Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Espiritismo at ang Paghahanap sa Tunay na Espirituwalidad

Espiritismo at ang Paghahanap sa Tunay na Espirituwalidad

Espiritismo at ang Paghahanap sa Tunay na Espirituwalidad

TAYONG lahat ay may espirituwal at materyal na mga pangangailangan. Kaya naman napakarami ang nagtatanong ng gaya ng, Ano ba ang layunin ng buhay, bakit nagdurusa ang mga tao, at ano ang nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay? Maraming taimtim na tao ang naghahanap ng mga kasagutan sa mga ito at sa katulad na mga katanungan sa mga séance, kung saan kumokonsulta sila sa mga espiritista (tinatawag ding mga alulod), na umaasang makipagtalastasan sa mga espiritu ng mga patay. Ang kaugaliang ito ay tinatawag na espiritismo.

Ang mga tagapagtaguyod ng espiritismo ay matatagpuan sa maraming bansa, at nagtitipon sila sa mga kongregasyon at mga simbahan. Halimbawa, sa Brazil ay tinatayang 4,000,000 espiritista ang sumusunod sa mga turo na isinaayos ni Hyppolyte Léon Denizard Rivail, isang edukador at pilosopong Pranses noong ika-19 na siglo na sumulat sa ilalim ng pangalang Allan Kardec. Unang naging interesado si Kardec sa mga kababalaghan ng espiritismo noong 1854. Nang maglaon ay nagbangon siya ng mga katanungan sa mga espiritista sa maraming dako at itinala ang mga kasagutan sa The Book of Spirits, na inilathala noong 1857. Ang dalawang iba pang akda na kaniyang isinulat ay ang The Mediums’ Book at The Gospel According to Spiritism.

Ang espiritismo ay iniuugnay sa mga gawaing relihiyoso gaya ng voodoo, pangkukulam, mahika, o Satanismo. Gayunman, yaong mga sumusunod sa mga turo ni Allan Kardec ay nagsasabing naiiba ang kanilang mga paniniwala. Ang kanilang mga publikasyon ay madalas na sumisipi sa Bibliya, at tinutukoy nila si Jesus bilang “ang tagaakay at halimbawa para sa buong sangkatauhan.” Sinasabi nila na ang mga turo ni Jesus “ang pinakadalisay na kapahayagan ng kautusan ng Diyos.” Minalas ni Allan Kardec ang mga espiritistikong akda bilang ikatlong pagsisiwalat ng kautusan ng Diyos sa sangkatauhan, na ang unang dalawa ay ang mga turo ni Moises at yaong kay Jesus.

Naaakit ng espiritismo ang marami sapagkat itinatampok nito ang pag-ibig sa kapuwa at pagkakawanggawa. Ang isang paniniwala ng espiritista ay: “Kung walang kawanggawa ay walang kaligtasan.” Maraming espiritista ang aktibo sa gawaing panlipunan, na nagtataguyod ng mga ospital, paaralan, at iba pang institusyon. Kapuri-puri naman ang gayong mga pagsisikap. Gayunman, mayroon bang pagkakaiba ang mga paniniwala ng mga espiritista sa mga turo ni Jesus gaya ng nakaulat sa Bibliya? Kunin natin ang dalawang halimbawa: ang pag-asa para sa mga patay at ang dahilan sa pagdurusa.

Ano ang Pag-asa Para sa mga Patay?

Maraming espiritista ang naniniwala sa reinkarnasyon. Isang publikasyon ng espiritista ang nagsasabi: “Ang reinkarnasyon lamang ang doktrina na nakatutugon sa ating ideya hinggil sa makadiyos na katarungan; ito lamang ang doktrina na makapagpapaliwanag sa hinaharap at makapagpapatibay sa ating mga pag-asa.” Ipinaliliwanag ng mga espiritista na sa panahon ng kamatayan ay nililisan ng kaluluwa, o “espiritung nagkatawang-tao,” ang katawan​—tulad ng isang paruparo na lumalabas sa bahay-uod nito. Naniniwala sila na sa kalaunan, ang mga espiritung ito ay muling nagkakatawang-tao upang linisin ang mga kasalanang nagawa sa isang nakalipas na buhay. Ngunit walang alaala ng mga dating kasalanan na iyon. “Itinuring ng Diyos na angkop na lambungan ang nakalipas,” sabi ng The Gospel According to Spiritism.

