Magbigay-Pansin sa mga Kamangha-manghang Gawa ng Diyos
Magbigay-Pansin sa mga Kamangha-manghang Gawa ng Diyos
“Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin; walang sinumang maihahambing sa iyo.”—AWIT 40:5.
1, 2. Anong katibayan ng mga kamangha-manghang gawa ng Diyos ang taglay natin, at dapat tayong pakilusin nito na gawin ang ano?
KAPAG binabasa mo ang Bibliya, madali mong makikita na gumawa ang Diyos ng mga kamangha-manghang bagay para sa kaniyang sinaunang bayan, ang Israel. (Josue 3:5; Awit 106:7, 21, 22) Bagaman sa kasalukuyan ay hindi nakikialam si Jehova sa gayong paraan sa mga gawain ng tao, nakasusumpong tayo sa ating paligid ng saganang patotoo sa kaniyang mga kamangha-manghang gawa. Kaya may dahilan tayo upang samahan ang salmista sa pagsasabing: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”—Awit 104:24; 148:1-5.
2 Marami sa ngayon ang nagwawalang-bahala o tumatanggi sa gayong maliwanag na katibayan ng mga gawain ng Maylalang. (Roma 1:20) Gayunman, makabubuti na pag-isipan natin ang mga ito at bumuo ng mga konklusyon may kaugnayan sa ating katayuan sa harap ng Maygawa sa atin at sa ating tungkulin sa kaniya. Ang Job kabanata 38 hanggang 41 ay napakahuhusay na pantulong sa bagay na ito, sapagkat doon ay itinawag-pansin ni Jehova kay Job ang ilang aspekto ng Kaniyang mga kamangha-manghang gawa. Isaalang-alang ang ilang makatuwirang isyu na ibinangon ng Diyos.
Mga Gawang Makapangyarihan at Kamangha-mangha
3. Gaya ng nakaulat sa Job 38:22, 23, 25-29, anong mga bagay ang itinanong ng Diyos?
3 Sa isang pagkakataon, ang Diyos ay nagtanong kay Job: “Nakapasok ka na ba sa mga imbakan ng niyebe, o nakikita mo ba maging ang mga imbakan ng graniso, na pinipigilan ko para sa panahon ng kabagabagan, para sa araw ng labanan at digmaan?” Sa maraming panig ng ating lupa, ang niyebe at graniso ay bahagi na ng buhay. Nagpatuloy pa ang Diyos: “Sino ang humukay ng lagusan para sa baha at ng daan para sa makulog na kaulapang-bagyo, upang magpaulan sa lupain na walang tao, sa ilang na walang makalupang tao, upang bigyang-kasiyahan ang mga dakong binabagyo at tiwangwang at upang patubuin ang sibol ng damo? May ama ba ang ulan, o sino ang nagsilang sa mga patak ng hamog? Sa kaninong tiyan nga lumalabas ang yelo, at kung tungkol sa nagyelong hamog mula sa langit, sino nga ang nanganganak nito?”—Job 38:22, 23, 25-29.
4-6. Sa anong diwa hindi kumpleto ang kaalaman ng tao tungkol sa niyebe?
4 Maaaring malasin ng ilan, na nakatira sa isang lipunan na doo’y mabilis ang takbo ng buhay at kinakailangan na sila ay maglakbay, na ang niyebe ay sagabal lamang. Gayunman, minamalas naman ng di-mabilang na iba pa ang niyebe bilang kasiya-siyang bagay, anupat lumilikha ng isang pagkaganda-gandang lugar kung taglamig na naglalaan ng mga pagkakataon para sa pantanging mga gawain. Taglay sa isipan ang katanungan ng Diyos, mayroon ka bang malaking kaalaman tungkol sa niyebe, kahit ang hitsura man lamang nito? Totoo, alam natin kung ano ang hitsura ng isang malaking bunton ng niyebe, marahil mula sa mga larawan ng mga tambak ng niyebe o dahil sa aktuwal tayong nakakita ng maraming niyebe. Subalit kumusta naman ang bawat piraso ng niyebe? Alam mo ba kung ano ang hitsura ng mga ito, marahil ay nasuri ang mga ito mula sa kanilang pinanggagalingan?
