Pag-opera Nang Walang Dugo—“Isang Pangunahing Kalakaran sa Medisina”
Pag-opera Nang Walang Dugo—“Isang Pangunahing Kalakaran sa Medisina”
SA ILALIM ng pamagat na “ ‘Pag-opera Nang Walang Dugo,” iniulat ng magasing Maclean’s na ang mga doktor sa buong Canada ay “gumagawa ng bagong mga pamamaraan na sa nakalipas na limang taon ay nagpangyaring maging isang pangunahing kalakaran sa medisina ang tinatawag na pag-opera nang walang dugo.” Si Brian Muirhead, isang anesthesiologist sa Winnipeg’s Health Sciences Centre, ay isa sa mga ito. Ano ang nag-udyok sa kaniyang paghahanap ng kahaliling paraan ng panggagamot na walang dugo.
Noong 1986, napaharap kay Dr. Muirhead ang hamon ng pag-oopera sa isang 70-taóng-gulang na lalaki na may nagdurugong ulser na, dahilan sa kaniyang salig-Bibliyang mga paniniwala bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, ay humiling ng paggagamot na hindi nangangailangan ng pagsasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Si Dr. Muirhead ay “napilitang gumamit ng bihirang gamitin na pamamaraan ng pagsasalin ng saline solution sa pasyente upang panatilihing mataas ang kaniyang presyon ng dugo,” ulat ng Maclean’s. “Ang pamamaraan ay naging matagumpay, at pinatibay nitong lalo ang tumitinding paniniwala ni Muirhead’s na ‘masyadong maraming pagsasalin ng dugo ang ginagawa namin. Sa palagay ko’y panahon na para humanap ng mga kahalili.’ ”
Ang kahilingan para sa pag-opera nang walang dugo ay “udyok kapuwa ng pagkabahala hinggil sa suplay ng iniabuloy na dugo sa hinaharap—at ng takot ng maraming pasyente na mahawahan ng virus ng sakit mula sa isang pagsasalin.” Dahil sa pagsasaliksik ng mga doktor na ukol sa pagbabago, hindi lamang mga Saksi ni Jehova ang nakinabang kundi gayundin ang marami pa. “Bukod sa inaalis ang pangangailangan para sa pagsasalin sa maraming kaso, ang pag-opera nang walang dugo ay nakababawas sa panganib—bagaman bahagya—ng impeksiyon mula sa nahawahang dugo,” sabi ng Maclean’s. Ngunit maging ang “di-nahawahan” na dugo ay naghaharap ng panganib sa impeksiyon sa pamamagitan ng pansamantalang pagsupil sa sistema ng imyunidad ng pasyente.
Ano ba ang nasa likod ng matibay na pananalig ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa kahaliling paraan ng panggagamot na walang dugo? Maaaring interesado kang mabasa ang brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? Maliligayahan ang mga Saksi ni Jehova na ibahagi ito sa iyo.