Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtulong sa mga Babaing Balo sa mga Pagsubok na Dinaranas Nila

Pagtulong sa mga Babaing Balo sa mga Pagsubok na Dinaranas Nila

Pagtulong sa mga Babaing Balo sa mga Pagsubok na Dinaranas Nila

ANG isa sa pinakatanyag na kuwento tungkol sa mga babaing balo ay ang ulat ng Bibliya tungkol kay Ruth at sa kaniyang biyenan na si Noemi. Parehong balo ang mga babaing ito. Ngunit hindi lamang asawa ang nawala kay Noemi kundi pati ang kaniyang dalawang anak na lalaki, na ang isa sa kanila ay naging asawa ni Ruth. Dahil nakatira sila sa isang lipunang agrikultural na lubhang umaasa sa kalalakihan nito, ang situwasyon nila ay talagang kalunus-lunos.​—Ruth 1:1-5, 20, 21.

Gayunman, si Noemi ay may natatanging kaibigan at mang-aaliw sa katauhan ng kaniyang manugang na si Ruth, na tumangging humiwalay sa kaniya. Nang maglaon, si Ruth ay napatunayang “mas mabuti [kay Noemi] kaysa sa pitong anak na lalaki”​—hindi lamang dahil sa kaniyang masidhing pag-ibig kay Noemi kundi dahil din sa pag-ibig niya sa Diyos. (Ruth 4:15) Nang imungkahi ni Noemi na bumalik na si Ruth sa kaniyang Moabitang pamilya at mga kaibigan, tumugon si Ruth sa pamamagitan ng isa sa pinakamakabagbag-damdaming kapahayagan ng katapatan na naisulat kailanman: “Kung saan ka paroroon ay paroroon ako, at kung saan ka magpapalipas ng gabi ay magpapalipas ako ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos. Kung saan ka mamamatay ay mamamatay ako, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin sa akin ni Jehova at dagdagan pa iyon kung may anumang bagay maliban sa kamatayan na maghiwalay sa akin at sa iyo.”​—Ruth 1:16, 17.

Ang saloobin ni Ruth ay hindi nalingid sa Diyos na Jehova. Pinagpala niya ang munting sambahayan nina Noemi at Ruth, at nang maglaon ay napangasawa ni Ruth ang Israelitang si Boaz. Ang kanilang anak, na naging ninuno ni Jesu-Kristo, ay inalagaan ni Noemi na parang sarili niyang anak. Ang kasaysayang ito ay isang halimbawa ng pagmamahal ni Jehova sa mga balo na lumalapit sa kaniya at nagtitiwala sa kaniya. Bukod pa riyan, sinasabi sa atin ng Bibliya na pinahahalagahan niya yaong mga maibiging tumutulong sa mga babaing balo sa mga pagsubok na dinaranas nila. Kaya paano natin masusuportahan ngayon ang kasama nating mga balo?​—Ruth 4:13, 16-22; Awit 68:5.

Espesipiko Ngunit Hindi Dominante

Kapag nag-aalok ng tulong sa isang balo, makabubuting maging malinaw at espesipiko ngunit hindi naman dominante. Iwasan ang malalabong pananalita na gaya ng, “Sabihin mo lang sa akin kung may kailangan ka.” Halos katumbas iyan ng pagsasabing, ‘Magpainit ka at magpakabusog’ sa isa na giniginaw at nagugutom at pagkatapos ay wala namang ginagawa upang makatulong. (Santiago 2:16) Maraming tao ang hindi humihingi ng tulong kapag may kailangan sila; sa halip, tahimik na lamang silang nagdurusa. Kailangan ang kaunawaan upang matulungan ang gayong mga tao, anupat pinakikiramdaman kung ano ang kanilang mga pangangailangan. Sa kabilang dako naman, ang labis na pagkukusa​—anupat waring pinangungunahan na ang buhay ng balo​—ay maaaring magdulot ng hinanakit o di-pagkakasundo. Kaya idiniriin ng Bibliya ang pangangailangang maging timbang sa pakikitungo natin sa iba. Bagaman hinihimok tayong magpakita ng di-mapag-imbot na personal na interes sa mga tao, pinaaalalahanan tayo nito na huwag maging mapakialam.​—Filipos 2:4; 1 Pedro 4:15.

Nagpakita si Ruth ng gayong timbang na saloobin kay Noemi. Bagaman may-katapatan siyang pumisan sa kaniyang biyenan, hindi siya naging mapaggiit o dominante sa kaniya. Gumawa siya ng makatuwirang mga pagkukusa, gaya ng paghahanap ng makakain nila ni Noemi, ngunit sinunod din niya ang mga tagubilin ni Noemi.​—Ruth 2:2, 22, 23; 3:1-6.

