Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Naapektuhan ng Pagkabalo ang Dalawang Babae

Kung Paano Naapektuhan ng Pagkabalo ang Dalawang Babae

Kung Paano Naapektuhan ng Pagkabalo ang Dalawang Babae

SI Sandra ay isang balo na nakatira sa Australia. Nang mamatay ang kaniyang asawa ilang taon na ang nakararaan, ang unang reaksiyon ni Sandra ay lubusang pagkabigla. “Ang pagkabatid na biglang nawala ang aking asawa at pinakamatalik na kaibigan ay napakabigat sa akin. Talagang hindi ko maalaala kung paano ako nakauwi ng bahay mula sa ospital o kung ano pa ang ginawa ko nang araw na iyon. Nang sumunod na ilang linggo, ang aking takot ay nahalinhan ng namamalaging kirot sa katawan.”

Si Sandra ay may nakatatandang kaibigan, si Elaine, na isa nang balo sa loob ng anim na taon. Inalagaan ni Elaine ang kaniyang asawa, si David, sa loob ng anim na buwan bago ito namatay dahil sa kanser. Napakatindi ng kaniyang pamimighati anupat di-kalaunan pagkamatay ng kaniyang asawa, siya’y pansamantalang nabulag. Pagkaraan ng dalawang taon, hinimatay siya sa publiko. Walang natagpuang palatandaan ng pisikal na sakit ang kaniyang doktor. Gayunman, natuklasan nitong matagal nang kinikimkim ni Elaine ang kaniyang pamimighati, kaya inirekomenda nitong umuwi na siya at sikaping makaiyak. “Medyo natagalan bago ko napagtagumpayan ang aking pamimighati,” inamin ni Elaine, at idinagdag pa na kapag nalulungkot siya, “pumapasok pa nga ako sa kuwarto at isinusubsob ko ang aking ulo sa mga damit ni David.”

Oo, ang pagkamatay ng isang minamahal na asawa ay maaaring maging sanhi ng iba’t ibang reaksiyon, sapagkat higit pa ang nasasangkot sa pagkabalo kaysa sa pamumuhay lamang nang walang asawa. Halimbawa, nadama ni Sandra sa loob ng ilang panahon na hindi na siya gaya ng dati. Katulad ng marami na kamakailan lamang nabalo, nadama rin niya na siya’y mahina, walang katiwasayan. Naalaala ni Sandra: “Palibhasa’y nasanay ako na ang asawa ko ang gumagawa ng mga huling pagpapasiya, bigla na lamang akong naiwan upang gumawa ng gayong mga pagpapasiya. Nasira ang tulog ko. Ako’y pagod at nanlalambot. Mahirap isipin kung ano ang dapat gawin.”

Ang mga kuwentong katulad ng kina Sandra at Elaine ay nararanasan sa araw-araw sa buong daigdig. Ang pagkakasakit, mga aksidente, mga digmaan, paglipol sa di-kalahi, at karahasan sa pangkalahatan ay nagpaparami pa sa lumalaking bilang ng mga balo. a Marami sa mga babaing ito ang tahimik na nagdurusa, na hindi alam kung ano ang gagawin. Ano kaya ang magagawa ng mga kaibigan at mga kamag-anak upang matulungan ang mga humaharap sa pagkabalo? Ang sumusunod na artikulo ay may ilang mungkahi na maaaring makatulong.

[Talababa]

a Ang ibang mga babae ay nasa situwasyong katulad ng sa mga balo dahil iniwan sila ng kani-kanilang asawa. Bagaman lumilikha ng naiibang mga suliranin ang paghihiwalay at diborsiyo, marami sa mga simulain na tinatalakay sa sumusunod na artikulo ang makatutulong din sa mga babae na nasa ganitong mga kalagayan.