Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Naging Napakabuti ni Jehova sa Akin!”

“Naging Napakabuti ni Jehova sa Akin!”

“Naging Napakabuti ni Jehova sa Akin!”

ISANG lubhang kaayaayang gabi noong Marso 1985, ipinagdiwang ng mga lalaki at babae sa Writing Department ng punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York, E.U.A., ang isang mahalagang pangyayari. Nakapaglingkod na noon si Karl F. Klein ng 60 taon sa buong-panahong ministeryo. Masiglang sinabi ni Brother Klein: “Naging napakabuti ni Jehova sa akin!” Sinabi niya na ang Awit 37:4 ay paborito niyang teksto sa Bibliya. Nang maglaon, nalugod ang lahat nang tugtugin niya ang kaniyang cello.

Sa loob ng sumunod na 15 taon, nagpatuloy si Brother Klein sa paggawa bilang miyembro ng grupo ng mga manunulat at sa paglilingkod sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos, noong Enero 3, 2001, sa edad na 95, buong-katapatang natapos ni Karl Klein ang kaniyang buhay sa lupa.

Si Karl ay isinilang sa Alemanya. Ang kaniyang pamilya ay lumipat sa Estados Unidos, at lumaki si Karl sa isang arabal ng Chicago, Illinois. Noong bata pa sila, kapuwa sina Karl at ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki na si Ted ay naging lubhang interesado sa Bibliya. Si Karl ay nabautismuhan noong 1918, at ang kapana-panabik na mga bagay na narinig niya sa isang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya noong 1922 ang pumukaw sa kaniyang panghabang-buhay na pag-ibig sa ministeryo sa larangan. Hindi niya nais na lumipas ang isang linggo nang hindi siya nakababahagi sa gawaing pangangaral, na ginagawa pa ito maging sa mga huling linggo ng kaniyang buhay.

Si Karl ay naging miyembro ng mga manggagawa sa punong-tanggapan noong 1925, kung saan nagtrabaho muna siya sa palimbagan. Talagang hilig niya ang musika, at sa loob ng ilang taon ay tumugtog siya ng cello sa isang orkestra na bahagi sa Kristiyanong mga palatuntunan sa radyo. Pagkatapos nito, nagtrabaho siya sa Service Department, at partikular siyang nasiyahan sa pakikipagsamahan sa tagapangasiwa nito, si T. J. Sullivan. Samantala, si Ted ay nag-asawa at pumasok sa paglilingkurang misyonero sa Puerto Rico kasama ang kaniyang kabiyak na si Doris.

Sa loob ng kalahating siglo, nagtrabaho si Karl Klein sa Writing Department, kung saan malaki ang kaniyang naitulong sapagkat mahilig siyang magsaliksik at malalim ang kaniyang kaalaman sa Bibliya. Noong 1963, pinakasalan ni Karl si Margareta, isang misyonerang Aleman na naglilingkod sa Bolivia. Sa pamamagitan ng maibiging suporta nito, lalo na nang makaranas si Karl ng mga suliranin sa kalusugan, naging mabunga ang buhay niya kahit lampas na siya sa karaniwang edad ng pagreretiro. Ang likas na pagkaprangka ni Karl, lakip na ang kasiglahan ng isang musikero, ay nakatulong upang makapagbigay siya ng mga di-malilimutang pahayag sa mga kongregasyon at sa mga kombensiyon. Hindi pa natatagalan bago siya mamatay, pinangasiwaan niya ang isang pang-umagang pagtalakay sa teksto para sa malaking pamilyang Bethel sa New York, na nagdulot naman ng kasiyahan at kapakinabangan sa lahat.

Maraming regular na mga mambabasa ng Ang Bantayan ang makaaalaala sa talambuhay ni Brother Klein, isang kaakit-akit na salaysay ng kaniyang mga karanasan na inilathala sa isyu ng Oktubre 1, 1984. Masisiyahan ka sa pagbabasa o sa muling pagbabasa sa salaysay na iyon, habang isinasaisip na ang manunulat nito ay gumugol pa ng isa’t kalahating dekada bilang isang tapat at taimtim na Kristiyano.

Bilang isa sa mga pinahiran ng Panginoon, buong-pusong hangarin ni Brother Klein na mamahalang kasama ni Kristo sa langit. Taglay natin ang lahat ng dahilan upang maniwala na binigyang-katuparan na ngayon ni Jehova ang hangaring iyon.​—Lucas 22:28-30.

[Larawan sa pahina 31]

Si Karl noong 1943 kasama si T. J. Sullivan at sina Ted at Doris

[Larawan sa pahina 31]

Sina Karl at Margareta, Oktubre 2000