Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isaisip ang Espiritu at Mabuhay!

Isaisip ang Espiritu at Mabuhay!

Isaisip ang Espiritu at Mabuhay!

“Ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay.”​—ROMA 8:6.

1, 2. Anong paghahambing ang ginagawa ng Bibliya sa pagitan ng “laman” at ng “espiritu”?

 HINDI madali ang hamon na manatiling may malinis na katayuan sa moral sa harap ng Diyos sa gitna ng isang buktot na lipunan na lumuluwalhati sa pagpapalugod sa makalamang mga pagnanasa. Gayunman, pinaghahambing ng Kasulatan ang “laman” at “espiritu,” anupat nagtatakda ng malinaw na hangganan sa pagitan ng kapaha-pahamak na mga resulta ng pagpapahintulot sa sarili na mapangibabawan ng makasalanang laman at ng pinagpalang mga resulta ng pagsunod sa impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos.

2 Halimbawa, sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang espiritu ang siyang nagbibigay-buhay; ang laman ay walang anumang kabuluhan. Ang mga pananalitang sinalita ko sa inyo ay espiritu at buhay.” (Juan 6:63) Sa mga Kristiyano sa Galacia, sumulat si apostol Pablo: “Ang laman ay laban sa espiritu sa pagnanasa nito, at ang espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay magkalaban sa isa’t isa.” (Galacia 5:17) Sinabi rin ni Pablo: “Siyang naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, ngunit siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.”​—Galacia 6:8.

3. Ano ang kailangan upang makalaya mula sa maling mga pagnanasa at mga hilig?

3 Ang banal na espiritu ni Jehova​—ang kaniyang aktibong puwersa​—ay mabisang makapag-aalis ng maruming “mga pagnanasa ng laman” at ng mapangwasak na pangingibabaw ng ating makasalanang laman. (1 Pedro 2:11) Upang makalaya mula sa mga gapos ng maling mga hilig, mahalaga na taglay natin ang tulong ng espiritu ng Diyos, sapagkat sumulat si Pablo: “Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan, ngunit ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.” (Roma 8:6) Ano ang ibig sabihin ng isaisip ang espiritu?

“Ang Pagsasaisip ng Espiritu”

4. Ano ang ibig sabihin ng “pagsasaisip ng espiritu”?

4 Nang isulat ni Pablo ang tungkol sa “pagsasaisip ng espiritu,” ginamit niya ang isang salitang Griego na nagpapahiwatig ng “paraan ng pag-iisip, (pokus ng) isipan, . . . tunguhin, mithiin, pagsisikap.” Ang isang kaugnay na pandiwa ay nangangahulugan ng “umisip, mag-isip sa isang partikular na paraan.” Kung gayon, ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng pagiging kontrolado, pinangingibabawan, at pinakikilos ng aktibong puwersa ni Jehova. Nangangahulugan ito na kusa nating hinahayaan na lubusang mapasailalim ating pag-iisip, mga hilig, at mga mithiin, sa impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos.

5. Hanggang saan tayo dapat magpasakop sa impluwensiya ng banal na espiritu?

5 Idiniin ni Pablo kung hanggang saan tayo dapat magpasakop sa impluwensiya ng banal na espiritu nang magsalita siya tungkol sa pagiging ‘mga alipin sa pamamagitan ng espiritu.’ (Roma 7:6) Salig sa kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus, pinalaya ang mga Kristiyano mula sa pangingibabaw ng kasalanan at sa gayon ay “namatay” sa kanilang dating kalagayan bilang mga alipin nito. (Roma 6:2, 11) Yaong mga makasagisag na patay sa gayong paraan ay buháy pa rin sa pisikal at malaya na ngayong sumunod kay Kristo bilang “mga alipin ng katuwiran.”​—Roma 6:18-20.

Isang Kapansin-pansing Pagbabago

6. Anong pagbabago ang naranasan niyaong mga nagiging “mga alipin ng katuwiran”?

6 Talagang kapansin-pansin ang pagbabago mula sa pagiging “mga alipin ng kasalanan” tungo sa paglilingkod sa Diyos bilang “mga alipin ng katuwiran.” Hinggil sa ilan na nakaranas ng gayong pagbabago, sumulat si Pablo: ‘Hinugasan na kayong malinis, pinabanal na kayo, ipinahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.’​—Roma 6:17, 18; 1 Corinto 6:11.

