Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Salita ni Jehova ay Patuloy na Lumalago”

“Ang Salita ni Jehova ay Patuloy na Lumalago”

“Ang Salita ni Jehova ay Patuloy na Lumalago”

“Isinusugo niya ang kaniyang pananalita sa lupa; mabilis na tumatakbo ang kaniyang salita.”​—AWIT 147:15.

1, 2. Anong atas ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at ano ang kasangkot doon?

 ANG isa sa pinakakamangha-manghang hula sa Bibliya ay masusumpungan sa Gawa 1:8. Nang malapit na siyang umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga tagasunod: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Tunay na ito ay magiging isang napakalaking gawain!

2 Ang paghahayag ng salita ng Diyos sa buong lupa ay malamang na nagmukhang isang mapanghamong atas sa iilang alagad na iyon na tumanggap nito. Isip-isipin ang nasasangkot. Kailangang tulungan nila ang mga tao na maunawaan ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Kahilingan din sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang ibahagi sa iba ang kaniyang mapuwersang mga turo at ipaliwanag ang kaniyang papel sa layunin ni Jehova. Bukod dito, kasali rin sa gawain ang paggawa ng alagad sa mga tao at pagkatapos ay pagbabautismo sa kanila. At kailangang gawin ito sa buong daigdig!​—Mateo 28:19, 20.

3. Ano ang tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, at paano sila tumugon sa gawaing ibinigay sa kanila?

3 Gayunman, tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sasakanila ang banal na espiritu habang isinasakatuparan nila ang gawain na ibinigay niya sa kanila. Kaya naman, sa kabila ng napakalaking atas at ng walang-tigil at mararahas na pagsisikap ng mga sumasalansang upang mapatahimik sila, matagumpay na nagawa ng unang mga alagad ni Jesus ang kaniyang iniutos. Ito ay isang ulat sa kasaysayan na hindi maikakaila.

4. Paano namamalas ang pag-ibig ng Diyos sa atas na mangaral at magturo sa iba?

4 Ang kampanya ng pangangaral at pagtuturo sa buong daigdig ay isang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa mga hindi nakakakilala sa kaniya. Binigyan sila nito ng pagkakataon upang mapalapit kay Jehova at tumanggap ang kapatawaran ng mga kasalanan. (Gawa 26:18) Ipinakita rin sa atas na mangaral at magturo ang pag-ibig ng Diyos para sa mga nagdadala ng mensahe, yamang pinangyayari nito na maipahayag nila ang kanilang debosyon kay Jehova at maipamalas ang kanilang pag-ibig sa mga kapuwa tao. (Mateo 22:37-39) Gayon na lamang ang pagpapahalaga ni apostol Pablo sa ministeryong Kristiyano anupat tinukoy niya ito bilang isang ‘kayamanan.’​—2 Corinto 4:7.

5. (a) Saan natin masusumpungan ang pinakamapananaligang kasaysayan tungkol sa unang mga Kristiyano, at anong paglago ang inilarawan doon? (b) Bakit makahulugan ang aklat ng Mga Gawa sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon?

5 Ang pinakamapananaligang kasaysayan ng gawaing pangangaral ng unang mga Kristiyano ay masusumpungan sa kinasihang aklat ng Mga Gawa, na isinulat ng alagad na si Lucas. Ito ay isang ulat ng kamangha-mangha at mabilis na paglago. Ipinapaalaala sa atin ng paglagong ito ng kaalaman sa Salita ng Diyos ang Awit 147:15, na nagsasabi: “Isinusugo [ni Jehova] ang kaniyang pananalita sa lupa; mabilis na tumatakbo ang kaniyang salita.” Ang ulat tungkol sa unang mga Kristiyano, na pinalakas ng banal na espiritu, ay kapuwa kapana-panabik at lubhang makahulugan sa atin sa ngayon. Nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa gayunding gawaing pangangaral at paggawa ng alagad, sa mas malawak na paraan nga lamang. Napapaharap din tayo sa mga suliranin na katulad niyaong napaharap sa mga Kristiyano noong unang siglo. Habang isinasaalang-alang natin kung paano pinagpala at pinalakas ni Jehova ang unang mga Kristiyano, napatitibay ang pananampalataya natin sa kaniyang suporta.

Paglago sa Bilang ng mga Alagad

6. Anong parirala may kinalaman sa paglago ang lumilitaw nang tatlong beses sa aklat ng Mga Gawa, at tumutukoy ito sa ano?

