Masdan ang Gumagawa ng mga Kamangha-manghang Bagay!
Masdan ang Gumagawa ng mga Kamangha-manghang Bagay!
“Tumigil ka at magbigay-pansin ka sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos.”—JOB 37:14.
1, 2. Noong 1922, anong kamangha-manghang tuklas ang naisagawa, at ano ang naging reaksiyon?
ANG arkeologo at ang maharlikang Ingles ay nagtulungan sa loob ng maraming taon sa paghahanap sa kayamanan. Sa wakas, noong Nobyembre 26, 1922, sa pinaglibingan ng mga paraon ng Ehipto na nasa bantog na Libis ng mga Hari, natagpuan ng arkeologong si Howard Carter at ni Lord Carnarvon ang gantimpala—ang libingan ni Paraon Tutankhamen. Pagdating sa isang pintong nakasara nang mahigpit, binutasan nila ito. Ipinasok ni Carter ang isang kandila at sinilip ang loob.
2 Nang maglaon ay inilahad ni Carter: “Nang si Lord Carnarvon, palibhasa’y hindi na makapaghintay, ay buong-pananabik na nagtanong, ‘May nakikita ka ba?’ wala akong masabi kundi ang mga salitang, ‘Oo, mga kamangha-manghang bagay.’ ” Kabilang sa libu-libong kayamanan sa loob ng libingan ay isang kabaong na purong ginto. Marahil ay nakita mo na ang ilan sa “mga kamangha-manghang bagay” na iyon sa mga larawan o sa isang eksibit sa museo. Gayunman, kamangha-mangha man ang mga bagay na iyon na nasa museo, malamang na walang kaugnayan ang mga ito sa iyong buhay. Kaya bumaling tayo sa mga kamangha-manghang bagay na tiyak na may kaugnayan at halaga sa iyo.
3. Saan tayo makasusumpong ng impormasyon tungkol sa mga kamangha-manghang bagay na maaaring maging kapaki-pakinabang sa atin?
3 Halimbawa, isipin ang isang tao na nabuhay maraming siglo na ang nakararaan, isang tao na mas tanyag kaysa sa sinumang artista sa pelikula, sikat na manlalaro, o kabilang sa uring maharlika. Siya ay tinawag na pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan. Makikilala mo ang kaniyang pangalan—Job. Ang isang buong aklat ng Bibliya ay isinulat patungkol sa kaniya. Gayunman, ang isa sa mga kapanahon ni Job, isang kabataang lalaki na nagngangalang Elihu, ay napilitang magtuwid sa kaniya. Sa diwa, sinabi ni Elihu na si Job ay labis na nagbigay-pansin sa kaniyang sarili at sa mga nasa palibot niya. Sa Job kabanata 37, masusumpungan natin ang isa pang espesipiko at matalinong payo na maaaring maging tunay na kapaki-pakinabang sa bawat isa sa atin.—Job 1:1-3; 32:1–33:12.
4. Ano ang umakay sa pagpapayo ni Elihu na nakaulat sa Job 37:14?
4 Ang tatlong diumano’y kaibigan ni Job ay naglahad ng mahahabang paliwanag tungkol sa mga bagay na sa tingin nila’y nagkasala si Job sa isip o sa gawa. (Job 15:1-6, 16; 22:5-10) Si Elihu ay matiyagang naghintay hanggang sa matapos ang pag-uusap na iyon. Pagkatapos ay nagsalita siya nang may unawa at karunungan. Marami siyang mahahalagang punto na sinabi, subalit pansinin ang susing puntong ito: “Dinggin mo ito, O Job; tumigil ka at magbigay-pansin ka sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos.”—Job 37:14.
