Pagsasaya Para sa mga Lumalakad sa Liwanag
Pagsasaya Para sa mga Lumalakad sa Liwanag
“Pumarito kayo at lumakad tayo sa liwanag ni Jehova.”—ISAIAS 2:5.
1, 2. (a) Gaano kahalaga ang liwanag? (b) Bakit napakalubha ng babala na tatakpan ng kadiliman ang lupa?
SI Jehova ang Pinagmumulan ng liwanag. Sa Bibliya ay tinatawag siya na “ang Tagapagbigay ng araw bilang liwanag kung araw, ng mga batas ng buwan at ng mga bituin bilang liwanag kung gabi.” (Jeremias 31:35; Awit 8:3) Siya ang Isa na lumalang sa ating araw, na sa katunayan ay isang dambuhalang hurnong nuklear na naglalabas ng pagkarami-raming enerhiya sa kalawakan, na ang ilan dito ay nasa anyong liwanag at init. Ang napakaliit na porsiyento ng enerhiyang iyan na umaabot sa atin bilang sikat ng araw ay tumutustos ng buhay sa lupang ito. Kung wala ang sikat ng araw, hindi tayo maaaring umiral. Ang lupa ay magiging isang walang-buhay na planeta.
2 Taglay iyan sa isipan, mauunawaan natin ang kalubhaan ng situwasyon na inilarawan ni propeta Isaias. Sinabi niya: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng makapal na karimlan ang mga liping pambansa.” (Isaias 60:2) Siyempre, hindi ito tumutukoy sa literal na kadiliman. Hindi ibig sabihin ni Isaias na balang araw ay hindi na sisikat ang araw, buwan, at mga bituin. (Awit 89:36, 37; 136:7-9) Sa halip, ang tinutukoy niya ay espirituwal na kadiliman. Subalit ang espirituwal na kadiliman ay nakamamatay. Sa katagalan, hindi tayo maaaring mabuhay nang walang espirituwal na liwanag kung paanong hindi tayo maaaring mabuhay nang walang literal na liwanag.—Lucas 1:79.
3. Dahil sa mga salita ni Isaias, ano ang dapat gawin ng mga Kristiyano?
3 Dahil dito, may seryosong dahilan upang bigyang-pansin na ang mga salita ni Isaias, bagaman natupad sa sinaunang Juda, ay nagkakaroon ng mas malaking katuparan sa ngayon. Oo, ang sanlibutan sa ating panahon ay nalalambungan ng espirituwal na kadiliman. Sa gayong kapanganib na kalagayan, napakahalaga ang espirituwal na liwanag. Kaya dapat na makinig ang mga Kristiyano sa payo ni Jesus: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao.” (Mateo 5:16) Maaaring papagliwanagin ng tapat na mga Kristiyano ang kadiliman para sa maaamo, sa gayon ay binibigyan sila ng pagkakataon na magtamo ng buhay.—Juan 8:12.
Madidilim na Panahon sa Israel
4. Kailan unang natupad ang makahulang mga salita ni Isaias, ngunit anong situwasyon ang umiiral na noong kaniyang panahon?
4 Ang mga salita ni Isaias tungkol sa kadiliman na tumatakip sa lupa ay unang natupad nang maiwang tiwangwang ang Juda at naging tapon ang mga mamamayan nito sa Babilonya. Subalit, bago pa man iyon, ang kalakhang bahagi ng bansa noong panahon mismo ni Isaias ay nalalambungan na ng espirituwal na kadiliman, isang katotohanan na nagpakilos sa kaniya upang himukin ang kaniyang mga kababayan: “O mga tao ng sambahayan ni Jacob, pumarito kayo at lumakad tayo sa liwanag ni Jehova”!—Isaias 2:5; 5:20.
5, 6. Anong mga salik ang nagdulot ng kadiliman noong panahon ni Isaias?
