Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagsulong sa Daan ni Jehova ang Kalakasan at Kagalakan Namin

Ang Pagsulong sa Daan ni Jehova ang Kalakasan at Kagalakan Namin

Ang Pagsulong sa Daan ni Jehova ang Kalakasan at Kagalakan Namin

AYON SA SALAYSAY NI LUIGGI D. VALENTINO

“Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,” ang paghimok ni Jehova. (Isaias 30:21) Ang pagsunod sa payong ito ang naging tunguhin ko mula pa nang ako’y mabautismuhan 60 taon na ang nakararaan. Ang tunguhing ito ay maagang naitakda dahil sa halimbawa ng aking mga magulang, mga nandayuhan mula sa Italya, na nanirahan sa Cleveland, Ohio, E.U.A., noong 1921. Doon ay pinalaki nila ang tatlong anak​—ang aking kuya na si Mike, ang nakababata kong kapatid na si Lydia, at ako.

SINURI ng mga magulang ko ang iba’t ibang relihiyon ngunit nang maglaon ay sumuko dahil sa pagkabigong masumpungan iyon. Pagkatapos, isang araw noong 1932, nakikinig si Itay sa isang programa sa radyo sa wikang Italyano. Iyon ay isang pagsasahimpapawid ng mga Saksi ni Jehova, at nagustuhan ni Itay ang kaniyang narinig. Sumulat siya para sa higit pang impormasyon, at isang Italyanong Saksi mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ang bumisita sa amin. Pagkaraan ng isang masiglang pag-uusap na tumagal hanggang sa pagbubukang-liwayway, nakumbinsi ang mga magulang ko na nasumpungan na nila ang tunay na relihiyon.

Nagsimulang dumalo sina Itay at Inay sa mga pulong Kristiyano at masaya nilang pinatulóy ang mga naglalakbay na tagapangasiwa. Bagaman bata pa lamang ako noon, isinasama ako ng mga lalaking ito sa gawaing pangangaral at nagsimula tuloy akong mag-isip na paglingkuran si Jehova nang buong panahon. Ang isa sa mga bisitang iyon ay si Carey W. Barber, na isa ngayong miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Hindi nagtagal, noong Pebrero 1941, nabautismuhan ako sa edad na 14, at noong 1944, nagsimula akong maglingkod bilang isang payunir sa Cleveland. Sina Mike at Lydia ay nagsimula ring lumakad sa landas ng katotohanan sa Bibliya. Si Mike ay naglingkod kay Jehova hanggang noong mamatay siya, at sinamahan naman ni Lydia ang kaniyang asawa, si Harold Weidner, sa loob ng 28 taon sa paglalakbay na ministeryo. Sa ngayon ay naglilingkuran sila bilang mga pantanging buong-panahong ministro.

Pinasidhi ng Bilangguan ang Aking Pasiya na Sumulong

Noong unang mga buwan ng 1945, nakulong ako sa Chillicothe Federal Prison sa Ohio dahil pinakilos ako ng aking budhing sinanay sa Bibliya na gumawi kasuwato ng Isaias 2:4, na bumabanggit sa pagpukpok sa mga tabak upang maging mga sudsod. Minsan, pinayagan ng mga opisyal ng bilangguan ang mga bilanggong Saksi na magkaroon lamang ng limitadong dami ng literatura sa Bibliya na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, tumulong ang mga Saksi mula sa isang kalapit na kongregasyon. Kung minsan, naghuhulog sila ng ilang publikasyon sa mga bukid na malapit sa bilangguan. Sa kinaumagahan, habang dinadala ang mga bilanggo sa mga lugar ng kanilang trabaho, hinahanap nila ang mga publikasyong iyon at pagkatapos ay ipinupuslit nila ang mga ito sa bilangguan. Nang dumating ako sa bilangguan, pinahintulutan kami na magkaroon ng mas maraming literatura. Magkagayunman, lalo kong natutuhang pahalagahan ang espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova​—isang aral na naaalaala ko pa rin sa tuwing tumatanggap ako ng bagong isyu ng Ang Bantayan o Gumising!