Ang Isa na Maygawa sa mga Iyon
5. Ano ang nasasangkot sa “mga kamangha-manghang gawa ng Diyos” na binanggit ni Elihu?
5 Pansinin na hindi iminungkahi ni Elihu na si Job ay magbigay-pansin kay Job, kay Elihu mismo, o sa iba pang mga tao. May katalinuhang hinimok ni Elihu si Job—at tayo—na magbigay-pansin sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos na Jehova. Ano sa palagay mo ang saklaw ng pariralang ‘ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos’? Bukod dito, yamang nababahala ka na tungkol sa kalusugan, pananalapi, kinabukasan, sa iyong pamilya, mga katrabaho, at mga kapitbahay, bakit dapat ka pang magbigay-pansin sa mga gawa ng Diyos? Maliwanag, ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos na Jehova ay nagsasangkot ng kaniyang karunungan at ng kaniyang awtoridad sa pisikal na sangnilalang na nasa palibot natin. (Nehemias 9:6; Awit 24:1; 104:24; 136:5, 6) Upang makita ito nang maliwanag, pansinin ang isang punto sa aklat ng Josue.
6, 7. (a) Anong mga kamangha-manghang gawa ang pinangyari ni Jehova noong mga kaarawan nina Moises at Josue? (b) Kung nasaksihan mo ang alinman sa mga gawang iyon noong panahon nina Moises at Josue, paano ka tutugon?
6 Pinasapit ni Jehova ang mga salot sa sinaunang Ehipto at pagkatapos ay hinati ang Dagat na Pula upang maakay ni Moises ang mga Israelita noon tungo sa paglaya. (Exodo 7:1–14:31; Awit 106:7, 21, 22) May isang kahawig na pangyayari na inilahad sa Josue kabanata 3. Si Josue, na kahalili ni Moises, ang aakay noon sa bayan ng Diyos patawid sa isa pang dakong may tubig patungo sa Lupang Pangako. Sinabi ni Josue: “Pabanalin ninyo ang inyong sarili, sapagkat bukas ay gagawa si Jehova ng mga kamangha-manghang bagay sa gitna ninyo.” (Josue 3:5) Anong mga kamangha-manghang bagay?
7 Buweno, ipinakikita ng ulat na hinawi ni Jehova ang isang matubig na hadlang, ang Ilog Jordan, upang makatawid sa tuyong lupa ang libu-libong lalaki, babae, at mga bata. (Josue 3:7-17) Kung tayo ay naroroon at nagmamasid habang nahahawi ang ilog at ligtas na tumatawid ang lahat ng mga taong iyon, malamang na mapapahanga tayo dahil sa lubhang kamangha-manghang gawang iyon! Itinanghal nito ang kapangyarihan ng Diyos sa sangnilalang. Subalit, ngayon mismo—sa panahong kinabubuhayan natin—may mga bagay na kamangha-mangha rin tulad niyaon. Upang makita kung ano ang ilan sa mga ito at kung bakit tayo dapat magbigay-pansin sa mga ito, isaalang-alang ang Job 37:5-7.
8, 9. Anong mga kamangha-manghang gawa ang tinutukoy sa Job 37:5-7, subalit bakit dapat nating pag-isipan ang tungkol sa mga ito?
8 Si Elihu ay nagpahayag: “Pinakukulog ng Diyos ang kaniyang tinig sa kamangha-manghang paraan, gumagawa ng mga dakilang bagay na hindi natin matatalastas.” Ano ang nasa isip ni Elihu hinggil sa paggawa ng Diyos ng mga bagay-bagay “sa kamangha-manghang paraan”? Buweno, binanggit niya ang niyebe at ang mga buhos ng ulan. Hahadlangan ng mga ito ang gawain ng isang magsasaka sa kaniyang bukid, anupat nabibigyan siya ng panahon at dahilan upang isaalang-alang ang mga gawa ng Diyos. Maaaring hindi tayo mga magsasaka, subalit maaari tayong maapektuhan ng ulan at niyebe. Depende sa kung saan tayo nakatira, ang niyebe at ulan ay maaari ring humadlang sa ating mga gawain. Nag-uukol ba tayo ng panahon upang bulay-bulayin kung sino ang nasa likuran ng gayong mga kababalaghan at kung ano ang kahulugan nito? Nasubukan mo na bang gawin iyon?
