Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtatayo ng Isang Pamilyang May Matibay na Espirituwalidad

Pagtatayo ng Isang Pamilyang May Matibay na Espirituwalidad

Pagtatayo ng Isang Pamilyang May Matibay na Espirituwalidad

“Patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”​—EFESO 6:4.

1. Ano ang layunin ng Diyos sa pamilya, ngunit ano sa halip ang nangyari?

 “MAGPALAANAKIN kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” (Genesis 1:28) Sa pamamagitan ng mga salitang iyon kina Adan at Eva, itinatag ng Diyos na Jehova ang kaayusan ng pamilya. (Efeso 3:14, 15) Sa pagtingin sa hinaharap, nakikini-kinita ng unang mag-asawa ang isang lupa na punô ng kanilang mga inapo​—isang napakalaking pamilya ng sakdal na mga indibiduwal na may-kagalakang namumuhay sa isang paraisong lupa at nagkakaisang sumasamba sa kanilang Dakilang Maylalang. Ngunit nagkasala sina Adan at Eva, at ang lupa ay hindi napuno ng matutuwid at may-takot sa Diyos na mga tao. (Roma 5:12) Sa halip, mabilis na nasira ang buhay-pampamilya, at lumaganap ang poot, karahasan, at kawalan ng “likas na pagmamahal,” lalo na sa “mga huling araw” na ito.​—2 Timoteo 3:1-5; Genesis 4:8, 23; 6:5, 11, 12.

2. Anong mga kakayahan ang taglay ng mga supling ni Adan, ngunit ano ang kailangan upang makapagtayo ng isang pamilyang may matibay na espirituwalidad?

2 Sina Adan at Eva ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bagaman isa nang makasalanan, pinahintulutan ni Jehova si Adan na magkaroon ng mga anak. (Genesis 1:27; 5:1-4) Gaya ng kanilang ama, ang mga supling ni Adan ay may moral na kakayahan at maaaring makakilala ng tama at mali. Maaari silang turuan tungkol sa paraan ng pagsamba sa kanilang Maylalang at sa kahalagahan ng pag-ibig sa kaniya nang kanilang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:30; Juan 4:24; Santiago 1:27) Bukod dito, maaari silang sanaying “magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng . . . Diyos.” (Mikas 6:8) Subalit bilang mga makasalanan, kailangang mag-ukol sila ng malaking pansin upang makapagtayo ng isang pamilyang may matibay na espirituwalidad.

Bilhin ang Panahon

3. Paano ‘makabibili ng panahon’ ang mga magulang upang makapagpalaki ng mga anak na Kristiyano?

3 Sa masalimuot at mapanganib na mga panahong ito, malaking pagsisikap ang kailangang gawin upang ang mga anak ay maging “mga umiibig kay Jehova” na tunay na ‘napopoot sa kasamaan.’ (Awit 97:10) Ang matatalinong magulang ay ‘bibili ng panahon’ upang maharap ang hamong ito. (Efeso 5:15-17) Kung ikaw ay isang magulang, paano mo magagawa ito? Una, tiyakin ang mga dapat unahin, na binibigyang-pansin “ang mga bagay na higit na mahalaga,” lakip na ang pagtuturo at pagsasanay sa iyong mga anak. (Filipos 1:10, 11) Ikalawa, gawing simple ang iyong istilo ng pamumuhay. Baka dapat mong isaisantabi ang mga gawain na hindi naman talaga kailangan. O baka kailangang magbawas ka ng di-kinakailangang mga ari-arian na nangangailangan ng panahon upang mantinihin. Bilang isang Kristiyanong magulang, hindi mo pagsisisihan kailanman na ginawa mo ang kinakailangang pagsisikap upang makapagpalaki ng mga anak na may takot sa Diyos.​—Kawikaan 29:15, 17.