“Ang pagkakaila sa reinkarnasyon ay pagkakaila rin sa mga salita ni Kristo,” ang sulat ni Allan Kardec. Gayunman, hindi sinambit kailanman ni Jesus ang salitang “reinkarnasyon” at hindi niya kailanman binanggit ang gayong konsepto. (Tingnan ang “Itinuturo ba ng Bibliya ang Reinkarnasyon?” sa pahina 22.) Sa halip, itinuro ni Jesus ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Noong panahon ng kaniyang makalupang ministeryo, kaniyang binuhay-muli ang tatlong tao​—ang anak na lalaki ng isang babaing balo sa Nain, ang anak na babae ng punong opisyal ng isang sinagoga, at ang kaniyang matalik na kaibigang si Lazaro. (Marcos 5:22-​24, 35-​43; Lucas 7:11-​15; Juan 11:1-​44) Isaalang-alang natin ang isa sa mga kahanga-hangang pangyayaring iyon at tingnan kung ano ang ibig sabihin ni Jesus sa “pagkabuhay-muli.”

Ang Pagkabuhay-Muli ni Lazaro

Nabalitaan ni Jesus na may sakit ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Pagkalipas ng dalawang araw, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit maglalakbay ako patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” Hindi naunawaan ng mga alagad ang ibig sabihin ni Jesus, kaya malinaw niyang sinabi: “Si Lazaro ay namatay.” Nang sa wakas ay makarating na si Jesus sa libingan ni Lazaro, ang lalaki ay apat na araw nang patay. Gayunman, iniutos ni Jesus na alisin ang bato na nakatakip sa pasukan ng libingan. Pagkatapos ay sumigaw siya: “Lazaro, lumabas ka!” Sa pagkakataong iyon, isang kamangha-manghang bagay ang naganap. “Ang taong namatay ay lumabas na ang kaniyang mga paa at mga kamay ay natatalian ng mga pambalot, at ang kaniyang mukha ay nababalutan ng tela. Sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Kalagan ninyo siya at payaunin siya.’ ”​—Juan 11:5, 6, 11-​14, 43, 44.

Maliwanag, hindi iyon reinkarnasyon. Sinabi ni Jesus na ang patay na si Lazaro ay natutulog, walang malay. Gaya ng pagkakasabi rito ng Bibliya, ‘naglaho na ang kaniyang pag-iisip.’ Siya ay “walang anumang kabatiran.” (Awit 146:4; Eclesiastes 9:5) Ang binuhay-muling si Lazaro ay hindi ibang persona na may espiritu na muling nagkatawang-tao. Taglay niya ang dati niyang personalidad, ang dati niyang edad, at ang dati niyang mga alaala. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang buhay na kaniyang naiwan dahil sa maagang kamatayan at bumalik sa kaniyang mga minamahal na nagdalamhati sa kaniyang kamatayan.​—Juan 12:1, 2.

Nang maglaon, namatay muli si Lazaro. Kaya, anong layunin ang naisakatuparan ng kaniyang pagkabuhay-muli? Kasama ng iba pang mga pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus, pinatitibay nito ang ating pagtitiwala sa pangako ng Diyos na ang Kaniyang tapat na mga lingkod ay ibabangon mula sa mga patay sa Kaniyang takdang panahon. Ang mga himalang iyon ni Jesus ay nagdaragdag ng higit na kahulugan sa kaniyang mga salita: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay.”​—Juan 11:25.