9 Kapansin-pansin, gaya ng mababasa natin sa Job kabanata 38, ang Diyos na Jehova mismo ay nagpahayag ng gayunding kaisipan, habang inihaharap niya kay Job ang makahulugang mga katanungan. Bagaman ang mga ito ay kay Job itinanong ng ating Maylalang, ang mga ito ay maliwanag na may kaugnayan sa ating saloobin, sa ating pag-iral, at sa ating kinabukasan. Kaya tingnan natin kung ano ang itinanong ng Diyos, at isipin natin kung ano ang mga ipinahihiwatig nito, oo, gawin natin ang iniuudyok ng Job 37:14 na gawin natin.
10. Dapat na magkaroon ng anong epekto sa atin ang Job kabanata 38, at anong mga tanong ang ibinabangon nito?
10 Ganito ang pasimula ng kabanata 38: “Sinagot ni Jehova si Job mula sa buhawi at nagsabi: ‘Sino itong nagpapalabo ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman? Bigkisan mo ang iyong mga balakang, pakisuyo, tulad ng isang matipunong lalaki, at tatanungin kita, at magsabi ka sa akin.’ ” (Job 38:1-3) Inihanda nito ang isipan sa susunod na mangyayari. Nakatulong ito kay Job upang maiayon niya ang kaniyang pag-iisip sa katunayan na siya ay nakatayo sa harapan ng Maylalang ng sansinukob at na siya ay magsusulit sa kaniya. Iyan din ang makabubuting gawin natin at ng ating mga kapanahon. Pagkatapos ay ibinangon ng Diyos ang mga bagay na binanggit ni Elihu. “Nasaan ka nang itatag ko ang lupa? Sabihin mo sa akin, kung alam mo ang pagkaunawa. Sino ang nagtakda ng mga sukat niyaon, kung alam mo, o sino ang nag-unat ng pising panukat sa ibabaw niyaon? Sa ano ibinaon ang may-ukit na mga tuntungan niyaon, o sino ang naglatag ng batong-panulok niyaon?”—Job 38:4-6.
11. Ano ang mga dapat na mapagtanto natin na ipinakikita ng Job 38:4-6?
11 Nasaan si Job—nasaan ang sinuman sa atin—nang umiral ang lupa? Tayo ba ang mga arkitekto na nagdisenyo sa ating lupa at, mula sa disenyong iyon, nagguhit ng mga sukat niyaon na para bang sa pamamagitan ng isang panukat? Maliwanag na hindi! Ni wala sa eksena ang mga tao noon. Sa paraang inihahalintulad ang ating lupa sa isang gusali, ang Diyos ay nagtanong: “Sino ang naglatag ng batong-panulok niyaon?” Batid natin na ang lupa ay nasa eksaktong layo mula sa ating araw na tamang-tama upang tayo ay mabuhay at dumami rito. At tama rin ang laki nito. Kung ang lupa ay mas malaki, ang gas na hidroheno ay hindi makalalabas sa ating atmospera at ang ating planeta ay hindi makasusustini ng buhay. Maliwanag na may “naglatag ng batong-panulok niyaon” sa wastong dako. Si Job ba ang dapat papurihan? Tayo ba? O ang Diyos na Jehova?—Kawikaan 3:19; Jeremias 10:12.
Sinong Tao ang Makasasagot?
12. Ang tanong na masusumpungan sa Job 38:6 ay umaakay sa atin na pag-isipan ang tungkol sa ano?
12 Itinanong din ng Diyos: “Sa ano ibinaon ang may-ukit na mga tuntungan niyaon?” Hindi ba’t isang magandang katanungan iyan? Malamang na pamilyar tayo sa isang termino na hindi alam ni Job—ang grabidad. Nauunawaan ng karamihan sa atin na ang puwersa ng grabidad mula sa pagkalaki-laking araw ang nagpapanatili sa ating lupa sa dako nito, anupat para bang ibinaon ang may-ukit na tuntungan nito. Gayunman, sino ang lubusang nakauunawa sa grabidad?
13, 14. (a) Ano ang dapat na aminin tungkol sa grabidad? (b) Paano tayo dapat tumugon sa situwasyon na itinatampok sa Job 38:6?
