Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahusay ang Aming Tambalan

Mahusay ang Aming Tambalan

Mahusay ang Aming Tambalan

GAYA NG SALAYSAY NI MELBA BARRY

Noong Hulyo 2, 1999, kaming mag-asawa ay nasa isang malaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng napakaraming beses na naming ginawa sa aming 57 taon bilang mag-asawa. Binibigkas ni Lloyd ang huling pahayag ng pandistritong kombensiyon sa Hawaii nang Biyernes na iyon. Bigla siyang bumagsak. Sa kabila ng lahat ng pagsisikap na muli siyang magkamalay, siya ay namatay. a

PAGKAHALA-HALAGA nga ng mga Kristiyanong kapatid na iyon sa Hawaii na umalalay sa akin at tumulong sa akin na harapin ang trahedyang iyon! Naimpluwensiyahan ni Lloyd ang buhay ng marami sa kanila, at gayundin ang maraming iba pa sa palibot ng daigdig.

Sa halos dalawang taon mula nang mamatay siya, naalaala ko ang mahahalagang taon naming magkasama​—na marami ay sa aming atas-misyonero sa banyagang bansa at gayundin sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Nagugunita ko rin ang mga unang taon ng aking buhay sa Sydney, Australia, at ang mga hamon na hinarap namin ni Lloyd upang makasal noong pagsisimula ng Digmaang Pandaigdig II. Gayunman, hayaan muna ninyong isalaysay ko sa inyo kung paano ako naging isang Saksi at kung paano ko nakilala si Lloyd noong 1939.

Kung Paano Ako Naging Isang Saksi

Sina James at Henrietta Jones ang aking maibigin at mapagkalingang mga magulang. Ako’y 14 anyos lamang nang magtapos ako sa paaralan noong 1932. Ang daigdig noon ay nasa kalagitnaan ng Great Depression. Nagsimula akong magtrabaho upang tulungan ang aking pamilya, kabilang na ang aking dalawang nakababatang mga kapatid na babae. Sa loob ng ilang taon, nagkaroon ako ng trabahong may malaking kita sa isang opisina kung saan pinangangasiwaan ko ang ilang mga kabataang babae na katrabaho ko.

Samantala, noong 1935 ay tumanggap si Inay ng literatura sa Bibliya mula sa isa sa mga Saksi ni Jehova at agad na nakumbinsi na nasumpungan na niya ang katotohanan. Inakala ko at ng ibang miyembro ng pamilya na nasisiraan na siya ng bait. Gayunman, isang araw ay nakita ko ang buklet na pinamagatang Where Are the Dead? at napukaw ang aking pansin sa pamagat nito. Kaya palihim kong binasa ang buklet. Iyon ang pasimula! Kaagad akong nagsimulang sumama kay Inay sa isang gitnang-sanlinggong pulong na tinatawag na Model Study. Ang buklet na pinamagatang Model Study​—nang dakong huli ay naging tatlo ang mga ito​—ay naglalaman ng mga katanungan at mga kasagutan at pati ng mga kasulatan upang sumuporta sa mga kasagutan.

Nang mga panahong iyon, noong Abril 1938, dumalaw sa Sydney si Joseph F. Rutherford, isang kinatawan mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang pahayag pangmadla ang kauna-unahang nadaluhan ko. Dapat sana’y ginanap ito sa Sydney Town Hall, ngunit nagtagumpay ang mga mananalansang na makansela ang paggamit namin sa lugar na iyon. Sa halip, ang pahayag ay ibinigay sa mas malaking Sydney Sports Ground. Dahilan sa karagdagang publisidad na inilaan ng oposisyon, mga 10,000 ang dumalo, isang kamangha-manghang bilang kung isasaalang-alang na mayroon lamang 1,300 Saksi sa Australia noong panahong iyon.

Di-nagtagal pagkatapos, nakibahagi ako sa ministeryo sa larangan sa kauna-unahang pagkakataon​—nang walang anumang pagsasanay. Nang dumating ang aming grupo sa aming teritoryo sa pangangaral, ang nangunguna ay nagsabi sa akin, “Iyon ang bahay na para sa iyo sa banda roon.” Kabadung-kabado ako anupat nang buksan ng babae ang pinto, itinanong ko, “Puwede po bang malaman kung anong oras na, pakisuyo?” Pumasok siya sa loob, tiningnan ang oras at lumabas uli at sinabi sa akin. Iyon na ang wakas ng pagdalaw. Bumalik na ako sa kotse.