Hinggil sa pagkabuhay-muli na iyon sa hinaharap, sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng [aking] tinig at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:28, 29) Gaya ng nangyari kay Lazaro, iyon ay magiging pagkabuhay-muli ng patay na mga tao. Iyon ay hindi magiging isang pagsasamang-muli ng may-malay na mga espiritu at ng binuhay-muling mga katawan na nabulok anupat maaari pa ngang naging bahagi na ng ibang nabubuhay na mga organismo. Ang pagbuhay-muli sa mga patay ay kayang-kaya ng Maylalang ng langit at lupa, na nagtataglay ng walang-hanggang karunungan at kapangyarihan.

Hindi ba’t isinisiwalat ng doktrina ng pagkabuhay-muli, gaya ng itinuro ni Jesu-Kristo, ang masidhing pag-ibig ng Diyos sa mga tao bilang mga indibiduwal? Ngunit kumusta naman ang ikalawang katanungan na nabanggit kanina?

Ano ang Dahilan sa Pagdurusa?

Ang karamihan sa pagdurusa ng tao ay nangyayari dahil sa mga bagay na ginagawa ng di-marunong, walang-karanasan, o maging ng balakyot na mga tao. Gayunman, kumusta naman ang kalunus-lunos na mga pangyayari na hindi tuwirang maisisisi sa mga tao? Halimbawa, bakit may mga aksidente at likas na mga kasakunaan? Bakit ang ilang bata ay isinisilang na may depekto? Minalas ni Allan Kardec ang gayong mga bagay bilang mga kaparusahan. Sumulat siya: “Kung tayo’y pinarurusahan, kung gayon ay malamang na may nagawang pagkakamali. Kung ang pagkakamaling iyon ay hindi sa kasalukuyang buhay, kung gayon ay malamang na nagmula ito sa isang nakalipas na pag-iral.” Ang mga espiritista ay tinuturuang manalangin: “Panginoon, Ikaw ay lubos na makatarungan. Ang sakit na pinili Mong ibigay sa akin ay malamang na karapat-dapat . . . Tinatanggap ko ito bilang pambayad-sala para sa aking nakalipas na buhay at bilang pagsubok sa aking pananampalataya at pagpapasakop sa Iyong pinagpalang kalooban.”​—The Gospel According to Spiritism.

Itinuro ba ni Jesus ang gayong bagay? Hindi. Alam na alam ni Jesus ang sinasabi ng Bibliya: “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” (Eclesiastes 9:11) Alam niya na kung minsan ay basta na lamang nagaganap ang masasamang bagay. Hindi naman kailangang maging kaparusahan ang mga ito sa mga kasalanan.

Isaalang-alang ang pangyayaring ito sa buhay ni Jesus: “Habang dumaraan [si Jesus] ay nakita niya ang isang taong bulag mula pa nang kapanganakan nito. At tinanong siya ng kaniyang mga alagad: ‘Rabbi, sino ang nagkasala, ang taong ito o ang kaniyang mga magulang, kung kaya’t ipinanganak siyang bulag?’ ” Ang naging sagot ni Jesus ay lubos na nakapagtuturo: “Hindi ang taong ito ang nagkasala ni ang kaniyang mga magulang, kundi upang mahayag ang mga gawa ng Diyos sa kaniyang kalagayan. Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway, at inilagay ang kaniyang putik sa ibabaw ng mga mata ng lalaki at sinabi sa kaniya: ‘Humayo ka at maghugas sa tipunang-tubig ng Siloam.’ . . . At sa gayon ay umalis siya at naghugas, at bumalik na nakakakita.”​—Juan 9:1-3, 6, 7.