5 Si Isaias ay humula sa Juda “nang mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias, na mga hari ng Juda.” (Isaias 1:1) Iyon ay isang maligalig na panahon ng pulitikal na kaguluhan, relihiyosong pagpapaimbabaw, hudisyal na katiwalian, at paniniil sa dukha. Maging noong namamahala ang tapat na mga hari, tulad ni Jotam, ang mga altar ng huwad na mga diyos ay makikita sa mga taluktok ng maraming burol. Sa ilalim ng di-tapat na mga hari, ang kalagayan ay mas malala. Halimbawa, ang balakyot na si Haring Ahaz ay naghandog pa nga ng kaniyang supling sa isang ritwal na paghahain sa diyos na si Molec. Talaga ngang kadiliman iyon!—2 Hari 15:32-34; 16:2-4.
6 Ang internasyonal na situwasyon ay madilim din. Sa mga hangganan ng Juda, ang Moab, Edom, at Filistia ay nagbabanta ng panganib. Ang hilagang kaharian ng Israel, bagaman kadugo, ay nagpahayag na isa na itong kaaway. Sa dako pa roon ng hilaga, ang Sirya ay nagbabanta sa kapayapaan ng Juda. Ang lalo pang mapanganib ay ang malupit na Asirya, na laging humahanap ng mga pagkakataon upang mapalawak ang kapangyarihan nito. Sa panahon ng paghula ni Isaias, lubusang nilupig ng Asirya ang bansang Israel at halos winasak ang Juda. May panahon na nasa kamay ng mga Asiryano ang lahat ng nakukutaang lunsod sa Juda maliban sa Jerusalem.—Isaias 1:7, 8; 36:1.
7. Anong landas ang pinili ng Israel at ng Juda, at paano tumugon si Jehova?
7 Ang tipang bayan ng Diyos ay dumanas ng gayong mga kapahamakan dahil naging di-matapat sa kaniya ang Israel at ang Juda. Gaya niyaong mga binanggit sa aklat ng Kawikaan, sila ay “lumilihis sa mga landas ng katuwiran upang lumakad sa mga daan ng kadiliman.” (Kawikaan 2:13) Gayunman, bagaman nagalit si Jehova sa kaniyang bayan, hindi niya sila lubusang pinabayaan. Sa halip, ibinangon niya si Isaias at ang iba pang mga propeta upang maglaan ng espirituwal na liwanag para sa sinuman sa bansa na nagsisikap pa ring maglingkod kay Jehova nang may katapatan. Tunay na napakahalaga ang liwanag na inilaan sa pamamagitan ng mga propetang ito. Iyon ay nagbibigay-buhay.
Mga Panahon ng Kadiliman sa Ngayon
8, 9. Anong mga salik ang nagdudulot ng kadiliman sa daigdig ngayon?
8 Ang situwasyon noong panahon ni Isaias ay katulad na katulad ng mga kalagayan sa ngayon. Sa panahon natin, tinanggihan ng mga pinunong tao si Jehova at ang kaniyang iniluklok na Hari, si Jesu-Kristo. (Awit 2:2, 3) Dinaya ng mga relihiyosong pinuno ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang mga kawan. Inaangkin ng gayong mga pinuno na pinaglilingkuran nila ang Diyos, ngunit ang totoo ay itinataguyod ng karamihan sa kanila ang mga diyos ng sanlibutang ito—nasyonalismo, militarismo, kayamanan, at mga prominenteng indibiduwal—bukod pa sa pagtuturo ng mga paganong doktrina.
9 Sa iba’t ibang dako, ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nasasangkot sa mga digmaan at alitang sibil na nagtatampok ng paglipol ng lahi at iba pang kakila-kilabot na mga pangyayari. Bukod dito, sa halip na manindigan sa salig-Bibliyang moralidad, maraming simbahan ang nagwawalang-bahala o aktibong sumusuporta sa imoral na mga gawaing tulad ng pakikiapid at homoseksuwalidad. Bilang resulta ng gayong pagtatakwil sa mga pamantayan ng Bibliya, ang mga kawan ng Sangkakristiyanuhan ay katulad niyaong mga taong binanggit ng sinaunang salmista: “Hindi nila alam, at hindi nila nauunawaan; sa kadiliman ay lumalakad sila.” (Awit 82:5) Tunay na ang Sangkakristiyanuhan, gaya ng sinaunang Juda, ay nasa pusikit na kadiliman.—Apocalipsis 8:12.