Bagaman pinahintulutan kaming magdaos ng mga pulong ng kongregasyon sa bilangguan, ang mga di-Saksi ay hindi pinapayagang dumalo. Gayunman, ang ilang opisyal ng bilangguan at ang ilang bilanggo ay palihim na dumadalo, at may ilan na tumatanggap pa nga ng katotohanan. (Gawa 16:30-​34) Ang mga pagbisita ni Brother A. H. Macmillan ay naging natatanging pinagmumulan ng kaaliwan. Lagi niyang tinitiyak sa amin na ang panahong ginugol namin sa bilangguan ay hindi sa walang-kabuluhan sapagkat sinanay kami nito para sa mga atas sa hinaharap. Naantig ng minamahal na nakatatandang kapatid na iyon ang aking puso at pinasidhi ang aking kapasiyahang lumakad sa daan ni Jehova.

Nagkaroon Ako ng Kasama

Nagwakas ang Digmaang Pandaigdig II, nabuksan ang mga pintuan ng bilangguan, at ipinagpatuloy ko ang pagpapayunir, ang buong-panahong ministeryo. Ngunit noong 1947 ay namatay ang aking ama. Upang matustusan ang aming pamilya, nagtrabaho ako nang sekular at naging kuwalipikado ring manggamot sa pamamagitan ng masahe​—isang kasanayan na makatutulong sa akin sa mahirap na panahong napaharap sa aming mag-asawa pagkalipas ng mga 30 taon. Ngunit masyado na yatang nauuna ang pagkukuwento ko. Ikukuwento ko muna sa inyo ang tungkol sa aking asawa.

Isang hapon noong 1949 habang nasa Kingdom Hall ako, may tumawag sa telepono. Sinagot ko iyon at narinig ko ang isang malambing na tinig na nagsabi: “Ang pangalan ko ay Christine Genchur. Isa akong Saksi ni Jehova. Lumipat ako sa Cleveland upang maghanap ng trabaho, at gusto kong umugnay sa isang kongregasyon.” Ang Kingdom Hall namin ay malayo sa lugar ng tirahan niya, ngunit nagustuhan ko ang tinig niya, kaya ibinigay ko sa kaniya ang direksiyon patungo sa aming bulwagan at hinimok siyang dumalo sa Linggong iyon​—ang araw na ako ang magsasalita sa pahayag pangmadla. Nang Linggong iyon, ako ang unang dumating sa Kingdom Hall, ngunit walang sumipot na sister na hindi ko kakilala. Sa buong pahayag ay lagi akong sumusulyap sa pintuan, ngunit walang dumating. Kinabukasan ay tinawagan ko siya, at sinabi niya na hindi pa siya pamilyar sa mga ruta ng bus. Kaya nagprisinta ako na makipagkita sa kaniya upang ipaliwanag nang mas malinaw ang mga bagay-bagay.

Nalaman ko na ang kaniyang mga magulang, mga nandayuhan mula sa Czechoslovakia, ay nagsimulang makisama sa mga Estudyante ng Bibliya matapos mabasa ang buklet na Where Are the Dead? Nabautismuhan ang kaniyang mga magulang noong 1935. Noong 1938, ang ama ni Christine ay naging company servant (ngayon ay tinatawag na punong tagapangasiwa) ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Clymer, Pennsylvania, E.U.A., at noong 1947, si Christine ay nabautismuhan sa edad na 16. Hindi nagtagal at umibig ako sa sister na ito na maganda at palaisip sa espirituwal. Ikinasal kami noong Hunyo 24, 1950, at mula noon, si Christine ang aking naging tapat na kasama, na laging handang unahin ang kapakanan ng Kaharian ng Diyos. Nagpapasalamat ako kay Jehova na ang may-kakayahang kasama na ito ay sumang-ayon na ilakip sa akin ang kaniyang buhay.​—Kawikaan 31:10