6 Ang isang paraan ng pagsusuri sa katuparan ng Gawa 1:8 ay ang pagsasaalang-alang sa pananalitang “ang salita ni Jehova ay patuloy na lumalago,” isang parirala na tatlong beses lamang lumilitaw sa Bibliya, nang may kaunting pagkakaiba-iba, at pawang masusumpungan sa aklat ng Mga Gawa. (Gawa 6:7; 12:24; 19:20) “Ang salita ni Jehova,” o “ang salita ng Diyos,” sa mga tekstong ito ay tumutukoy sa mabuting balita​—ang nakapagpapakilos na mensahe ng banal na katotohanan, isang buháy at makapangyarihang mensahe na bumago sa mga buhay niyaong mga tumanggap nito.​—Hebreo 4:12.

7. Sa ano iniuugnay ang paglago ng salita ng Diyos sa Gawa 6:7, at ano ang nangyari noong araw ng Pentecostes 33 C.E.?

7 Ang unang pagbanggit sa paglago ng salita ng Diyos ay matatagpuan sa Gawa 6:7. Doon ay mababasa natin: “Dahil dito ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem; at isang malaking pulutong ng mga saserdote ang nagsimulang maging masunurin sa pananampalataya.” Dito, ang paglago ay iniuugnay sa pagdami ng bilang ng mga alagad. Nauna rito, noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ang banal na espiritu ng Diyos sa 120 alagad na nagkatipon sa isang silid sa itaas. Pagkatapos ay nagbigay ng nakapagpapakilos na pahayag si apostol Pedro, at sa mga nakinig, mga 3,000 ang naging mananampalataya nang mismong araw na iyon. Malamang na nagkagulo nga nang libu-libong tao ang nagsitungo sa tipunang-tubig o mga tipunang-tubig sa loob at sa palibot ng Jerusalem upang mabautismuhan sa pangalan ni Jesus, ang lalaki na ibinayubay bilang isang kriminal mga 50 araw bago nito!​—Gawa 2:41.

8. Paano dumami ang bilang ng mga alagad noong mga taon pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E.?

8 Siyempre pa, pasimula lamang iyon. Ang patuloy na pagsisikap ng mga Judiong lider ng relihiyon na sugpuin ang gawaing pangangaral ay nabigo. Sa pagkasiphayo ng mga lider na iyon, ‘patuloy na idinaragdag ni Jehova [sa mga alagad] sa araw-araw yaong mga naliligtas.’ (Gawa 2:47) Di-nagtagal, “ang bilang ng mga lalaki ay umabot ng mga limang libo.” Pagkatapos noon, “ang mga mananampalataya sa Panginoon ay patuloy na napaparagdag, mga karamihan na kapuwa mga lalaki at mga babae.” (Gawa 4:4; 5:14) Tungkol sa isa pang yugto pagkaraan nito, mababasa natin: “Sa gayon nga, ang kongregasyon sa buong Judea at Galilea at Samaria ay nagkaroon ng isang yugto ng kapayapaan, anupat napatitibay; at habang lumalakad ito sa pagkatakot kay Jehova at sa kaaliwan mula sa banal na espiritu ay patuloy itong dumarami.” (Gawa 9:31) Pagkalipas ng ilang taon, marahil ay mga 58 C.E., may ginawang pagbanggit sa “ilang libong mananampalataya.” (Gawa 21:20) Nang panahong iyon, marami na rin ang mga mananampalatayang Gentil.

9. Paano mo ilalarawan ang unang mga Kristiyano?

9 Ang paglagong ito sa bilang ay pangunahin nang sanhi ng pangungumberte. Bago pa lamang ang relihiyon​—ngunit ito ay masiglang-masigla. Sa halip na maging di-aktibong mga miyembro ng simbahan, ang mga alagad ay lubusang nakatalaga kay Jehova at sa kaniyang Salita, anupat kung minsan ay natutuhan ang katotohanan mula sa mga may-kalupitang inusig. (Gawa 16:23, 26-33) Yaong mga tumanggap sa Kristiyanismo ay gumawa ng gayon bilang resulta ng pasiya na salig sa pangangatuwiran at budhi. (Roma 12:1) Tinuruan sila sa mga daan ng Diyos; ang katotohanan ay nasa kanilang isip at puso. (Hebreo 8:10, 11) Handa silang mamatay alang-alang sa kanilang pinaniniwalaan.​—Gawa 7:51-60.

