“Katotohanan Ngang Ibinangon ang Panginoon!”
“Katotohanan Ngang Ibinangon ang Panginoon!”
Gunigunihin ang labis na pagdadalamhati ng mga alagad ni Jesus nang ang kanilang Panginoon ay patayin. Ang kanilang pag-asa ay mistulang walang buhay gaya ng bangkay na inilagay ni Jose ng Arimatea sa libingan. Naglaho na rin ang anumang pag-asam na palalayain ni Jesus ang mga Judio mula sa pamatok ng mga Romano.
KUNG iyan na ang naging wakas ng mga pangyayari, ang mga alagad ni Jesus ay malamang na nagsipaglaho na gaya ng mga tagasunod ng maraming nagnanais na maging Mesiyas. Ngunit buháy si Jesus! Ayon sa Kasulatan, nagpakita siya sa kaniyang mga tagasunod sa ilang pagkakataon di-nagtagal pagkamatay niya. Kaya naman ang ilan sa kanila ay naantig na bumulalas: “Katotohanan ngang ibinangon ang Panginoon!”—Lucas 24:34.
Kinailangang ipagtanggol ng mga alagad ang kanilang pananampalataya kay Jesus bilang ang Mesiyas. Sa paggawa nito, pantangi nilang tinukoy ang kaniyang pagkabuhay-muli mula sa mga patay bilang matibay na patotoo ng kaniyang pagiging Mesiyas. Sa katunayan, “taglay ang malaking kapangyarihan, nagpatuloy ang mga apostol sa pagbibigay ng patotoo may kinalaman sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus.”—Gawa 4:33.
Kung mayroon sanang nakapagpatunay na ang pagkabuhay-muling ito ay isang pandaraya—marahil sa pamamagitan ng pagpapaamin sa isa sa mga alagad na gayon nga o sa pamamagitan ng pagpapakita na ang katawan ni Jesus ay nanatili sa libingan—nabigo na sana ang Kristiyanismo sa pasimula pa lamang. Ngunit hindi nagkagayon. Sa pagkaalam na buháy ang Kristo, ang mga tagasunod ni Jesus ay nagtungo sa lahat ng dako habang inihahayag
ang kaniyang pagkabuhay-muli, at pulu-pulutong ang naging mananampalataya ng ibinangong Kristo.Bakit ikaw man ay makapaniniwala sa pagkabuhay-muli ni Jesus? Ano ang katibayan na ito ay isang tunay na pangyayari?
Bakit Isasaalang-alang ang Katibayan?
Lahat ng apat na salaysay ng Ebanghelyo ay nag-ulat sa pagkabuhay-muli ni Jesus. (Mateo 28:1-10; Marcos 16:1-8; Lucas 24:1-12; Juan 20:1-29) a Ang ibang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nagsasalita nang may katiyakan hinggil sa pagbabangon kay Kristo mula sa kamatayan.
Hindi nga kataka-taka na ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay inihayag ng kaniyang mga tagasunod! Kung siya’y talagang binuhay-muli ng Diyos, iyan na ang pinakakamangha-manghang balita na narinig ng daigdig. Nangangahulugan ito na umiiral ang Diyos. Karagdagan pa, nangangahulugan ito na si Jesus ay buháy sa ngayon.
Paano iyan nakaaapekto sa atin? Buweno, nanalangin si Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, maaari tayong magtamo ng nagbibigay-buhay na kaalaman tungkol kay Jesus at sa kaniyang Ama. Sa pamamagitan ng pagkakapit ng gayong kaalaman, mamatay man tayo, tayo rin ay maaaring buhaying-muli, yamang si Jesus ay binuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Maaari nating matamo ang pag-asang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos sa kamay ng kaniyang niluwalhating Anak, si Jesu-Kristo, ang Hari ng mga hari.—Isaias 9:6, 7; Lucas 23:43; Apocalipsis 17:14.
Kung gayon, ang isyu hinggil sa kung bumangon nga ba si Jesus mula sa mga patay ay napakahalaga. Apektado nito ang ating buhay sa ngayon at ang ating pag-asa para sa hinaharap. Iyan ang dahilan kung bakit inaanyayahan ka namin na suriin ang apat na katibayan na si Jesus ay namatay at binuhay-muli.
Talagang Namatay si Jesus sa Tulos
Inaangkin ng ilang mapag-alinlangan na, bagaman ibinayubay, hindi naman talaga namatay si Jesus sa tulos. Sinasabi nila na agaw-buhay pa lamang siya noon at na siya ay nagkamalay dahil sa lamig ng libingan. Gayunman, pinatutunayan ng lahat ng mapagkukunan ng impormasyon na ang walang-buhay na katawan ni Jesus ang siyang inilagay sa libingan.