Isang Malaking Sorpresa

Noong Nobyembre 1, 1951, sabay kaming nagsimulang magpayunir. Pagkaraan ng dalawang taon, sa isang kombensiyon sa Toledo, Ohio, nakipag-usap sina Brother Hugo Riemer at Albert Schroeder sa isang grupo ng mga payunir na interesado sa paglilingkod bilang misyonero. Kasama kami roon. Pinasigla kaming magpatuloy sa pagpapayunir sa Cleveland, ngunit nang sumunod na buwan mismo, tumanggap kami ng isang malaking sorpresa​—isang paanyaya na mag-aral sa ika-23 klase ng Watchtower Bible School of Gilead na magpapasimula sa Pebrero 1954!

Nang nagbibiyahe kami sakay ng kotse patungo sa Paaralang Gilead, na noo’y nasa South Lansing, New York, masyadong ninenerbiyos si Christine anupat lagi niyang sinasabi, “Bagalan mo!” Sabi ko naman, “Christine, kung babagalan ko pa ang pagmamaneho, e di parang nakaparada na tayo.” Ngunit nang dumating kami sa kampus, di-nagtagal ay napanatag kami. Malugod na tinanggap ni Brother Nathan Knorr ang grupo ng mga estudyante at inilibot niya kami sa lugar. Ipinaliwanag din niya kung paano kami makapagtitipid ng tubig at kuryente, na idiniriing ang pagtitipid ay isang kagalingan kapag nag-aasikaso ng mga kapakanan ng Kaharian. Ang payong iyon ay naikintal sa aming mga isipan. Hanggang sa ngayon ay ikinakapit namin iyon.

Paglipad Patungong Rio

Hindi nagtagal at nagtapos kami, at noong Disyembre 10, 1954, sumakay kami sa eroplano sa maginaw na New York City at sabik na sabik na makarating sa aming bagong atas sa maaraw na Rio de Janeiro, Brazil. Sina Peter at Billie Carrbello, na mga kapuwa misyonero, ay nagbiyaheng kasama namin. Ang biyahe ay aabot ng 24 na oras, kasama na ang mga pagtigil sa Puerto Rico, Venezuela, at Belém sa hilagang Brazil. Pero dahil sa mga problema sa makina, inabot nang 36 na oras bago namin natanaw sa ibaba ang Rio de Janeiro. Ngunit kay gandang tanawin! Ang mga ilaw sa lunsod ay kumukuti-kutitap tulad ng mga brilyante na nagniningning sa maitim na alpombra, at ang malapilak na liwanag ng buwan ay kumikinang sa katubigan ng Guanabara Bay.

Ang ilang miyembro ng pamilyang Bethel ay naghihintay sa amin sa paliparan. Matapos ang mainit na pagtanggap sa amin ay dinala kami sa tanggapang pansangay, at nang mga alas-tres na ng umaga, natulog na kami. Pagkaraan ng ilang oras ay tumunog ang timbreng panggising na nagpaalaala sa amin na nagsimula na ang unang araw namin bilang mga misyonero!

Isang Aral sa Pasimula Pa Lamang

Di-nagtagal ay may natutuhan kaming mahalagang aral. Isang gabi ay dumalaw kami sa tahanan ng isang pamilyang Saksi. Nang gusto na naming umuwi sa sangay, pinigilan kami ng punong-abala, “Huwag, hindi kayo puwedeng umalis; umuulan,” at sinikap niyang hikayatin kaming matulog na lamang doon. “Sa bansang pinagmulan namin ay umuulan din,” ang sabi ko, at natatawang ipinagwalang-bahala ang kaniyang sinabi. Pagkatapos ay umalis kami.

