Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Maligaya ang Taong Nakasumpong ng Karunungan”

“Maligaya ang Taong Nakasumpong ng Karunungan”

“Maligaya ang Taong Nakasumpong ng Karunungan”

SIYA ay isang makata, isang arkitekto, isang hari. Sa kaniyang taunang kinikita na mahigit sa 200 milyong dolyar, mas mayaman siya kaysa sa sinumang hari sa lupa. Ang lalaki ay bantog din sa taglay niyang karunungan. Sa laki ng paghanga ng isang dumadalaw na reyna ay naibulalas nito: “Narito! Ni hindi nga nasabi sa akin ang kalahati. Nahigitan mo sa karunungan at kasaganaan ang mga bagay na narinig na aking napakinggan.” (1 Hari 10:4-9) Ganito ang katayuan ni Haring Solomon ng sinaunang Israel.

Nagkaroon si Solomon kapuwa ng kayamanan at karunungan. At ito ang dahilan kung bakit bukod-tangi siyang kuwalipikado upang magpasiya kung alin sa dalawa ang tunay na mahalaga. Sumulat siya: “Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pagkakamit nito bilang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa pagkakamit ng pilak bilang pakinabang at ang pagkakamit nito bilang ani kaysa sa ginto. Ito ay mas mahalaga kaysa sa mga korales, at ang lahat ng iba pang kaluguran mo ay hindi maipapantay rito.”​—Kawikaan 3:13-15.

Subalit saan ba masusumpungan ang karunungan? Bakit ito mas mahalaga kaysa sa kayamanan? Sa anong mga paraan ito kaakit-akit? Ang ika-8 kabanata ng aklat ng Bibliya na Kawikaan, na isinulat ni Solomon, ay sumasagot sa mga tanong na ito sa kawili-wiling paraan. Doon ay itinuturing na parang persona ang karunungan, na waring ito’y nakapagsasalita at nakakakilos. At personal na isinisiwalat ng karunungan ang panghalina nito at pati na ang kahalagahan nito.

“Patuloy Itong Sumisigaw Nang Malakas”

Ang kabanata 8 ng Kawikaan ay nagsisimula sa isang retorikang tanong: “Hindi ba patuloy na tumatawag ang karunungan, at ang kaunawaan ay patuloy na naglalakas ng kaniyang tinig?” a Oo, ang karunungan at kaunawaan ay patuloy na tumatawag, ngunit hindi gaya ng ginagawa ng imoral na babae na nag-aabang sa madidilim na dako at bumubulong ng mapang-akit na mga salita sa pandinig ng kabataang nag-iisa at walang muwang. (Kawikaan 7:12) “Sa taluktok ng matataas na dako, sa tabi ng daan, sa may salubungan ng mga landas ay nakatayo ito. Sa tabi ng mga pintuang-daan, sa bukana ng bayan, sa entrada ng mga pasukan ay patuloy itong sumisigaw nang malakas.” (Kawikaan 8:1-3) Ang malakas at walang-takot na tinig ng karunungan ay maririnig nang buong-linaw sa mga lugar na pampubliko​—sa mga pintuang-daan, sa mga salubungan ng mga lansangan, sa mga pasukan ng lunsod. Madaling marinig ng mga tao ang tinig na iyan upang makatugon.

Sino ang makatututol na ang makadiyos na karunungan na nakaulat sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay makukuha ng lahat halos ng mga taong nasa lupa na naghahangad na magkamit nito? “Ang Bibliya ang aklat na may pinakamaraming mambabasa sa kasaysayan,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. Dagdag pa nito: “Mas marami ng kopya ng Bibliya ang naipamahagi kaysa sa alinmang ibang aklat. Ang Bibliya ay naisalin na rin nang mas maraming ulit, at sa mas maraming wika, kaysa sa alinmang ibang aklat.” Yamang ang buong Bibliya o ang ilang bahagi nito ay makukuha sa mahigit sa 2,100 wika at diyalekto, mahigit sa 90 porsiyento ng sangkatauhan ang makababasa ng kahit ilang bahagi lamang ng Salita ng Diyos sa kanilang sariling wika.

Ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova sa publiko sa lahat ng dako ang mensahe ng Bibliya. Sa 235 lupain, aktibo silang nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at nagtuturo sa mga tao ng mga katotohanang matatagpuan sa Salita ng Diyos. Ang kanilang salig-sa-Bibliyang mga babasahin na Ang Bantayan, na inilalathala sa 140 wika, at Gumising!, na inililimbag sa 83 wika, ay may sirkulasyon na mahigit sa 20 milyon bawat isa. Ang karunungan ay talagang patuloy na sumisigaw nang malakas sa mga lugar na pampubliko!