Gayunman, hindi ako sumuko, at di-nagtagal ay regular ko nang ibinabahagi sa iba ang mensahe ng Kaharian. (Mateo 24:14) Noong Marso 1939, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa bathtub ng aming kapitbahay, si Dorothy Hutchings. Dahil walang mga kapatid na lalaki noon, di-nagtagal pagkatapos kong mabautismuhan ay binigyan ako ng mga pananagutang pangkongregasyon na karaniwang iniaatas sa mga lalaking Kristiyano.

Kadalasan naming ginaganap ang aming mga pulong sa mga pribadong tahanan, ngunit kung minsan ay umuupa kami ng isang bulwagan para sa mga pahayag pangmadla. Isang guwapong kabataang kapatid na lalaki mula sa Bethel, ang aming tanggapang pansangay, ang dumating sa aming maliit na kongregasyon upang magpahayag. Wala akong kaalam-alam, may iba pa siyang dahilan sa pagdalaw​—upang alamin ang higit pa tungkol sa akin. Oo, sa ganoong paraan ko nakilala si Lloyd.

Pakikipagkita sa Pamilya ni Lloyd

Di-nagtagal ay nagkaroon ako ng pagnanais na paglingkuran si Jehova nang buong panahon. Gayunman, nang mag-aplay ako upang maging payunir (nakikibahagi sa buong-panahong gawaing pangangaral), tinanong ako kung gusto kong maglingkod sa Bethel. Kaya noong Setyembre 1939, ang buwan na nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, naging miyembro ako ng pamilyang Bethel sa Strathfield, isang lugar sa labas ng lunsod ng Sydney.

Noong Disyembre 1939, naglakbay ako sa New Zealand para sa isang kombensiyon. Yamang si Lloyd ay taga-New Zealand, papunta rin siya roon. Naglakbay kami sa iisang barko, at higit naming nakilala ang isa’t isa. Isinaayos ni Lloyd na makilala ko ang kaniyang nanay at tatay at mga kapatid na babae sa kombensiyon sa Wellington at nang dakong huli sa kanilang tahanan sa Christchurch.

Pagbabawal sa Aming Gawain

Noong Sabado, Enero 18, 1941, ang mga awtoridad ng Commonwealth ay nagtungo sa tanggapang pansangay sakay ng humigit-kumulang sa anim na itim na mga limousine upang kumpiskahin ang ari-arian. Yamang nagtatrabaho ako sa maliit na himpilan ng guwardiya sa pasukan ng Bethel, ako ang unang nakakita sa kanila. Mga 18 oras bago nito, ipinagbigay-alam na sa amin ang hinggil sa pagbabawal, kaya halos lahat ng mga literatura at mga file ay nailabas na mula sa sangay. Nang sumunod na linggo, limang miyembro ng pamilyang Bethel, kasama na si Lloyd, ang ibinilanggo.

Alam kong ang kailangang-kailangan ng mga kapatid sa bilangguan ay espirituwal na pagkain. Upang mapatibay si Lloyd, ipinasiya kong sulatan siya ng “mga love letter.” Nagsisimula ako sa istilong inaasahan sa gayong liham, ngunit pagkatapos ay kinokopya ko ang buong mga artikulo ng Bantayan at nagtatapos ako bilang kaniyang kasintahan. Pagkaraan ng apat at kalahating buwan, si Lloyd ay pinalaya.

Pag-aasawa at Patuloy na Paglilingkod

Noong 1940, dumalaw sa Australia ang nanay ni Lloyd, at sinabi sa kaniya ni Lloyd na iniisip na naming magpakasal. Pinayuhan siya nito laban dito dahil sa ang wakas ng sistema ng mga bagay ay waring napipinto na. (Mateo 24:3-14) Binanggit din niya ang kaniyang intensiyon sa kaniyang mga kaibigang lalaki, ngunit sa bawat pagkakataon, pinipigilan nila siya na mag-asawa. Sa wakas, isang araw noong Pebrero 1942, isinama ako ni Lloyd nang walang nakapapansin​—kasama ang apat na Saksi na nangakong hindi isisiwalat ang aming plano​—sa tanggapan ng pagpaparehistro, at nagpakasal kami. Wala pang probisyon noon sa Australia para sa mga Saksi ni Jehova na magsagawa ng mga kasal.

