Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inalalayan ni Jehova sa Buong Buhay Ko

Inalalayan ni Jehova sa Buong Buhay Ko

Inalalayan ni Jehova sa Buong Buhay Ko

AYON SA SALAYSAY NI FORREST LEE

Kakukumpiska pa lamang ng pulisya sa aming mga grapopono at sa aming literatura sa Bibliya. Ang Digmaang Pandaigdig II ang idinahilan ng mga mananalansang upang mahikayat ang bagong gobernador-heneral ng Canada na ideklarang labag sa batas ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nangyari ito noong Hulyo 4, 1940.

PALIBHASA’Y hindi natakot sa nangyari, kumuha kami ng higit pang literatura mula sa pinag-iimbakan nito at nagpatuloy sa aming pangangaral. Lagi kong aalalahanin ang pananalita ni Itay sa okasyong iyon: “Hindi tayo basta-basta humihinto. Si Jehova ang nag-utos sa atin na mangaral.” Nang panahong iyon, ako’y isang masiglang sampung-taóng-gulang. Subalit kahit na sa ngayon, ang determinasyon ni Itay at ang sigasig niya sa ministeryo ay patuloy pa ring nagpapaalaala kung paano inaalalayan ng aming Diyos, si Jehova, ang kaniyang mga matapat.

Nang sumunod na pagkakataong pahintuin kami ng pulisya, hindi lamang nila kinuha ang aming literatura kundi ibinilanggo rin nila si Itay, anupat si Inay na lamang ang naiwan na kasama ang apat na mga anak. Nangyari iyan noong Setyembre 1940 sa Saskatchewan. Di-nagtagal pagkatapos niyan ay pinaalis ako sa paaralan dahil sa pagsunod ko sa aking budhing sinanay sa Bibliya at hindi pagsaludo sa bandila o pag-awit ng pambansang awit. Ang pagpapatuloy ko ng aking pag-aaral sa pamamagitan ng correspondence school ay nagpahintulot sa akin ng isang maluwag na iskedyul, at nakabahagi ako nang higit na lubusan sa gawaing pangangaral.

Noong 1948 ay nagkaroon ng panawagan para sa mga payunir, buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, na lumipat sa silangang baybayin ng Canada. Kaya nagpayunir ako sa Halifax, Nova Scotia, at sa Cape Wolfe, Prince Edward Island. Nang sumunod na taon, tinanggap ko ang paanyaya na magtrabaho sa loob ng dalawang linggo sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Toronto. Ang dalawang linggo na iyon ay umabot nang mahigit na anim na kasiya-siyang mga taon ng paglilingkod. Nang maglaon, nakilala ko si Myrna, na umiibig din kay Jehova, at kami’y nagpakasal noong Disyembre 1955. Tumira kami sa Milton, Ontario, at di-nagtagal ay isang bagong kongregasyon ang natatag doon. Ang silong ng aming bahay ang naging Kingdom Hall.

Hangaring Palawakin ang Aming Ministeryo

Sa sumunod na mga taon, kami’y naging mga magulang ng anim na sunud-sunod na mga anak. Ang aming anak na si Miriam ang panganay. Pagkatapos ay si Charmaine, Mark, Annette, Grant, at si Glen ang bunso. Madalas kong datnan sa bahay pagkagaling ko sa trabaho ang mga bata na nakaupo sa sahig sa palibot ng dapugang may tsiminea, na binabasahan sila ni Myrna mula sa Bibliya, ipinaliliwanag ang mga kuwento sa Bibliya at ikinikintal sa kanilang mga puso ang tunay na pag-ibig kay Jehova. Dahil sa kaniyang maibiging suporta, lahat ng aming anak ay nagkaroon ng sapat na kaalaman sa Bibliya sa murang gulang.