Siyempre pa, maaaring nagkakaiba-iba ang pangangailangan ng mga balo. Si Sandra, na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Nasa akin ang kinailangan ko sa aking pagdadalamhati​—napakababait at mapagmahal na mga kaibigan na nag-iipun-ipon sa palibot ko.” Si Elaine naman, na nabanggit din kanina, ay nangailangan ng panahong mapag-isa. Kaya ang pagiging matulungin ay humihiling ng pang-unawa at pagiging timbang anupat iginagalang ang personal na buhay ng iba at handa ring tumulong kung kinakailangan.

Suporta Mula sa Pamilya

Malaki ang magagawa ng isang magiliw at mapagmahal na pamilya, kung mayroon, upang ipadama sa isang balo na mapagtatagumpayan niya ang kaniyang kalagayan. Bagaman ang ilang miyembro ng pamilya ay makapaglalaan ng mas malaking tulong kaysa sa iba, lahat ay maaaring makibahagi. “Kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, matuto muna ang mga ito na magsagawa ng makadiyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na magbayad ng kaukulang kagantihan sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.”​—1 Timoteo 5:4.

Sa maraming kaso, maaaring hindi kailangan ang pinansiyal na tulong o “kagantihan.” Ang ilang balo ay may sapat na pondo upang maipantustos sa kanilang mga pangangailangan, at ang iba ay kuwalipikado para sa mga benepisyo ng gobyerno, na makukuha sa ilang lupain. Ngunit kapag ang mga balo ay nangangailangan, dapat tumulong ang mga miyembro ng pamilya. Kung ang isang balo ay walang malapit na kamag-anak na maglalaan ng suporta o ang gayong mga kamag-anak ay walang kakayahang tumulong, hinihimok ng Kasulatan ang mga kapananampalataya na tulungan siya: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.”​—Santiago 1:27.

Yaong mga sumusunod sa mga simulaing ito ng Bibliya ay talagang ‘nagpaparangal sa mga babaing balo.’ (1 Timoteo 5:3) Sa diwa, ang pagpaparangal sa isang tao ay nangangahulugan ng pagpapakita ng paggalang sa isang iyon. Ang mga taong pinararangalan ay nakadarama na sila’y pinahahalagahan, minamahal, may dignidad. Hindi nila nadarama na tinutulungan lamang sila ng iba dahil sa obligasyon. Si Ruth, bagaman isa ring balo nang maikling panahon, ay tunay na nagparangal kay Noemi sa pamamagitan ng kusang-loob at maibiging pagtiyak na natutugunan ang pisikal at emosyonal na mga pangangailangan ni Noemi. Sa katunayan, mabilis na nagtamo si Ruth ng mabuting reputasyon dahil sa kaniyang saloobin, anupat sinabi sa kaniya ng lalaking mapapangasawa niya: “Ang lahat ng nasa lunsod ng aking bayan ay nakababatid na ikaw ay isang mahusay na babae.” (Ruth 3:11, talababa sa Ingles) Gayundin, dahil sa pag-ibig ni Noemi sa Diyos, sa kaniyang pagiging di-mapaghanap, at sa malaking pagpapahalaga niya sa mga pagsisikap ni Ruth alang-alang sa kaniya, walang-pagsalang ikinalugod ni Ruth na tulungan siya. Tunay na isang mainam na halimbawa si Noemi sa mga balo sa ngayon!

Maging Malapít sa Diyos

Siyempre pa, hindi mapupunan ng mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ang kawalan na idinulot ng pagkamatay ng isang kabiyak. Dahil dito, mahalaga na ang namatayan ay lalo nang maging malapít sa ‘Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’ (2 Corinto 1:3, 4) Isaalang-alang ang halimbawa ni Ana, isang taimtim na balo na 84 na taóng gulang nang ipanganak si Jesus.

Nang mamatay ang asawa ni Ana pitong taon pa lamang ang nakalilipas matapos silang ikasal, bumaling siya kay Jehova ukol sa kaaliwan. “Hindi [siya] kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.” (Lucas 2:36, 37) Tumugon ba si Jehova sa makadiyos na debosyon ni Ana? Oo! Ipinakita niya kay Ana ang kaniyang pag-ibig sa lubhang katangi-tanging paraan nang pahintulutan niyang makita nito ang sanggol na sa paglaki ay magiging Tagapagligtas ng sanlibutan. Gayon na lamang ang idinulot nitong tuwa at kaaliwan kay Ana! Maliwanag na naranasan niya ang katotohanan sa Awit 37:4: ‘Magkaroon ka ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.’

Kumikilos ang Diyos sa Pamamagitan ng mga Kapuwa Kristiyano

Sinabi ni Elaine: “Sa loob ng mahabang panahon pagkamatay ni David, may nadarama akong kirot sa katawan, parang kutsilyo na pumipihit sa aking tadyang. Ang akala ko ay hindi ako natutunawan. Isang araw ay lubhang tumindi ang kirot anupat inakala kong kailangan kong magpunta sa doktor. Isang may-kaunawaang espirituwal na sister at kaibigan ang nagsabi na baka ang aking pagdadalamhati ang isang dahilan nito at hinimok akong humingi kay Jehova ng tulong at kaaliwan. Noon din mismo ay sinunod ko ang kaniyang payo at nanalangin ako nang tahimik at taos-puso, na hinihiling kay Jehova na palakasin ako sa aking pamimighati. At talagang pinalakas niya ako!” Nagsimulang makadama ng ginhawa si Elaine, at di-nagtagal ay nawala pati ang kirot sa kaniyang katawan.

Ang matatanda sa kongregasyon ay lalo nang maaaring may-kabaitang makipagkaibigan sa mga namimighating balo. Sa pamamagitan ng paglalaan ng regular na espirituwal na suporta at kaaliwan sa paraang mataktika at may kaunawaan, matutulungan sila ng matatanda na manatiling malapít kay Jehova sa kabila ng mga pagsubok na dinaranas nila. Kung kinakailangan, makatutulong din ang matatanda sa pagsasaayos ng materyal na tulong. Ang gayong madamayin at may-kaunawaang matatanda ay talagang nagiging “taguang dako sa hangin.”​—Isaias 32:2; Gawa 6:1-3.

Permanenteng Kaaliwan Mula sa Bagong Hari ng Lupa

Ang isa na ikinagalak ni Ana na makita mga dalawang libong taon na ang nakalilipas ay Mesiyanikong Hari na ngayon ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Malapit nang alisin ng pamahalaang ito ang lahat ng sanhi ng kalungkutan, pati na ang kamatayan. May kinalaman dito, sinasabi sa Apocalipsis 21:3, 4: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Napansin mo bang tinukoy sa bahaging ito ang “sangkatauhan”? Oo, ang mga tao ay palalayain mula sa kamatayan at sa lahat ng pagdadalamhati at paghiyaw na dulot nito.

Ngunit may iba pang mabuting balita! Ipinangangako rin ng Bibliya ang pagkabuhay-muli ng mga patay. “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang [kay Jesus] tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Katulad ni Lazaro, na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay, lalabas sila bilang mga tao, hindi bilang mga espiritung nilalang. (Juan 11:43, 44) Pagkatapos nito, yaong mga ‘gagawa ng mabubuting bagay’ ay pasasapitin sa kasakdalan ng tao at personal na makararanas ng makaamang pangangalaga ni Jehova habang ‘binubuksan niya ang kaniyang kamay at sinasapatan ang nasa ng bawat bagay na may buhay.’​—Awit 145:16.

Ang mga namatayan ng mahal sa buhay na nananampalataya sa tiyak na pag-asang ito ay nakadarama na ito’y pinagmumulan ng malaking kaaliwan. (1 Tesalonica 4:13) Kaya kung ikaw ay isang balo, tiyaking ‘manalangin nang walang lubay’ ukol sa kaaliwan at tulong na kailangan mo sa araw-araw upang madala mo ang iyong iba’t ibang pasanin. (1 Tesalonica 5:17; 1 Pedro 5:7) At maglaan ka ng panahon sa bawat araw sa pagbabasa ng Salita ng Diyos upang maaliw ka ng mga kaisipan ng Diyos. Kung gagawin mo ang mga bagay na ito, personal mong mararanasan kung paanong sa kabila ng lahat ng pagsubok at hamon na kinakaharap mo bilang isang balo, talagang matutulungan ka ni Jehova na makasumpong ng kapayapaan.

[Blurb sa pahina 5]

Ang pagiging matulungin ay humihiling ng pagiging timbang anupat iginagalang ang personal na buhay ng iba at handa ring tumulong kung kinakailangan

[Larawan sa pahina 7]

Pinagpala ng Diyos ang matanda nang balo na si Ana