Dahil sa mga bundok sa palibot ng Rio, ang tubig-ulan ay mabilis na natitipon at umaagos pababa sa lunsod, na kadalasang nagiging sanhi ng mga pagbaha. Mayamaya’y lumulusong na kami sa tubig na hanggang tuhod. Malapit sa sangay, ang mga kalsada ay nagmistulang rumaragasang mga ilog kung saan ang tubig ay hanggang dibdib namin. Basang-basa kami nang sa wakas ay makarating na kami sa Bethel. Kinabukasan, masamang-masama ang pakiramdam ni Christine at siya’y nagkatipos, na nagpahina sa kaniyang katawan sa loob nang mahabang panahon. Sabihin pa, bilang mga bagong misyonero, dapat sana’y nakinig kami sa payo ng makaranasang mga Saksi roon.

Mga Unang Hakbang sa Pagmimisyonero at Gawaing Paglalakbay

Pagkatapos ng hindi magandang pasimula na ito, sabik naming pinasimulan ang aming ministeryo sa larangan. Binabasa namin ang presentasyon sa wikang Portuges sa sinumang makatagpo namin, at tila sabay ang aming pagsulong sa wikang ito. Isang maybahay ang magsasabi kay Christine, “Naiintindihan kita, pero hindi ko siya maintindihan,” sabay turo sa akin. Isa namang may-bahay ang magsasabi sa akin, “Naiintindihan kita pero siya ay hindi ko maintindihan.” Magkagayunman, tuwang-tuwa kami na makakuha ng mahigit sa 100 suskrisyon sa Bantayan sa loob ng unang ilang linggong iyon. Sa katunayan, ang ilan sa aming mga estudyante sa Bibliya ay nabautismuhan noong unang taon namin sa Brazil, na isang patikim sa amin kung magiging gaano kabunga ang atas na ito sa pagmimisyonero.

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1950, maraming kongregasyon sa Brazil ang hindi regular na dinadalaw ng mga tagapangasiwa ng sirkito dahil sa kakulangan ng mga kuwalipikadong kapatid na lalaki. Kaya kahit nag-aaral pa lamang ako ng wika at hindi pa ako nakapagbigay ng pahayag pangmadla sa wikang Portuges ay inatasan na ako sa gawaing pansirkito sa estado ng São Paulo noong 1956.

Yamang ang unang kongregasyong dinalaw namin ay hindi nabisita ng tagapangasiwa ng sirkito sa loob ng dalawang taon, malaki ang inaasahan ng lahat may kaugnayan sa pahayag pangmadla. Upang maihanda ang pahayag, gumupit ako ng mga parapo mula sa mga artikulo ng Bantayan sa wikang Portuges at idinikit ang mga iyon sa mga pilyego ng papel. Nang Linggong iyon, punung-puno ang Kingdom Hall. May mga nakaupo pa nga sa plataporma, at lahat ay naghihintay sa pinakatampok na bahagi. Ang pahayag, o manapa’y ang pagbasa, ay nagpasimula. Paminsan-minsan ay sumusulyap ako, at namangha ako dahil ni isa ay walang gumagalaw, maging ang mga bata. Lahat sila’y dilat na dilat na nakatitig sa akin. Sa isip-isip ko: ‘O Valentino, ang galing ng pagsulong mo sa Portuges! Matamang nakikinig ang mga taong ito.’ Pagkaraan ng ilang taon, nang dalawin kong muli ang kongregasyong iyon, isang kapatid na lalaki na naroon sa una kong pagdalaw ang nagsabi: “Naalaala mo ba ang pahayag pangmadla na ibinigay mo noon? Wala kaming naintindihan doon ni isang salita man.” Inamin ko na hindi ko rin gaanong naintindihan ang pahayag na iyon.

Noong unang taóng iyon sa gawaing pansirkito, madalas kong binabasa ang Zacarias 4:6. Ang mga salitang, ‘Hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ay nagpaalaala sa akin na ang espiritu ni Jehova ang tanging dahilan kung bakit sumulong ang gawaing pang-Kaharian. At sumulong nga ito, sa kabila ng kitang-kitang mga limitasyon namin.