10. Anong pananagutan ang tinanggap ng unang mga Kristiyano, at ano ang nakakatulad nito sa ngayon?

10 Kinilala niyaong mga yumakap sa turong Kristiyano ang kanilang pananagutan na ibahagi ang katotohanan sa iba. Ito ay tuwirang nakatulong sa higit pang paglago sa bilang. Isang iskolar sa Bibliya ang nagsabi: “Ang pakikipag-usap tungkol sa pananampalataya ay hindi itinuring na karapatan lamang ng mga lubhang masisigasig o ng opisyal na inatasang ebanghelisador. Ang pag-eebanghelyo ay karapatan at tungkulin ng bawat miyembro ng Simbahan. . . . Ang kusang pagsisikap ng buong pamayanang Kristiyano ay nagdulot ng malaking pampasigla sa kilusan mula pa sa mismong pasimula.” Sumulat pa siya: “Ang pag-eebanghelyo ang siyang pinakabuhay ng unang mga Kristiyano.” Totoo rin ito sa tunay na mga Kristiyano sa ngayon.

Heograpikal na Paglago

11. Anong uri ng paglago ang inilalarawan sa Gawa 12:24, at paano ito naganap?

11 Ang ikalawang pagbanggit sa paglago ng salita ng Diyos ay masusumpungan sa Gawa 12:24: “Ang salita ni Jehova ay patuloy na lumalago at lumalaganap.” Dito, ang parirala ay iniuugnay sa heograpikal na paglago. Sa kabila ng pagsalansang ng pamahalaan, patuloy na sumulong ang gawain. Ang banal na espiritu ay unang ibinuhos sa Jerusalem, at mula roon, ang salita ay mabilis na lumaganap. Pinangalat ng pag-uusig sa Jerusalem ang mga alagad sa lahat ng mga pook ng Judea at Samaria. Ang resulta? “Yaong mga nangalat ay lumibot sa lupain na ipinahahayag ang mabuting balita ng salita.” (Gawa 8:1, 4) Si Felipe ay inakay upang magpatotoo sa isang lalaki na pagkatapos mabautismuhan ay siyang nagdala ng mensahe sa Etiopia. (Gawa 8:26-28, 38, 39) Mabilis na naitatag ang katotohanan sa Lida, sa Kapatagan ng Saron, at sa Jope. (Gawa 9:35, 42) Nang maglaon, naglakbay si apostol Pablo nang libu-libong kilometro sa dagat at lupa, na nagtatatag ng mga kongregasyon sa palibot ng maraming bansa sa Mediteraneo. Si apostol Pedro ay nagtungo sa Babilonya. (1 Pedro 5:13) Sa loob ng 30 taon pagkaraan ng pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes, isinulat ni Pablo na ang mabuting balita ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit,’ marahil ay tinutukoy ang daigdig na kilala noon.​—Colosas 1:23.

12. Paano kinilala ng mga sumasalansang sa Kristiyanismo ang heograpikal na paglago ng salita ng Diyos?

12 Maging ang mga sumasalansang sa Kristiyanismo ay umamin na ang salita ng Diyos ay naitatag sa buong Imperyong Romano. Halimbawa, inilalahad ng Gawa 17:6 na sa Tesalonica, hilagang Gresya, isinigaw ng mga mananalansang: “Ang mga taong ito na nagtiwarik sa tinatahanang lupa ay naririto rin.” Bukod dito, sa pasimula ng ikalawang siglo, si Pliny na Nakababata ay sumulat tungkol sa Kristiyanismo sa Romanong emperador na si Trajan mula sa Bitinia. Inireklamo niya: “[Ito] ay hindi lamang sa mga lunsod, kundi kumalat ang salot na ito sa mga karatig na nayon at bansa.”

13. Sa anong paraan ipinakikita ng heograpikal na paglago ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan?

13 Ang heograpikal na paglagong ito ay isang kapahayagan ng matinding pag-ibig ni Jehova sa matutubos na sangkatauhan. Nang mamasdan ni Pedro na ang banal na espiritu ay namamalas mismo sa Gentil na si Cornelio, sinabi niya: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Oo, ang mabuting balita ay isang mensahe para sa lahat ng tao noon at ngayon, at ang heograpikal na paglago ng salita ng Diyos ay nagbigay sa mga tao sa lahat ng dako ng pagkakataon na tumugon sa pag-ibig ng Diyos. Sa ika-21 siglong ito, ang salita ng Diyos ay literal na lumaganap sa lahat ng bahagi ng lupa.