7. Bakit mahalaga na taglayin ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay?

7 Upang maranasan ang gayong kapansin-pansing pagbabago, kailangan muna nating matutuhan ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay. Noong nakalipas na mga siglo, taimtim na nagsumamo sa Diyos ang salmistang si David: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova . . . Palakarin mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako.” (Awit 25:4, 5) Pinakinggan ni Jehova si David, at masasagot din Niya ang gayong panalangin para sa kaniyang makabagong-panahong mga lingkod. Yamang ang mga daan ng Diyos at ang kaniyang katotohanan ay malinis at banal, ang pagbubulay-bulay sa mga ito ay makatutulong kung natutukso tayong bigyang-kasiyahan ang maruruming pagnanasa ng laman.

Ang Mahalagang Papel ng Salita ng Diyos

8. Bakit kailangang pag-aralan natin ang Bibliya?

8 Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay isang bunga ng kaniyang espiritu. Kung gayon, ang isang mahalagang paraan upang hayaang kumilos ang espiritung iyon sa atin ay sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya​—araw-araw kung posible. (1 Corinto 2:10, 11; Efeso 5:18) Matutulungan tayo na makayanan ang mga pagsalakay sa ating espirituwalidad kung pupunuin natin ang ating isip at puso ng mga katotohanan at mga simulain sa Bibliya. Oo, kapag bumangon ang imoral na mga tukso, maipagugunita sa atin ng espiritu ng Diyos ang maka-Kasulatang mga paalaala at pumapatnubay na mga simulain na makapagpapatibay sa ating kapasiyahang kumilos kasuwato ng kalooban ng Diyos. (Awit 119:1, 2, 99; Juan 14:26) Dahil doon, hindi tayo nalilinlang na sumunod sa isang maling landasin.​—2 Corinto 11:3.

9. Paano pinatitibay ng pag-aaral ng Bibliya ang ating kapasiyahang ingatan ang ating kaugnayan kay Jehova?

9 Habang ipinagpapatuloy natin ang ating taimtim at masikap na pag-aaral sa Kasulatan sa tulong ng salig-Bibliyang mga publikasyon, ang ating isip at puso ay naiimpluwensiyahan ng espiritu ng Diyos, anupat pinatitindi ang ating paggalang sa mga pamantayan ni Jehova. Ang ating kaugnayan sa Diyos ang siyang nagiging pinakamahalagang bagay sa ating buhay. Kapag napaharap sa tukso, hindi nilalaro sa isipan kung gaano kaya kalugud-lugod na masangkot sa maling gawain. Sa halip, ang agad nating naiisip ay ang panatilihin ang ating katapatan kay Jehova. Ang matinding pagpapahalaga sa ating kaugnayan sa kaniya ay magpapasigla sa atin na labanan ang anumang hilig na maaaring puminsala o sumira rito.

“Gayon na Lamang ang Pag-ibig Ko sa Iyong Kautusan!”

10. Bakit kailangan ang pagsunod sa kautusan ni Jehova upang maisaisip ang espiritu?

10 Kung gusto nating isaisip ang espiritu, hindi sapat ang kaalaman sa Salita ng Diyos. Si Haring Solomon ay may mahusay na pagkaunawa sa mga pamantayan ni Jehova, ngunit nabigo siyang mamuhay ayon sa mga ito sa huling bahagi ng kaniyang buhay. (1 Hari 4:29, 30; 11:1-6) Kung tayo ay palaisip sa espirituwal, makikita natin na hindi lamang kailangan na alamin ang sinasabi ng Bibliya kundi kailangan din naman na buong-pusong sundin ang kautusan ng Diyos. Nangangahulugan iyan ng masusing pagsusuri sa mga pamantayan ni Jehova at puspusang pagsisikap na masunod ang mga ito. May ganitong uri ng saloobin ang salmista. Umawit siya: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.” (Awit 119:97) Kapag talagang pinag-iisipan natin na masunod ang kautusan ng Diyos, nauudyukan tayong magpamalas ng makadiyos na mga katangian. (Efeso 5:1, 2) Sa halip na walang kalaban-laban na naaakit sa maling gawain, nagpapamalas tayo ng mga bunga ng espiritu, at inilalayo tayo ng ating hangaring palugdan si Jehova mula sa buktot na “mga gawa ng laman.”​—Galacia 5:16, 19-23; Awit 15:1, 2.

