Kung Paano Mahaharap ang Negatibong Damdamin
Kung Paano Mahaharap ang Negatibong Damdamin
● Si Asap ay nagreklamo: “Tunay na walang kabuluhan ang paglilinis ko ng aking puso at ang paghuhugas ko ng aking mga kamay sa kawalang-sala. At ako ay sinasalot sa buong araw, at ang pagtutuwid sa akin ay tuwing umaga.”—Awit 73:13, 14.
● Si Baruc ay dumaing: “Sa aba ko ngayon, sapagkat dinagdagan ni Jehova ng pamimighati ang aking kirot! Nanghimagod ako dahil sa aking pagbubuntunghininga, at wala akong nasumpungang pahingahang-dako.”—Jeremias 45:3.
● Si Noemi ay nanaghoy: “Lubha akong pinapait ng Makapangyarihan-sa-lahat. Punô ako nang ako ay umalis, at wala akong dala nang pabalikin ako ni Jehova. Bakit ninyo ako tatawaging Noemi, samantalang si Jehova ang humamak sa akin at ang Makapangyarihan-sa-lahat ang nagpangyari ng kapahamakan ko?”—Ruth 1:20, 21.
ANG Bibliya ay naglalaman ng maraming halimbawa ng tapat na mga mananamba ni Jehova na kung minsan ay nadaraig ng damdamin ng pagkasira ng loob. Ang totoo, bilang mga taong hindi sakdal, tayong lahat ay nakararanas ng gayong damdamin sa pana-panahon. Ang ilan sa atin ay baka mas madaling masiraan ng loob—marahil ay may kasama pa ngang pagkahabag-sa-sarili—kaysa sa iba dahil dumanas sila ng masasaklap na karanasan.
Gayunman, kung hindi ito makokontrol, ang mga damdaming ito ay makasisira sa iyong relasyon sa iba at sa Diyos na Jehova. Inamin ng isang Kristiyanong babae na madaling mahabag-sa-sarili: “Tinanggihan ko ang maraming imbitasyon na makihalubilo dahil nadarama kong hindi ako karapat-dapat na maging kasama ng mga nasa kongregasyon.” Tunay ngang kapaha-pahamak ang epekto ng gayong damdamin sa buhay ng isang tao! Ano ang magagawa mo upang mapaglabanan ang mga ito?
Lumapit kay Jehova
Sa Awit 73, tahasang sumulat si Asap tungkol sa kaniyang kalituhan. Nang ihambing niya ang sarili niyang kalagayan sa mariwasang pamumuhay ng mga balakyot, siya ay nainggit. Napansin niya na ang mga di-makadiyos ay palalo at marahas, at waring hindi sila naparurusahan dito. Kaya nagduda si Asap sa kahalagahan ng pagtataguyod niya ng matuwid na landas ng buhay.—Awit 73:3-9, 13, 14.
Napapansin mo rin ba, tulad ni Asap, ang mistulang tagumpay ng mga balakyot na ipinangangalandakan pa ang kanilang masasamang gawa? Paano napagtagumpayan ni Asap ang kaniyang negatibong damdamin? Ipinagpatuloy niya: “Nag-isip-isip ako upang malaman ito; ito ay kabagabagan sa aking paningin, hanggang sa ako ay pumasok sa maringal na santuwaryo ng Diyos. Ninais kong matalos ang kanilang kinabukasan.” (Awit 73:16, 17) Gumawa si Asap ng positibong mga hakbangin sa pamamagitan ng pagbaling kay Jehova sa panalangin. Kung sasabihin ito sa mga salitang ginamit ni apostol Pablo nang dakong huli, sinupil ni Asap ang “taong pisikal” sa pamamagitan ng paggising sa “taong espirituwal” na nasa loob niya. Taglay ang panibagong espirituwal na pananaw, naunawaan niya na kinamumuhian ni Jehova ang kasamaan at na sa takdang panahon ay parurusahan ang balakyot.—1 Corinto 2:14, 15.
Galacia 6:7-9) Ilalagay ni Jehova ang mga balakyot “sa madulas na dako”; kaniyang ‘ilulugmok sila sa pagkawasak.’ (Awit 73:18) Sa dakong huli, ang katarungan ng Diyos ang laging mananaig.
Kay halaga nga na hayaang ang Bibliya ang tumulong sa iyo na magtuon ng pansin sa katotohanan ng buhay! Ipinaaalaala sa atin ni Jehova na hindi siya bulag sa ginagawa ng mga taong balakyot. Itinuturo ng Bibliya: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin . . . Kaya huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam.” (Ang patuluyang programa ng espirituwal na pagpapakain sa mesa ni Jehova at mabuting pakikisama sa bayan ng Diyos ay tutulong sa iyo na mapatibay ang iyong pananampalataya at mapagtagumpayan ang pagkasira ng loob o iba pang negatibong damdamin. (Hebreo 10:25) Tulad ni Asap, sa pananatiling malapít sa Diyos, mararanasan mo ang maibiging pag-alalay niya. Nagpatuloy si Asap: “Ako ay palagi mong kasama; tinanganan mo ang aking kanang kamay. Papatnubayan mo ako ng iyong payo, at pagkatapos ay dadalhin mo ako sa kaluwalhatian.” (Awit 73:23, 24) Natutuhan ng isang Kristiyano na inabuso noong siya ay bata pa ang karunungang nasa mga salitang ito. “Ang pananatiling malapít sa kongregasyon,” sabi niya, “ay nagpakita sa akin ng ibang anggulo ng buhay. Kitang-kita ko na ang Kristiyanong matatanda ay maibigin, na hindi sila mga pulis kundi mga pastol.” Oo, ang madamaying Kristiyanong matatanda ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagpawi ng nakapipinsalang damdamin.—Isaias 32:1, 2; 1 Tesalonica 2:7, 8.