13 Inamin sa isang aklat na inilathala kamakailan na pinamagatang The Universe Explained na ang ‘grabidad ang pinakapamilyar, subalit pinakamahirap maunawaan, sa mga puwersa ng kalikasan.’ Idinagdag pa nito: “Ang puwersa ng grabidad ay waring kagyat na naglalakbay patawid sa espasyong walang laman, nang walang maliwanag na paraan ng paggawa niyaon. Gayunman, nitong nakalipas na mga taon, ang mga pisiko ay nagpasimulang maghinuha na ang grabidad ay maaaring maglakbay sa mga alon na binubuo ng maliliit na butil na tinatawag na mga graviton . . . Subalit walang sinuman ang nakatitiyak sa pag-iral ng mga ito.” Isipin kung ano ang ibig sabihin nito.
14 Ang siyensiya ay sumulong na sa loob ng 3,000 taon mula nang iniharap ni Jehova ang mga katanungang iyon kay Job. Sa kabila nito, kahit na tayo o ang mga ekspertong pisiko ay hindi lubusang makapagpaliwanag sa grabidad, na nagpapanatili sa ating lupa sa tamang orbita nito, sa eksaktong posisyon na nararapat dito upang patuloy nating tamasahin ang buhay rito. (Job 26:7; Isaias 45:18) Hindi nito iminumungkahi na tayong lahat ay kailangang gumawa ng masusing pag-aaral sa mga misteryo ng grabidad. Sa halip, ang pagbibigay-pansin kahit na sa isang aspektong ito ng mga kamangha-manghang gawa ng Diyos ay dapat na makaimpluwensiya sa ating pangmalas sa kaniya. Natitigilan ka ba dahil sa panggigilalas sa kaniyang karunungan at kaalaman, at napagwawari mo ba kung bakit kailangan tayong matuto nang higit pa tungkol sa kaniyang kalooban?
15-17. (a) Sa ano nagtuon ng pansin ang Job 38:8-11, na umaakay sa anong mga katanungan? (b) Ano ang dapat na aminin hinggil sa kaalaman tungkol sa mga karagatan at sa pagkakalagay sa mga ito sa globo?
15 Ipinagpatuloy ng Maylalang ang kaniyang pagtatanong: “Sino ang nagharang ng mga pinto sa dagat, na nagsimulang humugos na gaya ng pagsambulat mula sa bahay-bata; nang ilagay ko ang ulap bilang kasuutan niyaon at ang makapal na karimlan bilang pambilot na tali niyaon, at itinatag ko roon ang aking tuntunin at naglagay ako ng halang at mga pinto, at sinabi ko, ‘Hanggang dito ka makararating, at hindi na lalagpas pa; at dito ang hangganan ng iyong mga palalong alon’?”—Job 38:8-11.
16 Nasasangkot sa pagharang sa dagat ang mga kontinente, ang mga karagatan, at ang pagkati at paglaki ng tubig nito. Gaano na katagal pinagmamasdan at pinag-aaralan ng tao ang mga ito? Sa loob ng libu-libong taon—at sa lubhang masusing paraan nitong nakalipas na siglo. Maaaring akalain mo na ang karamihan sa dapat malaman hinggil sa mga ito ay malamang na nalutas na ngayon. Subalit, sa taóng ito ng 2001, kung susuriin mo ang paksang ito sa malalaking aklatan o gagamitin mo ang napakalawak na kakayahan ng Internet sa pagsasaliksik upang makita ang pinakabagong mga katotohanan, ano ang masusumpungan mo?
17 Sa isang malawakang tinatanggap na reperensiyang akda, masusumpungan mo ang ganitong pag-amin: “Ang pagkakalagay ng mga patag na kontinente at ng mga lunas ng karagatan sa ibabaw ng globo at ang pagkakalagay ng mga pangunahing anyo ng balat ng lupa ay matagal nang kabilang sa pinakainteresanteng mga palaisipan para sa makasiyensiyang pagsusuri at pagbuo ng kuru-kuro.” Pagkatapos sabihin ito, ang kasisipi na ensayklopidiya ay nagbigay ng apat na posibleng paliwanag subalit sinabi na ang mga ito ay “kabilang sa maraming teoriya.” Gaya marahil ng alam mo, ang isang teoriya ay “nagpapahiwatig ng kakulangan ng ebidensiya upang makapagbigay ng higit pa sa pansamantalang paliwanag lamang.”
