Ang Bibliya sa Iisang Tomo
Ang Bibliya sa Iisang Tomo
SA PAGGAWA ng mga kopya ng Bibliya, ang unang mga Kristiyano ang nanguna sa paggamit ng codex—isang aklat, hindi isang balumbon. Gayunman, hindi kaagad-agad na nakagawa ang mga Kristiyano ng iisang tomo na naglalaman ng lahat ng aklat ng Bibliya. Ang isang mahalagang hakbang tungo sa malawakang paggawa ng mga Bibliya sa iisang tomo ay isinagawa noong ikaanim na siglo ni Flavius Cassiodorus.
Si Flavius Magnus Aurelius Cassiodorus ay ipinanganak sa pagitan ng 485 at 490 C.E. sa isang mayamang pamilya sa Calabria, sa timugang dulo ng makabagong-panahong Italya. Nabuhay siya sa isang maligalig na panahon sa kasaysayan ng Italya nang ang peninsula ay sakupin muna ng mga Goth at pagkatapos ay ng mga Byzantine. Nang mga 60 o 70 taóng gulang na siya, itinatag ni Cassiodorus ang monasteryo at aklatan ng Vivarium na malapit sa kaniyang tahanan sa Squillace, Calabria.
Isang Maingat na Tagapagsaayos ng Bibliya
Isa sa mga pangunahing pinag-isipan ni Cassiodorus ay kung paano maitatawid sa mga tao ang Bibliya. “Sa pangmalas ni Cassiodorus,” sulat ng istoryador na si Peter Brown, “lahat ng literatura sa wikang Latin ay dapat gamitin upang maitawid sa mga tao ang Kasulatan. Lahat ng mga pantulong na ginagamit noon upang mapag-aralan at makopya ang mga tekstong klasiko ay dapat gamitin upang maunawaan ang Kasulatan at upang makopya ito nang may katalinuhan. Tulad ng isang sistema ng mga planeta na kabubuo pa lamang, ang kulturang Latin sa kabuuan ay dapat na umikot sa palibot ng pagkalaki-laking araw ng Salita ng Diyos.”
Tinipon ni Cassiodorus sa monasteryo ng Vivarium ang mga tagapagsalin at mga gramatiko upang tipunin ang buong Bibliya at kaniyang pinangasiwaan ang napakahirap na proseso ng pagsasaayos nito. Ipinagkatiwala niya ang gawain sa iilang lalaki lamang na may pinag-aralan. Iiwasan ng mga ito ang madaliang pagbabago sa ipinapalagay na mga pagkakamali ng mga eskriba. Kung may tanong hinggil sa balarila, ang mga sinaunang manuskrito ng Bibliya ay itinuturing na mas mapananaligan kaysa sa karaniwang paggamit sa wikang Latin. Iniutos ni Cassiodorus: “Ang kakaibang mga katangian sa balarila . . . ay dapat na panatilihin, yamang ang teksto na kilaláng kinasihan ay hindi maaaring maapektuhan ng kamalian. . . . Ang mga paraan ng pagsasalita, metapora, at idyoma sa Bibliya ay dapat na panatilihin, kahit na kakatwa ito sa pamantayan ng Latin, gayundin ang mga ‘Hebraikong’ anyo ng mga pangalang pantangi.”—The Cambridge History of the Bible.
Ang Codex Grandior
Ang mga tagakopya sa monasteryo ng Vivarium ay inatasang gumawa ng di-kukulangin sa tatlong magkakaibang edisyon ng Bibliya sa wikang Latin. Isa sa mga ito, na nasa siyam na tomo, ang naglalaman marahil ng teksto sa Lumang Latin, isang salin na lumitaw noong huling bahagi ng ikalawang siglo. Ang ikalawang edisyon ay naglalaman ng Latin Vulgate, na natapos ni Jerome humigit-kumulang noong pasimula ng ikalimang siglo. Ang ikatlo, ang Codex Grandior, na nangangahulugang “mas malaking codex,” ay kinuha mula sa tatlong teksto ng Bibliya. Nagkasama-sama sa huling dalawang edisyon ang lahat ng mga aklat ng Bibliya sa iisang tomo.