Bagaman hindi kami pinahintulutang ipagpatuloy ang aming paglilingkod sa Bethel bilang mag-asawa, tinanong kami kung nais naming pumasok sa gawaing special pioneer. Maligaya naming tinanggap ang isang atas sa isang liblib na bayan na may pangalang Wagga Wagga. Ang aming gawaing pangangaral ay ipinagbabawal pa rin, at wala kaming tinatanggap na tulong na pinansiyal, kaya kinailangan talaga naming ihagis ang aming pasanin kay Jehova.​—Awit 55:22.

Sumakay kami sa bisikleta na pandalawahan patungo sa kabukiran, nakilala ang ilang mababait na tao, at nagkaroon kami ng mahahabang pakikipag-usap sa kanila. Iilan lamang ang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Gayunman, isang tindero ang nagpahalaga nang gayon na lamang sa isinasagawa naming gawain anupat pinaglaanan niya kami ng mga prutas at mga gulay bawat linggo. Pagkatapos naming gumugol ng anim na buwan sa Wagga Wagga, muli kaming inanyayahan sa Bethel.

Iniwan na ng pamilyang Bethel ang tanggapan sa Strathfield noong Mayo 1942 at lumipat sa mga pribadong tahanan. Lumilipat sila sa iba’t ibang bahay pagkalipas ng dalawa o higit pang linggo upang hindi matiktikan. Nang bumalik kami ni Lloyd sa Bethel noong Agosto, sumama kami sa kanila sa isa sa mga lokasyong iyon. Ang atas namin kung araw ay ang magtrabaho sa isa sa palihim na mga palimbagan na naitatag na. Sa wakas, noong Hunyo 1943, inalis ang pagbabawal sa aming gawain.

Paghahanda Para sa Paglilingkod sa Ibang Bansa

Noong Abril 1947 ay binigyan kami ng paunang mga aplikasyon upang dumalo sa Watchtower Bible School of Gilead, na matatagpuan sa South Lansing, New York, E.U.A. Samantala, inatasan kami na dumalaw sa mga kongregasyon sa Australia upang patibayin sila sa espirituwal. Pagkalipas ng ilang buwan, tinanggap namin ang aming paanyaya upang dumalo sa ika-11 klase ng Gilead. Mayroon kaming tatlong linggo upang ayusin ang mga bagay-bagay at mag-impake ng aming mga gamit. Iniwan namin ang aming pamilya at mga kaibigan noong Disyembre 1947 at nagtungo sa New York kasama ang 15 iba pa mula sa Australia na inanyayahan sa klase ring iyon.

Ang ilang buwan namin sa Gilead School ay mabilis na lumipas, at tinanggap namin ang isang atas-misyonero sa Hapón. Yamang mahaba rin ang ginugol na panahon upang maihanda ang aming mga papeles patungong Hapón, muling inatasan si Lloyd bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga kongregasyon na iniatas sa amin upang dalawin ay mula sa lunsod ng Los Angeles pababa hanggang sa hangganan ng Mexico. Wala kaming kotse, kaya bawat linggo ay maibiging isinasakay kami ng mga Saksi mula sa isang kongregasyon patungo sa susunod. Ang lugar na nasasakupan ng malawak na sirkitong iyon ay binubuo ngayon ng mga bahagi ng tatlong Ingles at tatlong Espanyol na mga distrito, na bawat distrito ay binubuo ng mga sampung sirkito!

Walang anu-ano, Oktubre 1949 na noon, at kami’y patungo na sa Hapón sakay ng isang barko na dating sinasakyan ng mga tropa. Ang isang dulo ng barko ay inilaan para sa mga lalaki at ang kabilang dulo ay para sa mga babae at mga bata. Isang araw na lamang bago kami dumating sa Yokohama, nasalubong namin ang isang bagyo. Maliwanag na hinipan nito papalayo ang kaulapan, sapagkat nang sumikat ang araw kinabukasan, Oktubre 31, nakita namin ang Bundok Fuji sa buong karilagan nito. Kay inam ngang pagsalubong sa aming bagong atas!