Yamang si Jesus ay pinatay sa harap ng madla, may mga saksi sa katotohanan na talagang namatay siya sa tulos. Ang kaniyang pagkamatay ay pinatotohanan ng senturyon na nangasiwa sa pagpatay. Ang opisyal na iyon ng hukbo ay isang propesyonal at kalakip sa kaniyang trabaho ang tiyaking talagang namatay si Jesus. Karagdagan pa, ibinigay lamang ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato ang katawan ni Jesus kay Jose ng Arimatea para ilibing pagkatapos matiyak na patay na nga si Jesus.—Marcos 15:39-46.
Ang Libingan ay Natagpuang Walang Laman
Ang libingang walang laman ang nagbigay sa mga alagad ng unang patotoo ng pagkabuhay-muli ni Jesus, at ang katibayang ito ay hindi pa rin maikakaila. Si Jesus ay inilibing sa isang bagong libingan, na hindi pa nagagamit kailanman. Ito’y malapit sa lugar ng pagkakabayubay at noon ay walang alinlangang napakadaling matagpuan nito. (Juan 19:41, 42) Lahat ng mga ulat ng Ebanghelyo ay nagkakasundo na nang dumating ang mga kaibigan ni Jesus sa libingan noong ikalawang umaga pagkamatay niya, wala na ang kaniyang katawan.—Mateo 28:1-7; Marcos 16:1-7; Lucas 24:1-3; Juan 20:1-10.
Ang libingang walang laman ay nakapanggigilalas sa mga kaaway ni Jesus, at gayundin sa kaniyang mga kaibigan. Matagal nang sinisikap ng kaniyang mga kalaban na makita siyang patay at nakalibing. Palibhasa’y naisagawa na ang kanilang tunguhin, tiniyak nilang makapaglagay ng bantay at masarhan ang libingan. Magkagayunman, noong umaga ng
unang araw ng linggong iyon, ito’y wala nang laman.Kinuha ba ng mga kaibigan ni Jesus ang kaniyang katawan sa libingan? Malamang na hindi, yamang ipinakikita ng mga Ebanghelyo na lubha silang nagdalamhati pagkatapos ng pagpatay sa kaniya. Karagdagan pa, malayong nagpatuloy ang kaniyang mga alagad upang dumanas ng pag-uusig at kamatayan para sa isang bagay na alam nilang pandaraya.
Sino ang kumuha sa laman ng libingan? Malayung-malayong mangyari na ang mga kaaway ni Jesus ang kumuha sa bangkay. Kinuha man nila, tiyak na inilabas nila ito nang dakong huli upang mapabulaanan ang mga pag-aangkin ng mga alagad na si Jesus ay binuhay-muli. Ngunit walang ganiyang nangyari, sapagkat ang Diyos ang siyang kumilos.
Pagkalipas ng ilang linggo, hindi tumugon ang mga kaaway ni Jesus taglay ang napakatibay na pagpapabulaan nang magpatotoo si Pedro: “Mga lalaki ng Israel, dinggin ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na Nazareno, isang lalaki na hayagang ipinakita ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga makapangyarihang gawa at mga palatandaan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo mismo, ang taong ito, bilang isa na ibinigay sa pamamagitan ng itinalagang layunin at patiunang kaalaman ng Diyos, ay inyong ipinako sa tulos sa pamamagitan ng kamay ng mga taong tampalasan at pinatay. Ngunit binuhay siyang muli ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakalag sa mga hapdi ng kamatayan, sapagkat hindi siya maaaring pigilan nito nang mahigpit. Sapagkat sinasabi ni David may kaugnayan sa kaniya, ‘Laging nasa harap ng aking mga mata si Jehova . . . Bukod diyan, maging ang aking laman ay tatahang may pag-asa; sapagkat hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Hades, ni pahihintulutan mo mang makita ng iyong matapat ang kasiraan.’ ”—Gawa 2:22-27.
Marami ang Nakakita sa Binuhay-Muling si Jesus
Sa aklat ng Gawa, ang manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ay nagsabi: “Sa mga [apostol] rin naman sa pamamagitan ng maraming tiyak na patotoo ay nagpakita [si Jesus na] buháy pagkatapos niyang magdusa, na nakikita nila sa loob ng apatnapung araw at nagsasabi ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.” (Gawa 1:2, 3) Maraming alagad ang nakakita sa binuhay-muling si Jesus sa iba’t ibang pagkakataon—sa isang hardin, sa daan, sa panahon ng pagkain, sa tabi ng Dagat ng Tiberias.—Mateo 28:8-10; Lucas 24:13-43; Juan 21:1-23.
Tinututulan ng mga kritiko ang pagiging totoo ng mga pagpapakitang ito. Sinasabi nilang inimbento ng mga manunulat ang mga ulat, o tinutukoy nila ang waring mga pagkakasalungatan ng mga ito. Sa katunayan, ang maliliit na pagkakaiba sa mga ulat ng Ebanghelyo ay nagpapatunay na walang naganap na lihim na pagsasabuwatan. Ang ating kaalaman tungkol kay Jesus ay napalalawak kapag ang isang manunulat ay naglalaan ng mga detalye na karagdagan sa ibang mga ulat ng ilang pangyayari sa buhay ni Kristo sa lupa.
