15,000 mamamahayag ang abala ngayon sa napakahalagang gawaing ito, at mahigit sa 41,000 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong nakaraang taon. Sa buong Kenya, ang bilang ng dumadalo ay madalas na doble ng bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian. Ito’y lumikha ng pangangailangan para sa marami pang mga Kingdom Hall.
Ang mga Kingdom Hall ay itinatayo kapuwa sa malalaking lunsod at sa liblib na mga lugar. Ang isa sa mga ito ay matatagpuan sa nabubukod na bayan ng Samburu na mga 320 kilometro sa hilagang-silangan ng Nairobi. Noong 1934, ang bayan ay tinawag na Maralal, na nangangahulugang “kumikislap-kislap” sa wikang Samburu, sapagkat ang kauna-unahang bubong na yero na ginamit doon ay kumikinang sa ilalim ng araw. Animnapu’t dalawang taon ang nakalipas, isa pang gusali na may bubong na yero ang itinayo sa Maralal. Ito ay “kumikinang” at “kumikislap” din sapagkat ito ang dako roon para sa tunay na pagsamba.
Ang 15 mamamahayag ay gumawa ng kahangahangang pagsisikap upang maitayo ang kauna-unahang Kingdom Hall sa liblib na bahaging ito ng Kenya. Limitado ang pondo, kaya ang mga kapatid ay umasa sa lokal na mga materyales. Gumawa sila ng mga dingding mula sa pulang lupa na binasa ng tubig at siniksik nang mabuti sa pagitan ng nakatindig na mga poste. Ang mga dingding ay pinakinis at pinalitadahan ng pinaghalong dumi ng baka at abo, na naging matigas na pinakaibabaw na tumatagal nang maraming taon.
Upang makakuha ng mga poste para sa gusali, ang mga kapatid ay humingi ng pahintulot na pumutol ng mga puno. Ngunit ang pinakamalapit na gubat ay mga sampung kilometro ang layo. Ang mga kapatid na lalaki at babae ay kailangang maglakad patungo sa gubat, pumutol ng mga puno, putulin ang mga sanga nito, at buhatin ang mga poste pabalik sa lugar na pagtatayuan. Minsan, nang pabalik sila mula sa gubat, ang mga kapatid ay pinahinto ng pulis, na nagsabing walang bisa ang kanilang pahintulot. Sinabi ng pulis sa isang special pioneer na siya ay inaaresto dahil sa pagputol ng mga puno. Isang kapatid na babae doon, na kilala sa komunidad at ng pulis, ang nagsalita: “Kung aarestuhin mo ang aming kapatid, kailangang arestuhin mo kaming lahat, yamang kaming lahat ang pumutol sa mga puno!” Kaya hinayaan na silang lahat ng pulis.
May mababangis na hayop sa gubat, kaya ang paglalakad doon ay mapanganib. Isang araw ay pumutol ng puno ang isang kapatid na babae ng puno. Pagbagsak nito sa lupa, nakita niya ang isang hayop na tumalon at tumakbo. Inakala niya mula sa biglang tingin sa kayumangging kulay nito na ito’y isang impala, ngunit nang maglaon ay nakita niya sa mga bakas ng paa na iyon pala’y isang leon! Sa kabila ng gayong mga panganib, natapos ng mga kapatid ang bulwagan, at ito’y nagsisilbing isang “kumikislap-kislap” na pinagmumulan ng papuri kay Jehova.
Ang Pebrero 1, 1963 ay isang mahalagang araw sa teokratikong kasaysayan ng Kenya. Nang araw na iyon, ang kauna-unahang tanggapang pansangay ay binuksan, isang silid lamang na 7.4 metro kudrado. Ang Oktubre 25, 1997 ay isa pang mahalagang pangyayari sa teokratikong kasaysayan ng Kenya—ang araw ng pag-aalay ng mga bagong gusali ng Bethel na may lawak na 7,800 metro kudrado! Ang natapos na proyekto ay isang maringal na kasukdulan ng tatlong taóng masigasig na pagpapagal. Inayos ng mga boluntaryo mula sa 25 iba’t ibang bansa ang isang maputik at masukal na 3.2 ektaryang bukid hanggang sa maging isang magandang tulad-harding tanawin para sa bagong pasilidad ng sangay, na tinutuluyan ng 80 miyembro ng pamilyang Bethel.
Taglay natin ang lahat ng dahilan upang magsaya sa ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan. Salamat sa kaniya dahil sa pagpukaw sa puso ng kaniyang mga lingkod na magpalawak at pag-ibayuhin ang paghahanap sa mga karapat-dapat sa Kenya, na ginagawa itong isang lupain ng espirituwal na kagandahan.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.