Paggawang Kasama ng mga Haponés

Habang papalapit kami sa daungan, nakita namin ang daan-daang tao na maiitim ang buhok. ‘Kay iingay na grupo ng mga tao ito!’ ang naisip namin habang naririnig namin ang napakaingay na kalantugan. Lahat ay nakasuot ng bakya na kumakalantog sa kahoy na pantalan. Pagkalipas ng isang gabi sa Yokohama, sumakay kami sa tren patungo sa aming atas-misyonero sa Kobe. Doon, si Don Haslett, isang kaklase sa Gilead na naunang dumating sa Hapón nang ilang buwan, ay umupa ng isang tahanang misyonero. Ito’y isang maganda, malaki, istilong-Kanluranin at dalawang-palapag na bahay​—na walang kagamit-gamit!

Upang magkaroon ng sapin na matutulugan, pinutol namin ang matataas na damo sa bakuran at inilatag ito sa sahig. Sa gayon ay nagsimula ang aming buhay-misyonero, na walang anumang pag-aari maliban sa laman ng aming bagahe. Bumili kami ng maliit na mga kalang de-uling, na tinatawag na hibachi, upang maglaan ng init at upang mapaglutuan. Isang gabi, natagpuan ni Lloyd ang dalawang kapuwa misyonero, sina Percy at Ilma Iszlaub, na walang malay-tao. Napanumbalik niya ang kanilang malay sa pamamagitan ng pagbubukas sa mga bintana upang makapasok ang sariwa at malamig na hangin. Nawalan din ako ng malay minsan habang nagluluto sa kalang de-uling. Sa katagala’y nasanay na rin kami!

Ang pagkatuto ng wika ay isang priyoridad, at nag-aral kami ng Haponés nang 11 oras bawat araw sa loob ng isang buwan. Pagkatapos, nag-umpisa kami sa ministeryo sa pamamagitan ng isa o dalawang pangungusap na nakasulat upang makapagpasimula kami. Sa aking unang araw sa paglabas, nakausap ko ang isang magandang babae, si Miyo Takagi, na may-kabaitang tumanggap sa akin. Sa mga pagdalaw-muli, nagsikap kami sa tulong ng mga diksyunaryong Haponés-Ingles hanggang unti-unting sumulong ang isang pag-aaral sa Bibliya. Noong 1999, habang dumadalo sa pag-aalay ng pinalawak na pasilidad ng sangay sa Hapón, nakita kong muli si Miyo, at gayundin ang ilan sa iba pang mga minamahal na taong pinagdausan ko ng pag-aaral. Limampung taon na ang lumipas, ngunit masisigasig pa rin silang tagapaghayag ng Kaharian, na ginagawa ang kanilang makakaya upang maglingkod kay Jehova.

Sa Kobe noong Abril 1, 1950, mga 180 ang dumalo sa aming pagdiriwang sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Nagulat kami nang kinabukasan ay 35 katao ang dumating upang makibahagi sa ministeryo sa larangan. Bawat misyonero ay nagsama ng tatlo o apat sa mga baguhang ito sa paglilingkod. Ang mga maybahay ay hindi nakipag-usap sa akin​—ang banyagang kakaunti ang nauunawaan​—​kundi sa halip ay sa mga Haponés na dumalo sa Memoryal na kasama ko. Tuluy-tuloy ang pag-uusap, ngunit wala akong ideya kung ano ang pinag-uusapan nila. Natutuwa akong sabihin na ang ilan sa mga baguhang ito ay sumulong sa kaalaman at nagpatuloy sa gawaing pangangaral hanggang sa panahong ito.

Maraming Pribilehiyo at mga Atas

Nagpatuloy kami sa aming gawaing misyonero sa Kobe hanggang noong 1952, na nang panahong iyon ay inatasan kami sa Tokyo, kung saan si Lloyd ay pinagkatiwalaan ng pangangasiwa sa tanggapang pansangay. Sa kalaunan, dinala siya ng kaniyang mga atas na gawain sa buong Hapón at sa ibang mga bansa. Nang maglaon, sa isa sa kaniyang mga pagdalaw sa Tokyo, si Nathan H. Knorr na mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ay nagsabi sa akin: “Siyanga pala, alam mo ba kung saan pupunta ang iyong asawa sa kaniyang susunod na biyahe ng sona? Sa Australia at New Zealand.” Idinagdag pa niya: “Maaari ka ring sumama kung sasagutin mo ang iyong sariling pasahe.” Kapana-panabik nga! Tutal, siyam na taon na ang nakalipas mula nang lumisan kami sa amin.

