Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isang Nakatagong Panganib sa Kalusugan ng Publiko”

“Isang Nakatagong Panganib sa Kalusugan ng Publiko”

“Isang Nakatagong Panganib sa Kalusugan ng Publiko”

ISANG nakagugulat na sangkatlo ng mga adultong gumagamit ng Internet sa Estados Unidos ang nakapasok na sa isang uri ng mahalay na site, ayon sa isiniwalat ng isang surbey kamakailan hinggil sa on-line sex. Maraming tao na ngayon ang nagbibigay-lugod sa kanilang mga seksuwal na pagnanasa sa pamamagitan ng Internet. “Sa isang antas, ito ay isang nakatagong panganib sa kalusugan ng publiko na mabilis na kumakalat dahil na rin sa iilan ang kumikilala rito bilang isang panganib o nababahala rito,” sabi ni Dr. Al Cooper, ang sikologo na nagsagawa ng surbey.

Sino ang lalo nang madaling matukso sa gayong cybersex? “Yaong mga gumagamit na ang seksuwalidad ay maaaring napigilan at nalimitahan sa kanilang buong buhay” ngunit “biglang nakasumpong ng walang-katapusang suplay ng seksuwal na mga pagkakataon” sa Internet, sabi ni Dr. Cooper.

Gayunman, itinuturing ng karamihan sa mga madalas magpunta sa gayong mahahalay na site na ang gawaing iyon ay hindi naman nakapipinsala. Ganoon nga ba? Tulad ng isang taong sugapa sa droga na sa kalaunan ay hindi na tinatalaban ng drogang kinahuhumalingan niya, maraming sugapa sa cybersex ang naghahanap ng mas malakas na “dosis” ng seksuwalidad sa Internet upang mapalugdan ang kanilang mga pagnanasa. Aba, baka manganib pa nga ang kanilang trabaho at ang kanilang kaugnayan sa kanilang asawa!

Gayunman, yaong mga nagnanais na paluguran ang Diyos ay may karagdagang dahilan upang iwasan ang pagpunta sa mahahalay na site sa Internet. Nagpapayo ang Salita ng Diyos: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya. Dahil sa mga bagay na iyon ay dumarating ang poot ng Diyos.” (Colosas 3:5, 6) Upang ‘mapatay ang mga sangkap ng kaniyang katawan’ may kinalaman sa maruming pita sa sekso, kailangang linangin ng isa ang masidhing pag-ibig sa Diyos na Jehova. (Awit 97:10) Kung nasusumpungan niya na siya’y naaakit sa cybersex na mapanganib sa kalusugan ng publiko, dapat niyang patibayin ang kaniyang pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Malaki ang magagawa ng mabuting pakikipagsamahan sa mga Saksi ni Jehova sa lokal na Kingdom Hall upang matulungan ang isa na patibayin ang kaniyang determinasyon na paluguran ang Diyos.