5 Ang ilang tao ay gumugol ng maraming dekada sa pag-aaral at pagkuha ng larawan ng mga piraso ng niyebe. Ang isang piraso ng niyebe ay maaaring binubuo ng sandaang pinung-pinong yelong kristal na may sari-saring magagandang disenyo. Sinasabi ng aklat na Atmosphere: “Ang walang-katapusang pagkasari-sari ng mga piraso ng niyebe ay malaon nang alam, at bagaman iginigiit ng mga siyentipiko na walang batas ng kalikasan ang nagbabawal sa kanilang duplikasyon, walang nasumpungan kailanman na dalawang piraso na magkapareho. Isang pagsusuri na may pambihirang antas ang isinagawa ni . . . Wilson A. Bentley, na gumugol ng mahigit na 40 taon sa pagsusuri at paglilitrato ng mga piraso ng niyebe sa pamamagitan ng isang mikroskopyo nang walang nasumpungan kailanman na dalawang magkaparehong-magkapareho.” At kung sakali mang sa isang pambihirang pagkakataon, may dalawa na sa wari’y magkapareho, mababago nga kaya nito ang hiwaga sa napakalawak na pagkasari-sari ng mga piraso ng niyebe?
6 Alalahanin ang tanong ng Diyos: “Nakapasok ka na ba sa mga imbakan ng niyebe?” Iniisip ng marami na ang mga ulap ay mga imbakan ng niyebe. Maguguniguni mo ba na pumapasok ka sa mga imbakang ito upang imbentaryuhin ang mga piraso ng niyebe sa kanilang walang-katapusang pagkasari-sari at pag-aralan kung paano nagkagayon ang mga ito? Isang ensayklopidiya sa siyensiya ang nagsasabi: “Ang kayarian at pinagmulan ng mga nucleus ng yelo, na kailangan upang papagyeluhin ang mga patak na nanggagaling sa ulap sa temperaturang halos -40°F (-40°C), ay hindi pa rin maliwanag.”—Awit 147:16, 17; Isaias 55:9, 10.
7. Gaano kalawak ang kaalaman ng tao tungkol sa ulan?
7 O kumusta naman ang ulan? Nagtanong ang Diyos kay Job: “May ama ba ang ulan, o sino ang nagsilang sa mga patak ng hamog?” Ang nabanggit na ensayklopidiya sa siyensiya ay nagsasabi rin: “Dahil sa kasalimuutan ng galaw ng atmospera at napakalaking pagbabago sa singaw at maliliit na butil sa hangin, waring imposible na gumawa ng detalyado, pangkalahatang teoriya kung paano nabubuo ang mga ulap at ang ulan.” Sa mas simpleng pananalita, ang mga siyentipiko ay nakapagbigay ng detalyadong mga teoriya, subalit talagang hindi nila lubusang maipaliwanag ang ulan. Gayunman, alam mo na ang mahalagang ulan ay pumapatak, dumidilig sa lupa, anupat tumutustos sa mga halaman, at nagpapangyaring maging posible at kasiya-siya ang buhay.
8. Bakit angkop ang mga salita ni Pablo na nakaulat sa Gawa 14:17?
8 Hindi ka ba sasang-ayon sa naging konklusyon ni apostol Pablo? Hinimok niya ang iba na malasin ang mga kamangha-manghang gawang ito bilang patotoo sa Isa na gumawa ng mga ito. Sinabi ni Pablo hinggil sa Diyos na Jehova: “Hindi niya pinabayaang wala siyang patotoo sapagkat gumawa siya ng mabuti, na binibigyan kayo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.”—Gawa 14:17; Awit 147:8.
