Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Pinahahalagahan mo ba ang pagbabasa ng mga huling labas ng Ang Bantayan? Buweno, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:

Sa Roma 5:3-5, bakit itinala ni apostol Pablo ang pag-asa sa bandang katapusan ng serye?

Iniharap ni Pablo ang isang serye ng mga bagay na nararanasan ng mga Kristiyano​—kapighatian, pagbabata, sinang-ayunang kalagayan, at pag-asa. Ang “pag-asa” na ito ay hindi ang unang pag-asa na nakakamit ng isa mula sa Bibliya, kundi ito ay ang pinatibay, pinalalim, at namamayaning pag-asa na maaaring makamit ng isang Kristiyano sa paglipas ng panahon.​—12/15, pahina 22-3.

Bakit maaaring maging interesado ang isang Kristiyano sa mga palarong pampalakasan na ginanap sa sinaunang Gresya?

Ang pagkaunawa sa katangian at mga kaugalian sa mga palarong iyon ay makapagbibigay-liwanag sa maraming talata sa Bibliya. Ang ilan sa mga iyon ay tumutukoy sa ‘pakikipaglaban ayon sa mga alituntunin,’ ‘pag-aalis ng bawat pabigat at pagtingin sa halimbawa ni Jesus,’ ‘pagtakbo sa takbuhin hanggang sa katapusan,’ at pagkakamit ng korona, o gantimpala. (2 Timoteo 2:5; 4:7, 8; Hebreo 12:1, 2; 1 Corinto 9:24, 25; 1 Pedro 5:4)​—1/1, pahina 28-30.

Anong bagong paraan ng paghahayag ng mabuting balita ang inilunsad noong Enero 1914?

Inilabas noon ang “Photo-Drama of Creation.” Binubuo ito ng isang presentasyon na may apat na bahagi na gumagamit ng mga pelikulang baha-bahagi at daan-daang glass slide na de-kulay, na ang karamihan sa mga ito ay sinasabayan o sinasamahan ng inirekord-sa-ponograpong mga pahayag na nagpapaliwanag. Dalawampung set ng Dramang ito ang inihanda at malawakang ginamit upang ituro sa mga tao ang mensahe ng Bibliya.​—1/15, pahina 8-9.

Paano naiiba ang Lupong Tagapamahala sa isang legal na korporasyon?

Samantalang ang mga direktor ng isang legal na korporasyon ay inihahalal ng mga miyembro nito, ang Lupong Tagapamahala ay hindi inatasan ng sinumang tao kundi inatasan ni Jesu-Kristo. Hindi kailangan na ang mga direktor ng iba’t ibang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ay maging mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Sa huling taunang pagpupulong ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala na naglilingkod bilang mga direktor at mga opisyal nito ay boluntaryong nagbitiw mula sa kanilang mga posisyon. Ang mga nabakanteng posisyon ay pinunan ng may-gulang na mga kapatid na lalaki mula sa “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Kaya ang Lupong Tagapamahala ay makagugugol ng higit na panahon sa paghahanda ng espirituwal na pagkain at sa iba pang paraan ng pangangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng pandaigdig na kapatiran.​—1/15, pahina 29, 31.

Anong dalawang halimbawa sa Bibliya ang maaari nating suriin upang matutuhan kung paano mapaglalabanan ang panghihina ng loob?

Ang isa ay si Hana, ang ina ni Samuel. Maaari sana niyang hayaan na lamang na manghina ang kaniyang loob nang siya’y may kamaliang hatulan ni Eli, ang mataas na saserdote ng Israel. Sa halip, tuwiran ngunit may paggalang na inilahad niya rito ang mga katotohanan. Karagdagan pa, hindi nagkimkim ng sama ng loob si Hana laban kay Eli. Ang ikalawa ay si Marcos, na malamang na nanghina ang loob nang ayaw ni apostol Pablo na isama siya sa isang paglalakbay-misyonero. Sa halip na masiraan ng loob dahil naiwala niya ang pribilehiyong ito, nagpatuloy siya sa kaniyang aktibong paglilingkod, anupat naglakbay na kasama ni Bernabe.​—2/1, pahina 20-2.

Bakit dapat na maging maingat ang mga Kristiyano hinggil sa pagbibigay sa iba, o pagtanggap mula sa kanila, ng mga kopya ng mga software program sa computer?

Ang karamihan ng mga programa sa computer (kalakip ang mga laro) ay saklaw ng isang lisensiya na naglilimita sa may-ari o sa gagamit na ikabit ang programa sa isa lamang computer. Kadalasan nang isang paglabag sa batas sa karapatang-sipi ang gumawa ng mga kopya para sa iba, kahit na ibinibigay natin ang mga ito nang libre. Nais ng mga Kristiyano na sumunod sa batas, na ‘binabayaran kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.’ (Marcos 12:17)​—2/15, pahina 28-9.

Sino sina Cyril at Methodius, at ano ang kanilang naitulong sa pag-aaral ng Bibliya?

Sila’y magkapatid na ipinanganak sa Tesalonica, Gresya, noong ikasiyam na siglo. Bumuo sila ng isang nasusulat na alpabeto para sa mga wikang Slavo at isinalin ang kalakhang bahagi ng Bibliya sa Slavonic.​—3/1, pahina 28-9.

Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “pagsasaisip ng espiritu”?​—Roma 8:6.

Nangangahulugan ito ng pagiging kontrolado, pinangingibabawan, at pinakikilos ng aktibong puwersa ni Jehova. Maaari nating hayaan ang espiritu ng Diyos na kumilos sa atin sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan ng Diyos nang buong puso, at sa pamamagitan ng pananalangin para sa espiritu ng Diyos.​—3/15, pahina 15.

Ano ang maaari nating gawin kung nadarama nating mali ang pagkaunawa sa atin?

Mahalaga na pagsikapang linawin ang suliranin taglay ang espiritu ng pag-ibig. Kung tila hindi iyon nagtagumpay, huwag mawalan ng pag-asa. Humiling ng kaunawaan at tulong mula kay Jehova, na siyang ‘sumusukat ng mga puso.’ (Kawikaan 21:2; 1 Samuel 16:7)​—4/1, pahina 21-3.