18. Sa anong mga konklusyon ka inaakay ng Job 38:8-11?
18 Hindi ba’t itinatampok nito na napapanahon ang mga katanungang ating nabasa sa Job 38:8-11? Tiyak na hindi tayo ang dapat na purihin sa pagkakaayos ng lahat ng mga aspektong ito ng ating planeta. Hindi tayo ang naglagay ng buwan upang ang humihilang puwersa nito ay tumulong sa pagkati at paglaki ng tubig na karaniwan namang hindi umaapaw sa ating mga baybayin o sa ating tirahan. Alam mo kung sino ang naglagay nito, ang Gumagawa ng mga kamangha-manghang bagay.—Awit 33:7; 89:9; Kawikaan 8:29; Gawa 4:24; Apocalipsis 14:7.
Ibigay kay Jehova ang Nararapat na Papuri
19. Ang matulaing mga kapahayagan sa Job 38:12-14 ay umaakay ng ating pansin sa anong mga pisikal na katunayan?
19 Hindi maaaring akuin ng mga tao ang papuri sa pag-ikot ng lupa, na ipinahiwatig sa Job 38:12-14. Ang pag-ikot na ito ang dahilan ng pagbubukang-liwayway, na kadalasan ay kaakit-akit ang kagandahan. Habang sumisikat ang araw, ang mga bahagi ng ating globo ay nagiging maliwanag, gaya ng luwad na nababago ng isang pantatak. Kapag nagbigay tayo ng kahit bahagyang pansin sa pagkilos ng lupa, mamamangha tayo na ang lupa ay hindi umiikot nang napakabilis, na magiging kapaha-pahamak, gaya ng madali nating mauunawaan. Ni ito man ay umiikot nang napakabagal anupat ang mga araw at mga gabi, palibhasa’y mas mahaba, ay magdudulot ng sobrang init at lamig anupat magiging imposible rito ang buhay ng tao. Sa totoo lamang, dapat tayong matuwa na ang Diyos, hindi ang alinmang grupo ng mga tao, ang nagtakda sa bilis ng pag-ikot nito.—Awit 148:1-5.
20. Paano ka tutugon sa mga katanungang iniharap sa Job 38:16, 18?
20 Ngayon ay gunigunihin na ibinangon ng Diyos ang karagdagang mga katanungang ito sa iyo: “Nakaparoon ka ba sa mga bukal ng dagat, o sa paghahanap sa matubig na kalaliman ay nakalibot ka ba?” Kahit na ang isang dalubhasa sa pag-aaral ng karagatan ay hindi makapagbibigay ng kumpletong kasagutan! “Napag-isipan mo ba nang may katalinuhan ang malalawak na dako ng lupa? Sabihin mo, kung nalalaman mong lahat.” (Job 38:16, 18) Napasyalan mo na ba at nagalugad ang lahat ng rehiyon sa lupa, o kahit na ang karamihan sa mga ito? Ilan kayang buong buhay ng tao ang kailangang gugulin upang mapag-ukulan ng pansin ang magagandang lugar at mga kababalaghan ng ating lupa? At tunay ngang magiging kamangha-mangha ang mga panahong iyon!
21. (a) Ang mga katanungan sa Job 38:19 ay maaaring magbangon ng anong mga makasiyensiyang pangmalas? (b) Ang mga katotohanan tungkol sa liwanag ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano?
