Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Kang Magtagumpay Anuman ang Paraan ng Pagpapalaki sa Iyo

Maaari Kang Magtagumpay Anuman ang Paraan ng Pagpapalaki sa Iyo

Maaari Kang Magtagumpay Anuman ang Paraan ng Pagpapalaki sa Iyo

SI Nicholas ay may pagkarebelde na mula pa noong kaniyang pagkabata. a Nang maglaon, ang kaniyang panloob na mga pakikipagpunyagi ay umakay sa kaniya sa pag-abuso sa droga at paglalasing. Nagpaliwanag si Nicholas: “Ang aking ama ay isang alkoholiko, at kami ng aking kapatid na babae ay labis na nagdusa dahil sa kaniya.”

Saan mo man tingnan, ang mga magulang ni Malinda ay pinagpipitaganang mga palasimbang miyembro ng kanilang komunidad. Ngunit sila ay kasangkot din sa isang kulto. “Ang ilan sa mga gawain ng kanilang kulto ay nakasasakit sa akin at nakasira sa aking pangmalas bilang bata,” ang hinagpis ni Malinda, na ngayo’y mahigit nang 30 taóng gulang. Idinagdag pa niya: “Ang pagkadama ng kawalang-pag-asa at ng kawalang-halaga na naitimo sa akin ay naging bahagi ko na sapol nang magkaisip ako.”

Sino ang makapagkakaila na ang panahon ng pagkabata ng marami ay nabahiran ng karahasan, pang-aabuso, pagpapabaya ng mga magulang, at ng iba pang negatibong mga salik? Ang mga sugat ng isang malungkot na pagkabata ay maaaring maging malalim. Ngunit kailangan bang sirain magpakailanman ng gayong mga kirot ang pagkakataon ng isa na yumakap sa katotohanan ng Salita ng Diyos at magtamo ng malaking antas ng kaligayahan? Sa kabila ng paraan ng pagpapalaki sa kanila, maaari kayang magtagumpay sina Nicholas at Malinda bilang mga tapat na tao? Isaalang-alang muna ang halimbawa ni Haring Josias ng Juda.

Isang Maka-Kasulatang Halimbawa

Si Josias ay namahala sa Juda sa loob ng 31 taon noong ikapitong siglo B.C.E. (659-629 B.C.E.) Nang maupo si Josias sa trono, pagkatapos ng pataksil na pagpatay sa kaniyang ama, ang mga kalagayan sa Juda ay napakasama. Ang Juda at Jerusalem ay napuno ng mga mananamba kay Baal at ng mga nananata ng sumpa sa pamamagitan ng pangunahing diyos ng mga Ammonita, si Malcam. Ang mga prinsipe ng Juda ay “mga umuungal na leon,” at ang mga hukom ay “mga lobo sa gabi,” sabi ni Zefanias, isang propeta ng Diyos nang panahong iyon. Bunga nito, naging palasak ang karahasan at panlilinlang sa lupain. Marami ang nagsasabi sa kanilang puso: “Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.”​—Zefanias 1:3–2:3; 3:1-5.

Naging anong uri ng tagapamahala si Josias? Ang mananalaysay ng Bibliya na si Ezra ay sumulat: “Ginawa [ni Josias] ang tama sa paningin ni Jehova at lumakad siya sa mga daan ni David na kaniyang ninuno; at hindi siya lumihis sa kanan o sa kaliwa.” (2 Cronica 34:1, 2) Maliwanag na nagtagumpay si Josias sa paggawa ng mabuti sa paningin ng Diyos. Ngunit ano ba ang kinalakhan niyang pamilya?

Mapagkalinga o Mapang-abusong Pagkabata?

Nang si Josias ay ipanganak noong 667 B.C.E., ang kaniyang amang si Amon ay 16 na taóng gulang lamang, at ang kaniyang lolong si Manases ang namamahala sa Juda. Si Manases ay isa sa pinakabalakyot na hari na namahala kailanman sa Juda. Yamang nagtayo siya ng mga altar kay Baal, “ginawa niya nang malawakan ang masama sa paningin ni Jehova.” Pinaraan niya ang kaniyang mga anak sa apoy, nagsagawa ng mahika, gumamit ng panggagaway, nagtaguyod ng mga espiritistikong gawain, at nagbubo ng pagkarami-raming walang-salang dugo. Ipinasok din ni Manases sa bahay ni Jehova ang nililok na larawan ng sagradong poste na ginawa niya. Iniligaw niya ang Juda at Jerusalem “upang gumawa ng mas masama kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova mula sa harap ng mga anak ni Israel.”​—2 Cronica 33:1-9.

