Magalak Kasama ng Maligayang Diyos
Magalak Kasama ng Maligayang Diyos
“Sa katapus-tapusan, mga kapatid, patuloy kayong magsaya, . . . at ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay sasainyo.”—2 CORINTO 13:11.
1, 2. (a) Bakit marami ang walang kagalakan sa buhay? (b) Ano ba ang kagalakan, at paano natin ito malilinang?
SA KALUNUS-LUNOS na mga panahong ito, maraming tao ang walang gaanong nakikitang dahilan para magsaya. Kapag sila o ang kanilang minamahal ay nakaranas ng trahedya, maaaring madama nila ang gaya ng nadama ng sinaunang si Job, na nagsabi: “Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Hindi ligtas ang mga Kristiyano sa mga kaigtingan at kapagurang dulot ng “mga panahong mapanganib [na ito] na mahirap pakitunguhan,” at hindi kataka-taka na ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay nasisiraan ng loob kung minsan.—2 Timoteo 3:1.
2 Gayunman, maaaring magalak ang mga Kristiyano, kahit na nasa ilalim ng pagsubok. (Gawa 5:40, 41) Upang maunawaan kung paano ito posible, isaalang-alang muna kung ano ang kagalakan. Ang kagalakan ay binigyang-katuturan bilang “ang damdamin na napupukaw ng pagkakamit o pag-asam ng mabuti.” a Kaya naman, kung isasaalang-alang natin ang ating kasalukuyang mga pagpapala samantalang binubulay-bulay ang mga kagalakang naghihintay sa atin sa bagong sanlibutan ng Diyos, maaari tayong magalak.
3. Sa anong diwa masasabi na bawat isa sa paano man ay may ilang dahilan para magsaya?
3 Bawat isa ay may mga pagpapala na dapat ipagpasalamat. Maaaring mawalan ng trabaho ang isang ulo ng pamilya. Sabihin pa, nababahala siya. Nais niyang paglaanan ang kaniyang mga minamahal. Gayunman, kung siya ay may malakas at malusog na pangangatawan, maaari niyang ipagpasalamat iyon. Kung makahanap siya ng trabaho, makapagtatrabaho siya nang husto. Sa kabilang dako naman, ang isang Kristiyanong babae ay maaaring bigla na lamang nagkaroon ng nakapanghihinang sakit. Gayunman, maaari niyang ipagpasalamat ang suporta ng maibiging mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya na tumutulong sa kaniya na maharap ang kaniyang sakit nang may dangal at lakas ng loob. At lahat ng mga tunay na Kristiyano, anuman ang kanilang kalagayan, ay maaaring magsaya sa pribilehiyo na makilala si Jehova, ang “maligayang Diyos,” at si Jesu-Kristo, ang “maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala.” (1 Timoteo 1:11; 6:15) Oo, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ang pinakamaliligaya. Napanatili nila ang kanilang kagalakan sa kabila ng katotohanan na ang mga kalagayan sa lupa ay lubhang naiiba sa nilayon ni Jehova sa pasimula. Malaki ang maituturo sa atin ng kanilang halimbawa kung paano mapananatili ang ating kagalakan.
Hindi Nila Naiwala Kailanman ang Kanilang Kagalakan
4, 5. (a) Ano ang naging reaksiyon ni Jehova nang maghimagsik ang unang mga tao? (b) Paano pinanatili ni Jehova ang isang positibong saloobin sa sangkatauhan?
4 Sa hardin ng Eden, nagtamasa sina Adan at Eva ng napakahusay na kalusugan at nagtaglay ng sakdal na isipan. Nagkaroon sila ng mabungang gawain na gagampanan at kaayaayang kapaligiran na doo’y isasagawa ito. Higit sa lahat, tinaglay nila ang pribilehiyo na regular na makipagtalastasan kay Jehova. Layunin ng Diyos na magtamasa sila ng isang maligayang kinabukasan. Ngunit hindi nakontento ang ating unang mga magulang sa lahat ng mabubuting kaloob na ito; ninakaw nila ang ipinagbabawal na bunga mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Ang aktong ito ng pagsuway ang siyang naging saligan ng lahat ng kalungkutan na nararanasan natin, na mga inapo nila, sa ngayon.—Genesis 2:15-17; 3:6; Roma 5:12.
