Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

India—Isang “Pagkakaisa sa Gitna ng Pagkakasari-sari”

India—Isang “Pagkakaisa sa Gitna ng Pagkakasari-sari”

India​—Isang “Pagkakaisa sa Gitna ng Pagkakasari-sari”

ANG “Pagkakaisa sa Gitna ng Pagkakasari-sari” ay isang popular na islogan na ginagamit upang ilarawan ang pambansang pagsasama-sama sa India. Ang pagtatamo ng pagkakaisa sa malaking bansang ito ng maraming pagkakasari-sari sa kultura, wika, relihiyon, etnikong pinagmulan, kasuutan, at pagkain ay hindi madali. Gayunman, ang gayong pagkakaisa ay makikita sa tanggapang pampangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova sa India, bagaman ang mga boluntaryo na nakatira at nagtatrabaho roon ay nagmula sa maraming estado at mga unyong nasasakupan at nagsasalita ng maraming iba’t ibang wika.

• Kilalanin si Rajrani​—isang kabataang babae mula sa Punjab, sa dulong hilagang-kanluran ng India. Nang nag-aaral pa si Rajrani, isa sa kaniyang kaklase ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sinubukan ng kabataang babaing ito na pukawin ang interes ni Rajrani sa Bibliya. Yamang limitado lamang ang nalalamang Ingles ng kaklase at hindi makukuha Ang Bantayan sa Punjabi noong panahong iyon, hiniling din niya ang tulong ni Rajrani na isalin ang mga nilalaman ng magasin para sa kaniya. Ang nabasa ni Rajrani sa Ang Bantayan ay nagsimulang makaimpluwensiya sa kaniya nang gayon na lamang anupat sa kabila ng pagsalansang ng kaniyang mga magulang, siya ay sumulong hanggang sa punto na ialay niya ang kaniyang buhay sa Diyos na Jehova. Ngayong naglilingkod siya sa Bethel sa India, ginagawa niya ang mismong bagay na nagbukas ng kaniyang mga mata sa katotohanan. Nagsasalin siya ng mga publikasyong Kristiyano sa Punjabi!

• Isaalang-alang din si Bijoe, na nagmula naman sa ibang bahagi ng India​—ang timog-kanlurang estado ng Kerala. Si Bijoe ay pinatalsik mula sa mataas na paaralan dahil sa pagiging neutral sa panahon ng mga seremonyang makabayan. Pagkatapos ng isang kaso sa korte na tumagal at nagwakas sa isang makasaysayang tagumpay para sa dalisay na pagsamba, bumalik sa paaralan si Bijoe. a Nag-aral din siya sa kolehiyo. Gayunman, ang imoral na kapaligiran doon ay nakabagabag sa kaniyang budhi, kaya tumigil siya sa kaniyang unang semestre. Ngayon, matapos ang sampung taon sa Bethel, nadarama niyang higit siyang nakinabang sa pagiging isang miyembro ng sari-sari ngunit nagkakaisang pamilyang Bethel kaysa sa kung itinaguyod niya ang mas mataas na edukasyon.

• Sina Norma at Lily ay kapuwa mahigit nang 70 taóng gulang at balo sa loob ng maraming taon. Bawat isa ay nakagugol ng mahigit na 40 taon sa buong-panahong paglilingkod. Si Lily ay naglilingkod sa sangay sa loob ng mga 20 taon bilang isang tagapagsalin sa wikang Tamil. Si Norma ay dumating sa Bethel 13 taon na ang nakalilipas pagkamatay ng kaniyang asawa. Bukod sa pagiging maiinam na halimbawa bilang masikap at matiyagang mga manggagawa, sila’y mga tagapagkaisang impluwensiya sa buong pamilyang Bethel. Gustung-gusto nilang mag-asikaso ng mga bisita, at nasisiyahan sila sa pakikisama sa mga kabataang miyembro ng pamilya, na ibinabahagi ang mga kagalakan ng mahahabang taon ng Kristiyanong pamumuhay. At ginagantihan naman iyon ng mga kabataan sa pamamagitan ng pag-iimbita sa mga ito sa kanilang mga silid para sa pakikipagsamahan at pagtulong kung kinakailangan. Tunay ngang maiinam na halimbawa!

Yamang napagtagumpayan ang mga pagkakaiba-iba na nagdudulot ng hidwaan at di-pagkakasuwato sa maraming dako, ang mga boluntaryong ito ay maligayang gumagawang magkakasama upang paglingkuran ang iba bilang mga miyembro ng nagkakaisang pamilyang Bethel sa India.​—Awit 133:1.

[Talababa]

a Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1987, pahina 21.

[Picture Credit Line sa pahina 8]

Larawan sa likuran: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.