‘Masdan! Ang Malaking Pulutong!’
‘Masdan! Ang Malaking Pulutong!’
IYON ay isang katanungan na naging palaisipan sa mga lingkod ni Jehova sa loob ng maraming dekada. Matagal nang pinagsisikapang lutasin ito sa maka-Kasulatang paraan. Ang paksa ay naging dahilan ng maraming talakayan. Ngunit ang kasagutan mula sa Bibliya ay natagpuan din sa wakas, at talagang pinanabikan ito ng mga tagapakinig ng kombensiyon sa Washington, D.C., noong taóng 1935.
Ang saligan ng pagtalakay ay isang karaniwang isyu: Ano ang pagkakakilanlan ng “lubhang karamihan” (King James Version), o “malaking pulutong” (Bagong Sanlibutang Salin), na binanggit sa Apocalipsis 7:9? Ang grupo bang ito ng mga mananampalataya ay titira sa langit?
Isang Matagal Nang Katanungan
Mula noong panahon ni apostol Juan hanggang sa ating kaarawan, naging palaisipan na sa mga Kristiyano ang pagkakakilanlan ng “lubhang karamihan.” Itinuring ng mga Estudyante ng Bibliya ang malaking pulutong bilang pangalawahing uring makalangit, isang grupo na may kaalaman sa katotohanan sa Bibliya ngunit kaunti lamang ang ginawa upang mapalaganap ito.
Gayunman, may ilang kasama ang mga pinahirang Kristiyano na naging lubhang masigasig sa gawaing pangangaral. Wala silang hangarin na magtungo sa langit. Sa katunayan, ang kanilang pag-asa ay kasuwato ng pahayag pangmadla na “Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay,” na itinampok ng bayan ni Jehova mula 1918 hanggang 1922. Ang gayong mga indibiduwal ay pagpapalain ng buhay na walang hanggan sa lupa.
Tinalakay ng The Watch Tower ng Oktubre 15, 1923 ang talinghaga ni Jesus hinggil sa mga tupa at mga kambing at sinabi: “Ang mga tupa ay kumakatawan sa lahat ng tao ng mga bansa, hindi mga inianak-sa-espiritu ngunit nakaayon sa katuwiran, na sa kanilang isipan ay kinikilala si Jesu-Kristo bilang ang Panginoon at na tumitingin at umaasa para sa isang mas mabuting panahon sa ilalim ng kaniyang pamamahala.”—Mateo 25:31-46.
Higit Pang mga Silahis ng Liwanag
Noong taóng 1931, tinalakay ng Vindication, Unang Aklat, ang Ezekiel kabanata 9 at kinilala yaong mga natatakan sa noo para sa kaligtasan sa wakas ng sanlibutan bilang ang mga tupa sa talinghaga ni Jesus. Inilarawan ng Vindication, Ikatlong Aklat (inilathala noong 1932), ang matuwid na kalagayan ng puso ng di-Israelitang lalaki na si Jehonadab, na sumakay sa karo ng pinahirang hari ng Israel na si Jehu at sumama upang makita ang sigasig ni Jehu sa pagpatay sa mga huwad na mananamba. (2 Hari 10:15-28) Ang aklat ay nagsabi: “Si Jehonadab ay kumatawan o naging aninong grupo ng mga tao na nasa lupa ngayon [na] hindi kaayon ng organisasyon ni Satanas, na naninindigan sa panig ng katuwiran, at sila ang mga ililigtas ng Panginoon sa panahon ng Armagedon, itatawid sa kapighatiang iyon, at bibigyan ng buhay na walang hanggan sa lupa. Ang mga ito ang uring ‘tupa’. ”
Noong 1934, niliwanag ng The Watchtower na ang mga Kristiyano na may makalupang pag-asa ay dapat na gumawa ng pag-aalay kay Jehova at mabautismuhan. Ang liwanag hinggil sa uring makalupang ito ay tunay na lumiliwanag nang higit at higit!—Kawikaan 4:18.
Isang Maningning na Sinag ng Kaunawaan
Ang pagkaunawa sa Apocalipsis 7:9-17 ay malapit nang suminag nang maningning noon. (Awit 97:11) Ipinahayag ng The Watchtower ang pag-asa na ang isang kombensiyon na nakaiskedyul para sa Mayo 30 hanggang Hunyo 3, 1935, sa Washington, D.C., E.U.A., ay magiging “isang tunay na kaaliwan at kapakinabangan” sa mga inilalarawan ni Jehonadab. At nagkagayon nga!
Sa isang nakapagpapakilos na pahayag Apocalipsis 7:9. (Juan 10:16) Sa pinakatampok na bahagi ng pahayag na ito, ang tagapagsalita ay humiling: “Mangyari lamang na lahat ng mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa ay magsitayo.” Nang tumayo ang malaking bahagi ng mga tagapakinig, ipinahayag ni Rutherford: “Masdan! Ang lubhang karamihan!” Nagkaroon ng katahimikan, na sinundan ng malakas na palakpakan. Nang sumunod na araw, 840 bagong mga Saksi ni Jehova ang nabautismuhan, na karamihan sa mga ito ay nagsasabing kabilang sa malaking pulutong.
na “Ang Lubhang Karamihan,” na binigkas sa halos 20,000 kombensiyonista, iniharap ni J. F. Rutherford ang maka-Kasulatang patotoo na ang makabagong panahong “ibang mga tupa” ay iyon ding “malaking pulutong” saIsang Kapansin-pansing Presensiya
Bago ang 1935, isang lumalaking bilang ng mga tumugon sa mensahe ng Bibliya at nagpakita ng sigasig sa pangangaral ng mabuting balita ang nagpahayag ng interes na mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa. Wala silang hangarin na magpunta sa langit, sapagkat hindi ipinagkaloob ng Diyos sa kanila ang pag-asa ng makalangit na buhay. Ang pagpapakilala nila sa kanilang sarili bilang kasama sa malaking pulutong ng ibang tupa ay nagpapakita na pagsapit ng 1935, ang pagtawag sa 144,000 pinahirang Kristiyano ay halos tapos na.—Apocalipsis 7:4.
Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, puspusang sinikap ni Satanas na Diyablo na pigilin ang pagtitipon sa mga bubuo sa malaking pulutong. Ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay ipinagbawal sa maraming bansa. Noong madilim na mga araw na iyon, at di-nagtagal bago siya mamatay noong Enero 1942, sinabi ni J. F. Rutherford: “Wari ngang ang ‘lubhang karamihan’ ay hindi naman pala magiging lubhang napakarami.”
Ngunit dahil sa pagpapala ng Diyos, kabaligtaran ang naganap. ‘Habang nakatayong ganap at may matibay na pananalig,’ tinutupad ng pinahiran at ng kanilang mga kasama, ang ibang mga tupa, ang atas na paggawa ng alagad. (Colosas 4:12; Mateo 24:14; 28:19, 20) Pagsapit ng 1946, ang bilang ng mga Saksi ni Jehova na nangangaral sa buong daigdig ay 176,456—na karamihan sa mga ito ay kabilang sa malaking pulutong. Noong taóng 2000, mahigit sa 6,000,000 Saksi ang matapat na naglilingkod kay Jehova sa 235 lupain—tunay na isang malaking pulutong! At ang bilang ay patuloy na dumarami.