Ang sigasig ng aking ama sa ministeryo ay nag-iwan ng di-mabuburang impresyon sa aking isipan at puso. (Kawikaan 22:6) Kaya, noong 1968, nang anyayahang lumipat ang mga pamilya ng mga Saksi ni Jehova sa Sentral at Timog Amerika upang tumulong sa gawaing pangangaral, ninais ng aming pamilya na tumugon sa panawagan. Noong panahong iyon, ang edad ng aming mga anak ay mula 5 hanggang 13, at wala ni isa man sa amin ang nakaaalam ng kahit isang salitang Kastila. Sa pagsunod sa ibinigay na tagubilin, naglakbay ako sa iba’t ibang bansa upang alamin ang mga kalagayan ng pamumuhay. Pagbalik ko, bilang isang pamilya ay may pananalanging isinaalang-alang namin ang aming mga mapagpipilian at nagpasiya kaming lumipat sa Nicaragua.

Paglilingkod sa Nicaragua

Noong Oktubre 1970, kami ay nasa aming bagong tahanan, at sa loob ng tatlong linggo ay naatasan ako ng isang maliit na bahagi sa programa sa isang pulong ng kongregasyon. Pinagsikapan ko ang aking bahagi sa aking napakalimitadong Kastila at tinapos ko ito sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa buong kongregasyon sa aming tahanan para sa cerveza sa Sabado sa ganap na ika-9:30 n.u. Ang ibig ko sanang sabihin ay servicio, ang salita para sa paglilingkod sa larangan, ngunit sa katunayan, inaanyayahan ko ang lahat para magserbesa. Talagang isang hamon ang pag-aaral ng wika!

Sa simula, isinusulat ko ang aking presentasyon sa aking kamay at sinasanay ko ito habang ako’y patungo sa pintuan. Ganito ang sasabihin ko: “Kasama ng aklat ang isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.” Isang tao na tumanggap sa alok na ito ang nagsabi nang dakong huli na kinailangan niyang dumalo sa ating mga pulong upang tiyakin ang nais kong sabihin sa kaniya. Ang taong ito ay naging isang Saksi ni Jehova. Anong liwanag nga na ang Diyos ang nagpapatubo sa mga binhi ng katotohanan sa mapakumbabang mga puso, gaya ng kinilala ni apostol Pablo!​—1 Corinto 3:7.

Pagkaraan ng mga dalawang taon sa kabiserang lunsod ng Managua, kami’y hinilingan na lumipat sa gawing timog ng Nicaragua. Doon, kami ay gumawang kasama ng kongregasyon sa Rivas at sa kalapit na mga grupo ng mga interesadong tao sa liblib na dako. Si Pedro Peña, isang tapat at may edad nang Saksi, ang sumama sa akin nang dumalaw kami sa mga grupong ito. Ang isa ay nasa bulkanikong isla sa Lawa ng Nicaragua, kung saan may isa lamang pamilyang Saksi ni Jehova.

Bagaman kaunti lamang ang tinataglay ng pamilyang ito sa materyal na paraan, sila ay gumawa ng malaking pagsisikap upang magpakita ng pagpapahalaga sa aming pagdalaw. Noong gabi na dumating kami, handa na ang pagkain para sa amin. Nanatili kami roon sa loob ng isang linggo, at ibinahagi ng maraming mababait na tao na umiibig sa Bibliya ang kanilang pagkain sa amin. Tuwang-tuwa kami na may 101 na dumalo sa pahayag pangmadla sa Bibliya noong Linggo.

Nadama ko ang umaalalay na lakas ni Jehova nang, sa isa pang pagkakataon, kami’y dadalaw sa isang grupo ng mga interesadong tao sa kabundukan na malapit sa hangganan ng Costa Rica. Noong araw na aalis kami, dumating si Pedro upang sunduin ako, subalit ako’y nakaratay sa higaan at may malarya. “Hindi ako makasasama, Pedro,” ang sabi ko. Ipinatong niya ang kaniyang kamay sa aking noo at sinabi: “Inaapoy ka ng lagnat, subalit kailangan mong sumama! Naghihintay ang mga kapatid.” Pagkatapos ay binigkas niya ang isa sa pinakataos-pusong panalangin na kailanma’y narinig ko.