Ipinakita ng mga salita ni Jesus na hindi ang taong iyon ni ang kaniyang mga magulang ang may kasalanan sa kaniyang pagkabulag mula pa sa pagkasilang sa kaniya. Kaya hindi sinuportahan ni Jesus ang ideya na ang lalaki ay pinarurusahan dahil sa mga kasalanan na ginawa niya sa isang nakalipas na buhay. Totoo, alam ni Jesus na lahat ng tao ay nagmamana ng kasalanan. Ngunit minana nila ang kasalanan ni Adan, hindi ang mga kasalanang nagawa nila bago sila ipinanganak. Dahil sa kasalanan ni Adan, lahat ng mga tao ay ipinanganganak na di-sakdal sa pisikal, nagkakasakit at namamatay. (Job 14:4; Awit 51:5; Roma 5:12; 9:11) Sa katunayan, iyan ang isang kalagayan na lulunasan ni Jesus kung kaya’t siya ay isinugo. Sinabi ni Juan na Tagapagbautismo na si Jesus “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!”​—Juan 1:29. a

Pansinin din na hindi sinabi ni Jesus na sinadya ng Diyos na ang lalaki ay ipanganak nang bulag upang pumaroon si Jesus at pagalingin siya balang araw. Isa ngang malupit at mapang-uyam na gawa iyon! Makapagdudulot kaya iyon ng papuri sa Diyos? Hindi. Sa halip, ang makahimalang pagpapagaling sa lalaking bulag ay nagsilbi upang ‘mahayag ang mga gawa ng Diyos.’ Tulad ng maraming iba pang pagpapagaling na ginawa ni Jesus, ipinaaninaw nito ang taimtim na pag-ibig ng Diyos para sa nagdurusang sangkatauhan at tiniyak ang pagiging mapagkakatiwalaan ng Kaniyang pangako na wakasan ang lahat ng sakit at pagdurusa ng tao sa Kaniyang takdang panahon.​—Isaias 33:24.

Hindi ba’t nakaaaliw na matuklasan na sa halip na nagdudulot ng pagdurusa, ang ating makalangit na Ama ay nagbibigay ng “mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya”? (Mateo 7:11) Tunay ngang kaluwalhatian ang idudulot nito sa Kataas-taasan kapag ang mga mata ng mga bulag ay idinilat, ang mga tainga ng mga bingi ay binuksan, at ang mga pilay ay lumakad, lumukso, at tumakbo!​—Isaias 35:5, 6.

Sinasapatan ang Ating Espirituwal na mga Pangangailangan

Ipinahayag ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Oo, ang ating espirituwal na mga pangangailangan ay nasasapatan kapag binabasa natin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, at namumuhay tayo na kasuwato nito. Ang pagsangguni sa mga espiritista ay hindi talaga nakasasapat sa ating espirituwal na mga pangangailangan. Sa katunayan, ang gayong mga gawain ay lubusang hinahatulan sa tinutukoy ni Allan Kardec na unang pagsisiwalat ng kautusan ng Diyos.​—Deuteronomio 18:10-13.

Marami ang kumikilala, kabilang na ang mga espiritista, na ang Diyos ang Kataas-taasang Persona, walang-hanggan, walang-takda ang kasakdalan, mabait, mabuti, at makatarungan. Ngunit higit pa ang isinisiwalat ng Bibliya. Binabanggit nito na mayroon siyang personal na pangalan, Jehova, na kailangan nating parangalan gaya ng ginawa ni Jesus. (Mateo 6:9; Juan 17:6) Inilalarawan nito ang Diyos bilang isang tunay na persona na sa kaniya’y maaaring tamasahin ng mga tao ang isang matalik na kaugnayan. (Roma 8:38, 39) Sa pagbabasa ng Bibliya, natututuhan natin na ang Diyos ay maawain at na “hindi pa niya ginawa sa atin ang ayon nga sa ating mga kasalanan; ni pinasapitan man niya tayo ng nararapat sa atin ayon sa ating mga kamalian.” (Awit 103:10) Sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, isinisiwalat ng Soberanong Panginoong Jehova ang kaniyang pag-ibig, pagiging kataas-taasan, at pagkamakatuwiran. Siya ang Isa na pumapatnubay at nagsasanggalang sa masunuring mga tao. Ang pagkilala kay Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay “nangangahulugan ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 17:3.

