Maaari Ka Bang Maging Tunay na Maligaya?
Maaari Ka Bang Maging Tunay na Maligaya?
BINATI ni George ang lahat ng tao nang may ngiti. Para sa kaniya, ang buhay ay isang mahalagang kaloob na nagdudulot ng kasiyahan. Kilala siya sa pagiging maligaya at optimistiko—lalo na nang dumaranas na siya ng mga hirap ng pagtanda. Hanggang sa kaniyang kamatayan, nakilala si George bilang isang maligayang tao. Maligaya ka bang katulad ni George? Minamalas mo ba ang bawat bagong araw na isang kaloob na nagdudulot ng kasiyahan? O ang pag-asa ba hinggil sa isang bagong araw ay nagdudulot ng kapanglawan o pangamba pa nga sa iyo? Mayroon bang nag-aalis ng iyong kaligayahan?
Binigyang-katuturan ang kaligayahan bilang isang kalagayan ng namamalaging antas ng kasiyahan. Mahahalata rito ang mga damdamin na dito’y saklaw ang pagiging kontento hanggang sa malalim at masidhing kagalakan at ang likas na hangarin na magpatuloy ang kalagayang ito. Talaga bang umiiral ang gayong kaligayahan?
Sa ngayon, itinataguyod ng lipunan ang pangmalas na ang mga tao ay magiging maligaya tangi lamang kung sila ay may sapat na yaman. Milyun-milyon ang umaalinsabay sa mabilis na takbo ng buhay dahil sa kanilang apurahang pagsisikap na yumaman. Sa paggawa nito, isinasakripisyo ng marami ang personal na mga ugnayan at iba pang mahahalagang bagay sa buhay. Tulad ng mga langgam sa isang punso, patuloy silang nagmamadali, at wala silang gaanong panahon para sa pagbubulay-bulay o para sa isa’t isa. Mauunawaan kung gayon na “ang bilang ng mga taong nasuring nanlulumo ay pataas nang pataas,” ang sabi ng isang ulat sa Los Angeles Times, “at pabata nang pabata ang edad niyaong nagsisimulang makaranas [ng panlulumo]. . . . Ang mga gamot na panlaban sa panlulumo ay siyang pinakamabili ayon sa talaan ng mga kompanya ng gamot.” Milyun-milyon ang gumagamit ng mga bawal na gamot o nagsisikap na lunurin ang kanilang mga problema sa pamamagitan ng inuming de-alkohol. Ang iba naman ay walang-patumanggang namimili kapag sila ay nanlulumo. Sa isang surbey, “lumitaw na ang mga
babae ang pinakamadaling magpakasasa sa pamimili bilang lunas sa panlulumo,” ang sabi ng pahayagan sa Britanya na The Guardian. “Tatlong beses ang kahigitan nila kaysa sa mga lalaki pagdating sa pamimili kapag nanlulumo.”Gayunman, hindi masusumpungan ang tunay na kaligayahan sa tindahan, sa inuming nakalalasing, sa pildoras, sa heringgilya, o sa deposito sa bangko. Hindi mabibili ang kaligayahan; ito ay walang bayad. Saan natin masusumpungan ang gayong mahalagang kaloob? Tatalakayin natin iyan sa susunod na artikulo.