Ang Suliranin Hinggil sa Pagdurusa ng Tao
Ang Suliranin Hinggil sa Pagdurusa ng Tao
“BAKIT PO DIYOS KO BAKIT?” Ang pangunahing ulong balitang iyan ay lumitaw sa unang pahina ng isang pahayagang may malawak na sirkulasyon pagkatapos ng isang mapangwasak na lindol sa Asia Minor. Ipinakita sa katabing larawan ang isang balisang ama na buhat ang kaniyang sugatang anak na babae palabas ng kanilang gumuhong bahay.
Ang mga digmaan, taggutom, salot, at likas na sakuna ay nakapagdudulot ng labis-labis na kirot, napakaraming luha, at di-mabilang na mga namatay. Idagdag pa rito ang pagdurusa ng mga biktima ng panggagahasa, pang-aabuso sa mga bata, at iba pang mga krimen. Isaalang-alang ang malaking bilang ng mga napinsala at namatay sa mga aksidente. At naririyan ang paghihirap na nararanasan ng bilyun-bilyong tao dahil sa sakit, pagtanda, at pagkamatay ng mga minamahal.
Naranasan ng ika-20 siglo ang pinakamatinding pagdurusa kailanman. Mula noong 1914 hanggang 1918, halos sampung milyong sundalo ang namatay sa Digmaang Pandaigdig I. Sinasabi ng ilang istoryador na nakapatay rin ito ng gayundin karaming sibilyan. Noong Digmaang Pandaigdig II, mga 50 milyong sundalo at sibilyan ang napatay, kasama na rito ang milyun-milyong walang kalaban-laban na mga babae, mga bata, at matatandang lalaki. Nitong nakalipas na siglo, milyun-milyon pa ang naging biktima ng paglipol ng lahi, rebolusyon, etnikong karahasan, gutom, at karalitaan. Tinataya ng Historical Atlas of the Twentieth Century na mahigit sa 180 milyon katao ang namatay dahil sa gayong “lansakang kasamaan.”
May 20 milyon katao ang namatay sa trangkaso Espanyola noong 1918/19. Nitong huling dalawang dekada, mga 19 na milyon ang namatay dahil sa AIDS, at mga 35 milyon sa ngayon ang may virus na nagdudulot nito. Milyun-milyong bata ang nawalan ng mga magulang—namatay sa AIDS ang mga ito. At di-mabilang na mga sanggol ang namamatay sa AIDS, dahil nahawahan sila nito noong sila’y nasa sinapupunan pa.
Higit pang pagdurusa ang idinudulot sa mga bata sa iba pang mga paraan. Bilang pagbanggit sa impormasyong inilaan ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), sa pagtatapos ng 1995, sinabi ng Manchester Guardian Weekly ng Inglatera: “Sa mga digmaan noong nakalipas na dekada, 2 milyong bata ang namatay, 4-5 milyon ang nagkaroon ng kapansanan, 12 milyon ang nawalan ng tahanan, mahigit na 1 milyon ang naulila o napahiwalay sa kanilang mga magulang at 10 milyon ang nagkaroon ng trauma sa isip.” Idagdag pa rito ang tinatayang 40 hanggang 50 milyong aborsiyon sa buong daigdig—taun-taon!
Ano ang Mangyayari sa Hinaharap?
Marami ang nangangamba hinggil sa hinaharap. Sinabi ng isang pangkat ng mga siyentipiko: “Ang mga gawain ng tao . . . ay maaaring magpabago sa nabubuhay na daigdig sa isang antas anupat hindi na nito makakayang tustusan ang buhay sa paraang kinasanayan natin.”
Sinabi pa nila: “Maging sa sandaling ito, isa sa limang tao ang nabubuhay sa ganap na karalitaan at walang sapat na makain, at isa sa sampu ang dumaranas ng malubhang malnutrisyon.” Sinamantala ng mga siyentipiko ang pagkakataon upang “babalaan ang sangkatauhan sa mangyayari sa hinaharap” at nagsabi: “Isang malaking pagbabago sa pangangasiwa natin sa lupa at sa buhay na umiiral dito ang kailangan, upang maiwasan ang malawakang paghihirap ng tao at upang hindi lubusang masira ang ating pandaigdig na tahanan sa planetang ito anupat hindi na ito muling matatahanan.”Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang labis na pagdurusa at kabalakyutan? Paano niya nilalayong lunasan ang situwasyon? Kailan?
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
Itaas, silyang de-gulong: UN/DPI Photo 186410C by P.S. Sudhakaran; gitna, nagugutom na mga bata: WHO/OXFAM; ibaba, payat na payat na lalaki: FAO photo/B. Imevbore