Napakasama ni Manases anupat ipinadala siya ni Jehova na nakapangaw patungo sa Babilonya, isa sa maharlikang lunsod ng monarka ng Asirya. Habang nasa pagkabihag ay nagsisi si Manases, nagpakumbaba, at nagsumamo kay Jehova na patawarin siya. Dininig ng Diyos ang kaniyang paghiling ng lingap at isinauli siya bilang hari sa Jerusalem. Nang magkagayon ay pinasimulan ni Manases ang mga reporma na may ilang mabubuting resulta.​—2 Cronica 33:10-17.

Ano ang naging epekto ng kasamaan ni Manases at ng kaniyang pagsisisi nang dakong huli sa kaniyang anak na si Amon? Naging labis na balakyot ito. Nang magsisi si Manases at gumawa ng pagsisikap na linisin ang bansa mula sa mga karumihan na siya mismo ang nagpasimuno, hindi tumugon si Amon. Nang manahin nito ang trono sa edad na 22, “ginawa [ni Amon] ang masama sa paningin ni Jehova, gaya ng ginawa ni Manases na kaniyang ama.” Sa halip na magpakumbaba kay Jehova, “si Amon ang isa na nagparami ng pagkakasala.” (2 Cronica 33:21-23) Si Josias ay anim na taóng gulang lamang nang maging hari ng Juda si Amon. Lubha ngang di-kaayaaya ang panahon ng pagkabata ni Josias!

Ang balakyot na paghahari ni Amon ay nagwakas pagkalipas ng dalawang taon nang magsabuwatan ang kaniyang mga lingkod laban sa kaniya at pinatay siya. Gayunman, pinatay ng bayan ng lupain ang lahat ng nagsabuwatan laban kay Amon at ginawang hari ang kaniyang anak na si Josias.​—2 Cronica 33:24, 25.

Sa kabila ng di-kaayaayang mga kalagayan noong unang mga taon ng kaniyang pagkabata, pinasimulang gawin ni Josias ang mabuti sa paningin ni Jehova. Gayon na lamang katagumpay ang kaniyang paghahari anupat ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang haring nauna sa kaniya ang naging tulad niya na nanumbalik kay Jehova nang kaniyang buong puso at nang kaniyang buong kaluluwa at nang kaniyang buong lakas, ayon sa lahat ng kautusan ni Moises; ni may bumangon mang kasunod niya na naging tulad niya.”​—2 Hari 23:19-25.

Nakapagpapatibay ngang halimbawa si Josias para sa mga kinailangang magbata ng di-kaayaayang panahon ng pagkabata! Ano ang matututuhan natin sa kaniyang halimbawa? Ano ang nakatulong kay Josias upang piliin ang tamang landasin at manatili rito?

Sikaping Kilalanin si Jehova

Ang positibong impluwensiya na nanaig noong kamusmusan ni Josias ay ang kaniyang nagsising lolo, si Manases. Kung gaano kadalas silang nag-usap, at kung gaano katanda si Josias nang ituwid ni Manases ang kaniyang mga landas ay hindi sinasabi ng Bibliya. Yamang malapít sa isa’t isa ang mga pamilyang Judio, maaaring sinikap ni Manases na iligtas ang kaniyang apo mula sa nakasasamang mga impluwensiyang nakapalibot dito sa pamamagitan ng pagsisikap na maikintal sa puso ng kaniyang apo ang paggalang sa tunay na Diyos, si Jehova, at sa kaniyang salita. Anumang binhi ng katotohanan na naitanim ni Manases sa puso ni Josias, marahil lakip na ang iba pang positibong mga impluwensiya, ay nagbunga nang dakong huli. Sa kaniyang ikawalong taon sa trono ng Juda, sinikap ng 15-taóng-gulang na si Josias na alamin at gawin ang kalooban ni Jehova.​—2 Cronica 34:1-3.