Mga Hamon at Pagpapala sa Paglipas ng Panahon

Ang gawaing pansirkito ay nangangahulugan ng paglalakbay sa bansa na bitbit ang isang makinilya, mga karton ng literatura, mga maleta, at mga portpolyo. May-katalinuhang sinulatan ni Christine ng numero ang mga bagahe namin para hindi namin makaligtaan ang isang bagay kapag nagkakandarapa kami sa paglipat-lipat sa mga bus. Pangkaraniwan lamang na magbiyahe sa bus sa loob ng 15 oras sa maalikabok na mga daan para makarating sa susunod naming pupuntahan. Kung minsan, ang biyahe ay nakapaninindig-balahibo, lalo na kung magsasalubong sa isang mabuway na tulay ang dalawang bus, na halos gabuhok lamang ang pagitan ng mga ito. Naglakbay rin kami sakay ng tren, barko, at ng kabayo.

Noong 1961, nagsimula kaming maglingkod sa gawaing pandistrito, na naglalakbay patungo sa bawat sirkito sa halip na sa bawat kongregasyon. Sa loob ng ilang gabi bawat linggo, nagpapalabas kami ng mga pelikulang ginawa ng organisasyon ni Jehova​—na sa bawat pagkakataon ay ginaganap sa ibang lugar. Kadalasan ay kailangan naming kumilos kaagad upang maunahan ang lokal na klero, na nagsisikap na hadlangan ang mga pagpapalabas na ito. Sa isang bayan, pinilit ng pari ang may-ari ng isang bulwagan na kanselahin ang kontrata nito sa amin. Matapos ang maraming araw ng paghahanap, nakakita kami ng ibang lugar, ngunit wala kaming pinagsabihan at patuloy naming inanyayahan ang lahat sa dating lokasyon. Bago nagsimula ang programa, nagpunta si Christine sa bulwagang iyon at tahimik na inakay ang mga nagnais mapanood ang pelikula sa bagong lokasyon. Nang gabing iyon, 150 katao ang nakapanood sa pelikula, na may angkop na pamagat na The New World Society in Action.

Bagaman ang gawaing paglalakbay sa mga liblib na lugar ay nakapapagod kung minsan, ang mapagpakumbabang mga kapatid na naninirahan doon ay lubhang nagpapahalaga sa aming mga pagdalaw at lubhang mapagpatuloy sa pagtanggap sa amin sa kanilang mga simpleng tahanan anupat lagi naming pinasasalamatan si Jehova na makakapiling namin sila. Ang pakikipagkaibigan sa kanila ay nagdulot ng nakapagpapasiglang mga pagpapala sa amin. (Kawikaan 19:17; Hagai 2:7) Kaya naman lungkot na lungkot kami na pagkatapos makapaglingkod sa loob ng 21 taon sa Brazil, nagtapos ang aming mga araw bilang mga misyonero!

Sa Panahon ng Krisis, Ipinakita ni Jehova sa Amin ang Daan

Noong 1975, naoperahan si Christine. Ipinagpatuloy namin ang gawaing paglalakbay, ngunit lumubha ang karamdaman ni Christine. Waring makabubuting bumalik na lamang sa Estados Unidos upang makapagpagamot siya. Noong Abril 1976, dumating kami sa Long Beach, California, at nakitira kami sa aking ina. Pagkatapos manirahan sa ibang bansa sa loob ng dalawang dekada, hindi namin alam kung paano namin haharapin ang situwasyong iyon. Nagsimula akong magmasahe, at ang kita mula sa trabahong ito ang tumustos sa amin. Pinaglaanan ng estado ng California si Christine ng lugar sa isang ospital, ngunit doon ay lalo siyang nanghina araw-araw dahil tumanggi ang mga doktor na gamutin siya nang hindi siya sinasalinan ng dugo. Palibhasa’y desperado, nagsumamo kami kay Jehova na patnubayan kami.