9. Paano ipinamamalas ng mga kamangha-manghang gawa ng Diyos ang kaniyang dakilang kapangyarihan?
9 Walang alinlangan na ang Gumagawa ng gayong kamangha-mangha at kapaki-pakinabang na mga gawa ay nagtataglay ng walang-hanggang karunungan at napakalakas na kapangyarihan. Kung tungkol sa kaniyang kapangyarihan, isipin ito: Sinasabing may mga 45,000 makulog na bagyo araw-araw, mahigit sa 16 na milyon sa isang taon. Nangangahulugan ito na mga 2,000 ang nagaganap sa mismong sandaling ito. Ang masalimuot na mga ulap ng isang makulog na bagyo ay nagngangalit taglay ang enerhiya na katumbas ng sampu o higit pang bombang nuklear na inihulog noong Digmaang Pandaigdig II. Nakikita mo ang ilang bahagi sa enerhiyang iyon bilang kidlat. Bukod sa pagiging kasindak-sindak, ang totoo ay nakatutulong ang kidlat sa paglikha ng mga anyo ng nitroheno na umaabot sa lupa, kung saan ang mga ito ay sinisipsip ng mga halaman bilang likas na pataba. Kaya ang kidlat ay nakikitang enerhiya, subalit ito ay nagdudulot din ng tunay na mga kapakinabangan.—Awit 104:14, 15.
Ano ang Epekto sa Iyo?
10. Paano mo sasagutin ang mga katanungang masusumpungan sa Job 38:33-38?
10 Gunigunihin ang iyong sarili na nasa lugar ni Job, na tinatanong ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Malamang na sasang-ayon ka na karamihan sa mga tao ay di-gaanong nagbibigay-pansin sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos. Itinatanong sa atin ni Jehova ang mababasa natin sa Job 38:33-38. “Nalalaman mo ba ang mga batas ng langit, o maitatatag mo ba ang awtoridad nito sa lupa? Mailalakas mo ba ang iyong tinig hanggang sa ulap, upang matakpan ka ng daluyong ng tubig? Makapagsusugo ka ba ng mga kidlat upang yumaon sila at magsabi sa iyo, ‘Narito kami!’? Sino ang naglagay ng karunungan sa mga suson ng ulap, o sino ang nagbigay ng pagkaunawa sa kababalaghan sa kalangitan? Sino ang may-kawastuang makabibilang ng mga ulap nang may karunungan, o ang mga pantubig na banga sa langit—sino ang makapagtatagilid ng mga iyon, kapag ang alabok ay bumubuhos na waring isang binubong masa, at ang mga kimpal ng lupa ay nagkakadikit-dikit?”
11, 12. Ano ang ilang bagay na nagpapatunay na ang Diyos ang Gumagawa ng mga kamangha-manghang gawa?
11 Tinalakay natin ang ilan lamang sa mga punto na ibinangon ni Elihu kay Job, at binigyang-pansin natin ang ilang katanungan na ipinasasagot ni Jehova kay Job “tulad ng isang matipunong lalaki.” (Job 38:3) Sinasabi nating “ilan” sapagkat sa Job kabanata 38 at 39, nagtuon ng pansin ang Diyos sa iba pang kapansin-pansing aspekto ng sangnilalang. Halimbawa, ang mga konstelasyon sa langit. Sino ang nakababatid sa lahat ng mga kautusan, o mga batas ng mga ito? (Job 38:31-33) Inakay ni Jehova ang pansin ni Job sa ilan sa mga hayop—ang leon at ang uwak, ang kambing-bundok at ang sebra, ang torong gubat at ang avestruz, ang malakas na kabayo at ang agila. Sa diwa, itinanong ng Diyos kay Job kung siya ang nagbigay ng mga katangian sa iba’t ibang hayop na ito, na nagpapangyari sa mga ito na mabuhay at dumami. Marahil ay masisiyahan ka na pag-aralan ang mga kabanatang ito, lalo na kung mahilig ka sa mga kabayo o sa iba pang mga hayop.—Awit 50:10, 11.
12 Maaari mo ring suriin ang Job kabanata 40 at 41, kung saan hiniling muli ni Jehova kay Job na sagutin ang mga katanungan hinggil sa dalawang partikular na nilalang. Nauunawaan natin na ang mga ito ay ang hippopotamus (Behemot), na napakalaki at malakas ang katawan, at ang kakila-kilabot na buwaya (Leviatan) ng Nilo. Sa ganang sarili, ang bawat isa ay kababalaghan ng paglalang na karapat-dapat bigyang-pansin. Tingnan natin ngayon kung anong mga konklusyon ang dapat nating maabot.