5 Gayunman, hindi hinayaan ni Jehova na ang walang utang-na-loob na saloobin nina Adan at Eva ang mag-alis ng kagalakan niya. Nagtitiwala siya na mapapakilos ang mga puso ng kahit ilan man lamang sa kanilang mga supling upang paglingkuran siya. Sa katunayan, gayon na lamang ang pagtitiwala niya anupat bago pa man isilang ang unang anak nina Adan at Eva ay ipinatalastas na niya ang kaniyang layunin na tubusin ang kanilang masunuring mga inapo! (Genesis 1:31; 3:15) Sa sumunod na mga siglo, ang karamihan sa sangkatauhan ay sumunod sa mga yapak nina Adan at Eva, subalit hindi tinalikuran ni Jehova ang pamilya ng tao dahil sa gayong laganap na pagsuway. Sa halip, itinuon niya ang kaniyang pansin sa mga lalaki at mga babae na ‘nagpasaya sa kaniyang puso,’ yaong mga tunay na nagsikap upang palugdan siya dahil mahal nila siya.—Kawikaan 27:11; Hebreo 6:10.
6, 7. Anong mga salik ang nakatulong kay Jesus upang manatiling nagagalak?
6 Kumusta naman si Jesus—paano niya napanatili ang kaniyang kagalakan? Bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang sa langit, tinaglay ni Jesus ang lahat ng pagkakataon upang mamasdan ang mga gawain ng mga lalaki at mga babae sa lupa. Kitang-kita ang kanilang di-kasakdalan, gayunma’y inibig sila ni Jesus. (Kawikaan 8:31) Nang maglaon, nang dumating siya sa lupa at aktuwal na “tumahan sa gitna” ng mga tao, hindi nagbago ang kaniyang pangmalas sa sangkatauhan. (Juan 1:14) Ano ang nagpangyari sa sakdal na Anak ng Diyos na mapanatili ang gayong positibong pangmalas sa makasalanang pamilya ng tao?
7 Una sa lahat, makatuwiran si Jesus sa kaniyang mga inaasahan kapuwa sa kaniyang sarili at sa iba. Alam niya na hindi niya makukumberte ang sanlibutan. (Mateo 10:32-39) Kaya nagsasaya siya kahit isang taimtim na tao lamang ang tumugon nang may pagsang-ayon sa mensahe ng Kaharian. Bagaman ang paggawi at saloobin ng kaniyang mga alagad ay hindi laging kasiya-siya, alam ni Jesus na sa kanilang puso ay talagang gusto nilang gawin ang kalooban ng Diyos, at dahil dito ay inibig niya sila. (Lucas 9:46; 22:24, 28-32, 60-62) Kapansin-pansin, sa pananalangin sa kaniyang makalangit na Ama, binuod ni Jesus ang positibong landasin na tinahak ng kaniyang mga alagad hanggang sa pagkakataong iyon: “Tinupad nila ang iyong salita.”—Juan 17:6.
8. Bumanggit ng ilang paraan na doo’y matutularan natin si Jehova at si Jesus pagdating sa pagpapanatili ng ating kagalakan.
8 Walang alinlangan, tayong lahat ay makikinabang sa maingat na pagsasaalang-alang sa halimbawang ipinakita ng Diyos na Jehova at ni Kristo Jesus hinggil sa bagay na ito. Matutularan ba natin nang lalong higit si Jehova, marahil ay sa pamamagitan ng hindi pagiging labis na nababahala kapag ang mga bagay-bagay ay hindi nangyayari ayon sa ating inaasahan? Masusundan kaya natin nang mas maigi ang mga yapak ni Jesus sa pamamagitan ng pananatiling may positibong pangmalas sa ating kasalukuyang mga kalagayan, at sa pagiging makatuwiran sa ating mga inaasahan sa ating sarili at sa iba? Tingnan natin kung paano maikakapit ang ilan sa mga simulaing ito sa isang praktikal na paraan sa isang aspekto na malapit sa puso ng masisigasig na Kristiyano sa lahat ng dako—ang ministeryo sa larangan.
Panatilihin ang Isang Positibong Pangmalas sa Ministeryo
9. Paano napanibago ang kagalakan ni Jeremias, at paano makatutulong sa atin ang kaniyang halimbawa?
9 Nais ni Jehova na magalak tayo sa paglilingkod sa kaniya. Ang ating kagalakan ay hindi dapat nakasalalay sa mga resultang natatamo natin. (Lucas 10:17, 20) Ang propetang si Jeremias ay nangaral sa loob ng maraming taon sa di-mabungang teritoryo. Nang pagtuunan niya ng pansin ang negatibong reaksiyon ng mga tao, naiwala niya ang kaniyang kagalakan. (Jeremias 20:8) Ngunit nang bulay-bulayin niya ang kagandahan ng mensahe mismo, napanibago ang kaniyang kagalakan. Sinabi ni Jeremias kay Jehova: “Ang iyong mga salita ay nasumpungan, at kinain ko ang mga iyon; at sa akin ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso; sapagkat ang iyong pangalan ay itinatawag sa akin, O Jehova.” (Jeremias 15:16) Oo, nagsaya si Jeremias sa kaniyang pribilehiyo na ipangaral ang salita ng Diyos. Tayo ay maaari ring magsaya.