10. Paano sumisikat ang liwanag sa kadiliman ngayon, at paano nakikinabang ang maaamo?
10 Sa gitna ng gayong kadiliman, pinasisikat ni Jehova ang liwanag alang-alang sa maaamo. Ukol dito, ginagamit niya ang kaniyang pinahirang mga lingkod sa lupa, “ang tapat at maingat na alipin,” at ang mga ito ay ‘sumisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.’ (Mateo 24:45; Filipos 2:15) Ang uring alipin na iyon, na sinusuportahan ng milyun-milyong kasamahan na “ibang mga tupa,” ay nagpapabanaag ng espirituwal na liwanag salig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Juan 10:16) Sa nadidiliman na sanlibutang ito, ang gayong liwanag ay nagbibigay ng pag-asa sa maaamo, tumutulong sa kanila na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos, at tumutulong sa kanila na maiwasan ang espirituwal na mga patibong. Ito ay napakahalaga, nagbibigay-buhay.
“Pinupuri Ko ang Iyong Pangalan”
11. Anong impormasyon ang inilaan ni Jehova noong panahon ni Isaias?
11 Sa madidilim na panahon na doo’y namuhay si Isaias at sa lalo pang madidilim na panahon pagkatapos noon nang dinala ng mga taga-Babilonya ang bayan ni Jehova sa pagkabihag, anong uri ng patnubay ang inilaan ni Jehova? Bukod sa paglalaan ng patnubay sa moral, patiuna niyang binalangkas nang malinaw kung paano niya isasakatuparan ang kaniyang mga layunin may kinalaman sa kaniyang bayan. Halimbawa, isaalang-alang ang kamangha-manghang mga hula na nilalaman ng Isaias kabanata 25 hanggang 27. Ipinahihiwatig ng mga salita sa mga kabanatang ito kung paano pinangasiwaan ni Jehova ang mga bagay-bagay noon at kung paano niya ito ginagawa sa ngayon.
12. Anong taos-pusong kapahayagan ang binigkas ni Isaias?
12 Una, ipinahayag ni Isaias: “O Jehova, ikaw ang aking Diyos. Dinadakila kita, pinupuri ko ang iyong pangalan.” Taos-pusong kapahayagan nga ito ng papuri! Subalit ano ang nag-udyok sa propeta upang bumigkas ng gayong panalangin? Ang isang pangunahing salik ay isinisiwalat sa ikalawang bahagi ng talata, na doo’y mababasa natin: “Sapagkat gumawa ka [Jehova] ng mga kamangha-manghang bagay, mga pasiya mula noong unang mga panahon, sa katapatan, sa pagiging mapagkakatiwalaan.”—Isaias 25:1.
13. (a) Anong kaalaman ang nagpatibay sa pagpapahalaga ni Isaias kay Jehova? (b) Paano tayo matututo mula sa halimbawa ni Isaias?
13 Noong kaarawan ni Isaias, marami nang nagawang kamangha-manghang mga bagay si Jehova para sa Israel, at ang mga ito ay naisulat na. Maliwanag na pamilyar si Isaias sa mga kasulatang ito. Halimbawa, alam niya na pinalaya ni Jehova ang kaniyang bayan sa pagkaalipin sa Ehipto at iniligtas sila sa galit ng hukbo ni Paraon sa Dagat na Pula. Batid niya na inakay ni Jehova ang kaniyang bayan patawid sa iláng at dinala sila sa Lupang Pangako. (Awit 136:1, 10-26) Ipinakita ng gayong makasaysayang mga ulat na ang Diyos na Jehova ay tapat at mapagkakatiwalaan. Ang kaniyang “mga pasiya”—lahat ng mga bagay na kaniyang nilayon—ay nagkakatotoo. Ang bigay-Diyos na tumpak na kaalaman ay nagpatibay kay Isaias upang patuloy na lumakad sa liwanag. Kaya naman, siya ay isang mainam na halimbawa para sa atin. Kung maingat nating pag-aaralan ang nasusulat na Salita ng Diyos at ikakapit ito sa ating buhay, tayo rin ay makapananatili sa liwanag.—Awit 119:105; 2 Corinto 4:6.