13. Ano ang epekto kay Job ng pagtatanong ng Diyos, at paano dapat makaapekto sa atin ang mga bagay na ito?
13 Ipinakikita sa atin ng Job kabanata 42 kung ano ang epekto ng pagtatanong ng Diyos kay Job. Bago nito, si Job ay labis na nagbigay-pansin sa kaniyang sarili at sa iba. Subalit sa pagtanggap sa pagtutuwid na ipinahihiwatig sa mga tanong ng Diyos, binago ni Job ang kaniyang pag-iisip. Siya ay nagtapat: ‘Napag-alaman ko na kaya mo [Jehova] na gawin ang lahat ng bagay, at walang kaisipan ang hindi mo magagawa. “Sino itong nagpapalabo ng payo nang walang kaalaman?” Kaya nga nagsalita ako, ngunit hindi ko nauunawaan ang mga bagay na lubhang kamangha-mangha para sa akin, na hindi ko nalalaman.’ (Job 42:2, 3) Oo, pagkatapos magbigay-pansin sa mga gawa ng Diyos, sinabi ni Job na ang mga bagay na ito ay lubhang kamangha-mangha para sa kaniya. Pagkaraang marepaso ang mga kababalaghang ito ng paglalang, dapat din tayong humanga sa karunungan at kapangyarihan ng Diyos. Sa anong layunin? Upang humanga lamang ba sa napakalaking kapangyarihan at kakayahan ni Jehova? O dapat ba tayong mapakilos nang higit pa roon?
14. Paano tumugon si David sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos?
14 Buweno, sa Awit 86, masusumpungan natin ang kaugnay na mga kapahayagan ni David, na sa isang naunang salmo ay nagsabi: “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan. Sa araw-araw ay bumubukal ang pananalita, at sa gabi-gabi ay natatanghal ang kaalaman.” (Awit 19:1, 2) Subalit higit pa rito ang sinabi ni David. Sa Awit 86:10, 11 ay mababasa natin: “Ikaw ay dakila at gumagawa ng kamangha-manghang mga bagay; ikaw ang Diyos, ikaw lamang. Turuan mo ako, O Jehova, ng tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” Ang pagkasindak ni David sa Maylalang dahil sa lahat ng Kaniyang mga kamangha-manghang gawa ay may kalakip na angkop na antas ng mapitagang pagkatakot. Mauunawaan mo kung bakit. Hindi nais ni David na di-mapalugdan ang Isa na may kakayahang magsagawa ng ganitong mga kamangha-manghang gawa. Ni tayo man.
15. Bakit angkop ang mapitagang pagkatakot ni David sa Diyos?
15 Malamang na natanto ni David na yamang taglay ng Diyos at kontrolado ang napakalakas na kapangyarihan, kaya niyang gamitin ito laban sa kaninumang hindi karapat-dapat sa kaniyang pagsang-ayon. Para sa kanila, iyon ay nagbabadya ng kapahamakan. Tinanong ng Diyos si Job: “Nakapasok ka na ba sa mga imbakan ng niyebe, o nakikita mo ba maging ang mga imbakan ng graniso, na pinipigilan ko para sa panahon ng kabagabagan, para sa araw ng labanan at digmaan?” Ang niyebe, graniso, bagyong maulan, hangin, at kidlat ay pawang mga sandatang magagamit niya. At tunay na nakapangangatal nga ang napakalakas na mga puwersang ito ng kalikasan!—Job 38:22, 23.
16, 17. Ano ang naglalarawan sa kasindak-sindak na kapangyarihang taglay ng Diyos, at paano niya ginamit noon ang gayong kapangyarihan?
16 Malamang na natatandaan mo ang ilang lokal na kasakunaang idinulot ng isa sa mga ito—isang unos, bagyo, buhawi, bagyo ng graniso, o biglang pagbaha. Bilang halimbawa, sa pagtatapos ng taóng 1999, isang napakalakas na bagyo ang humampas sa timog-kanlurang Europa. Binigla nito maging ang mga eksperto sa lagay ng panahon. Ang mga bugso ng hangin ay umabot hanggang 200 kilometro bawat oras, anupat nagbaklas ng libu-libong bubungan, nagbuwal ng mga naglalakihang poste ng kuryente, at nagpataob ng mga trak. Gunigunihin ito: Nabunot o nabiyak noong panahon ng bagyong iyon ang mga 270 milyong punungkahoy, ang 10,000 rito ay sa parke lamang ng Versailles, sa labas ng Paris. Milyun-milyong sambahayan ang nawalan ng kuryente. Ang bilang ng namatay ay halos 100. Ang lahat ng iyon ay sa isang maikling panahon lamang. Kay lakas ngang puwersa!
