Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaaring Mapasaiyo ang mga Pagpapala ng Kaharian

Maaaring Mapasaiyo ang mga Pagpapala ng Kaharian

Maaaring Mapasaiyo ang mga Pagpapala ng Kaharian

ANG Kristiyanong apostol na si Pablo ay matatas sa ilang pangunahing wika noong kaniyang kapanahunan. Natamo niya ang katumbas ng edukasyon sa unibersidad sa ngayon. Tinamasa niya ang lahat ng bentaha at karapatan ng isang mamamayang Romano. (Gawa 21:37-40; 22:3, 28) Dahil sa mga kredensiyal na ito ay maaari sana siyang yumaman at maging tanyag. Gayunma’y sinabi niya: “Anumang bagay na mga pakinabang para sa akin, ang mga ito ay itinuring kong kawalan dahil sa Kristo . . . at itinuturing kong mga basura ang mga iyon, upang matamo ko si Kristo.” (Filipos 3:7, 8) Bakit sinabi iyon ni Pablo?

Dating kilala bilang si Saul ng Tarso at isang mang-uusig niyaong mga “kabilang sa Daan,” si Pablo ay naging mananampalataya matapos pagpakitaan ng pangitain ng binuhay-muli at niluwalhating si Jesus. (Gawa 9:1-19) Para kay Pablo, ang karanasang ito sa daan patungong Damasco ay lubus-lubusang nagpatunay na si Jesus ang siyang ipinangakong Mesiyas, o Kristo, ang tagapamahala ng ipinangakong Kaharian sa hinaharap. Nagdulot din ito ng malaking pagbabago sa landasin ng buhay ni Pablo, gaya ng ipinahihiwatig ng kaniyang mariing kapahayagan na nabanggit na. Sa ibang salita, palibhasa’y taimtim at tapat-puso, nagsisi si Pablo.​—Galacia 1:13-16.

Sa Bibliya, ang pandiwang “magsisi” ay madalas na isinasalin mula sa salitang Griego na literal na nangangahulugang “pagkatapos malaman,” na kabaligtaran ng “patiunang pagkaalam.” Sa gayon, kasangkot sa pagsisisi ang pagbabago ng isip, saloobin, o layunin, ang pagtatakwil sa mga dating lakad ng isa bilang di-karapat-dapat. (Gawa 3:19; Apocalipsis 2:5) Sa kalagayan ni Pablo, hindi niya hinayaan na ang napakahalagang pangyayaring iyon sa daan patungong Damasco ay manatiling isang emosyonal, o wika pa nga’y espirituwal, na karanasan lamang. Para sa kaniya, iyon ay paggising sa katotohanan na ang kaniyang dating paraan ng pamumuhay, dahil sa kawalang-alam kay Kristo, ay walang kabuluhan. Natanto rin niya na upang makinabang mula sa bago niyang kaalaman tungkol sa Kristo, dapat niyang ituwid ang kaniyang pamumuhay.​—Roma 2:4; Efeso 4:24.

Pagbabago na Nagdulot ng mga Pagpapala

Dati, ang kalakhang bahagi ng kaalaman ni Pablo tungkol sa Diyos ay nanggaling sa sekta ng mga Pariseo, na kinabibilangan niya. Kalakip sa kanilang mga paniniwala ang maraming pilosopiya at tradisyon ng mga tao. Dahil sa maling mga relihiyosong kaisipan, ang sigasig at mga pagsisikap ni Pablo ay nalihis ng landas. Bagaman inaakala niyang naglilingkod siya sa Diyos, ang totoo ay nakikipaglaban siya sa kaniya.​—Filipos 3:5, 6.

Pagkatapos tumanggap ng tumpak na kaalaman tungkol sa Kristo at sa bahagi niya sa layunin ng Diyos, nakita ni Pablo na napaharap siya sa isang pagpapasiya: Dapat ba siyang manatiling isang Pariseo at patuloy na magtamasa ng mataas na katayuan at paggalang, o dapat ba niyang baguhin ang landasin ng kaniyang buhay at pasimulang gawin anuman ang kailangan upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos? Nakagagalak naman na tama ang naging pagpili ni Pablo, sapagkat sinabi niya: “Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya, sa Judio muna at gayundin sa Griego.” (Roma 1:16) Si Pablo ay naging isang masigasig na mangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kristo at sa Kaharian.