Waring si Cassiodorus ang unang naglabas ng mga Bibliyang Latin sa iisang tomo, na tinatawag a Walang alinlangan na nakita niyang magiging praktikal kung pagsasama-samahin ang lahat ng aklat ng Bibliya sa iisang tomo, sa gayon ay inaalis ang mabagal na pagbubukas ng iba’t ibang tomo.
ang mga ito na pandectae.Mula sa Timugang Italya Tungo sa British Isles
Di-nagtagal pagkamatay ni Cassiodorus (malamang na noong mga 583 C.E.), nagsimula ang paglalakbay ng Codex Grandior. Noong panahong iyon, ang ilan sa koleksiyon ng aklatan ng Vivarium ay pinaniniwalaang inilipat sa aklatan ng Lateran sa Roma. Noong 678 C.E., dinala ng punong-mongheng Anglo-Saxon na si Ceolfrith ang codex sa British Isles nang bumalik siya mula sa isang pamamalagi sa Roma. Sa gayon, ang codex ay napunta sa dalawang monasteryo ng Wearmouth at ng Jarrow, na pinangangasiwaan ni Ceolfrith, na sa ngayon ay lugar ng Northumbria, Inglatera.
Ang Bibliya ni Cassiodorus sa iisang tomo ay malamang na nakawilihan ni Ceolfrith at ng kaniyang mga monghe, na malamang na naakit sa kaalwanan ng paggamit nito. Kaya sa loob lamang ng ilang dekada, nakagawa sila ng tatlo pang kumpletong Bibliya sa tig-iisang tomo. Sa mga ito, ang tanging umiiral na kopya ay ang malaking manuskrito na tinatawag na Codex Amiatinus. Mayroon itong 2,060 pahina na gawa sa balat ng guya, at ang bawat pahina ay may haba na 51 sentimetro at lapad na 33 sentimetro. Kasama ang mga pabalat nito, ito’y may kapal na 25 sentimetro at tumitimbang nang mahigit sa 34 na kilo. Ito ang pinakamatandang kumpletong Bibliya sa wikang Latin sa iisang tomo na umiiral pa hanggang ngayon. Ang bantog na Biblicist (tagapagtaguyod ng Bibliya) noong ika-19 na siglo na si Fenton J. A. Hort ang nakakilala sa codex noong 1887. Nagkomento si Hort: “Maging sa isang makabagong tagapagmasid, ang kagila-gilalas na [manuskritong] ito ay nag-iiwan ng impresyon na halos pagkasindak.”
Pagbalik sa Italya
Ang orihinal na Codex Grandior na ipinagawa ni Cassiodorus ay nawala na. Ngunit ang supling nitong Anglo-Saxon, ang Codex Amiatinus, ay nagsimulang maglakbay pabalik sa Italya di-nagtagal pagkatapos nitong makumpleto. Sandaling panahon bago siya namatay, nagpasiya si Ceolfrith na bumalik sa Roma. Dinala niya ang isa sa kaniyang tatlong manuskrito ng Bibliya sa wikang Latin bilang regalo kay Pope Gregory II. Namatay si Ceolfrith habang naglalakbay siya, noong 716 C.E., sa Langres, Pransiya. Ngunit ang kaniyang Bibliya ay nagpatuloy sa paglalakbay kasama ng pangkat ng mga biyahero. Nang maglaon, ang codex ay isinama sa aklatan ng monasteryo ng Bundok Amiata, sa gitnang Italya, na siyang lugar na pinagkunan ng pangalan nito na Codex Amiatinus. Noong 1782, inilipat ang manuskrito sa Medicean-Laurentian Library sa Florence, Italya, kung saan nananatili itong isa sa pinakamahahalagang pag-aari ng aklatan.
Paano tayo naapektuhan ng Codex Grandior? Mula nang panahon ni Cassiodorus, higit na nagugustuhan ng mga tagakopya at mga tagapag-imprenta ang paggawa ng mga Bibliya sa iisang tomo. Hanggang sa kasalukuyan, pinadadali ng pagkakaroon ng Bibliya sa anyong ito ang pagsangguni ng mga tao sa Bibliya at sa gayon ay nakikinabang sa kapangyarihan nito sa kanilang buhay.—Hebreo 4:12.
[Talababa]
a Ang mga kumpletong Bibliya sa wikang Griego ay lumilitaw na ginagamit na mula pa noong ikaapat o ikalimang siglo.
[Mapa sa pahina 29]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Paglalakbay ng Codex Grandior
Monasteryo ng Vivarium
Roma
Jarrow
Wearmouth
Paglalakbay ng Codex Amiatinus
Jarrow
Wearmouth
Bdk. Amiata
Florence
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Mga larawan sa pahina 30]
Itaas: Codex Amiatinus Kaliwa: Larawan ni Ezra sa Codex Amiatinus
[Credit Line]
Biblioteca Medicea Laurenziana, Firenze