Inilalaan ng Bibliya ang lahat ng impormasyon na kailangan natin hinggil sa mga layunin ng Diyos, at sinasabi nito sa atin ang dapat nating gawin kung nais nating palugdan siya. Ang isang maingat na pagsusuri sa Bibliya ay naglalaan ng tunay at kasiya-siyang mga kasagutan sa ating mga katanungan. Ang Bibliya ay naglalaan din sa atin ng patnubay kung ano ang tama at mali, at naglalaan ito ng matibay na pag-asa. Tinitiyak nito sa atin na sa malapit na hinaharap, ‘papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa mga mata [ng sangkatauhan], at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lilipas na.’ (Apocalipsis 21:3, 4) Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, palalayain ni Jehova ang sangkatauhan mula sa minanang kasalanan at di-kasakdalan, at ang masunuring mga tao ay magmamana ng walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. Sa panahong iyon, kapuwa ang kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan ay lubusang masasapatan.​—Awit 37:10, 11, 29; Kawikaan 2:21, 22; Mateo 5:5.

[Talababa]

a Para sa pagtalakay kung paano nagsimula ang kasalanan at kamatayan, tingnan ang kabanata 6 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 22]

ITINUTURO BA NG BIBLIYA ANG REINKARNASYON?

Ang doktrina ba ng reinkarnasyon ay inaalalayan ng anumang teksto sa Bibliya? Isaalang-alang ang ilan sa mga kasulatan na ginagamit ng mga naniniwala sa doktrinang ito:

“Sapagkat ang lahat, ang mga Propeta at ang Kautusan, ay humula hanggang kay Juan . . . Siya mismo ang ‘Elias na itinalagang dumating.’ ”​—Mateo 11:13, 14.

Si Juan na Tagapagbautismo ba ang muling ipinanganak na si Elias? Nang siya ay tanungin: “Ikaw ba si Elias?” Maliwanag na sumagot si Juan: “Hindi ako.” (Juan 1:21) Gayunman, inihula na si Juan ay mauuna sa Mesiyas “taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias.” (Lucas 1:17; Malakias 4:5, 6) Sa ibang pananalita, si Juan na Tagapagbautismo ay si Elias sa diwa na isinagawa niya ang isang gawain na katulad niyaong kay Elias.

“Malibang maipanganak muli ang isa, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos. Huwag kang mamangha sapagkat sinabi ko sa iyo, Kayo ay dapat na maipanganak muli.”​—Juan 3:3, 7.

Nang maglaon, isa sa mga apostol ang sumulat: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo! Sa pamamagitan ng kaniyang dakilang awa ay ipinanganak tayong muli tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay.” (1 Pedro 1:3, 4, Revised Standard Version; Juan 1:12, 13) Maliwanag, ang muling pagsilang na tinukoy ni Jesus ay isang espirituwal na karanasang magaganap samantalang nabubuhay pa ang kaniyang mga tagasunod at hindi isang reinkarnasyon sa hinaharap.

“Kapag ang isang tao ay patay, nabubuhay siya magpakailanman: kapag ang mga araw ng pag-iral ko sa Lupa ay natapos, maghihintay ako, yamang nababatid ko na muli akong babalik.”​—Isang “Griegong salin” ng Job 14:14 na sinipi sa The Gospel According to Spiritism.

Ganito ang pagkasalin ng Revised Standard Version sa talatang ito: “Kung ang isang lalaki ay mamatay, mabubuhay pa ba siyang muli? Sa lahat ng mga araw ng aking paglilingkod ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking paglaya.” Basahin ang konteksto ng talatang iyan. Makikita mo na ang mga patay ay naghihintay sa libingan para sa kanilang “paglaya.” (Talata 13) Habang naghihintay, hindi sila umiiral. “Ang isang tao na namatay ay lubusang wala na; at kapag ang isang mortal ay nabuwal, hindi na siya umiiral.”​—Job 14:10, bersiyong Septuagint ni Bagster.

[Larawan sa pahina 21]

Isinisiwalat ng pag-asa ng pagkabuhay-muli ang matinding interes ng Diyos sa atin bilang mga indibiduwal

[Mga larawan sa pahina 23]

Wawakasan ng Diyos ang lahat ng pagdurusa ng tao