Paglago na Nanaig

14. Anong uri ng paglago ang inilalarawan sa Gawa 19:20, at sa ano nanaig ang salita ng Diyos?

14 Ang ikatlong pagbanggit sa paglago ng salita ng Diyos ay matatagpuan sa Gawa 19:20: “Sa makapangyarihang paraan ay patuloy na lumago at nanaig ang salita ni Jehova.” Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “nanaig” ay nagpapahiwatig ng ideya ng “paggamit ng lakas.” Inilalahad ng naunang mga talata na marami sa Efeso ang naging mga mananampalataya, at sinunog ng ilan na nagsasagawa ng mga sining ng mahika ang kanilang mga aklat sa harapan ng lahat. Sa gayon, nanaig ang salita ng Diyos sa huwad na mga relihiyosong paniniwala. Nanaig din ang mabuting balita sa iba pang mga hadlang, gaya ng pag-uusig. Walang makapagpapahinto rito. Dito ay muli tayong nakasusumpong ng isang kapansin-pansing pagkakatulad sa tunay na Kristiyanismo sa ating panahon.

15. (a) Ano ang isinulat ng isang istoryador sa Bibliya tungkol sa unang mga Kristiyano? (b) Kanino iniukol ng mga alagad ang kapurihan sa kanilang tagumpay?

15 Ipinahayag ng mga apostol at ng iba pang unang mga Kristiyano ang salita ng Diyos nang may kasigasigan. Hinggil sa kanila, ganito ang sinabi ng isang istoryador sa Bibliya: “Kapag ang mga tao ay handang magsalita tungkol sa kanilang Panginoon, hindi sila nauubusan ng mga paraan sa paggawa nito. Tunay nga, ang nagpapakilos na puwersa sa mga lalaki at babaing ito ang higit nating hinahangaan kaysa sa kanilang mga pamamaraan.” Gayunman, kinilala ng unang mga Kristiyanong iyon na ang tagumpay ng kanilang ministeryo ay hindi lamang nakadepende sa kanilang mga pagsisikap. Inatasan sila ng Diyos na ipagpatuloy ang kanilang gawain, at taglay nila ang suporta ng Diyos upang maisakatuparan ito. Ang espirituwal na paglago ay nanggagaling sa Diyos. Kinilala ito ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Corinto. Sumulat siya: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito. Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.”​—1 Corinto 3:6, 9.

Pagkilos ng Banal na Espiritu

16. Ano ang nagpapakita na pinalakas ng banal na espiritu ang mga alagad upang sila’y makapagsalita nang may katapangan?

16 Alalahanin na tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na may gagampanang papel ang banal na espiritu sa paglago ng salita ng Diyos at na palalakasin ng banal na espiritu ang mga alagad sa kanilang gawaing pangangaral. (Gawa 1:8) Paano nangyari ito? Di-nagtagal pagkaraang ibuhos ang banal na espiritu sa mga alagad noong Pentecostes, ipinatawag sina Pedro at Juan upang magsalita sa Judiong Sanedrin, ang pinakamataas na hukuman sa lupain, na ang mga hukom nito ang siyang may pananagutan sa pagpatay kay Jesu-Kristo. Manginginig kaya sa takot ang mga apostol sa harap ng gayong nakasisindak at galít na kapulungan? Hinding-hindi! Pinalakas ng banal na espiritu sina Pedro at Juan upang magsalita nang may katapangan anupat ang kanilang mga kalaban ay nalipos ng pagkamangha, at “nakilala nila tungkol sa mga ito na dati silang kasama ni Jesus.” (Gawa 4:8, 13) Pinangyari rin ng banal na espiritu na makapagpatotoo si Esteban nang may katapangan sa Sanedrin. (Gawa 6:12; 7:55, 56) Nauna rito, pinakilos ng banal na espiritu ang mga alagad upang sila’y makapangaral nang may katapangan. Iniulat ni Lucas: “Nang makapagsumamo na sila, ang dako na pinagtitipunan nila ay nayanig; at ang bawat isa sa kanila ay napuspos ng banal na espiritu at nagsalita ng salita ng Diyos nang may katapangan.”​—Gawa 4:31.