Ang mga pagpapakita ba ni Jesus matapos ang kaniyang pagkabuhay-muli ay mga guniguni lamang? Anumang argumento sa ganitong paraan ay hindi kapani-paniwala, yamang nakita siya ng napakaraming tao. Kabilang sa mga ito ay mga mangingisda, mga babae, isang empleado ng gobyerno, at maging ang nag-aalinlangang apostol na si Tomas, na nakumbinsi lamang nang makita niya ang di-matututulang patotoo na si Jesus ay ibinangon nga mula sa mga patay. (Juan 20:24-29) Sa ilang pagkakataon, hindi agad nakilala ng mga alagad ni Jesus ang kanilang binuhay-muling Panginoon. Minsan, mahigit sa 500 katao ang nakakita sa kaniya, na karamihan ay buháy pa nang gamitin ni apostol Pablo ang insidenteng iyon bilang katibayan sa kaniyang pagtatanggol sa pagkabuhay-muli.—1 Corinto 15:6.
Ang Buháy na si Jesus ay May Epekto sa mga Tao
Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay hindi lamang isang bagay na dapat usisain o pagtalunan. Ang kaniyang pagiging buháy ay nakaapekto sa mga tao sa lahat ng dako sa positibong paraan. Mula pa noong unang siglo, di-mabilang na mga indibiduwal ang nagbago mula sa kawalang-interes o lubusang pagsalansang sa Kristiyanismo tungo sa ganap na katiyakan na ito nga ang tunay na relihiyon. Ano ang nagpabago sa kanila? Pinatunayan sa kanila ng pag-aaral ng Kasulatan na binuhay-muli ng Diyos si Jesus bilang isang maluwalhating espiritung nilalang sa langit. (Filipos 2:8-11) Nanampalataya sila kay Jesus at sa paglalaan ng Diyos na Jehova para sa kaligtasan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo. (Roma 5:8) Ang gayong mga indibiduwal ay nakasumpong ng tunay na kaligayahan sa paggawa ng kalooban ng Diyos at pamumuhay kasuwato ng mga turo ni Jesus.
Isaalang-alang kung ano ang kasangkot sa pagiging isang Kristiyano noong unang siglo. Walang matatamong katanyagan, kapangyarihan, o kayamanan. Sa kabaligtaran pa nga, maraming sinaunang Kristiyano ang ‘may kagalakang tumanggap sa pandarambong sa kanilang mga ari-arian’ alang-alang sa kanilang pananampalataya. (Hebreo 10:34) Ang Kristiyanismo ay humiling ng isang buhay ng pagsasakripisyo at pag-uusig na sa maraming kaso ay nauwi sa pagiging isang martir.
Bago naging mga tagasunod ni Kristo, ang ilan ay may magandang hinaharap kung katanyagan at kayamanan ang pag-uusapan. Si Saul ng Tarso ay nag-aral sa ilalim ng bantog na guro sa Kautusan na si Gamaliel at nagsisimula na siyang mapatanyag noon sa mga Judio. (Gawa 9:1, 2; 22:3; Galacia 1:14) Gayunman, si Saul ay naging si apostol Pablo. Siya at ang marami pang iba ay tumalikod sa katanyagan at kapangyarihan na iniaalok ng sanlibutang ito. Bakit? Upang palaganapin ang isang mensahe ng tunay na pag-asa salig sa mga pangako ng Diyos at sa katotohanan na si Jesu-Kristo ay binuhay-muli mula sa mga patay. (Colosas 1:28) Naging handa silang magdusa para sa isang layunin na alam nilang nakasalig sa katotohanan.
Totoo rin ito sa milyun-milyon sa ngayon. Matatagpuan mo sila sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Malugod kang inaanyayahan ng mga Saksi sa taunang pag-alaala sa kamatayan ni Kristo, na magaganap paglubog ng araw sa Linggo, Abril 8, 2001. Ikagagalak nila ang iyong pagdalo sa okasyong iyan at sa lahat ng kanilang mga pulong para sa pag-aaral ng Bibliya na idinaraos sa kanilang mga Kingdom Hall.
Bakit hindi mag-aral nang higit pa, hindi lamang tungkol sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus kundi tungkol din sa kaniyang buhay at mga turo? Inaanyayahan niya tayo na lumapit sa kaniya. (Mateo 11:28-30) Kumilos na ngayon upang magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Ang paggawa nito ay mangangahulugan ng buhay na walang hanggan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos sa kamay ng kaniyang minamahal na Anak.
[Talababa]
a Para sa katibayan hinggil sa pagiging totoo ng mga ulat ng Ebanghelyo, tingnan “Ang mga Ebanghelyo—Kasaysayan ba o Alamat?” sa Ang Bantayan ng Mayo 15, 2000.
[Mga larawan sa pahina 7]
Milyun-milyon ang nakasusumpong ng tunay na kaligayahan bilang mga tagasunod ni Jesu-Kristo
[Picture Credit Line sa pahina 6]
From the Self-Pronouncing Edition of the Holy Bible, containing the King James and the Revised versions