“Ang Aking Tinig ay sa mga Anak ng mga Tao”

Ang personipikasyon ng karunungan ay nagsimulang magsalita, na nagsasabi: “Sa inyo, O mga tao, ay tumatawag ako, at ang aking tinig ay sa mga anak ng mga tao. O mga walang-karanasan, unawain ninyo ang katalinuhan; at kayong mga hangal, unawain ninyo ang puso.”​—Kawikaan 8:4, 5.

Ang panawagan ng karunungan ay para sa lahat. Inaanyayahan nito ang buong sangkatauhan. Maging ang mga walang-karanasan ay inaanyayahang magtamo ng katalinuhan, o kahusayan sa pagpapasiya, at ang mga mangmang naman, ng unawa. Oo, naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ay isang aklat para sa lahat ng mga tao at hinihimok nila nang walang pagtatangi ang lahat ng kanilang nakakausap na suriin ito upang masumpungan ang mga salita ng karunungan na nakapaloob dito.

‘Ang Aking Ngalangala ay Bumibigkas ng Katotohanan’

Bilang karagdagan pang pamamanhik nito, ang karunungan ay nagpatuloy: “Makinig kayo, sapagkat tungkol sa pangunahing mga bagay ang aking sinasalita, at ang buka ng aking mga labi ay tungkol sa katapatan. Sapagkat ang aking ngalangala ay pabulong na bumibigkas ng katotohanan; at ang kabalakyutan ay karima-rimarim sa aking mga labi. Ang lahat ng pananalita ng aking bibig ay sa katuwiran. Sa mga iyon ay walang anumang pilipit o liko.” Oo, ang mga turo ng karunungan ay magaling at matapat, makatotohanan at matuwid. Walang anumang panlilinlang o kalikuan sa mga iyon. “Ang lahat ng mga iyon ay tuwid sa may pang-unawa, at matuwid sa mga nakasusumpong ng kaalaman.”​—Kawikaan 8:6-9.

Angkop namang ipayo ng karunungan: “Tanggapin ninyo ang aking disiplina at huwag ang pilak, at ang kaalaman sa halip na piling ginto.” Ang pakiusap na ito ay makatuwiran, “sapagkat ang karunungan ay mas mabuti kaysa sa mga korales, at ang lahat ng iba pang kaluguran ay hindi maipapantay rito.” (Kawikaan 8:10, 11) Ngunit sa anong dahilan? Bakit mas mahalaga ang karunungan kaysa sa kayamanan?

“Ang Aking Bunga ay Mas Mabuti Kaysa sa Ginto”

Ang mga kaloob na ibinibigay ng karunungan sa sinumang nakikinig sa kaniya ay mas mahalaga kaysa sa ginto, pilak, o korales. Sa pagbanggit kung ano ang mga kaloob na ito, sinabi ng karunungan: “Ako, ang karunungan, ako ay tumahang kasama ng katalinuhan at nasusumpungan ko ang kaalaman sa mga kakayahang mag-isip. Ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama. Ang pagtataas sa sarili at pagmamapuri at ang masamang lakad at ang tiwaling bibig ay kinapopootan ko.”​—Kawikaan 8:12, 13.

Ang karunungan ay nagbibigay ng katalinuhan at kakayahang mag-isip sa nagtataglay nito. Ang taong may makadiyos na karunungan ay mayroon ding pagpipitagan at takot sa Diyos, yamang “ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan.” (Kawikaan 9:10) Kaya naman kinapopootan niya ang kinapopootan ni Jehova. Ang kapalaluan, kahambugan, imoral na paggawi, at masamang pananalita ay hindi masusumpungan sa kaniya. Ang kaniyang pagkapoot sa kasamaan ang nagsasanggalang sa kaniya laban sa nagpapasamang epekto ng kapangyarihan. Napakahalaga nga na ang mga may mabibigat na pananagutan sa kongregasyong Kristiyano, at gayundin ang mga ulo ng pamilya, ay maghangad ng karunungan!