Pagkatapos, ang sabi ko: “Kumuha ka ng maiinom mong fresco (inuming mula sa prutas). Handa na ako sa loob ng mga sampung minuto.” Dalawang pamilyang Saksi ang nakatira sa lugar na dinalaw namin, at inasikaso kami nang husto. Kinabukasan ay nangaral kami na kasama nila, bagaman mahina pa ako dahil sa lagnat. Talaga ngang nakapagpapalakas na makita ang mahigit na isang daang katao na dumalo sa aming pulong noong Linggo!

Lumipat Na Naman

Noong 1975 ay isinilang ang aming ikapitong anak, si Vaughn. Nang sumunod na taon, kailangan naming bumalik sa Canada sa mga kadahilanang pinansiyal. Hindi madaling lisanin ang Nicaragua sapagkat talagang nadama namin ang umaalalay na lakas ni Jehova sa panahon ng aming pamamalagi roon. Nang umalis kami, mahigit nang 500 mula sa teritoryo ng aming kongregasyon ang dumadalo sa mga pulong.

Bago nito, nang kami ng aming anak na si Miriam ay naatasang mga special pioneer sa Nicaragua, tinanong ako ni Miriam: “Itay, kung sakaling kailangan ninyong bumalik sa Canada, hahayaan po ba ninyo akong manatili rito?” Wala akong balak na umalis, kaya ang sabi ko: “Aba, oo naman!” Kaya nang umalis kami, naiwan si Miriam upang ipagpatuloy ang kaniyang buong-panahong ministeryo. Nang maglaon, napangasawa niya si Andrew Reed. Noong 1984, nag-aral sila sa ika-77 klase ng Gilead, ang paaralan sa pagmimisyonero ng mga Saksi ni Jehova, na noo’y nasa Brooklyn, New York. Si Miriam ngayon ay naglilingkod kasama ng kaniyang asawa sa Dominican Republic, na tinutupad ang isang hangaring naitimo sa kaniya ng mahuhusay na mga misyonero sa Nicaragua.

Samantala, ang mga salita ni Itay, “hindi tayo basta-basta humihinto,” ay nag-aalab pa rin sa aking puso. Kaya noong 1981, nang kami’y makapag-impok ng sapat na pera upang makabalik sa Sentral Amerika, lumipat na naman kami, sa pagkakataong ito ay sa Costa Rica. Habang naglilingkod doon, inanyayahan kaming tumulong sa pagtatayo ng mga pasilidad ng kanilang bagong sangay. Gayunman, noong 1985, ang aming anak na si Grant ay nangailangang ipagamot, kaya nagbalik kami sa Canada. Nanatili si Glen sa Costa Rica upang magtrabaho sa proyekto na pagtatayo ng sangay, samantalang sina Annette at Charmaine ay naglingkod bilang mga special pioneer. Hindi namin pinangarap kailanman na kaming mga umalis sa Costa Rica ay hindi na babalik.

Pagharap sa Kagipitan

Noong Setyembre 17, 1993, maliwanag at maaraw ang bukang-liwayway. Kami ng aming panganay na lalaki, si Mark ay naglalagay ng shingle (maliliit na piraso ng kahoy na pambubong) sa bubungan. Magkatabi kaming gumagawa at nag-uusap tungkol sa espirituwal na mga bagay, gaya ng nakaugalian namin. Sa paano man ay nawalan ako ng panimbang at nahulog ako mula sa bubong. Nang magkamalay ako, pawang maliliwanag na ilaw at mga taong nakaputing damit ang nakikita ko. Ito ang trauma room ng ospital.