Ang tanging pakikipag-ugnayan sa espirituwal na tinamasa ng ilang tao noong kanilang pagkabata ay sa pagitan nila at ng isang malayong kamag-anak, isang kakilala, o isang kapitbahay. Gayunman, kung ito ay nalinang, ang mga binhing naitanim ay maaaring magluwal ng mabubuting bunga sa dakong huli. Si Malinda, na binanggit kanina, ay may kapitbahay na parang lolo niya na regular na nagdadala ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa kanilang bahay. Sa paggunita nang may paggiliw dito, sinabi niya: “Ang lubhang hinangaan ko sa aking kapitbahay ay na hindi siya nagdiriwang ng mga kapistahan. Mahalaga ito sa akin yamang ang Halloween at ilan sa iba pang mga kapistahan ay mga pagkakataon para sa ritwal na mga gawain ng kulto ng aking mga magulang.” Pagkalipas ng isang dekada, nang anyayahan ng isang kaibigan si Malinda upang dumalo sa Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, naalaala niya ang kapitbahay na ito at kaagad na tinanggap ang paanyaya. Iyan ang nakatulong sa kaniya upang mahanap ang katotohanan.

Maging Mapagpakumbaba sa Harap ng Diyos

Ang paghahari ni Josias ay kinakitaan ng napakalaking mga reporma sa relihiyon sa lupain ng Juda. Pagkatapos na magsagawa ng anim-na-taóng kampanya laban sa idolatriya at paglilinis sa lupain ng Juda, pinasimulan ni Josias na kumpunihin ang bahay ni Jehova. Habang isinasagawa ang gawaing iyan, isang pagkahala-halagang tuklas ang nakita ng Mataas na Saserdoteng si Hilkias! Natagpuan niya ang orihinal na kopya ng “aklat ng kautusan ni Jehova.” Palibhasa’y ipinagkatiwala ni Hilkias sa kaniya ang natatanging tuklas na ito, iniulat ng kalihim na si Sapan sa hari ang nangyari. Ipinagmapuri ba ng 25-taóng-gulang na si Josias ang naisagawang iyon?​—2 Cronica 34:3-18.

“Nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan,” ang isinulat ni Ezra, “kaagad niyang hinapak ang kaniyang mga kasuutan.” Ito ay isang taos-pusong kapahayagan ng kalungkutan sapagkat natanto niya na hindi pala lahat ng mga utos ng Diyos ay isinagawa ng kanilang mga ninuno. Tunay ngang isang tanda ng kapakumbabaan! Kaagad na inatasan ng hari ang lima-kataong delegasyon upang sumangguni kay Jehova sa pamamagitan ng propetisang si Hulda. Bumalik ang delegasyon na dala ang isang ulat na may ganitong diwa: ‘Sasapit ang kapahamakan bilang resulta ng pagsuway sa Kautusan ni Jehova. Ngunit dahil ikaw, Haring Josias, ay nagpakumbaba, mapipisan ka nang payapa sa iyong dakong libingan at hindi mo makikita ang kapahamakan.’ (2 Cronica 34:19-​28) Nalugod si Jehova sa saloobin ni Josias.

Sa kabila ng ating pinagmulan, maaari rin tayong magpakumbaba sa harap ng tunay na Diyos, si Jehova, at magpakita ng magalang na saloobin sa kaniya at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ginawa ito ni Nicholas, na binanggit sa pasimula. Sinabi niya: “Bagaman ang aking buhay ay punung-puno ng problema dahil sa pag-abuso sa droga at paglalasing, nagkaroon ako ng interes sa Bibliya at nanabik na magkaroon ng layunin sa buhay. Sa kalaunan, nakipag-ugnayan ako sa mga Saksi ni Jehova, binago ang aking istilo ng pamumuhay, at yumakap sa katotohanan.” Oo, maaari tayong magkaroon ng magalang na saloobin sa Diyos at sa kaniyang Salita anuman ang ating kapaligiran.

Makinabang sa Kaayusan ni Jehova

Si Josias ay mayroon ding matinding paggalang sa mga propeta ni Jehova. Hindi lamang siya sumangguni sa propetisang si Hulda kundi labis din siyang naimpluwensiyahan ng ibang mga propeta noong kaniyang kaarawan. Halimbawa, sina Jeremias at Zefanias ay kapuwa abala sa paghahayag ng mga pagtuligsa sa idolatriya na isinasagawa sa Juda. Ang pagbibigay-pansin nga sa kanilang mensahe ay malamang na nagpalakas kay Josias habang isinasagawa niya ang kaniyang kampanya laban sa huwad na pagsamba!​—Jeremias 1:1, 2; 3:6-​10; Zefanias 1:1-6.