Kaagad kaming sumulat sa aming mga pamilya. Tinulungan ako ng aking inay na bumili ng tiket. Naging abala kami ni Lloyd sa aming mga atas, at wala kaming pera para dalawin ang aming mga pamilya. Kaya ito ay sagot sa aking mga panalangin. Gaya ng maguguniguni ninyo, masayang-masaya si Inay na makita ako. Sabi niya, “Buweno, mag-iipon ako ng pera para makabalik ka uli sa loob ng tatlong taon.” Naghiwalay kami na taglay iyon sa isipan, ngunit nakalulungkot, namatay siya nang sumunod na Hulyo. Ano ngang kamangha-manghang muling pagkikita ang inaasahan ko kasama niya sa bagong sanlibutan!

Hanggang noong 1960, ang gawaing misyonero ang aking tanging atas, ngunit noon ay tumanggap ako ng isang liham na nagpapaliwanag: “Ang kaayusan mula sa petsang ito ay na ikaw ang siyang maglalaba at mamamalantsa para sa buong pamilyang Bethel.” Mga labindalawang katao lamang ang kasama sa aming pamilya noon, kaya nagawa kong asikasuhin ang trabahong ito bilang karagdagan sa aking atas-misyonero.

Noong 1962, giniba ang aming istilong-Haponés na tahanan at isang bagong anim-na-palapag na Tahanang Bethel ang natapos sa lugar na iyon nang sumunod na taon. Ako ay inatasan upang tulungan ang mga kabataan at bagong kapatid na lalaki sa Bethel na panatilihing malinis ang kanilang mga silid at upang turuan silang magligpit at magsinop. Isang kaugalian sa Hapón na hindi turuan ang mga batang lalaki na gumawa ng anuman sa kanilang tahanan. Ang pinagtuunan ng pansin ay ang sekular na edukasyon, at ang kanilang ina ang gumagawa ng lahat ng bagay para sa kanila. Di-nagtagal at natutuhan nila na hindi ako ang kanilang ina. Sa kalaunan, marami ang sumulong upang bumalikat ng bago at may-pananagutang mga atas sa loob ng organisasyon.

Isang napakaalinsangang araw ng tag-init, isang estudyante sa Bibliya ang naglibot sa aming mga pasilidad, at nakita niya akong nag-iiskoba ng mga banyo. Sinabi niya, “Pakisuyong sabihin sa sinuman na namamanihala na gusto kong magbayad upang pumunta rito ang isang katulong at nang siya ang gumawa ng trabahong iyan para sa iyo.” Ipinaliwanag ko sa kaniya na bagaman pinahahalagahan ko ang kaniyang pag-aalala, handang-handa akong gawin ang anumang iatas sa akin na gawin sa loob ng organisasyon ni Jehova.

Nang mga panahong ito, tumanggap kami ni Lloyd ng paanyaya na dumalo sa ika-39 na klase ng Gilead! Kay laking pribilehiyo nga noong 1964, sa edad na 46, na muling mag-aral sa paaralan! Ang kurso ay partikular na inilaan upang tulungan ang mga naglilingkod sa mga tanggapang pansangay na asikasuhin ang kanilang mga pananagutan. Matapos ang sampung-buwang kurso, muli kaming inatasan sa Hapón. Sa panahong iyon, mayroon na kaming mahigit sa 3,000 tagapaghayag ng Kaharian sa bansang iyon.

Ang pagsulong ay naging gayon na lamang kabilis anupat pagsapit ng 1972, mayroon nang mahigit sa 14,000 Saksi, at isang bagong limang-palapag na tanggapang pansangay ang itinayo sa Numazu, sa timog ng Tokyo. Mula sa aming mga gusali, mayroon kaming kagila-gilalas na tanawin ng Bundok Fuji. Mahigit sa isang milyong magasin bawat buwan sa wikang Hapones ang nagsimulang maimprenta mula sa malaki at bagong mga rotary printing press. Ngunit isang pagbabago para sa amin ang malapit nang maganap noon.

Noong mga huling buwan ng 1974, tumanggap si Lloyd ng isang liham mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn na nag-anyaya sa kaniya na maglingkod sa Lupong Tagapamahala. Noong una ay naisip ko: ‘Buweno, ito na ang katapusan ng aming pagsasama. Yamang si Lloyd ay may makalangit na pag-asa at ako nama’y may makalupang pag-asa, sa malao’t madali ay kailangan din kaming maghiwalay. Marahil ay dapat magtungo si Lloyd sa Brooklyn na hindi ako kasama.’ Ngunit di-nagtagal at binago ko ang aking pag-iisip at kusang-loob na lumipat kasama ni Lloyd noong Marso 1975.