11. Paano mo ipaliliwanag na isang proteksiyon para sa atin ang kautusan ni Jehova na nagbabawal sa pakikiapid?

11 Paano tayo magkakaroon ng matinding paggalang at pag-ibig sa kautusan ni Jehova? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa kahalagahan nito. Isaalang-alang ang kautusan ng Diyos na nagtatakda na ang seksuwal na mga relasyon ay para lamang sa mag-asawa at nagbabawal sa pakikiapid at pangangalunya. (Hebreo 13:4) May ipinagkakait ba na anumang mabuting bagay ang pagsunod sa kautusang ito? Gagawa ba ang isang maibiging Ama sa langit ng isang kautusan na nagkakait sa atin ng isang bagay na kapaki-pakinabang? Siyempre hindi! Tingnan kung ano ang nangyayari sa buhay ng marami na hindi namumuhay kasuwato ng mga pamantayan ni Jehova sa moral. Ang di-ninanais na pagdadalang-tao ay malimit na umaakay sa kanila sa mga aborsiyon o marahil ay sa maaga at di-maligayang pag-aasawa. Marami ang kailangang magpalaki ng anak nang walang asawang lalaki o asawang babae. Bukod dito, inilalantad ng mga nakikiapid ang kanilang sarili sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik. (1 Corinto 6:18) At kung ang isang lingkod ni Jehova ay makagawa ng pakikiapid, nakagugupo ang mga epekto nito sa damdamin. Ang pagsisikap na supilin ang pag-uukilkil ng isang nagkasalang budhi ay maaaring maging sanhi ng di-pagkakatulog sa gabi at paghihirap ng isipan. (Awit 32:3, 4; 51:3) Hindi ba maliwanag, kung gayon, na ang kautusan ni Jehova na nagbabawal sa pakikiapid ay dinisenyo upang maging proteksiyon natin? Oo, talagang may malaking pakinabang sa pagpapanatiling malinis ang moral!

Manalangin Ukol sa Tulong ni Jehova

12, 13. Bakit angkop na manalangin kapag ginigiyagis ng makasalanang mga pagnanasa?

12 Tiyak na kailangan ang marubdob na pananalangin sa pagsasaisip ng espiritu. Angkop na hilingin ang tulong ng espiritu ng Diyos, sapagkat sinabi ni Jesus: “Kung kayo . . . ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:13) Sa panalangin, maipahahayag natin na umaasa tayo sa tulong ng espiritu may kinalaman sa ating mga kahinaan. (Roma 8:26, 27) Kung matanto natin na naaapektuhan tayo ng makasalanang mga pagnanasa o mga saloobin, o kung ito ay itawag-pansin sa atin ng isang maibiging kapananampalataya, makabubuti na espesipikong tukuyin ang problema sa ating mga panalangin at hilingin ang tulong ng Diyos upang mapanagumpayan ang mga hilig na ito.

13 Matutulungan tayo ni Jehova na magtuon ng pansin sa matutuwid, malilinis, magagaling, at kapuri-puring mga bagay. At angkop na angkop nga na taimtim na magsumamo sa kaniya upang “ang kapayapaan ng Diyos” ang magbantay sa ating mga puso at mga kakayahang pangkaisipan! (Filipos 4:6-8) Manalangin tayo kung gayon ukol sa tulong ni Jehova upang ‘maitaguyod ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban.’ (1 Timoteo 6:11-14) Sa tulong ng ating makalangit na Ama, hindi aabot ang mga kabalisahan at mga tukso hanggang sa punto na hindi na natin ito masupil. Sa halip, mapapansin sa ating buhay ang bigay-Diyos na kapanatagan.

Huwag Pighatiin ang Espiritu

14. Bakit isang puwersa para sa kalinisan ang espiritu ng Diyos?

14 Personal na ikinakapit ng may-gulang na mga lingkod ni Jehova ang payo ni Pablo: “Huwag ninyong patayin ang apoy ng espiritu.” (1 Tesalonica 5:19) Yamang ang espiritu ng Diyos ay siyang “espiritu ng kabanalan,” ito ay malinis, dalisay at sagrado. (Roma 1:4) Kapag kumikilos ito sa atin, ang espiritung iyon kung gayon ay isang puwersa para sa kabanalan, o kalinisan. Tumutulong ito upang manatili tayo sa isang malinis na daan ng buhay na kakikitaan ng pagsunod sa Diyos. (1 Pedro 1:2) Anumang maruming gawain ay nangangahulugan ng pagwawalang-bahala sa espiritung iyan, at iyon ay may kapaha-pahamak na mga bunga. Paano?