Winasak ang Isang Lunsod
14. Ano ang inihula tungkol sa isang lunsod, at malamang, anong lunsod ito?
14 Ang isang halimbawa ng pasiya ng Diyos ay masusumpungan sa Isaias 25:2, na doo’y mababasa natin: “Ang lunsod ay ginawa mong bunton ng mga bato, ang nakukutaang bayan naman ay gumuguhong kagibaan, isang tirahang tore ng mga taga-ibang bayan na hindi na magiging lunsod, na hindi itatayong muli maging hanggang sa panahong walang takda.” Ano ang lunsod na ito? Malamang na ang makahulang tinutukoy ni Isaias ay ang Babilonya. Sa katunayan, talagang sumapit ang panahon nang ang Babilonya ay naging isang bunton na lamang ng mga bato.
15. Anong “dakilang lunsod” ang umiiral ngayon, at ano ang mangyayari rito?
15 Ang lunsod bang binanggit ni Isaias ay may katumbas sa ngayon? Oo. Binabanggit ng aklat ng Apocalipsis “ang dakilang lunsod na may kaharian sa mga hari sa lupa.” (Apocalipsis 17:18) Ang dakilang lunsod na iyon ay ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:5) Sa ngayon, ang pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila ay ang Sangkakristiyanuhan, at ang mga klero nito ay nangunguna sa pagsalansang sa gawaing pangangaral ng Kaharian ng bayan ni Jehova. (Mateo 24:14) Gayunman, tulad ng sinaunang Babilonya, ang Babilonyang Dakila ay malapit nang mapuksa, at hindi na muling babangon kailanman.
16, 17. Paanong ang mga kaaway ni Jehova ay lumuwalhati sa kaniya noong sinauna at sa makabagong panahon?
16 Ano pa ang inihula ni Isaias tungkol sa “nakukutaang bayan”? Sa pagtukoy kay Jehova, sinabi ni Isaias: “Luluwalhatiin ka niyaong isang malakas na bayan; ang bayan ng mapaniil na mga bansa, matatakot sila sa iyo.” (Isaias 25:3) Paanong ang kaaway na lunsod na ito, “ang bayan ng mapaniil na mga bansa,” ay luluwalhati kay Jehova? Buweno, alalahanin ang nangyari sa pinakamakapangyarihang hari ng Babilonya, si Nabucodonosor. Matapos ang isang nakapupukaw-kaisipang karanasan na nagtanghal ng kaniyang sariling kahinaan, napilitan siya na ipahayag ang kadakilaan ni Jehova at ang Kaniyang pinakadakilang kapangyarihan. (Daniel 4:34, 35) Kapag ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan, maging ang kaniyang mga kaaway ay napipilitang kumilala, bagaman atubili, sa kaniyang makapangyarihang mga gawa.