“Ako ay may payo at praktikal na karunungan,” patuloy pa ng karunungan. “Ako​—ang pagkaunawa; ako ay may kapangyarihan. Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, at ang matataas na opisyal ay nagtatalaga ng katuwiran. Sa pamamagitan ko ay namamahala ang mga prinsipe bilang mga prinsipe, at ang lahat ng mga taong mahal ay humahatol sa katuwiran.” (Kawikaan 8:14-16) Kasama sa mga bunga ng karunungan ang malalim na unawa, pagkaunawa, at kalakasan​—mga salik na lubhang kailangan ng mga tagapamahala, matataas na opisyal, at mga taong mahal. Ang karunungan ay dapat na taglayin ng mga may mataas na katungkulan at ng mga nagpapayo sa iba.

Ang tunay na karunungan ay madaling makuha ng lahat, ngunit hindi lahat ay nakasusumpong nito. Tinatanggihan ito ng iba o kaya’y iniiwasan, kahit ito’y nasa harapan na nila. “Yaong mga umiibig sa akin ay iniibig ko,” ang sabi ng karunungan, “at yaong mga humahanap sa akin ang siyang nakasusumpong sa akin.” (Kawikaan 8:17) Ang karunungan ay makukuha lamang niyaong mga masikap na humahanap nito.

Ang mga daan ng karunungan ay makatarungan at matuwid. Ginagantimpalaan nito ang mga humahanap sa kaniya. Sinasabi ng karunungan: “Ang kayamanan at ang kaluwalhatian ay nasa akin, mga pamanang yaman at katuwiran. Ang aking bunga ay mas mabuti kaysa sa ginto, kaysa sa dalisay na ginto, at ang aking ani kaysa sa piling pilak. Lumalakad ako sa landas ng katuwiran, sa gitna ng mga daan ng kahatulan, upang pangyarihing magmay-ari ng yaman yaong mga umiibig sa akin; at ang kanilang mga imbakan ay pinananatili kong punô.”​—Kawikaan 8:18-21.

Bukod pa sa gayong mahuhusay na katangian at ugali gaya ng pagiging maingat, kakayahang mag-isip, kapakumbabaan, malalim na unawa, praktikal na karunungan, at pagkaunawa, kasali sa mga kaloob ng karunungan ang kayamanan at karangalan. Ang taong marunong ay maaaring yumaman sa matuwid na paraan, at susulong siya sa espirituwal. (3 Juan 2) Ang karunungan ay nagdudulot din ng karangalan sa isang tao. Karagdagan pa, nagtatamo siya ng kasiyahan sa mga nakakamtan niya, at mayroon siyang kapayapaan ng isip at malinis na budhi sa harap ng Diyos. Oo, maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan. Ang bunga ng karunungan ay tunay na mas mabuti kaysa sa dalisay na ginto at piling pilak.

Tunay na napapanahon ang payong ito para sa atin, yamang nabubuhay tayo sa isang materyalistikong daigdig na nagdiriin sa pagtatamo ng kayamanan sa anumang paraan at anuman ang kabayaran! Huwag sana nating ipagwalang-bahala ang kahalagahan ng karunungan o kaya’y gumawa ng di-matuwid na pamamaraan upang magtamo ng kayamanan. Huwag na huwag nating pababayaan ang mismong mga paglalaan na nagbibigay ng karunungan​—ang ating mga Kristiyanong pagpupulong at ang ating personal na pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyong inilalaan ng “tapat at maingat na alipin”​—upang magtamo lamang ng kayamanan.​—Mateo 24:45-47.

“Mula Nang Panahong Walang Takda ay Itinalaga na Ako”

Ang personipikasyon ng karunungan na matatagpuan sa ika-8 kabanata ng Kawikaan ay hindi lamang isang paraan upang maipaliwanag ang mga pagkakakilanlan ng isang katangiang mahirap maunawaan. Sa makasagisag na paraan ay tumutukoy rin ito sa pinakamahalagang nilalang ni Jehova. Sinabi pa ng karunungan: “Ginawa ako ni Jehova bilang ang pasimula ng kaniyang lakad, ang kauna-unahan sa kaniyang mga nagawa noong sinaunang panahon. Mula nang panahong walang takda ay itinalaga na ako, mula nang pasimula, mula nang mga panahong nauna pa sa lupa. Noong wala pang matubig na mga kalaliman ay iniluwal ako na waring may kasabay na mga kirot ng pagdaramdam, noong wala pang mga bukal na lubhang tigib ng tubig. Bago pa nalagay ang mga bundok, una pa sa mga burol, ako ay iniluwal na waring may kasabay na mga kirot ng pagdaramdam, noong hindi pa niya nagagawa ang lupa at ang mga hantad na lugar at ang unang bahagi ng makapal na alabok sa mabungang lupain.”​—Kawikaan 8:22-26.