15, 16. (a) Paano natin mapipighati ang espiritu ng Diyos? (b) Paano natin maiiwasan na pighatiin ang espiritu ni Jehova?

15 Buweno, sumulat si Pablo: “Huwag ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos, na ipinantatak sa inyo ukol sa araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.” (Efeso 4:30) Inilalarawan ng Kasulatan ang espiritu ni Jehova bilang isang tatak, o isang “palatandaan niyaong darating,” para sa tapat na mga pinahirang Kristiyano. At iyon ay ang imortal na buhay sa langit. (2 Corinto 1:22; 1 Corinto 15:50-57; Apocalipsis 2:10) Maaaring akayin ng espiritu ng Diyos ang mga pinahiran at ang kanilang mga kasamahang may makalupang pag-asa tungo sa isang tapat na pamumuhay at maaari silang tulungan na maiwasan ang makasalanang mga gawa.

16 Nagbabala ang apostol laban sa mga hilig sa kabulaanan, pagnanakaw, kahiya-hiyang paggawi, at iba pa. Kung hahayaan natin ang ating sarili na mahikayat sa gayong mga bagay, sinasalungat natin ang kinasihan-ng-espiritung payo ng Salita ng Diyos. (Efeso 4:17-29; 5:1-5) Sa paano man, sa isang antas ay maaari nating mapighati kung gayon ang espiritu ng Diyos, at tiyak na iyan ay isang bagay na nais nating iwasan. Dahil dito, kung ang sinuman sa atin ay magsimulang magwalang-bahala sa payo ng Salita ni Jehova, baka magsimula tayong magkaroon ng mga saloobin o pag-uugali na magbubunga ng sinasadyang pagkakasala at ng lubusang pagkawala ng paglingap ng Diyos. (Hebreo 6:4-6) Bagaman maaaring hindi tayo namimihasa sa pagkakasala sa ngayon, maaaring patungo tayo sa gayong direksiyon. Sa pamamagitan ng patuloy na pagsalungat sa pag-akay ng espiritu, pinipighati natin ito. Nilalabanan at pinipighati rin natin si Jehova, ang bukal ng banal na espiritu. Bilang mga umiibig sa Diyos, hindi natin nais kailanman na gawin iyan. Sa halip, manalangin nawa tayo ukol sa tulong ni Jehova upang hindi natin mapighati ang kaniyang espiritu kundi makapagdulot tayo ng karangalan sa kaniyang banal na pangalan sa pamamagitan ng patuloy na pagsasaisip ng espiritu.

Patuloy na Isaisip ang Espiritu

17. Ano ang ilang espirituwal na tunguhin na maitatakda natin, at bakit katalinuhan na pagsikapang maabot ang mga ito?

17 Ang isang paraan na nararapat nating bigyang-pansin upang manatiling naisasaisip ang espiritu ay ang pagtatakda ng espirituwal na mga tunguhin at pagsisikap upang maabot ang mga ito. Depende sa ating mga pangangailangan at kalagayan, maaaring ilakip sa ating mga tunguhin ang pagpapaunlad sa ating mga kinaugalian sa pag-aaral, pagpapasulong sa ating pakikibahagi sa gawaing pangangaral, o pag-abot sa isang espesipikong pribilehiyo sa paglilingkod, tulad ng buong-panahong ministeryo bilang payunir, paglilingkod sa Bethel, o gawaing pagmimisyonero. Pananatilihin nitong abala ang ating isip sa mga espirituwal na kapakanan at tutulong ito sa atin na malabanan ang pagbibigay-daan sa ating mga kahinaan bilang tao o ang pagiging nauudyukan ng materyalistikong mga tunguhin at di-makakasulatang mga pagnanasa na karaniwan sa sistemang ito ng mga bagay. Tiyak na ito ang matalinong landasin, sapagkat humimok si Jesus: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.”​—Mateo 6:19-21.