Tanggapin ang Payo ni Jehova
Si Baruc, ang kalihim ni Jeremias na propeta, ay nagbuntunghininga dahil sa nadaramang kaigtingang dulot ng kaniyang atas. Gayunman, may-kabaitang itinuon ni Jehova ang pansin ni Baruc sa katotohanan. “ ‘Kung tungkol sa iyo, patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap. Sapagkat narito, magpapasapit ako ng kapahamakan sa lahat ng laman,’ ang sabi ni Jehova, ‘at ibibigay ko sa iyo ang iyong kaluluwa bilang samsam sa lahat ng dako na iyong paroroonan.’ ”—Jeremias 45:2-5.
Sa tahasang pananalita, ipinaliwanag ni Jehova na ang sanhi ng pagkasiphayo ni Baruc ay ang kaniya mismong makasariling mga hangarin. Hindi masusumpungan ni Baruc ang kagalakan sa kaniyang bigay-Diyos na atas hangga’t kasabay nito ay naghahanap naman siya ng mga dakilang bagay para sa kaniyang sarili. Maaari mo ring masumpungan na ang isang tunay na positibong hakbangin upang mapagtagumpayan ang pagkasira ng loob ay ang pag-iwas sa mga pang-abala at pagtanggap sa kapayapaan ng isip na dulot ng makadiyos na pagkakontento.—Filipos 4:6, 7.
Hindi hinayaan ng balong si Noemi na magmukmok na lamang siya sa Moab dahil sa kaniyang kapighatian nang ang kaniyang asawa at dalawang anak ay mamatay. Gayunman, may pahiwatig na sa loob ng ilang panahon ay nagkaroon siya ng mapait na damdamin may kinalaman sa kaniyang sarili at sa kaniyang dalawang manugang na babae. Nang pinaaalis niya sila, sinabi ni Noemi: “Napakapait nito sa akin dahil sa inyo, na ang Ruth 1:13, 20.
kamay ni Jehova ay lumabas laban sa akin.” Nang makarating siya sa Betlehem, muli niyang iginiit: “Huwag ninyo akong tawaging Noemi [“Aking Kaigayahan”]. Tawagin ninyo akong Mara [“Mapait”], sapagkat lubha akong pinapait ng Makapangyarihan-sa-lahat.”—Gayunman, hindi ibinukod ni Noemi ang kaniyang sarili sa tolda ng pagdadalamhati—na malayo kay Jehova at sa kaniyang bayan. Sa Moab ay nabalitaan niya na “ibinaling ni Jehova ang kaniyang pansin sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tinapay.” (Ruth 1:6) Naunawaan niya na ang pinakamabuting dako para sa kaniya ay sa piling ng bayan ng Diyos. Pagkatapos noon, kasama ang kaniyang manugang na si Ruth, bumalik si Noemi sa Juda at may-kahusayang pinatnubayan si Ruth kung paano ito dapat makitungo sa kanilang kamag-anak na lalaking si Boaz, ang kaniyang manunubos.
Sa katulad na paraan sa ngayon, ang mga tapat na namatayan ng kani-kanilang kapareha ay matagumpay na nakahaharap sa nadaramang kaigtingan sa pamamagitan ng pananatiling abala sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Tulad ni Noemi, patuloy silang nagsusumikap sa espirituwal na mga bagay, na binabasa araw-araw ang Salita ng Diyos.
Mga Kapakinabangan sa Pagkakapit ng Makadiyos na Karunungan
Ang mga ulat na ito sa Bibliya ay naglalaan ng kaunawaan kung paano mahaharap ng isa ang mga epekto ng negatibong damdamin. Humingi ng tulong si Asap sa santuwaryo ni Jehova at matiyagang naghintay kay Jehova. Tumugon si Baruc sa payo at umiwas sa materyalistikong mga pang-abala. Nanatiling aktibo si Noemi kasama ng bayan ni Jehova, na inihahanda ang kabataang babae na si Ruth para sa kaniyang mga pribilehiyo sa pagsamba sa tunay na Diyos.—1 Corinto 4:7; Galacia 5:26; 6:4.
Mapagtatagumpayan mo ang pagkasira ng loob at ang iba pang negatibong damdamin sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa makadiyos na mga tagumpay na ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang bayan, sa indibiduwal na paraan at sa kabuuan. Sa layuning iyan, bulay-bulayin ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig ni Jehova sa paglalaan ng pantubos para sa iyo. Pahalagahan ang tunay na pag-ibig ng kapatirang Kristiyano. Isentro ang iyong buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos na kaylapit-lapit na. At nawa’y tumugon ka gaya ni Asap: “Kung tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin. Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan, upang ipahayag ang lahat ng iyong mga gawa.”—Awit 73:28.