17 May pagkakataon ba na napilitan ang Babilonyang Dakila na kilalanin ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova? Oo. Noong unang digmaang pandaigdig, ang mga pinahirang lingkod ni Jehova ay nangaral sa ilalim ng kapighatian. Noong 1918, sila ay dinalang bihag sa espirituwal na paraan nang ibilanggo ang nangungunang mga opisyal ng Samahang Watch Tower. Halos mahinto ang organisadong gawaing pangangaral. Pagkatapos, noong 1919, pinapanumbalik sila ni Jehova at pinalakas silang muli sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, anupat pinasimulan nilang isakatuparan ang atas na mangaral ng mabuting balita sa buong tinatahanang lupa. (Marcos 13:10) Ang lahat ng ito ay inihula sa aklat ng Apocalipsis, at gayundin ang naging epekto nito sa kanilang mga kalaban. Ang mga ito ay “natakot at nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos ng langit.” (Apocalipsis 11:3, 7, 11-13) Hindi naman sa nakumberte silang lahat, kundi napilitan sila na kilalanin ang makapangyarihang gawa ni Jehova sa pagkakataong ito, gaya ng inihula ni Isaias.
‘Isang Moog sa Maralita’
18, 19. (a) Paano nabigong sirain ng mga kalaban ang katapatan ng bayan ni Jehova? (b) Paano matitigil “ang mismong awitin ng mga mapaniil”?
18 Sa pagbibigay-pansin ngayon sa mabait na pakikitungo ni Jehova sa mga lumalakad sa liwanag, sinabi ni Isaias kay Jehova: “Ikaw ay naging moog sa maralita, moog sa dukha sa kaniyang kabagabagan, kanlungan sa bagyong maulan, lilim sa init, kapag ang bugso ng mga mapaniil ay parang bagyong maulan laban sa isang pader. Gaya ng init sa lupaing walang tubig, ang ingay ng mga taga-ibang bayan ay sinusupil mo, ang init sa pamamagitan ng lilim ng ulap. Ang mismong awitin ng mga mapaniil ay natitigil.”—Isaias 25:4, 5.
19 Mula noong 1919, sinusubok ng mga mapaniil ang lahat ng paraan upang sirain ang katapatan ng tunay na mga mananamba, subalit nabibigo sila. Bakit? Sapagkat si Jehova ang moog at kanlungan ng kaniyang bayan. Siya’y naglalaan ng nakagiginhawang lilim mula sa nakapapasong init ng pag-uusig at tumitindig na gaya ng isang matibay na pader laban sa bagyong maulan ng pagsalansang. Tayo na lumalakad sa liwanag ng Diyos ay may pagtitiwalang umaasam-asam sa panahong ‘matitigil ang awitin ng mga mapaniil.’ Oo, may pananabik nating hinihintay ang araw kapag mawawala na ang mga kaaway ni Jehova.
20, 21. Anong piging ang inilalaan ni Jehova, at ano ang ilalakip sa piging na iyon sa bagong sanlibutan?
20 Higit pa sa pagsasanggalang sa kaniyang mga lingkod ang ginagawa ni Jehova. Pinaglalaanan niya sila bilang kanilang maibiging Ama. Pagkatapos na palayain ang kaniyang bayan mula sa Babilonyang Dakila noong 1919, naghanda siya sa harapan nila ng isang piging ng tagumpay, isang masaganang suplay ng espirituwal na pagkain. Ito ay inihula sa Isaias 25:6, na doo’y mababasa natin: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng mga bayan, sa bundok na ito, ng isang piging ng mga putaheng malangis, isang piging ng alak na pinanatili sa latak, ng mga putaheng malangis na punô ng utak sa buto, ng alak na pinanatili sa latak, sinala.” Tunay na pinagpala tayo na makabahagi sa kapistahang iyon! (Mateo 4:4) Ang “mesa ni Jehova” ay tunay na punô ng mabubuting bagay na makakain. (1 Corinto 10:21) Sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” ibinibigay sa atin ang lahat ng bagay na kakailanganin natin sa espirituwal na diwa.