Dahil sa sinasabi ng Bibliya, ang una kong reaksiyon ay: “Walang pagsasalin ng dugo, walang pagsasalin ng dugo!” (Gawa 15:28, 29) Nakapagbibigay-katiyakan na marinig si Charmaine na nagsasabi: “Ayos na, Itay. Narito kaming lahat.” Nang maglaon ay nalaman ko na nakita ng mga doktor ang aking medical document, at hindi kailanman naging isyu ang paggamit ng dugo. Nabali ang aking leeg at ako’y ganap na naparalisa, hindi pa nga ako makahinga sa ganang sarili.

Palibhasa’y hindi makakilos, higit kailanman ay kailangan ko ang alalay ni Jehova. Isang operasyon sa aking lalaugan (tracheotomy) ang isinagawa upang maipasok ang isang tubong hingahan, at hadlangan ang pagdaan ng hangin sa aking kuwerdas bokales. Hindi ako makapagsalita. Kailangang basahin ng mga tao ang aking labi upang maunawaan ang aking sinasabi.

Mabilis na lumaki ang gastusin. Yamang ang aking asawa at ang karamihan ng aking mga anak ay nasa buong-panahong ministeryo, nag-iisip ako kung kakailanganin kaya nilang umalis sa paglilingkod na ito upang asikasuhin ang pinansiyal na mga pananagutang ito. Gayunman, si Mark ay nakapagtrabaho anupat sa loob lamang ng tatlong buwan ay nakatulong upang mabayaran ang karamihan sa gastusing ito. Bunga nito, ang lahat ay nakapanatili sa buong-panahong ministeryo maliban sa aming mag-asawa.

Daan-daang kard at liham mula sa anim na iba’t ibang bansa ang nasa dingding ng aking silid sa ospital. Talagang inaalalayan ako ni Jehova. Tinulungan din ng kongregasyon ang aking pamilya sa pamamagitan ng paglalaan ng mga pagkain sa loob ng bahagi ng limang buwan at kalahati na ako’y nasa intensive care unit. Araw-araw, isang Kristiyanong matanda ang gumugugol ng isang hapon na kasama ko, na binabasahan ako ng Bibliya at mga publikasyon sa Bibliya at gayundin ng nakapagpapatibay na mga karanasan. Dalawang miyembro ng aking pamilya ang naghahanda para sa bawat pulong ng kongregasyon na kasama ko, kaya hindi ako kailanman sumala sa pagkain ng mahalagang espirituwal na pagkain.

Samantalang ako’y nasa ospital, gumawa ng kaayusan upang ako’y makadalo sa isang programa ng pantanging araw na asamblea. Isinaayos ng mga kawani sa ospital na samahan ako buong araw ng isang rehistradong nars at isang respiratory technician. Anong laking kaluguran na muling makasama ang aking mga Kristiyanong kapatid! Hinding-hindi ko malilimutan na makita ang daan-daan na pumipila at naghihintay ng kanilang pagkakataon upang batiin ako.

Pagpapanatili sa Espirituwalidad

Mga isang taon pagkatapos ng aksidente, nakauwi na ako ng bahay na kasama ng aking pamilya, bagaman nangangailangan pa rin ako ng pangangalaga ng nars sa loob ng 24-na-oras bawat araw. Isang pantanging nasasangkapang sasakyan ang nagpapangyaring ako’y makapunta sa mga pulong, na bihira kong hindi madaluhan. Subalit, aaminin ko na nangangailangan ng determinasyon upang dumalo. Mula nang umuwi ako ng bahay, nadaluhan ko ang lahat ng pandistritong mga kombensiyon.

Sa wakas, noong Pebrero 1997, muli akong nakapagsalita subalit limitado lamang. Ang ilan sa aking mga nars ay may pagpapahalagang nakikinig habang ibinabahagi ko sa kanila ang aking salig-Bibliyang pag-asa. Binasa sa akin ng isang nars ang buong aklat na Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos pati na ang iba pang publikasyon ng Watch Tower. Nakikipagsulatan ako sa mga tao sa pamamagitan ng paggamit ng isang patpat upang gamitin ang computer. Bagaman ang pagmamakinilya sa ganitong paraan ay napakahirap, kasiya-siya na makapanatiling nakikibahagi sa ministeryo.