Mga Pagpapala sa Punong-Tanggapan

Maging sa Brooklyn, ang puso ni Lloyd ay lubhang nasa larangan ng Hapón, at lagi siyang nagkukuwento ng mga naging karanasan namin doon. Ngunit ngayon ay may mga pagkakataon upang lumawak. Sa huling 24 na taon ng kaniyang buhay, si Lloyd ay ginamit na mabuti para sa gawain ng sona, na nagsasangkot ng paglalakbay sa buong daigdig. Sinamahan ko siya sa palibot ng daigdig nang ilang ulit.

Ang pagdalaw sa ating mga kapatid na Kristiyano sa ibang bansa ay tumulong sa akin na mapahalagahan ang mga kalagayan kung saan ang marami sa kanila ay nabubuhay at nagtatrabaho. Hinding-hindi ko malilimutan ang mukha ng sampung-taóng-gulang na si Entellia, isang batang babae na nakilala ko sa hilagang Aprika. Iniibig niya ang pangalan ng Diyos at naglalakad nang tig-isang oras at kalahati papunta at pabalik mula sa mga pulong Kristiyano. Sa kabila ng matinding pag-uusig mula sa kaniyang pamilya, inialay ni Entellia ang kaniyang sarili kay Jehova. Nang dalawin namin ang kaniyang kongregasyon, mayroon lamang nag-iisa at malamlam na bombilya na nakabitin sa tapat ng mga nota ng tagapagsalita​—kung hindi, ang lugar na pinagpupulungan ay napakadilim. Sa kabila ng kadilimang iyon, makapigil-hininga na marinig ang magandang pag-awit ng mga kapatid na lalaki at babae.

Isang tampok na bahagi ng aming buhay ay naganap noong Disyembre 1998 nang makasama kami ni Lloyd sa isang delegasyon sa “Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Pandistritong Kombensiyon na ginanap sa Cuba. Hangang-hanga nga kami sa ipinahayag na pasasalamat at kagalakan ng mga kapatid na lalaki at babae roon na dinalaw sila ng ilan mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn! Pinahahalagahan ko ang napakaraming alaala na makilala ang mga minamahal na taong masigasig na nagbibigay ng malakas na sigaw ng papuri kay Jehova.

Hiyang sa Piling ng Bayan ng Diyos

Bagaman ang aking katutubong bansa ay ang Australia, natutuhan kong ibigin ang mga tao saanman ako isugo ng organisasyon ni Jehova. Totoo iyon sa Hapón, at ngayong nasa Estados Unidos na ako sa loob ng mahigit sa 25 taon, nasumpungan kong totoo rin iyon dito. Nang mamatay ang aking asawa, ang naisip ko ay, hindi ang bumalik sa Australia, kundi ang manatili sa Brooklyn Bethel, kung saan ako inatasan ni Jehova.

Ako ngayon ay mahigit nang 80. Matapos ang 61 taon sa buong-panahong ministeryo, handa pa rin akong maglingkod kay Jehova saanman niya inaakalang nararapat. Tunay na inalagaan niya akong mabuti. Pinahahalagahan ko ang mahigit na 57 taon na doo’y naibahagi ko ang aking buhay sa isang minamahal na kasama na umiibig kay Jehova. Nagtitiwala ako sa patuloy na pagpapala ni Jehova sa amin, at alam kong hindi Niya kalilimutan ang aming gawa at pag-ibig na ipinakita namin alang-alang sa kaniyang pangalan.​—Hebreo 6:10.

[Talababa]

a Tingnan Ang Bantayan, Oktubre 1, 1999, pahina 16 at 17.

[Larawan sa pahina 25]

Kasama si Inay noong 1956

[Larawan sa pahina 26]

Kasama si Lloyd at isang grupo ng mga mamamahayag na Haponés maaga noong dekada ng 1950

[Mga larawan sa pahina 26]

Kasama ang aking kauna-unahang estudyante sa Bibliya sa Hapón, si Miyo Takagi, maaga noong dekada ng 1950 at noong 1999

[Larawan sa pahina 28]

Kasama si Lloyd sa gawaing pagpapasakamay ng magasin sa Hapón