Hinirang ng “panginoon,” si Jesu-Kristo, ang lupon ng kaniyang pinahirang mga tagasunod​—“ang tapat at maingat na alipin”​—upang maglaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Mateo 24:45-​47) Sa pamamagitan ng salig-Bibliyang mga publikasyon at ng kaayusan sa kongregasyon, itinatawag-pansin ng uring alipin ang mga kapakinabangan ng pagsunod sa payo ng Bibliya at nag-aalok ng praktikal na mga mungkahi hinggil sa pagkakapit nito sa ating pang-araw-araw na buhay. Pagkaangkup-angkop nga na gamitin natin ang kaayusan ni Jehova upang tulungan tayo na mapagtagumpayan ang anumang masamang mga saloobin na malalim ang pagkakaugat! Mula pagkabata, si Nicholas ay may matinding pagkayamot sa awtoridad. Kahit noong natututo na siya ng katotohanan sa Salita ng Diyos, nahahadlangan pa rin siya ng kahinaang ito sa mas lubusang paglilingkod kay Jehova. Ang pagbago sa saloobing ito ay hindi madali para sa kaniya. Ngunit nang maglaon, nagtagumpay siya. Paano? “Sa tulong ng dalawang maunawaing matanda,” ang paliwanag ni Nicholas, “ipinagtapat ko ang aking suliranin at pinasimulang ikapit ang kanilang maibigin at maka-Kasulatang payo.” Idinagdag pa niya: “Bagaman naghihinanakit pa rin ako paminsan-minsan, kontrolado ko na ngayon ang aking pagkarebelyoso.”

Hinihingi din ni Malinda ang payo ng matatanda kapag gumagawa siya ng mahahalagang pasiya sa kaniyang buhay. Sa pagharap sa pagkadama ng kawalang-pag-asa at kawalang-halaga na nagsimula noong bata pa siya, ang itinuturing niyang di-matumbasan ay ang iba’t ibang artikulo sa Ang Bantayan at Gumising! Sinabi niya: “Kung minsan, sa isang artikulo ay mayroon lamang isang parapo o isang pangungusap​—isang maliit na bahagi lamang​—na nakaaantig sa akin. Mga siyam na taon na ang nakalilipas, sinimulan kong itago ang gayong mga artikulo sa isang loose-leaf na kuwaderno upang madali kong matingnan ang mga ito.” Sa ngayon, ang kaniyang tatlong kuwaderno ay naglalaman ng mga 400 artikulo!

Hindi naman kailangang maging mga permanenteng biktima ang mga tao ng kanilang masamang buhay-pampamilya. Sa tulong ni Jehova ay makapagtatagumpay sila sa espirituwal. Kung paanong ang mabuting paraan ng pagpapalaki ay hindi gumagarantiya sa katapatan ng isang tao, ang isang masamang pagkabata ay hindi humahadlang sa isang tao na magkaroon ng takot sa Diyos.

Matapos ang pagkatuklas sa aklat ng Kautusan noong panahon ng pagkukumpuni sa templo, si Josias ay ‘nakipagtipan sa harap ni Jehova upang lumakad sa pagsunod kay Jehova at upang sundin siya nang kaniyang buong puso at nang kaniyang buong kaluluwa.’ (2 Cronica 34:31) At hindi siya nag-urung-sulong sa kaniyang kapasiyahan hanggang sa kaniyang huling hininga. Sina Malinda at Nicholas ay determinado ring manatiling tapat sa Diyos na Jehova at magtagumpay bilang mga tapat na tao. Nawa’y maging determinado ka rin na manatiling malapít sa Diyos at maglingkod sa kaniya nang may katapatan. Makapagtitiwala ka na magtatagumpay ka, sapagkat nangangako si Jehova: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”​—Isaias 41:10, 13.

[Talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

[Mga larawan sa pahina 26]

Sa kabila ng di-kaayaayang pagkabata, sinikap ni Josias na kilalanin si Jehova at naging matagumpay siya sa kaniyang buhay

[Larawan sa pahina 28]

Ang matatanda ay makatutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang isang ugali na malalim ang pagkakaugat

[Larawan sa pahina 28]

“Ang Bantayan” at “Gumising!” ay makatutulong sa iyo na makapag-ingat ng katapatan