10. Paano natin mapananatili ang ating kagalakan sa ministeryo kahit na ang ating teritoryo ay hindi mabunga sa kasalukuyan?
10 Kahit tumangging tumugon ang karamihan sa mabuting balita, taglay natin ang lahat ng dahilan upang magalak habang nakikibahagi tayo sa ministeryo sa larangan. Tandaan na si Jehova ay maliwanag na nagtitiwala na mapakikilos ang ilang tao na maglingkod sa kaniya. Gaya ni Jehova, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa na sa paano man ang ilan sa dakong huli ay makauunawa sa usapin at tatanggap ng mensahe ng Kaharian. Hindi natin dapat kalimutan na nagbabago ang mga kalagayan ng mga tao. Kapag napaharap sa ilang di-inaasahang kabiguan o krisis, maging ang indibiduwal na lubhang nasisiyahan sa sarili ay maaaring seryosong mag-isip hinggil sa kahulugan ng buhay. Naroon ka kaya upang tumulong kapag ang gayong tao ay naging ‘palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan’? (Mateo 5:3) Aba, baka may isang tao sa inyong teritoryo na handa nang makinig sa mabuting balita sa mismong susunod na pagdalaw mo!
11, 12. Ano ang nangyari sa isang bayan, at ano ang matututuhan natin mula rito?
11 Maaari ring magbago ang kayarian ng ating teritoryo. Isaalang-alang ang isang halimbawa. Sa isang maliit na bayan, may nakatira na isang grupo ng magkakaibigang kabataang mga may-asawa na may mga anak. Kapag dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova, sinasalubong sila nang iisang tugon sa bawat pinto, “Hindi kami interesado!” Kapag ang isa ay talagang nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian, agad na sisirain ng mga kapitbahay ang pagnanais na makipag-ugnayan pa sa mga Saksi. Maliwanag, isang hamon na mangaral doon. Gayunman, hindi sumuko ang mga Saksi; nagpatuloy pa rin sila sa pangangaral. Ano ang resulta?
12 Nang maglaon, marami sa mga bata sa bayang iyon ang nagsilaki na, nagsipag-asawa, at nanirahan doon. Palibhasa’y natanto na hindi nagdulot ng tunay na kaligayahan ang kanilang landasin sa buhay, sinimulang hanapin ng ilan sa mga kabataang adultong ito ang katotohanan. Nasumpungan nila ito nang tumugon sila nang may pagsang-ayon sa mabuting balita na ipinahahayag ng mga Saksi. Kaya nangyari na makalipas ang maraming taon, ang maliit na kongregasyon ay nagsimulang lumago. Gunigunihin ang kagalakan ng mga mamamahayag ng Kaharian na hindi sumuko! Nawa’y magdulot din ng kagalakan sa atin ang matiyagang pagbabahagi ng maluwalhating mensahe ng Kaharian!
Susuportahan Ka ng mga Kapananampalataya
13. Kanino tayo maaaring bumaling kapag nasisiraan tayo ng loob?
13 Kapag tumitindi ang panggigipit o kapag nagkakaroon ng matinding dagok sa iyong buhay, saan ka maaaring bumaling upang maaliw ka? Ang milyun-milyong nakaalay na mga lingkod ni Jehova ay bumabaling muna kay Jehova sa panalangin, pagkatapos ay sa kanilang mga Kristiyanong kapatid. Nang siya ay nasa lupa, si Jesus mismo ay nagpahalaga sa suporta ng kaniyang mga alagad. Noong gabi bago siya mamatay, tinukoy niya sila bilang “mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok.” (Lucas 22:28) Sabihin pa, hindi sakdal ang mga alagad na iyon, ngunit ang kanilang katapatan ay nakaaliw sa Anak ng Diyos. Tayo rin ay makakakuha ng lakas mula sa ating mga kapuwa mananamba.
14, 15. Ano ang tumulong sa isang mag-asawa upang makayanan ang pagkamatay ng kanilang anak na lalaki, at ano ang matututuhan mo sa kanilang karanasan?