Pagkalipas ng maraming taon, sinabi ni Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Hindi ko pa itinuturing ang aking sarili na nakahawak na roon; ngunit may isang bagay tungkol dito: Nililimot ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa unahan, ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 3:13, 14) Nakinabang si Pablo sa mabuting balita sapagkat kaagad niyang tinalikuran yaong naglalayo sa kaniya sa Diyos at siya’y buong-pusong nagtaguyod ng mga tunguhin na kaayon ng layunin ng Diyos.

Ano ang Gagawin Mo?

Marahil ay kamakailan mo lamang narinig ang mabuting balita ng Kaharian. Kaakit-akit ba sa iyo ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa isang sakdal na paraiso? Dapat lamang, sapagkat tayong lahat ay may likas na pagnanais na mabuhay at tamasahin ang buhay nang payapa at tiwasay. Sinasabi sa Bibliya na inilagay ng Diyos sa ating puso ang “panahong walang takda.” (Eclesiastes 3:11) Kaya likas lamang na umasa tayo na dumating na sana ang panahon kung kailan mabubuhay ang mga tao nang walang hanggan sa kapayapaan at kaligayahan. At iyan ang iniaalok ng mabuting balita ng Kaharian.

Ngunit upang magkatotoo ang pag-asang iyan, kailangan mong suriin at alamin kung ano ang mabuting balita. Ipinayo ni apostol Pablo: ‘Patunayan [mo sa iyong sarili] ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.’ (Roma 12:2) Kaya katulad ni Pablo, pagkatapos magtamo ng kaalaman at kaunawaan, dapat kang gumawa ng pagpili.

Sa kabilang dako, maaaring mayroon ka nang ilang paniniwala may kinalaman sa iyong hinaharap. Alalahanin na si Saul ay may sariling mga ideya tungkol sa kalooban ng Diyos bago siya naging si apostol Pablo. Ngunit sa halip na umasa sa isang makahimalang pagsisiwalat mula sa Diyos, bakit hindi maging makatotohanan sa pagsasaalang-alang sa bagay na ito? Tanungin mo ang iyong sarili: ‘Talaga bang alam ko kung ano ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa? Anong katibayan ang maihaharap ko upang patunayan ang aking mga paniniwala? Makapaninindigan ba ang aking katibayan kung susuriin sa liwanag ng Salita ng Diyos, ang Bibliya?’ Walang mawawala sa iyo kung susuriin mo ang iyong mga relihiyosong paniniwala sa ganitong paraan. Sa katunayan, nanaisin mong gawin iyon sapagkat hinihimok tayo ng Bibliya: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.” (1 Tesalonica 5:21) Tutal, hindi ba ang pagsang-ayon ng Diyos ang talagang mahalaga?​—Juan 17:3; 1 Timoteo 2:3, 4.

Maaaring pangakuan tayo ng walang-hanggang kinabukasan ng mga lider ng relihiyon. Ngunit malibang ang pangakong iyan ay nakasalig sa mga turo ng Bibliya, hindi tayo matutulungan nito sa pagtatamo ng mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. Sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, mariing nagbabala si Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”​—Mateo 7:21.

Pansinin ang pagdiriin ni Jesus sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama bilang siyang batayan sa pagtanggap ng mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. Sa ibang pananalita, ang anumang waring makadiyos ay hindi nangangahulugan na sinasang-ayunan na nga ito ng Diyos. Sa katunayan, sinabi pa ni Jesus: “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:22, 23) Maliwanag, ang mahalaga ay tiyakin natin na may-katumpakan nating nauunawaan kung ano talaga ang mabuting balita ng Kaharian at pagkatapos ay kumilos tayo nang kaayon nito.​—Mateo 7:24, 25.

May Tulong na Makukuha

Sa loob ng mahigit na sa 100 taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng nilimbag na literatura at bibigang pakikipag-usap, tinutulungan nila ang mga tao sa buong daigdig upang magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa Kaharian, kung anong mga pagpapala ang idudulot nito, at kung ano ang dapat gawin ng isa upang makamit ang mga pagpapalang iyon.

Hinihimok ka naming tumugon sa mensahe na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng pagtanggap at pagkilos kaayon ng mabuting balita, maaari kang tumanggap ng dakilang mga pagpapala hindi lamang ngayon kundi gayundin sa hinaharap kapag ang Kaharian ng Diyos ay namamahala na sa buong lupa.​—1 Timoteo 4:8.

Kumilos na ngayon, sapagkat ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos ay malapit na!

[Mga larawan sa pahina 7]

Sa pamamagitan ng nilimbag na literatura at bibigang pakikipag-usap, ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos