Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Pinabayaan Nang Subukin ang Aming Pananampalataya

Hindi Pinabayaan Nang Subukin ang Aming Pananampalataya

Hindi Pinabayaan Nang Subukin ang Aming Pananampalataya

Si Vicky ay isang magandang sanggol na babae​—malusog, nakatutuwa, at napakasigla. Oo, nang ipanganak siya noong tagsibol ng 1993, maligayang-maligaya kami. Nakatira kami sa isang maliit na bayan sa timog ng Sweden, at napakaganda ng buhay.

NGUNIT nang si Vicky ay isang taóng gulang at kalahati na, waring gumuho ang aming daigdig. Matagal-tagal na rin siyang laging may sakit, kaya dinala na namin siya sa isang ospital. Hinding-hindi namin malilimutan ang sandaling iyon nang sabihin sa amin ng doktor na ang aming anak ay may acute lymphoblastic leukemia, isang uri ng kanser sa mga bata na nakaaapekto sa mga puting selula ng dugo.

Mahirap maunawaan at matanggap na ang aming maliit na anak ay dinapuan ng nakatatakot na karamdamang ito. Kamumulat pa lamang niya sa daigdig na nasa palibot niya, at ngayon ay nanganganib na siyang mamatay. Sa pagsisikap na aliwin kami, sinabi ng doktor na isang medyo matagumpay na paraan ng paggamot ang maaaring isagawa, na may kalakip na chemotherapy at ilang ulit na pagsasalin ng dugo. Ito ang ikalawang bagay na nakagitla sa amin.

Sinubok ang Aming Pananampalataya

Mahal na mahal namin ang aming anak at nais namin ang pinakamagaling na pangangalagang medikal para sa kaniya. Gayunman, hinding-hindi kami papayag sa pagsasalin ng dugo. Lubos kaming naniniwala sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, na malinaw na nagsasabing ang mga Kristiyano ay dapat ‘umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:28, 29) Alam din namin na ang mismong pagsasalin ng dugo ay mapanganib. Libu-libo na ang nahawahan ng mga sakit at namatay dahil sa pagsasalin ng dugo. Ang tanging mapagpipilian ay ang mataas-ang-kalidad na paraan ng paggamot na walang kalakip na pagsasalin ng dugo. May kaugnayan dito, nagsimula na ang aming pakikipaglaban para sa pananampalataya.

Ano kaya ang maaari naming gawin? Nakipag-ugnayan kami sa Hospital Information Services sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Sweden upang humingi ng tulong. a Kaagad-agad, ang mga fax ay ipinadala sa iba’t ibang ospital sa Europa upang makakita kami ng ospital at doktor na handang magsagawa ng chemotherapy nang hindi nagsasalin ng dugo. Ang sigasig at pag-ibig na ipinakita ng aming mga kapatid na Kristiyano sa kanilang pagsisikap na matulungan kami ay lubhang nakapagpapatibay. Hindi kami pinabayaan sa aming pakikipaglaban para sa pananampalataya.

Sa loob ng ilang oras, isang ospital at isang doktor ang natagpuan sa Homburg/Saar, Alemanya. Gumawa ng mga kaayusan upang makaparoon kaming sakay ng eroplano nang sumunod na araw upang maipasuri si Vicky. Nang dumating kami, ang aming mga kapatid na Kristiyano mula sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Homburg, at gayundin ang ilan sa aming mga kamag-anak, ay naroon upang salubungin kami. Isa ring kinatawan ng lokal na Hospital Liaison Committee ang mainit na tumanggap sa amin. Sinamahan niya kami sa ospital at binigyan kami ng lahat ng suportang maibibigay niya. Nakadama kami ng kaaliwan na makitang kahit sa isang bansang banyaga, mayroon kaming mga kapatid sa espirituwal na handang sumuporta sa amin.

Nang makilala namin si Dr. Graf sa ospital, muli kaming naaliw. Napakamaunawain niya at tiniyak niya sa amin na gagawin niya ang lahat ng magagawa upang gamutin si Vicky nang hindi sinasalinan ng dugo. Kahit pa bumaba ang bilang ng hemoglobin ni Vicky sa 5 g/dl (gramo bawat desilitro), handa siyang ipagpatuloy ang paggamot nang walang pagsasalin ng dugo. Sinabi rin niya na ang maagang diyagnosis at mabilis na pagkilos upang madala roon si Vicky ay nagpalaki sa tsansa nitong magamot nang matagumpay. Inamin niya na ito ang unang pagkakataon na magsasagawa siya ng chemotherapy nang hindi nagsasalin ng dugo sa kasong katulad ng kay Vicky. Kami’y lubos na nagpasalamat at humanga sa tibay ng loob at determinasyon ni Dr. Graf upang makatulong.

Problema sa Pananalapi

Ang tanong ngayon ay, Paano namin babayaran ang pagpapagamot kay Vicky? Nagulat kami nang ipabatid sa amin na ang dalawang-taóng gamutan ay magkakahalaga ng mga 150,000 deutsche mark (perang Aleman). Malayong magkaroon kami ng ganoon kalaking halaga, ngunit kailangan nang umpisahan kaagad ang paggamot kay Vicky. Dahil lumabas kami ng Sweden upang magpagamot sa Alemanya, wala kaming karapatang tumanggap ng anumang pampublikong seguro para sa kalusugan. Kaya naroon kami kasama ang aming maliit na anak na may malubhang sakit at mahusay na manggagamot na handang tumulong, ngunit wala kaming sapat na salapi.

Sinaklolohan kami ng ospital at sinabi sa amin na mauumpisahan kaagad ang paggamot kung magbibigay kami ng paunang bayad na 20,000 mark at pipirma sa isang garantiya para sa matitira. Mayroon kaming kaunting naipon, at sa maibiging tulong ng mga kaibigan at kamag-anak, nabayaran namin ang 20,000 mark​—ngunit saan manggagaling ang matitira?

Minsan pa kaming napaalalahanan na hindi kami pinababayaan sa aming pakikipaglaban para sa pananampalataya. Isang kapatid sa espirituwal, na noon ay hindi pa namin kilala, ang handang bumalikat sa balanse. Gayunman, hindi na namin kinailangang tanggapin ang malaking halaga na kaniyang iniaalok sapagkat nakagawa kami ng ibang kaayusan sa pagbabayad.

Ginamit ang Mahusay na Paraan ng Paggamot

Inumpisahan na ang chemotherapy. Lumipas ang mga araw at mga linggo. Kung minsan, iyon ay napakahirap at nakapapagod kapuwa para sa aming maliit na anak at sa amin. Sa kabilang dako, kami naman ay maligayang-maligaya at nagpapasalamat sa tuwing magpapakita siya ng mga palatandaan ng pagbuti. Ang chemotherapy ay tumagal nang walong buwan. Ang pinakamababang bilang ng hemoglobin ni Vicky ay 6 g/dl, at tinupad ni Dr. Graf ang kaniyang pangako.

Mahigit sa anim na taon na ang nakalilipas, at sa huling pagsusuri sa kaniyang spinal fluid ay walang nakitang bakas ng leukemia. Siya ngayon ay isang masayang bata na walang anumang tanda ng sakit na iyon. Oo, waring isang himala na si Vicky ay lubusan nang gumaling. Batid namin na maraming bata na may gayunding karamdaman ang namamatay sa kabila ng pagtanggap ng chemotherapy at pagsasalin ng dugo.

Ang aming pakikipaglaban para sa pananampalataya ay nagtagumpay, ngunit sa tulong na rin ito ng aming mga kamag-anak, mga kapatid na Kristiyano, at mga dalubhasa sa panggagamot. Binigyan kami ng Hospital Information Services ng lubos na suporta 24 na oras bawat araw. Ginamit ni Dr. Graf at ng kaniyang mga kasama ang kanilang kasanayan upang tulungan si Vicky na gumaling. Dahil sa lahat ng ito, kami’y talagang nagpapasalamat.

Napatibay ang Aming Pananampalataya

Ngunit higit sa lahat, pinasasalamatan namin ang ating Diyos, si Jehova, dahil sa kaniyang maibiging pangangalaga at sa lakas na tinanggap namin sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Kapag ginugunita namin ito, natatanto namin kung gaano kalaki ang aming natutuhan at kung paano napatibay ang aming pananampalataya ng mahirap na karanasang ito sa buhay.

Ngayon, ang aming taos-pusong mithiin ay ang mapanatili ang aming malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova at maituro sa aming anak ang kahalagahan ng pamumuhay na kaayon ng kaniyang mga kahilingan. Oo, nais naming ibigay sa kaniya ang isang mabuting espirituwal na pamanang buhay na walang hanggan sa dumarating na Paraiso dito sa lupa.​—Isinulat.

[Talababa]

a Ang Hospital Information Services ay nangangasiwa sa isang internasyonal na network ng mga Hospital Liaison Committee. Ang mga ito naman ay binubuo ng mga boluntaryong Kristiyano na sinanay upang pasiglahin ang pagtutulungan sa pagitan ng mga manggagamot at ng kanilang mga pasyenteng Saksi. Mahigit sa 1,400 Hospital Liaison Committee ang tumutulong sa mga pasyente sa mahigit na 200 lupain.