17 Maaaring ituring ng isa ang mga bagyo bilang mga pangyayaring di-pangkaraniwan, di-nauugitan at di-kontrolado. Subalit ano kaya ang mangyayari kung ang pinakamakapangyarihang Isa ay magsagawa ng mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng paggamit sa gayong mga puwersa sa isang kontrolado at inuugitang paraan? Ginawa niya ang gayon noong kapanahunan ni Abraham, na nakaalam na tinimbang ng Hukom ng buong lupa ang kabalakyutan ng dalawang lunsod, ang Sodoma at Gomorra. Napakasama ng mga ito anupat ang mga daing laban sa mga ito ay pumailanlang sa Diyos, na tumulong sa lahat ng matuwid upang makatakas sa hinatulang mga lunsod. Ang kasaysayan ay nag-uulat: “Nang magkagayon ay nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy mula kay Jehova, mula sa langit,” sa mga lunsod na iyon. Iyon ay isang kamangha-manghang gawa, na nagligtas sa mga matuwid at pumuksa sa di-nagbabagong mga balakyot.—Genesis 19:24.
18. Anong mga kamangha-manghang bagay ang tinutukoy ng Isaias kabanata 25?
18 Pagkaraan noon, nagpalabas ang Diyos ng isang hudisyal na kapasiyahan laban sa sinaunang lunsod ng Babilonya, na maaaring ang lunsod na tinutukoy sa Isaias kabanata 25. Inihula ng Diyos na isang lunsod ang magiging isang kagibaan: “Ang lunsod ay ginawa mong bunton ng mga bato, ang nakukutaang bayan naman ay gumuguhong kagibaan, isang tirahang tore ng mga taga-ibang bayan na hindi na magiging lunsod, na hindi itatayong muli maging hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 25:2) Ang makabagong-panahong mga bisita sa lugar ng Babilonya ay makapagpapatunay na ito nga ay nangyari. Ang pagkawasak ba ng Babilonya ay nagkataon lamang? Hindi. Sa halip, maaari nating tanggapin ang naging konklusyon ni Isaias: “O Jehova, ikaw ang aking Diyos. Dinadakila kita, pinupuri ko ang iyong pangalan, sapagkat gumawa ka ng mga kamangha-manghang bagay, mga pasiya mula noong unang mga panahon, sa katapatan, sa pagiging mapagkakatiwalaan.”—Isaias 25:1.
Mga Kamangha-manghang Gawa sa Hinaharap
19, 20. Anong katuparan ng Isaias 25:6-8 ang maaasahan natin?
19 Tinupad ng Diyos ang hulang nasa itaas noong nakalipas, at kikilos siya sa kamangha-manghang paraan sa hinaharap. Sa kontekstong ito, kung saan binabanggit ni Isaias ang “mga kamangha-manghang bagay” ng Diyos, masusumpungan natin ang isang maaasahang hula na matutupad pa lamang, kung paanong natupad ang kahatulan sa Babilonya. Anong ‘kamangha-manghang bagay’ ang ipinangako? Ang Isaias 25:6 ay nagsasabi: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng mga bayan, sa bundok na ito, ng isang piging ng mga putaheng malangis, isang piging ng alak na pinanatili sa latak, ng mga putaheng malangis na punô ng utak sa buto, ng alak na pinanatili sa latak, sinala.”