Akmang-akma ang nabanggit na paglalarawan sa personipikasyon ng karunungan sa sinasabi sa Kasulatan tungkol sa “Salita”! “Nang pasimula ay ang Salita,” ang isinulat ni apostol Juan, “at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos.” (Juan 1:1) Ang personipikasyon ng karunungan ay makasagisag na kumakatawan sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, noong umiiral siya bago naging tao. b

Si Jesu-Kristo ang “panganay sa lahat ng nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita.” (Colosas 1:15, 16) “Nang ihanda niya [ni Jehova] ang langit ay naroroon ako,” patuloy pa ng personipikasyon ng karunungan, “nang magtalaga siya ng bilog sa ibabaw ng matubig na kalaliman, nang itatag niya ang kaulapan sa itaas, nang patibayin niya ang mga bukal ng matubig na kalaliman, nang itakda niya sa dagat ang kaniyang batas na ang tubig ay hindi dapat lumampas sa kaniyang iniutos, nang italaga niya ang mga pundasyon ng lupa, noon ay nasa piling niya ako bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang siyang lubhang kinagigiliwan niya araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon, na nagagalak sa mabungang lupain ng kaniyang lupa, at ang mga kinagigiliwan ko ay nasa mga anak ng mga tao.” (Kawikaan 8:27-31) Ang panganay na Anak ni Jehova ay nasa piling ng kaniyang Ama, na aktibong gumagawang kasama niya​—ang walang-kapantay na Maylalang ng langit at lupa. Nang lalangin ng Diyos na Jehova ang unang tao, kasama niya sa proyekto ang Kaniyang Anak bilang Dalubhasang Manggagawa. (Genesis 1:26) Hindi nga kataka-taka na ang Anak ng Diyos ay lubhang interesado, may paggiliw pa nga, sa sangkatauhan!

“Maligaya ang Taong Nakikinig sa Akin”

Bilang personipikasyon ng karunungan, sinabi ng Anak ng Diyos: “Ngayon, O mga anak, makinig kayo sa akin; oo, maligaya ang mga nag-iingat ng aking mga daan. Makinig kayo sa disiplina at magpakarunong, at huwag kayong magpakita ng anumang kapabayaan. Maligaya ang taong nakikinig sa akin sa pamamagitan ng pananatiling gising sa aking mga pintuan araw-araw, sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga poste ng aking mga pasukan. Sapagkat yaong nakasusumpong sa akin ay tiyak na makasusumpong ng buhay, at nagtatamo ng kabutihang-loob mula kay Jehova. Ngunit ang sumasala sa akin ay gumagawa ng karahasan sa kaniyang kaluluwa; ang lahat niyaong masidhing napopoot sa akin ang siyang umiibig sa kamatayan.”​—Kawikaan 8:32-36.

Si Jesu-Kristo ang mismong larawan ng karunungan ng Diyos. “Maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Colosas 2:3) Kaya nga huwag nating pababayaan ang pakikinig sa kaniya at maingat nating sundan ang kaniyang mga yapak. (1 Pedro 2:21) Ang pagtatakwil sa kaniya ay pandarahas sa ating sariling kaluluwa at pag-ibig sa kamatayan, sapagkat “walang kaligtasan sa kanino pa man.” (Gawa 4:12) Oo, tanggapin natin si Jesus bilang ang isa na inilaan ng Diyos ukol sa ating kaligtasan. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Sa gayon ay mararanasan natin ang kaligayahan na dulot ng ‘pagkasumpong ng buhay at pagtatamo ng kabutihang-loob ni Jehova.’

[Mga talababa]

a Ang salitang Hebreo para sa “karunungan” ay nasa kasariang pambabae. Dahil dito, ang ilang salin ay gumagamit ng mga panghalip na pambabae kapag tumutukoy sa karunungan.

b Ang pagiging laging nasa kasariang pambabae ng salitang Hebreo para sa “karunungan” ay hindi salungat sa paggamit ng karunungan upang kumatawan sa Anak ng Diyos. Ang salitang Griego para sa “pag-ibig” sa pangungusap na “ang Diyos ay pag-ibig” ay nasa kasariang pambabae rin. (1 Juan 4:8) Gayunman, ginagamit ito upang tumukoy sa Diyos.

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang karunungan ay dapat na taglayin niyaong mga may mabibigat na katungkulan

[Mga larawan sa pahina 27]

Huwag pababayaan ang mga paglalaan na nagbibigay ng karunungan