Matinding hirap ang dinaranas ko sa kirot ng nerbiyo. Subalit waring kapag ibinabahagi ko ang mga katotohanan ng Bibliya sa iba o pinakikinggan kong binabasa ito sa akin, nakadarama ako ng ginhawa. Paminsan-minsan, nagpapatotoo ako sa lansangan kasama ng aking matulunging asawa, na nagpapaliwanag para sa akin kung kailangan ko ng tulong. Sa ilang pagkakataon, nakapaglingkuran ako bilang isang auxiliary pioneer. Ang paglilingkod bilang isang Kristiyanong matanda ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, lalo na kapag nilalapitan ako ng mga kapatid sa mga pulong o sa pagdalaw nila sa akin sa bahay at natutulungan at napalalakas ko sila.

Inaamin ko na madaling makadama ng panlulumo. Kaya kailanma’t ako’y nanlulumo, agad akong nananalangin upang ako’y magkaroon ng kagalakan. Gabi’t araw akong nananalangin na patuloy akong alalayan ni Jehova. Ang isang liham o pagdalaw ay laging nagpapasaya sa akin. Ang pagbabasa ng magasing Bantayan o Gumising! ay pumupuno rin sa aking isipan ng nakapagpapatibay na mga kaisipan. Iba-ibang nars ang kung minsa’y nagbabasa para sa akin ng mga magasin. Mula noong ako’y maaksidente, pitong ulit ko nang napakinggan ang buong Bibliya sa mga cassette tape. Ito ang iba’t ibang paraan na inalalayan ako ni Jehova.​—Awit 41:3.

Ang pagbabago ng aking kalagayan ay nagbigay sa akin ng maraming panahon upang magbulay-bulay kung paano tayo tinuturuan ng ating Dakilang Tagapagturo, si Jehova, tungkol sa buhay. Binigyan niya tayo ng tumpak na kaalaman tungkol sa kaniyang kalooban at layunin, isang makabuluhang ministeryo, payo hinggil sa lihim ng kaligayahan sa pamilya, at kaunawaan upang malaman kung ano ang gagawin sa kagipitan. Pinagpala ako ni Jehova ng isang tapat at kahanga-hangang asawa. Ang aking mga anak ay matapat ding sumuporta sa akin, at isang kagalakan para sa akin na silang lahat ay nakibahagi sa buong-panahong ministeryo. Sa katunayan, noong Marso 11, 2000, ang aming anak na si Mark at ang kaniyang asawa, si Allyson, ay nagtapos sa ika-108 na klase ng Paaralang Gilead at naatasan sa Nicaragua. Kaming mag-asawa ay nakadalo sa kanilang gradwasyon. Talagang masasabi kong binago ng kagipitan ang aking buhay subalit hindi ang aking puso.​—Awit 127:3, 4.

Ako’y nagpapasalamat kay Jehova sa karunungan na ibinigay niya upang maipasa ko sa aking pamilya ang espirituwal na pamana na aking tinanggap. Ako’y napalalakas at napatitibay na makita ang aking mga anak na naglilingkod sa kanilang Maylalang taglay ang isang saloobin na katulad niyaong sa aking ama, na nagsabi, “Hindi tayo basta-basta humihinto. Si Jehova ang nag-utos sa atin na mangaral.” Tunay, inalalayan ako ni Jehova at ang aking pamilya sa buong buhay namin.

[Larawan sa pahina 24]

Kasama si Itay, ang aking mga kuya, at ang aking ate, katabi ng aming kotseng bahay, na ginamit noong mga panahon ng pagpapayunir. Ako ang nasa kanan

[Larawan sa pahina 26]

Kasama ang aking asawa na si Myrna

[Larawan sa pahina 26]

Isang kamakailang litrato ng aming pamilya

[Larawan sa pahina 27]

Nagpapatotoo pa rin ako sa pamamagitan ng mga liham