21 At may karagdagan pa sa inilaang piging na ito ng Diyos. Ang espirituwal na piging na tinatamasa natin ngayon ay nagpapaalaala sa atin tungkol sa saganang pisikal na pagkain na matatamo sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos. Kung magkagayon, ilalakip sa “piging ng mga putaheng malangis” ang saganang pisikal na pagkain. Wala nang sinuman ang magugutom sa pisikal o sa espirituwal na diwa. Kay laking ginhawa ang dulot nito para sa minamahal na mga tapat na ngayon ay nagdurusa dahil sa inihulang “mga kakapusan sa pagkain” na bahagi ng “tanda” ng pagkanaririto ni Jesus! (Mateo 24:3, 7) Para sa kanila, ang mga salita ng salmista ay tunay na nakaaaliw. Sinabi niya: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
22, 23. (a) Anong “gawang hinabi,” o “balot,” ang aalisin, at paano? (b) Paano maaalis ‘ang kadustaan ng bayan ni Jehova’?
22 Pakinggan ngayon ang isa pang higit na kamangha-manghang pangako. Inihalintulad ang kasalanan at kamatayan sa isang “gawang hinabi,” o sa isang “balot,” sinabi ni Isaias: “Sa bundok na ito ay tiyak na lalamunin [ni Jehova] ang mukha ng balot na bumabalot sa lahat ng mga bayan, at ang gawang hinabi na nakahabi sa lahat ng mga bansa.” (Isaias 25:7) Isip-isipin na lamang! Ang kasalanan at kamatayan, na nakadagan sa sangkatauhan gaya ng isang makapal na kumot na nakapipigil sa paghinga, ay mawawala na. Tunay ngang inaasam-asam natin ang araw kapag ang mga kapakinabangan ng haing pantubos ni Jesus ay lubusang ikinapit sa masunurin at tapat na sangkatauhan!—Apocalipsis 21:3, 4.
23 Sa pagtukoy sa kamangha-manghang panahong iyon, tiniyak sa atin ng kinasihang propeta: “Lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha. At ang kadustaan ng kaniyang bayan ay aalisin niya mula sa buong lupa, sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita nito.” (Isaias 25:8) Walang sinuman ang mamamatay dahil sa likas na mga sanhi o tatangis dahil sa pagpanaw ng isang minamahal. Ano ngang pinagpalang pagbabago! Karagdagan pa, saanman sa lupa ay hindi na maririnig ang pagdusta at may kasinungalingang propaganda na matagal nang binabatá ng Diyos at ng kaniyang mga lingkod. Bakit hindi? Sapagkat aalisin ni Jehova ang pinagmumulan ng mga ito—ang ama ng kasinungalingan, si Satanas na Diyablo, pati na ang lahat ng binhi ni Satanas.—Juan 8:44.
24. Paano tumutugon ang mga lumalakad sa liwanag sa makapangyarihang mga gawa ni Jehova alang-alang sa kanila?
24 Kapag pinag-iisipan ang gayong mga pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova, ang mga lumalakad sa liwanag ay nauudyukang bumulalas: “Narito! Ito ang ating Diyos. Umaasa tayo sa kaniya, at ililigtas niya tayo. Ito si Jehova. Umaasa tayo sa kaniya. Tayo ay magalak at magsaya sa kaniyang pagliligtas.” (Isaias 25:9) Di-magtatagal, ang matuwid na sangkatauhan ay magkakaroon ng lahat ng dahilan upang magsaya. Ang kadiliman ay lubusan nang mapapawi, at ang mga tapat ay mapupuspos ng liwanag ni Jehova magpakailanman. Mayroon pa bang mas dakilang pag-asa kaysa rito? Talagang wala na!
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit mahalaga ngayon na lumakad sa liwanag?
• Bakit pinuri ni Isaias ang pangalan ni Jehova?
• Bakit hindi kailanman masisira ng mga kaaway ang katapatan ng bayan ng Diyos?
• Anong mayamang mga pagpapala ang naghihintay sa mga lumalakad sa liwanag?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 12, 13]
Ang mga naninirahan sa Juda ay naghain ng mga bata kay Molec
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang kaalaman tungkol sa makapangyarihang mga gawa ni Jehova ang siyang nag-udyok kay Isaias upang purihin ang pangalan ni Jehova
[Larawan sa pahina 16]
Ang matuwid ay mapupuspos ng liwanag ni Jehova magpakailanman