14 Natutuhan ng isang Kristiyanong mag-asawa na nagngangalang Michel at Diane kung gaano kahalaga ang suportang maibibigay ng kanilang mga kapatid. Ang kanilang 20-taóng-gulang na anak na lalaki, si Jonathan, isang Kristiyanong lipos ng sigla at magandang kinabukasan, ay nasuring may tumor sa utak. Matiyagang sinikap ng mga doktor na iligtas siya, ngunit ang pisikal na kalagayan ni Jonathan ay lumala hanggang sa isang hapon, siya ay namatay. Lumung-lumo sina Michel at Diane. Alam nila na ang Pulong sa Paglilingkod, na nakaiskedyul sa gabing iyon, ay halos tapos na. Gayunman, palibhasa’y kailangang-kailangan nila ang kaaliwan, hiniling nila sa elder na kasama nila na samahan sila sa pagtungo sa Kingdom Hall. Dumating sila sa panahong ipinatatalastas sa kongregasyon na namatay na si Jonathan. Pagkatapos ng pulong, ang lumuluhang mga magulang ay pinalibutan ng kanilang mga kapatid, na yumakap sa kanila at nagbigay ng nakaaaliw na mga salita. Nagunita ni Diane: “Lupaypay kami ng dumating kami sa bulwagan, ngunit gayon na lamang ang kaaliwang natanggap namin mula sa mga kapatid—tunay na pinatibay-loob nila kami! Bagaman hindi nila napawi ang sakit na nararamdaman namin, tinulungan nila kami na makayanan ang panggigipit!”—Roma 1:11, 12; 1 Corinto 12:21-26.
15 Dahil sa kapighatian ay lalong napalapit sina Michel at Diane sa kanilang mga kapatid. Naging dahilan din ito upang lalo silang mapalapit sa isa’t isa. Sinabi ni Michel: “Natutuhan ko na higit pang mahalin ang aking mahal na asawa. Sa mga panahong nasisiraan kami ng loob, pinag-uusapan namin ang mga katotohanan sa Bibliya at kung paano kami pinalalakas ni Jehova.” Sinabi pa ni Diane: “Lalong naging makahulugan sa amin ngayon ang pag-asa ng Kaharian.”
16. Bakit mahalaga na magkusang ipabatid sa ating mga kapatid ang ating mga pangangailangan?
16 Oo, ang ating mga Kristiyanong kapatid ay maaaring magsilbing “tulong na nagpapalakas” sa atin sa mahihirap na panahon sa buhay at sa gayon ay tumutulong sa atin na mapanatili ang ating kagalakan. (Colosas 4:11) Sabihin pa, hindi nila kayang basahin ang ating isip. Kaya, kapag kailangan natin ng suporta, makabubuti na ipabatid ito sa kanila. Pagkatapos ay maaari nating ipahayag ang tunay na pagpapahalaga sa anumang kaaliwan na mailalaan ng ating mga kapatid, anupat minamalas na galing ito kay Jehova.—Kawikaan 12:25; 17:17.
Magmasid Ka sa Inyong Kongregasyon
17. Anong mga hamon ang napapaharap sa isang nagsosolong ina, at paano natin minamalas ang mga taong tulad niya?
17 Habang lalo mong pinagmamasdan ang mga kapananampalataya, lalo mong matututuhan na pahalagahan sila at masusumpungan ang kagalakan sa pakikisama sa kanila. Magmasid ka sa inyong kongregasyon. Ano ang nakikita mo? Mayroon bang nagsosolong magulang na nagpupunyagi upang palakihin ang kaniyang mga anak sa daan ng katotohanan? Napag-isipan mo na ba nang husto ang mainam na halimbawa na ipinakikita niya? Sikaping gunigunihin ang ilang problema na napapaharap sa kaniya. Binanggit ng isang nagsosolong ina na nagngangalang Jeanine ang ilan sa mga ito: kalungkutan, di-ninanais na seksuwal na panliligalig mula sa mga lalaki sa trabaho, isang napakahigpit na badyet. Subalit ang pinakamatinding balakid sa lahat, sabi niya, ay ang pag-aasikaso sa emosyonal na mga pangangailangan ng kaniyang mga anak, yamang bawat bata ay kakaiba. May binanggit pang isang problema si Jeanine: “Maaaring maging hamon talaga na iwasan ang tendensiya na gawing ulo ng sambahayan ang iyong anak na lalaki upang mapunan ang kawalan ng asawang lalaki. May anak akong babae, at napakahirap tandaan na hindi siya dapat pabigatan sa pamamagitan ng pagtuturing sa kaniya bilang isa na mapagsasabihan ko ng aking problema.” Katulad ng libu-libong nagsosolong magulang na may takot sa Diyos, si Jeanine ay nagtatrabaho nang buong panahon at nangangalaga sa kaniyang sambahayan. Inaaralan din niya sa Bibliya ang kaniyang mga anak, sinasanay sila sa ministeryo, at dinadala sila sa mga pulong ng kongregasyon. (Efeso 6:4) Tiyak na natutuwa si Jehova habang minamasdan niya sa araw-araw ang mga pagsisikap ng pamilyang ito na manatiling tapat! Hindi ba’t nakapagpapagalak sa ating puso na makasama natin ang gayong mga indibiduwal? Tunay na ganoon nga.