17. Sa anong iba pang paraan tinulungan ng banal na espiritu ang mga alagad sa kanilang ministeryo?

17 Sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu, pinatnubayan ni Jehova, kasama ng binuhay-muling si Jesus, ang gawaing pangangaral. (Juan 14:28; 15:26) Nang ibuhos ang banal na espiritu kay Cornelio, sa kaniyang mga kamag-anak, at sa kaniyang matatalik na kaibigan, nakilala ni apostol Pedro na ang mga di-tuling Gentil ay maaaring maging kuwalipikadong mabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Kristo. (Gawa 10:24, 44-48) Nang maglaon, ang espiritu ay gumanap ng mahalagang papel sa pag-aatas kina Bernabe at Saul (si apostol Pablo) para sa gawaing misyonero at sa pagpatnubay sa kanila kung saan sila dapat at hindi dapat magtungo. (Gawa 13:2, 4; 16:6, 7) Pinatnubayan nito ang proseso ng paggawa ng pasiya ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. (Gawa 15:23, 28, 29) Ginabayan din ng banal na espiritu ang pag-aatas ng mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano.​—Gawa 20:28.

18. Paano ipinahayag ng unang mga Kristiyano ang pag-ibig?

18 Bukod dito, namalas ang banal na espiritu sa mga Kristiyano mismo, anupat nagluwal ito ng makadiyos na mga katangian, gaya ng pag-ibig. (Galacia 5:22, 23) Pag-ibig ang nagpakilos sa mga alagad upang bahaginan ang isa’t isa. Halimbawa, pagkatapos ng Pentecostes ng 33 C.E., itinatag ang isang pondo upang mapaglaanan ang pisikal na mga pangangailangan ng mga alagad sa Jerusalem. Sinasabi ng ulat ng Bibliya: “Walang isa man sa kanila ang nangangailangan; sapagkat ipinagbili ng lahat ng mga nagmamay-ari ng mga bukid o mga bahay ang mga ito at dinala ang halaga ng mga bagay na ipinagbili at inilagay nila ang mga iyon sa paanan ng mga apostol. At ginagawa naman ang pamamahagi sa bawat isa, ayon sa kaniyang pangangailangan.” (Gawa 4:34, 35) Umabot ang pag-ibig na ito hindi lamang sa mga kapananampalataya kundi maging sa iba rin, kapuwa sa pamamagitan ng pamamahagi ng mabuting balita at ng iba pang mga gawa ng kabaitan. (Gawa 28:8, 9) Sinabi ni Jesus na makikilala ang kaniyang mga tagasunod dahil sa mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig. (Juan 13:34, 35) Walang alinlangan na inilalapit ng mahalagang katangian ng pag-ibig ang mga tao sa Diyos at nakatulong ito sa paglago noong unang siglo kung paanong nakatutulong din ito sa ngayon.​—Mateo 5:14, 16.

19. (a) Sa anong tatlong paraan lumago ang salita ni Jehova noong unang siglo? (b) Ano ang susuriin natin sa susunod na artikulo?

19 Sa kabuuan, ang pananalitang “banal na espiritu” ay lumilitaw nang 41 beses sa aklat ng Mga Gawa. Maliwanag, ang tunay na Kristiyanong paglago noong unang siglo ay may malapit na kaugnayan sa kapangyarihan at patnubay ng banal na espiritu. Ang bilang ng mga alagad ay dumami, ang salita ng Diyos ay lumaganap sa malawak na lugar, at nanaig ito sa mga relihiyon at mga pilosopiya noong panahong iyon. Ang unang-siglong paglagong ito ay nakakatulad ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Sa susunod na artikulo, susuriin natin ang nakakatulad na kahanga-hangang paglago ng salita ng Diyos sa makabagong panahon.

Natatandaan Mo Ba?

• Paano lumago ang bilang ng unang mga alagad?

• Paano lumaganap ang salita ng Diyos sa heograpikal na paraan?

• Paano nanaig ang salita ng Diyos noong unang siglo?

• Anong papel ang ginampanan ng banal na espiritu sa paglago ng salita ng Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 12]

Nangaral si Felipe sa Etiope, anupat pinalaganap ang mabuting balita sa heograpikal na paraan

[Larawan sa pahina 13]

Pinatnubayan ng banal na espiritu ang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Kanang sulok sa itaas: Reproduction of the City of Jerusalem at the time of the Second Temple-located on the grounds of the Holyland Hotel, Jerusalem