Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Iyo Bang “Binibili ang Naaangkop na Panahon”?

Iyo Bang “Binibili ang Naaangkop na Panahon”?

Iyo Bang “Binibili ang Naaangkop na Panahon”?

IPINAYO ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso noong unang siglo: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efeso 5:15, 16) Bakit kailangan ang payong ito? Ang sagot sa tanong na iyan ay humihiling ng kabatiran sa mga kalagayan na napaharap sa mga Kristiyano sa sinaunang lunsod na iyon.

Kilala ang Efeso sa malaking kayamanan nito, talamak na imoralidad, laganap na krimen, at iba’t ibang makademonyong gawain. Bukod diyan, kinailangang labanan ng mga Kristiyano roon ang mga pilosopikal na paniniwala hinggil sa panahon. Ang di-Kristiyanong mga Griego sa Efeso ay hindi naniniwala na ang panahon ay pasulong sa iisang direksiyon. Itinuro sa kanila ng Griegong pilosopiya na ang buhay ay paulit-ulit sa mga siklong walang katapusan. Maaaring makamit muli ng isang taong nag-aksaya ng kaniyang panahon sa isang siklo ng buhay ang buong panahong iyon sa iba namang siklo. Ang ganitong uri ng kaisipan marahil ang umakay sa mga Kristiyanong taga-Efeso na magkaroon ng isang walang-pagkabahalang saloobin sa talaorasan ni Jehova para sa mga pangyayari, pati rin sa kaniyang talaorasan para sa banal na paghatol. Samakatuwid, ang payo ni Pablo na ‘bilhin ang naaangkop na panahon’ ay nararapat.

Hindi tinatalakay ni Pablo ang panahon sa pangkalahatang diwa lamang. Ang Griegong salita na kaniyang ginamit ay nagpapahiwatig ng isang itinakdang panahon, isang wastong panahon para sa isang espesipikong layunin. Pinayuhan ni Pablo ang unang-siglong mga Kristiyano na may-karunungan nilang gamitin ang naaangkop na panahon, o kapanahunan ng kagandahang-loob, na tinatamasa nila noon, bago dumating ang kawakasan nito at ang awa ng Diyos at ang iniaalok na kaligtasan ay mawala na.​—Roma 13:11-13; 1 Tesalonica 5:6-11.

Nabubuhay tayo ngayon sa isang katulad na naaangkop na yugto ng panahon. Sa halip na aksayahin ang di-na-muling-mauulit na panahong ito ng kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pansamantalang mga kaluguran na iniaalok ng sanlibutan, isang karunungan para sa mga Kristiyano kung gagamitin nila ang kanilang panahong natitira sa paggawa ng “mga gawa ng makadiyos na debosyon” at sa gayon ay patibayin ang kanilang kaugnayan sa Maylalang, ang Diyos na Jehova.​—2 Pedro 3:11; Awit 73:28; Filipos 1:10.