18, 19. Ilarawan kung paano natin mapasisidhi ang ating pagpapahalaga sa mga miyembro ng kongregasyon.
18 Muling magmasid sa inyong kongregasyon. Maaaring makakita ka ng tapat na mga balo na “hindi kailanman lumiliban” sa mga pulong. (Lucas 2:37) Nalulungkot ba sila paminsan-minsan? Siyempre. Talagang nangungulila sila sa kanilang mga kabiyak! Subalit nananatili silang abala sa paglilingkod kay Jehova at nagpapakita ng personal na interes sa iba. Ang kanilang matatag at positibong saloobin ay nagpapasidhi sa kagalakan ng kongregasyon! Sinabi ng isang Kristiyano na mahigit nang 30 taon na naglilingkod sa buong-panahong ministeryo: “Ang isa sa pinakamatinding kagalakan ko ay ang makita ang nakatatandang mga kapatid na nakaranas ng maraming pagsubok subalit patuloy pa ring naglilingkod nang tapat kay Jehova!” Oo, ang nakatatandang mga Kristiyano na kasama natin ay malaking pampatibay-loob sa mga kabataan.
19 Kumusta naman ang mga baguhan na kamakailan lamang nagsimulang makisama sa kongregasyon? Hindi ba tayo napasisigla kapag ipinahahayag nila ang kanilang pananampalataya sa mga pulong? Pag-isipan ang pagsulong na nagawa nila mula nang mag-aral sila ng Bibliya. Tiyak na lubhang nalulugod si Jehova sa kanila. Tayo rin ba? Ipinahahayag ba natin ang ating pagsang-ayon, anupat pinapupurihan sila sa kanilang mga pagsisikap?
20. Bakit masasabi na bawat miyembro ng kongregasyon ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa kongregasyon?
20 Ikaw ba ay may asawa, binata o dalaga, o isang nagsosolong magulang? Isa ka bang ulilang batang lalaki o batang babae, o isang balo? Maraming taon ka na bang nakikisama sa kongregasyon o kamakailan ka lamang nagsimulang makisama? Makatitiyak ka na ang iyong tapat na halimbawa ay nakapagpapatibay-loob sa aming lahat. At kapag nakikisama ka sa pag-awit ng awiting pang-Kaharian, kapag nagkokomento ka o gumaganap ng atas ng isang estudyante sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, ang iyong nagagawa ay nakadaragdag sa aming kagalakan. Ang higit na mahalaga, nagdudulot ito ng kagalakan sa puso ni Jehova.
21. Marami tayong dahilan upang gawin ang ano, ngunit anong mga katanungan ang bumabangon?
21 Oo, maging sa maligalig na mga panahong ito, maaari tayong magalak sa pagsamba sa ating maligayang Diyos. Marami tayong dahilan upang tumugon sa pampatibay-loob ni Pablo: “Patuloy kayong magsaya, . . . at ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay sasainyo.” (2 Corinto 13:11) Subalit, paano kung napapaharap tayo sa likas na kasakunaan, pag-uusig, o matinding kahirapan sa buhay? Posible ba na mapanatili ang ating kagalakan maging sa gayong mga kalagayan? Bumuo ng iyong sariling mga konklusyon habang isinasaalang-alang ang sumusunod na artikulo.
[Talababa]
a Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 119, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Masasagot Mo Ba?
• Paano inilarawan ang kagalakan?
• Paanong ang pagpapanatili ng isang positibong saloobin ay tumutulong sa atin na manatiling nagagalak?
• Ano ang makatutulong sa atin upang magkaroon ng positibong pangmalas sa teritoryo ng ating kongregasyon?
• Sa anu-anong paraan mo pinahahalagahan ang mga kapatid sa inyong kongregasyon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 10]
Maaaring magbago ang mga tao sa ating teritoryo
[Larawan sa pahina 12]
Anong mga hamon ang napapaharap sa mga kabilang sa inyong kongregasyon?