Isang hapon, nang ako’y naglilingkod sa larangan, napansin ko ang isang tanggapan ng doktor, at walang anu-ano, nagpasiya akong pumasok sa loob. Bagaman papauwi na ang doktor, pinapasok niya ako sa kaniyang tanggapan, at nag-usap kami sa loob ng dalawang oras. Pagkatapos ay sinabi niya: “Pinahahalagahan ko ang inyong gawain bilang mga misyonero, at gagamutin ko ang iyong asawa nang walang bayad at nang walang pagsasalin ng dugo.” Hindi ako makapaniwala sa narinig ko.

Si Christine ay inilipat ng mabait na doktor na ito, na isa palang iginagalang na espesyalista, sa isang ospital na pinagtatrabahuhan niya, at sa ilalim ng kaniyang mahusay na pangangalaga, di-nagtagal at bumuti ang kalagayan ni Christine. Kay laki ng aming pasasalamat na ipinakita ni Jehova sa amin ang daan noong mahirap na panahong iyon!

Mga Bagong Atas

Nang manumbalik ang lakas ni Christine, naglingkod kami bilang mga payunir at nagkaroon ng kagalakan na makatulong sa ilang tao sa Long Beach upang maging mga mananamba ni Jehova. Noong 1982, hinilingan kami na maglingkod sa gawaing pansirkito sa Estados Unidos. Pinasasalamatan namin si Jehova araw-araw sa muling paggamit sa amin sa gawaing paglalakbay​—isang uri ng ministeryo na gustung-gusto namin. Naglingkod kami sa California at pagkatapos ay sa New England, kung saan kabilang sa sirkito ang mga kongregasyon na nagsasalita ng Portuges. Nang maglaon ay napasama rin dito ang Bermuda.

Matapos ang apat na nakagiginhawang mga taon, tumanggap kami ng isa pang atas. Inanyayahan kami na maglingkod bilang mga special pioneer saanman namin naisin. Bagaman nalungkot kaming iwan ang gawaing paglalakbay, determinado kaming sumulong sa aming bagong atas. Ngunit saan? Sa gawaing paglalakbay, napansin ko na ang kongregasyong Portuges sa New Bedford, Massachusetts, ay nangangailangan ng tulong​—kaya nagtungo kami sa New Bedford.

Nang dumating kami, nagdaos ang kongregasyon ng isang malaking parti bilang pagtanggap sa amin. Tunay na ipinadama niyaon sa amin na kami’y pinahahalagahan! Napaluha kami dahil doon. Isang kabataang mag-asawa na may dalawang sanggol ang may kabaitang nagpatulóy sa amin sa kanilang tahanan hanggang sa makakita kami ng sarili naming apartment. Tunay na pinagpala ni Jehova ang atas na ito bilang special pioneer nang higit sa aming inaasahan. Mula 1986 ay natulungan namin ang mga 40 iba’t ibang tao sa bayang iyon na maging mga Saksi. Sila ang aming espirituwal na pamilya. Karagdagan pa, naging kagalakan ko na makita ang limang lokal na mga kapatid na lalaki na sumulong hanggang sa maging mapagmalasakit na mga pastol ng kawan. Para na rin itong paglilingkod sa isang mabungang atas-misyonero.

Sa aming pagbabalik-tanaw, naliligayahan kami na nakapaglingkod kami kay Jehova mula sa kabataan patuloy at na ginawa naming landasin ng aming buhay ang katotohanan. Totoo, ang edad at mga karamdaman ay nakaaapekto sa amin ngayon, ngunit ang pagsulong sa daan ni Jehova ang siya pa ring kalakasan at kagalakan namin.

[Larawan sa pahina 26]

Bagong dating sa Rio de Janeiro

[Larawan sa pahina 28]

Ang aming espirituwal na pamilya sa New Bedford, Massachusetts