18. Bakit napakahalaga na manatiling isinasaisip ang espiritu sa mga huling araw na ito?

18 Tiyak na ang pagsasaisip ng espiritu at pagsupil sa makasanlibutang mga pagnanasa ay siyang landasin ng katalinuhan sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1-5) Tutal, “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:15-17) Halimbawa, kung itataguyod ng isang kabataang Kristiyano ang tunguhing buong-panahong paglilingkod, magsisilbi itong patnubay sa panahon ng mapanghamong mga taon ng pagbibinata’t pagdadalaga o ng pagtuntong sa hustong gulang. Kapag ginipit na magkompromiso, magkakaroon ng malinaw na pananaw ang gayong indibiduwal hinggil sa kung ano ang gusto niyang maisakatuparan sa paglilingkod kay Jehova. Ituturing ng gayong espirituwal na tao na hindi katalinuhan, baka kamangmangan pa nga, na kalimutan ang pag-abot sa espirituwal na mga tunguhin dahil lamang sa materyal na mga tunguhin o sa anumang kaluguran na ipinangangakong ibigay ng kasalanan. Tandaan na ‘pinili pa [ng nakahilig-sa-espirituwal na si Moises] na mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.’ (Hebreo 11:24, 25) Bata man tayo o matanda, gayundin ang ating pinipili kapag patuloy nating isinasaisip ang espiritu sa halip na ang makasalanang laman.

19. Anong mga kapakinabangan ang matatamasa natin kung patuloy nating isinasaisip ang espiritu?

19 “Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng pakikipag-alit sa Diyos,” samantalang “ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.” (Roma 8:6, 7) Kung patuloy nating isinasaisip ang espiritu, mararanasan natin ang napakahalagang kapayapaan. Ang ating puso at mga kakayahang pangkaisipan ay higit na lubusang maipagsasanggalang mula sa impluwensiya ng ating makasalanang kalagayan. Lalo nating malalabanan ang mga tukso na masangkot sa maling gawain. At tataglayin natin ang tulong ng Diyos upang makayanan ang patuloy na labanan ng laman at espiritu.

20. Bakit tayo nakatitiyak na posible tayong makapanaig sa pagbabaka ng laman at ng espiritu?

20 Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasaisip ng espiritu, napananatili natin ang isang mahalagang kaugnayan kay Jehova, ang bukal kapuwa ng buhay at ng banal na espiritu. (Awit 36:9; 51:11) Ginagawa ni Satanas na Diyablo at ng kaniyang mga alipores ang lahat upang masira ang ating kaugnayan sa Diyos na Jehova. Sinisikap nilang makontrol ang ating isipan, yamang batid nila na kung padaraig tayo, hahantong ito sa dakong huli sa pakikipag-alit sa Diyos at sa kamatayan. Subalit makapananaig tayo sa pagbabakang ito ng laman at ng espiritu. Ganiyan ang karanasan ni Pablo, sapagkat nang isulat niya ang tungkol sa kaniyang sariling pakikibaka, itinanong muna niya: “Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?” Pagkatapos, upang ipakita na posible ang pagsagip, ibinulalas niya: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7:21-25) Mapasasalamatan din natin ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo dahil sa paglalaan ng paraan upang makayanan ang mga kahinaan ng tao at makapanatiling isinasaisip ang espiritu taglay ang kamangha-manghang pag-asa ng buhay na walang hanggan.​—Roma 6:23.

Natatandaan Mo Ba?

• Ano ang ibig sabihin ng isaisip ang espiritu?

• Paano natin hahayaang kumilos sa atin ang espiritu ni Jehova?

• Sa ating pakikibaka laban sa kasalanan, ipaliwanag kung bakit mahalaga na mag-aral ng Bibliya, sumunod sa kautusan ni Jehova, at manalangin sa kaniya.

• Paanong ang pagtatakda ng espirituwal na mga tunguhin ay nagpapanatili sa atin sa landasin ng buhay?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 16]

Tumutulong sa atin ang pag-aaral ng Bibliya upang makayanan ang mga pagsalakay sa ating espirituwalidad

[Larawan sa pahina 17]

Angkop na manalangin ukol sa tulong ni Jehova upang mapanagumpayan ang makasalanang mga pagnanasa

[Mga larawan sa pahina 18]

Makatutulong sa atin ang espirituwal na mga tunguhin upang mapanatiling isinasaisip ang espiritu