Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kailan pinahiran ang “Banal ng Mga Banal,” gaya ng inihula sa Daniel 9:24?
Ang Daniel 9:24-27 ay isang hula tungkol sa paglitaw ng “Mesiyas na Lider”—ang Kristo. Kung gayon, ang inihulang pagpapahid sa “Banal ng Mga Banal” ay hindi tumutukoy sa pagpapahid sa Kabanal-banalang silid ng templo sa Jerusalem. Sa halip, ang pananalitang “Banal ng Mga Banal” ay tumutukoy sa makalangit na santuwaryo ng Diyos—ang makalangit na Kabanal-banalan—na nasa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. a—Hebreo 8:1-5; 9:2-10, 23.
Kailan nagsimulang gumana ang espirituwal na templo ng Diyos? Buweno, isaalang-alang ang nangyari nang iharap ni Jesus ang kaniyang sarili upang magpabautismo noong 29 C.E. Mula nang sandaling iyon sa kaniyang buhay, tinupad ni Jesus ang mga salita ng Awit 40:6-8. Nang dakong huli ay sinabi ni apostol Pablo na si Jesus ay nanalangin sa Diyos: “Ang hain at handog ay hindi mo ninais, ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin.” (Hebreo 10:5) Alam ni Jesus na ‘hindi nais’ ng Diyos na magpatuloy ang paghahandog ng mga haing hayop sa templo sa Jerusalem. Sa halip, naghanda si Jehova ng isang sakdal na katawang-tao upang ihandog ni Jesus bilang hain. Bilang pagpapahayag ng kaniyang taos-pusong pagnanais, nagpatuloy si Jesus: “Narito! Ako ay dumating (sa balumbon ng aklat ay nakasulat iyon tungkol sa akin) upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.” (Hebreo 10:7) At ano ang tugon ni Jehova? Ang Ebanghelyo ni Mateo ay nagsasabi: “Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang langit ay nabuksan, at nakita niyang bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya. Narito! May tinig din mula sa langit na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.’ ”—Mateo 3:16, 17.
Ang pagtanggap ng Diyos na Jehova sa paghaharap ng katawan ni Jesus bilang hain ay nangangahulugan na umiiral na ang isang altar na mas dakila kaysa sa literal na altar na nasa templo sa Jerusalem. Ito’y isang altar ng “kalooban” o kaayusan ng Diyos, sa pagtanggap sa buhay-tao ni Jesus bilang hain. (Hebreo 10:10) Ang pagpapahid kay Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nangangahulugan na iniluwal na ngayon ng Diyos ang kaniyang buong kaayusan para sa espirituwal na templo. b Kaya noong binabautismuhan si Jesus, ang makalangit na tahanan ng Diyos ay pinahiran, o ibinukod, bilang ang “Banal ng Mga Banal” sa kaayusan ng dakilang espirituwal na templo.
[Mga talababa]
a Para sa isang pagtalakay sa iba’t ibang bahagi ng espirituwal na templo ng Diyos, tingnan ang pahina 14-19 ng Ang Bantayan ng Hulyo 1, 1996.
b Ipinahiwatig ito sa pahina 195 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
[Larawan sa pahina 27]
Ang “Banal ng Mga Banal” ay pinahiran nang bautismuhan si Jesus