21 Tingnan din ang malalalim na katanungan sa Job 38:19: “Nasaan nga ang daan patungo sa tinatahanan ng liwanag? Kung tungkol sa kadiliman, nasaan nga ang dako nito?” Maaaring alam mo na noon pa man, lumaganap ang paniwala na ang liwanag ay naglalakbay na gaya ng isang alon, tulad ng mumunting alon na nakikita natin sa isang maliit na lawa. Pagkatapos noong 1905, ipinaliwanag ni Albert Einstein na ang liwanag ay kumikilos na gaya ng maliliit na kumpol, o maliliit na butil, ng enerhiya. Nabigyang-liwanag ba nito ang mga bagay-bagay? Buweno, isang bagong ensayklopidiya ang nagtanong: “Ang liwanag ba ay isang alon o isang maliit na butil?” Ang sagot nito: “Sa wari, [ang liwanag] ay hindi maaaring maging kapuwa alon at butil sapagkat ang dalawang modelo [ang mga alon at mga butil] ay lubhang magkaiba. Ang pinakamabuting sagot ay na ang liwanag ay hindi maaaring maging alinman sa mga ito.” Gayunman, tayo ay patuloy na tumatanggap ng init (tuwiran at di-tuwiran) mula sa liwanag ng araw, bagaman wala pang sinumang tao ang lubusang makapagpaliwanag sa mga gawa ng Diyos sa bagay na ito. Tinatamasa natin ang nagagawang pagkain at oksiheno habang ang mga halaman ay tumutugon sa liwanag. Nakababasa tayo, nakikita ang mga mukha ng ating mga mahal sa buhay, namamasdan ang mga paglubog ng araw, at marami pang iba. Habang ginagawa natin ito, hindi ba nararapat lamang na kilalanin natin ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos?—Awit 104:1, 2; 145:5; Isaias 45:7; Jeremias 31:35.
22. Paano tumugon si David noon sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos?
22 Ang layunin ba ng ating pagbubulay-bulay sa mga kamangha-manghang gawa ni Jehova ay para lamang pahangain tayo, na sa wari’y nasisindak o natitigilan dahil sa lahat ng ito? Hinding-hindi. Inamin ng sinaunang salmista na imposibleng maunawaan at makomentuhan ang lahat ng mga gawa ng Diyos. Sumulat si David: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa . . . Naisin ko mang saysayin at salitain ang tungkol sa mga iyon, ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.” (Awit 40:5) Gayunman, tiyak na hindi naman niya ibig sabihin na mananahimik siya tungkol sa mga dakilang gawang ito. Pinatunayan ito ni David sa pamamagitan ng kaniyang determinasyon na ipinahayag sa Awit 9:1: “Pupurihin kita, O Jehova, nang aking buong puso; ipahahayag ko ang lahat ng iyong mga kamangha-manghang gawa.”
23. Ano ang iyong reaksiyon sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos, at paano mo matutulungan ang iba?
23 Hindi ba’t dapat ay gayundin ang ating ikilos? Hindi ba dapat na ang ating pagkamangha sa mga dakilang gawa ng Diyos ay magpakilos sa atin na magsalita tungkol sa kaniya, tungkol sa kaniyang ginawa, at tungkol sa gagawin pa niya? Maliwanag ang sagot—dapat nating ‘ipahayag ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, ang kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.’ (Awit 96:3-5) Oo, maipamamalas natin ang ating mapagpakumbabang pagpapahalaga sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos kung ibabahagi natin sa iba ang ating natutuhan tungkol sa kaniya. Kahit na lumaki sila sa isang lipunan na hindi nagpapahalaga sa Maylalang, ang ating positibo at nakapagtuturong mga kapahayagan ay maaaring gumising sa kanila upang kilalanin ang Diyos. Higit pa riyan, ito ay maaaring magpakilos sa kanila na naising makilala at mapaglingkuran ang isa na ‘lumalang sa lahat ng bagay,’ ang Gumagawa ng mga kamangha-manghang gawa, si Jehova.—Apocalipsis 4:11.
Paano Ka Tutugon?
• Ang payo na nakaulat sa Job 37:14 ay umaakay sa iyo na mag-isip tungkol sa anong mga gawa ng Diyos?
• Ano ang ilan sa mga bagay na itinampok sa Job kabanata 37 at 38 na hindi lubos na maipaliwanag ng siyensiya?
• Ano ang iyong nadarama tungkol sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos, na nagpapakilos sa iyo na gawin ang ano?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 7]
Sino ang nagharang sa dagat, anupat pinananatili ito sa dako nito?
[Larawan sa pahina 7]
Sino ang nakapasyal na sa lahat ng magagandang tanawin sa ating lupa, na nilalang ng Diyos?