20 Ang hulang iyon ay tiyak na matutupad sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, na napakalapit na. Sa panahong iyon, ang sangkatauhan ay maaalisan na ng mga suliranin na ngayon ay nagpapabigat sa marami. Sa katunayan, ang hula sa Isaias 25:7, 8 ay gumagarantiya na gagamitin ng Diyos ang kaniyang kapangyarihang lumikha upang gawin ang isa sa mga pinakakamangha-manghang gawa sa lahat ng panahon: “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha. At ang kadustaan ng kaniyang bayan ay aalisin niya mula sa buong lupa, sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita nito.” Nang maglaon ay sumipi si apostol Pablo mula sa tekstong iyon at ikinapit ito sa pagpapanauli ng Diyos sa mga patay tungo sa buhay, anupat binubuhay-muli ang mga patay. Tunay ngang magiging kamangha-manghang gawa iyon!—1 Corinto 15:51-54.
21. Anong mga kamangha-manghang gawa ang gagawin ng Diyos para sa mga patay?
21 Ang isa pang dahilan kung bakit mawawala na ang mga luha ng kalungkutan ay sapagkat aalisin na ang pisikal na mga karamdaman ng mga tao. Noong nasa lupa si Jesus, pinagaling niya ang marami—nagpanauli ng paningin sa bulag, pandinig sa bingi, kalakasan sa mga may kapansanan. Inilalahad sa Juan 5:5-9 na pinagaling niya ang isang lalaking 38 taon nang lumpo. Itinuring ng mga nagmamasid na iyon ay kahanga-hanga, o kamangha-manghang gawa. At gayon nga! Subalit, sinabi ni Jesus sa kanila na higit pang magiging kamangha-mangha ang kaniyang pagbuhay-muli sa mga patay: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay sa pagkabuhay-muli sa buhay.”—Juan 5:28, 29.
22. Bakit makatitingin sa hinaharap ang mga dukha at napipighati taglay ang pag-asa?
22 Iyon ay tiyak na mangyayari sapagkat ang isa na nangangako nito ay si Jehova. Makatitiyak ka na kapag ginamit niya at maingat na inugitan ang kaniyang dakilang kapangyarihang magpanauli, ang resulta ay magiging kamangha-mangha. Ang Awit 72 ay nagpapakita kung ano ang kaniyang gagawin sa pamamagitan ng kaniyang Anak na Hari. Sa panahong iyon ay sisibol ang matuwid. Sasagana ang kapayapaan. Ililigtas ng Diyos ang mga dukha at napipighati. Siya ay nangangako: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw. Ang kaniyang bunga ay magiging gaya ng sa [sinaunang] Lebanon, at yaong mga mula sa lunsod ay mamumulaklak na tulad ng pananim sa lupa.”—Awit 72:16.
23. Ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano?
23 Maliwanag, may dahilan tayo upang magbigay-pansin sa lahat ng mga kamangha-manghang gawa ni Jehova—kung ano ang kaniyang ginawa noon, kung ano ang kaniyang ginagawa sa ngayon, at kung ano ang kaniyang gagawin sa malapit na hinaharap. “Pagpalain nawa ang Diyos na Jehova, ang Diyos ng Israel, na siyang tanging gumagawa ng mga kamangha-manghang gawa. At pagpalain nawa ang kaniyang maluwalhating pangalan hanggang sa panahong walang takda, at punuin nawa ng kaniyang kaluwalhatian ang buong lupa. Amen at Amen.” (Awit 72:18, 19) Iyan ang dapat na palaging maging paksa ng ating masiglang pakikipag-usap sa mga kamag-anak at sa iba pa. Oo, “ipahayag [natin] ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, ang kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.”—Awit 78:3, 4; 96:3, 4.
Paano Ka Tutugon?
• Paano idiniriin ng mga katanungang iniharap kay Job ang mga limitasyon ng kaalaman ng tao?
• Anong mga halimbawa ng mga kamangha-manghang gawa ng Diyos na itinampok sa Job kabanata 37-41 ang hinangaan mo?
• Paano tayo dapat tumugon matapos isaalang-alang ang ilan sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 10]
Ano ang iyong konklusyon sa napakalawak na pagkasari-sari ng mga piraso ng niyebe at sa kasindak-sindak na kapangyarihan ng kidlat?
[Credit Line]
snowcrystals.net
[Mga larawan sa pahina 13]
Palaging gawing bahagi ng iyong pakikipag-usap ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos