Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panatilihin ang Iyong Kagalakan sa Paglilingkod kay Jehova

Panatilihin ang Iyong Kagalakan sa Paglilingkod kay Jehova

Panatilihin ang Iyong Kagalakan sa Paglilingkod kay Jehova

“Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!”​—FILIPOS 4:4.

1, 2. Paano napanatili ng isang kapatid na lalaki at ng kaniyang pamilya ang kanilang kagalakan bagaman nawala ang lahat ng kanilang pag-aari?

 SI James, isang 70-taóng-gulang na Kristiyanong naninirahan sa Sierra Leone, ay puspusang nagpagal sa buong buhay niya. Gunigunihin ang kaniyang kagalakan nang sa wakas ay makaipon siya nang sapat na salapi upang makabili ng isang simpleng bahay na may apat na silid! Subalit, makalipas ang ilang panahon matapos lumipat doon sina James at ang kaniyang pamilya, sumiklab ang digmaang sibil sa bansang iyon, at ang kanilang bahay ay lubusang natupok sa apoy. Nawala ang kanilang bahay, ngunit hindi nawala ang kanilang kagalakan. Bakit?

2 Pinanatili nina James at ng kaniyang pamilya na nakatuon ang kanilang isipan, hindi sa nawala sa kanila, kundi sa taglay pa nila. Nagpaliwanag si James: “Maging sa panahon ng kakilabutan, nagdaos kami ng mga pulong, nagbasa ng Bibliya, nanalangin nang sama-sama, at namahagi sa iba ng kaunting tinataglay namin. Napanatili namin ang aming kagalakan dahil nagtuon kami ng pansin sa kamangha-manghang kaugnayan na taglay namin kay Jehova.” Dahil iniisip ang mga pagpapalang taglay nila, na ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagkakaroon ng malapit na personal na kaugnayan kay Jehova, nagawa ng tapat na mga Kristiyanong ito na ‘patuloy na magsaya.’ (2 Corinto 13:11) Sabihin pa, hindi madaling batahin ang kanilang napakahirap na kalagayan. Ngunit hindi sila humintong magsaya kay Jehova.

3. Paano napanatili ng ilang sinaunang Kristiyano ang kanilang kagalakan?

3 Ang sinaunang mga Kristiyano ay napaharap sa mga pagsubok na katulad niyaong naranasan nina James at ng kaniyang pamilya. Gayunman, isinulat ni apostol Pablo ang mga salitang ito sa mga Hebreong Kristiyano: “May kagalakang tinanggap [ninyo] ang pandarambong sa inyong mga ari-arian.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Pablo ang pinagmumulan ng kanilang kagalakan: “Sa pagkaalam na kayo nga ay mayroong mas mabuti at namamalaging pag-aari.” (Hebreo 10:34) Oo, ang mga Kristiyanong iyon noong unang siglo ay may makapangyarihang pag-asa. May pagtitiwala silang umasa na matatanggap nila ang isang bagay na hindi maaaring dambungin​—ang di-kumukupas na “korona ng buhay” sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 2:10) Sa ngayon, ang ating Kristiyanong pag-asa​—sa langit man ito o sa lupa​—ay makatutulong sa atin upang mapanatili ang ating kagalakan kahit na mapaharap tayo sa mga kahirapan.

“Magsaya Kayo sa Pag-asa”

4, 5. (a) Bakit lubhang napapanahon para sa mga taga-Roma ang payo ni Pablo na ‘magsaya sa pag-asa’? (b) Ano ang maaaring maging dahilan upang makalimot ang isang Kristiyano sa kaniyang pag-asa?

4 Pinasigla ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya sa Roma na ‘magsaya sa pag-asa’ ng buhay na walang hanggan. (Roma 12:12) Iyon ay napapanahong payo para sa mga taga-Roma. Wala pang isang dekada matapos sumulat sa kanila si Pablo, dumanas sila ng matinding pag-uusig, at ang ilan ay pinahirapan hanggang sa mamatay dahil sa utos ni Emperador Nero. Ang kanilang pananampalataya na ibibigay ng Diyos sa kanila ang ipinangakong korona ng buhay ay tiyak na nagpalakas sa kanila sa kanilang pagdurusa. Kumusta naman tayo sa ngayon?

5 Bilang mga Kristiyano, inaasahan din natin na tayo’y pag-uusigin. (2 Timoteo 3:12) Bukod dito, alam natin na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay sumasapit sa ating lahat. (Eclesiastes 9:11) Maaaring kitlin ng isang aksidente ang buhay ng minamahal natin. Maaaring mamatay ang isang magulang o isang matalik na kaibigan dahil sa isang malubhang sakit. Malibang panatilihin natin na lubusang nakatuon ang ating pansin sa pag-asa ng Kaharian, maaaring manganib tayo sa espirituwal kapag nangyari ang gayong mga pagsubok. Kasuwato nito, makabubuting tanungin natin ang ating sarili, ‘Ako ba ay “nagsasaya sa pag-asa”? Gaano ako kadalas nag-uukol ng panahon upang bulay-bulayin ito? Totoong-totoo ba sa akin ang dumarating na Paraiso? Nakikini-kinita ko ba ang aking sarili na naroon? Nananabik pa rin ba ako sa pagdating ng wakas ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay na gaya noong una kong malaman ang katotohanan?’ Ang huling tanong na ito ay kailangang pag-isipang mabuti. Bakit? Dahil kung tayo ay may mabuting kalusugan, kumikita nang malaki, at naninirahan sa isang panig ng lupa na waring hindi apektado ng digmaan, kakapusan sa pagkain, o likas na mga kasakunaan, maaaring tayo​—kahit sa mga sandaling ito man lamang​—ay makalimot sa apurahang pangangailangan na dumating ang bagong sanlibutan ng Diyos.

6. (a) Nang dumanas ng kapighatian sina Pablo at Silas, sa ano nila itinuon ang kanilang isipan? (b) Paano tayo mapatitibay-loob sa ngayon ng halimbawa nina Pablo at Silas?

6 Pinayuhan pa ni Pablo ang mga taga-Roma na ‘magbata sa ilalim ng kapighatian.’ (Roma 12:12) Alam na alam ni Pablo ang kapighatian. Minsan, nakita niya sa isang pangitain ang isang lalaki na nag-anyaya sa kaniya na ‘tumawid sa Macedonia’ upang tulungan ang mga tao roon na malaman ang tungkol kay Jehova. (Gawa 16:9) Agad-agad, si Pablo, kasama sina Lucas, Silas, at Timoteo, ay naglayag patungong Europa. Ano ang naghihintay sa masisigasig na misyonerong iyon? Kapighatian! Pagkatapos nilang mangaral sa lunsod ng Filipos sa Macedonia, sina Pablo at Silas ay pinaghahampas at ibinilanggo. Maliwanag, ang ilang mamamayan ng Filipos ay hindi lamang walang interes sa mensahe ng Kaharian​—matindi ang kanilang pagsalansang dito. Ang mga pangyayari bang ito ay naging dahilan upang mawala ang kagalakan ng masisigasig na misyonerong ito? Hindi. Matapos silang bugbugin at ibilanggo, “nang bandang kalagitnaan ng gabi, sina Pablo at Silas ay nananalangin at pumupuri sa Diyos sa pamamagitan ng awit.” (Gawa 16:25, 26) Sabihin pa, ang kirot na dulot ng pambubugbog ay hindi nagpagalak kina Pablo at Silas, subalit hindi iyon ang pinagtuunan ng pansin ng dalawang misyonero. Ang kanilang isipan ay nakasentro kay Jehova at sa mga paraan na sa pamamagitan niyaon ay pinagpapala niya sila. Dahil sa may-kagalakang ‘pagbabata sa ilalim ng kapighatian,’ sina Pablo at Silas ay nagsilbing maiinam na halimbawa para sa kanilang mga kapatid sa Filipos at sa iba pang dako.

7. Bakit dapat na ilakip ang pasasalamat sa ating mga panalangin?

7 Sumulat si Pablo: “Magmatiyaga kayo sa pananalangin.” (Roma 12:12) Nananalangin ka ba kapag nababalisa ka? Ano ang ipinananalangin mo? Malamang na binabanggit mo ang iyong espesipikong problema at humihiling ka ng tulong kay Jehova. Ngunit maaari mo ring ilakip ang mga kapahayagan ng pasasalamat sa mga pagpapalang tinatamasa mo. Kapag bumabangon ang mga problema, ang pagdidili-dili sa kabutihan ni Jehova sa kaniyang pakikitungo sa atin ay tumutulong upang tayo ay ‘magsaya sa pag-asa.’ Si David, na ang buhay ay punô ng problema, ay sumulat: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin; walang sinumang maihahambing sa iyo. Naisin ko mang saysayin at salitain ang tungkol sa mga iyon, ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.” (Awit 40:5) Gaya ni David, kung lagi nating bubulay-bulayin ang mga pagpapala na tinatanggap natin mula kay Jehova, masusumpungan natin na imposibleng hindi tayo magagalak.

Panatilihin ang Isang Positibong Saloobin

8. Ano ang tumutulong sa isang Kristiyano na manatiling maligaya kapag dumaranas ng pag-uusig?

8 Pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na panatilihin ang isang positibong saloobin kapag napapaharap sila sa iba’t ibang pagsubok. Sinabi niya: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin.” (Mateo 5:11) Ano ang dahilan natin para maging maligaya sa ilalim ng gayong mga kalagayan? Ang ating kakayahang matagalan ang pagsalansang ay katunayan na nasa atin ang espiritu ni Jehova. Sinabi ni apostol Pedro sa mga kapuwa Kristiyano noong kaniyang kapanahunan: “Kung dinudusta kayo dahil sa pangalan ni Kristo, kayo ay maligaya, sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian, ang espiritu mismo ng Diyos, ay namamalagi sa inyo.” (1 Pedro 4:13, 14) Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, tutulungan din tayo ni Jehova na makapagbata at, bilang resulta, mapanatili ang ating kagalakan.

9. Ano ang nakatulong sa ilang kapatid upang masumpungan ang mga dahilan para magalak nang nakabilanggo sila dahil sa kanilang pananampalataya?

9 Kahit na tayo ay nasa kalunus-lunos na mga kalagayan, makasusumpong tayo ng mga dahilan para magsaya. Nasumpungan ng isang Kristiyanong nagngangalang Adolf na totoo ito. Naninirahan siya sa isang bansa kung saan ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon. Sina Adolf at ang iba pa niyang mga kasamahan ay inaresto at sinentensiyahang mabilanggo nang mahabang panahon dahil hindi nila itinakwil ang kanilang salig-Bibliyang mga paniniwala. Mahirap ang buhay sa bilangguan, ngunit gaya nina Pablo at Silas, sina Adolf at ang kaniyang mga kasamahan ay nakasumpong ng mga dahilan upang magpasalamat sa Diyos. Sabi nila, ang kanilang karanasan sa bilangguan ay tumulong sa kanila na mapatibay ang kanilang pananampalataya at malinang ang mahahalagang katangiang Kristiyano, tulad ng pagkabukas-palad, empatiya, at pagmamahal na pangkapatid. Halimbawa, kapag nakatanggap ng padala ang isang bilanggo mula sa bahay, ibinabahagi niya ang nilalaman nito sa mga kapananampalataya, na sa pangmalas ng mga ito, ang ekstrang mga paglalaang ito ay galing kay Jehova, ang sukdulang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at [ng] bawat sakdal na regalo.” Ang gayong mga gawa ng kabaitan ay nagdulot ng kagalakan kapuwa sa nagbibigay at sa mga tumatanggap. Kaya ang mismong karanasan na nilayong sumira sa kanilang pananampalataya ang sa katunayan ay lalong nagpalakas sa kanila sa espirituwal!​—Santiago 1:17; Gawa 20:35.

10, 11. Paano hinarap ng isang kapatid na babae ang walang-humpay na pagtatanong na sinundan ng matagal na pagkakabilanggo?

10 Si Ella, na naninirahan din sa isang bansa na doo’y matagal nang ipinagbawal ang gawaing pang-Kaharian, ay inaresto dahil ibinabahagi niya sa iba ang kaniyang Kristiyanong pag-asa. Sa loob ng walong buwan, pinagtatanong siya nang walang-humpay. Nang sa wakas ay litisin siya, sinentensiyahan siya ng sampung taon sa bilangguan na doo’y walang ibang mananamba ni Jehova. Si Ella ay 24 na taóng gulang lamang nang panahong iyon.

11 Siyempre, hindi inasam ni Ella na gugugulin niya ang kalakhang bahagi ng kaniyang pagiging kabataang adulto sa isang selda ng bilangguan. Ngunit yamang hindi niya mababago ang kaniyang kalagayan, ipinasiya niyang baguhin ang kaniyang pangmalas. Kasuwato nito, sinimulan niyang malasin ang bilangguan bilang ang kaniyang sariling teritoryo sa pagpapatotoo. “Napakaraming pangangaral na dapat gawin,” ang sabi niya, “anupat mabilis na lumipas ang mga taon.” Pagkalipas ng mahigit na limang taon, si Ella ay muling pinagtatanong. Nang matanto na hindi nasira ng mga rehas ng bilangguan ang kaniyang pananampalataya, sinabi sa kaniya ng mga tagapagtanong: “Hindi ka namin puwedeng palayain; hindi ka pa nagbago.” “Ngunit nagbago na ako!” ang matatag na tugon ni Ella. “Mas mabuti ang saloobin ko ngayon kaysa nang una akong mabilanggo, at ang pananampalataya ko ay mas matibay kaysa sa dati!” At idinagdag pa niya: “Kung ayaw ninyo akong palayain, mananatili ako hanggang sa mabutihin ni Jehova na palayain ako.” Ang lima at kalahating taon na pagkakabilanggo ay hindi nakapag-alis sa kagalakan ni Ella! Natuto siyang masiyahan sa anumang kalagayan na kasadlakan niya. May matututuhan ka ba sa kaniyang halimbawa?​—Hebreo 13:5.

12. Ano ang makapagdudulot ng kapayapaan ng isip sa isang Kristiyano na nasa mahirap na mga kalagayan?

12 Huwag kang maghinuha na si Ella ay nagtataglay ng isang di-karaniwang kaloob na nagpapangyari sa kaniya na maharap ang gayong mga hamon. Nang tinutukoy ang panahon ng pagtatanong na naranasan niya sa loob ng maraming buwan bago niya natanggap ang kaniyang sentensiya, inamin ni Ella: “Natatandaan ko pa na nangangatog ang aking mga ngipin, at sa pakiramdam ko ay para akong ibong maya na takót na takót.” Gayunman, si Ella ay may matibay na pananampalataya kay Jehova. Natutuhan niya na maglagak ng tiwala sa kaniya. (Kawikaan 3:5-7) Bilang resulta, naging mas tunay sa kaniya ang Diyos kaysa noong dati. Ipinaliwanag niya: “Tuwing papasok ako sa silid-tanungan, nakadarama ako ng kapayapaan. . . . Mientras nakatatakot ang situwasyon, lalong sumisidhi ang kapayapaan ko.” Si Jehova ang pinagmumulan ng kapayapaang iyon. Nagpaliwanag si apostol Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”​—Filipos 4:6, 7.

13. Ano ang tumitiyak sa atin na kapag napaharap tayo sa kapighatian, magkakaroon tayo ng lakas upang mabata iyon?

13 Si Ella, na mula noon ay nakalaya na, ay nakapanatiling nagagalak sa kabila ng kahirapan. Nagawa niya ito, hindi dahil sa kaniyang sariling lakas, kundi dahil sa lakas na ibinigay ni Jehova sa kaniya. Totoo rin ito kay apostol Pablo, na sumulat: “Kaya buong lugod pa nga akong maghahambog may kinalaman sa aking mga kahinaan, upang ang kapangyarihan ng Kristo ay manatiling tulad ng isang tolda sa ibabaw ko. . . . Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.”​—2 Corinto 12:9, 10.

14. Ilarawan kung paano magkakaroon ang isang Kristiyano ng positibong pangmalas hinggil sa isang pagsubok at kung ano ang maaaring maging resulta nito.

14 Ang mga panggigipit na personal na nararanasan mo sa ngayon ay maaaring naiiba sa mga isinaalang-alang natin dito. Gayunman, anumang uri ang mga ito, mahirap batahin ang mga panggigipit. Halimbawa, baka ang iyong amo ay labis na mapamintas sa iyong trabaho​—anupat labis-labis kaysa sa pagpintas niya sa trabaho ng mga empleado na kabilang sa ibang relihiyon. Maaaring hindi posible para sa iyo na maghanap ng ibang trabaho. Paano mo mapananatili ang iyong kagalakan? Alalahanin sina Adolf at ang kaniyang mga kasamahan, na natutong maglinang ng mahahalagang katangian dahil sa kanilang karanasan sa bilangguan. Kung gagawa ka ng taimtim na pagsisikap upang mabigyang-kasiyahan ang iyong amo​—maging ang isa na “mahirap palugdan”​—malilinang mo ang mga katangiang Kristiyano na gaya ng pagbabata at mahabang-pagtitiis. (1 Pedro 2:18) Bukod dito, maaari kang maging mas mahalagang empleado, na magpapalaki sa iyong tsansa na makakuha ng mas kasiya-siyang trabaho balang araw. Talakayin natin ngayon ang ilan pang paraan upang mapanatili natin ang ating kagalakan sa paglilingkod kay Jehova.

Ang Pagpapasimple sa Iyong Buhay ay Umaakay sa Kagalakan

15-17. Ano ang nalaman ng isang mag-asawa na maaaring makabawas ng kaigtingan, bagaman ang pinagmumulan nito ay hindi lubusang maaalis?

15 Maaaring wala kang gaanong mapagpipilian sa uri ng sekular na trabaho mo o sa lugar na pinagtatrabahuhan mo, ngunit maaaring may iba pang aspekto sa iyong buhay na maaari mo namang makontrol. Isaalang-alang ang sumusunod na karanasan.

16 Inanyayahan ng isang mag-asawang Kristiyano ang isang elder upang kumain sa kanilang tahanan. Nang gabing iyon, ipinagtapat ng mag-asawa na nitong mga huling araw na nagdaan ay nabibigatan sila sa mga panggigipit sa buhay. Bagaman kapuwa sila may buong-panahong trabaho na nangangailangan ng malaking panahon at pagsisikap, wala sila sa kalagayang humanap ng ibang trabaho. Iniisip nila kung hanggang kailan sila makatatagal.

17 Nang hilingan siya ng payo, tumugon ang elder, “Gawing simple ang inyong buhay.” Paano? Ang mag-asawa ay gumugugol ng hanggang sa tatlong oras araw-araw sa pagbibiyahe papunta at pauwi mula sa trabaho. Ang elder, na lubos na nakakakilala sa mag-asawa, ay nagmungkahi na pag-isipan nila ang paglipat sa lugar na mas malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan, upang mabawasan nila ang dami ng panahon na kanilang ginugugol sa pagbibiyahe papunta at pauwi mula sa trabaho bawat araw. Ang panahong matitipid ay maaaring gugulin sa pag-aasikaso sa iba pang mahahalagang bagay​—o kahit sa pamamahinga man lamang. Kung ang mga panggigipit sa buhay ay nag-aalis sa iyo ng isang antas ng kagalakan, bakit hindi suriin kung malulunasan mo iyon sa pamamagitan ng paggawa ng ilang pagbabago?

18. Bakit mahalaga na mag-isip nang mabuti bago gumawa ng mga pasiya?

18 Ang isa pang paraan upang mabawasan ang panggigipit ay ang mag-isip nang mabuti bago ka gumawa ng mga pasiya. Halimbawa, isang Kristiyano ang nagpasiyang magtayo ng isang bahay. Pinili niya ang isang napakasalimuot na disenyo, bagaman hindi pa siya nakapagtayo ng bahay noon. Natanto niya ngayon na naiwasan sana niya ang di-kinakailangang mga problema kung ‘pinag-isipan niya ang kaniyang mga hakbang’ bago pumili ng disenyo para sa kaniyang bahay. (Kawikaan 14:15) Isa namang Kristiyano ang sumang-ayon na managot sa pangungutang ng isang kapananampalataya. Ayon sa kasunduan, kung ang nangungutang ay hindi makabayad, ang tagapanagot ang obligadong magbayad. Sa simula, wala namang problema, ngunit nang maglaon ay nagsimulang sumala sa kasunduan ang nangutang. Nangamba ang nagpautang at hiniling na bayaran ng tagapanagot ang lahat ng inutang. Dahil dito ay nalagay sa matinding kagipitan ang tagapanagot. Naiwasan kaya iyon kung mas maingat niyang pinag-isipan ang lahat ng salik bago siya sumang-ayon na panagutan ang inutang?​—Kawikaan 17:18.

19. Ano ang ilang paraan upang mabawasan natin ang kaigtingan sa ating buhay?

19 Kapag napapagod tayo, huwag nating isipin kailanman na mababawasan natin ang panggigipit sa atin at matatamong muli ang ating kagalakan kung babawasan natin ang panahon sa personal na pag-aaral ng Bibliya, paglilingkod sa larangan, at pagdalo sa pulong. Aba, ang mga ito ay mahahalagang paraan upang makatanggap tayo ng banal na espiritu ni Jehova, na ang isang bunga nito ay kagalakan. (Galacia 5:22) Ang mga gawaing Kristiyano ay laging nakapagpapanariwa at karaniwan nang hindi labis na nakapapagod. (Mateo 11:28-30) Mas malamang na ang mga gawaing sekular o mga paglilibang, hindi ang mga espirituwal na gawain, ang nagiging dahilan ng ating pagkahapo. Ang pagkatutong matulog sa isang makatuwirang oras ay maaaring makatulong sa atin upang muling lumakas. Ang kaunting karagdagang pahinga ay maaaring magdulot ng malaking pakinabang. Si N. H. Knorr, na naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova hanggang sa siya ay mamatay, ay madalas magsabi noon sa mga misyonero: “Kapag nasisiraan kayo ng loob, ang unang gawin ninyo ay magpahinga. Magugulat kayo kung gaano kadaling lunasan ang halos lahat ng problema pagkatapos ng inyong mahimbing na pamamahinga sa gabi!”

20. (a) Ibuod ang ilang paraan kung paano natin mapananatili ang ating kagalakan. (b) Anong mga dahilan ang naiisip mo upang magalak? (Tingnan ang kahon sa pahina 17.)

20 Ang mga Kristiyano ay may pribilehiyong paglingkuran ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Gaya ng nakita natin, mapananatili natin ang ating kagalakan kahit na binabagabag tayo ng mabibigat na problema. Panatilihing nasa harapan natin ang pag-asa ng Kaharian, baguhin ang ating pangmalas kung kinakailangan, at panatilihing simple ang ating buhay. Kung magkagayon, anuman ang maging situwasyon natin, tutugon tayo sa mga salita ni apostol Pablo: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!”​—Filipos 4:4.

Matamang Pag-isipan ang mga Katanungang Ito:

• Bakit dapat panatilihin ng mga Kristiyano na malinaw na nakatuon ang kanilang pansin sa pag-asa ng Kaharian?

• Ano ang makatutulong sa atin na mapanatili ang ating kagalakan sa mahihirap na kalagayan?

• Bakit dapat nating pagsikapang gawing simple ang ating buhay?

• Sa anu-anong pitak ginawang simple ng ilan ang kanilang buhay?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]

Karagdagang mga Dahilan Upang Magalak

Bilang mga Kristiyano, marami tayong dahilan upang magsaya. Isaalang-alang ang sumusunod:

1. Kilala natin si Jehova.

2. Natutuhan natin ang katotohanan ng Salita ng Diyos.

3. Maaaring mapatawad ang ating mga kasalanan dahil sa ating pananampalataya sa hain ni Jesus.

4. Namamahala na ang Kaharian ng Diyos​—malapit nang dumating ang bagong sanlibutan!

5. Dinala tayo ni Jehova sa isang espirituwal na paraiso.

6. Tinatamasa natin ang kapaki-pakinabang na samahang Kristiyano.

7. Taglay natin ang pribilehiyo na makibahagi sa gawaing pangangaral.

8. Tayo ay buháy, at mayroon tayong isang sukat ng kalakasan.

Gaano pa karaming dahilan upang magalak ang maaari mong banggitin?

[Larawan sa pahina 13]

Nagalak sina Pablo at Silas kahit nasa bilangguan

[Mga larawan sa pahina 15]

Nakatuon ba ang iyong pansin sa nakagagalak na pag-asa ng bagong sanlibutan ng Diyos?