4. Paano mapananatiling nagkakaisa ang isang pamilya?

4 Ang paggugol ng panahon kasama ng iyong mga anak, lalo na kapag nakasentro sa espirituwal na mga bagay, ay talagang sulit na pagsisikap at isa sa pinakamabisang paraan upang mapanatiling nagkakaisa ang pamilya. Ngunit huwag itong ipagbakasakali lamang. Mag-iskedyul ng tiyak na mga panahon na gugugulin ninyong magkakasama. Hindi ito nangangahulugan ng basta pagkanaroroon lamang sa iisang bahay, na bawat isa ay may kani-kaniyang ginagawa. Mas sumusulong ang mga bata kapag pinag-uukulan sila ng personal na atensiyon sa araw-araw. Kailangan na saganang ipamalas ang pag-ibig at pagmamalasakit. Bago pa man sila magpasiyang mag-anak, dapat na seryosong pag-isipan ng mga mag-asawa ang mahalagang pananagutang ito. (Lucas 14:28) Sa gayon ay hindi nila ituturing na isang mahirap na gawain ang pagpapalaki ng mga anak. Sa halip, mamalasin nila ito bilang isang pinagpalang pribilehiyo.​—Genesis 33:5; Awit 127:3.

Magturo sa Pamamagitan ng Salita at Halimbawa

5. (a) Sa ano nagsisimula ang pagtuturo sa mga anak na ibigin si Jehova? (b) Anong payo ang ibinibigay sa mga magulang sa Deuteronomio 6:5-7?

5 Ang pagtuturo sa iyong mga anak na ibigin si Jehova ay nagsisimula sa iyong sariling pag-ibig para sa kaniya. Ang matinding pag-ibig sa Diyos ang magtutulak sa iyo na sundin nang may katapatan ang lahat ng mga tagubilin niya. Kalakip dito ang pagpapalaki sa mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Pinapayuhan ng Diyos ang mga magulang na magpakita ng halimbawa sa kanilang mga anak, makipag-usap sa kanila, at magturo sa kanila. Sinasabi ng Deuteronomio 6:5-7: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas. At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” Sa pamamagitan ng madalas na pagpapayo at pag-uulit, maikikintal mo ang mga utos ng Diyos sa iyong mga anak. Sa gayon, madarama ng iyong mga supling ang pag-ibig mo kay Jehova at maiimpluwensiyahan naman sila na maglinang din ng malapitang kaugnayan sa kaniya.​—Kawikaan 20:7.

6. Paano maaaring samantalahin ng mga magulang ang katotohanan na natututo ang mga anak sa pamamagitan ng halimbawa?

6 Ang mga bata ay sabik na matuto. Sila ay alistong makinig at magmasid at mabilis tumulad sa iyong halimbawa. Kapag nakikita nila na hindi ka materyalistiko, tumutulong ito sa kanila na matutuhan kung paano susundin ang payo ni Jesus. Tinuturuan mo silang huwag mabalisa hinggil sa materyal na mga bagay kundi ‘hanapin muna ang kaharian ng Diyos.’ (Mateo 6:25-33) Sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang at nakapagpapatibay na pakikipag-usap tungkol sa katotohanan ng Bibliya, sa kongregasyon ng Diyos, at sa hinirang na matatanda, tinuturuan mo ang iyong mga anak na igalang si Jehova at pahalagahan ang kaniyang espirituwal na mga paglalaan. Yamang mabilis na napapansin ng mga bata ang mga pagbabagu-bago, ang bibigang pagtuturo ay dapat na suhayan ng paggawi at saloobin na nagpapamalas ng iyong sariling matinding pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Kay laking pagpapala nga kapag nakita ng mga magulang na ang kanilang mabuting halimbawa ay nagluwal sa kanilang mga anak ng buong-pusong pag-ibig kay Jehova!​—Kawikaan 23:24, 25.

7, 8. Anong halimbawa ang nagpapakita sa kahalagahan ng pagsasanay sa mga anak habang nasa murang edad pa, at kanino nararapat iukol ang papuri sa tagumpay?

7 Ang kahalagahan ng pagsasanay sa mga anak habang nasa murang edad pa ay makikita sa isang halimbawa mula sa Venezuela. (2 Timoteo 3:15) May kaugnayan ito sa kabataang mag-asawa na sina Félix at Mayerlín. Sila ay mga ministrong payunir. Nang isilang ang kanilang anak na lalaking si Felito, sabik sila na gawin ang lahat ng kanilang magagawa upang mapalaki siya bilang isang tunay na mananamba ni Jehova. Sinimulan ni Mayerlín na basahan nang malakas si Felito mula sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Sa murang edad, waring nakikilala ni Felito si Moises at ang iba pang tauhan na nakalarawan sa aklat na ito.

8 Bagaman napakabata pa, nagsimula nang magpatotoo si Felito sa ganang sarili. Natupad niya ang kaniyang hangaring maging isang mamamahayag ng Kaharian, at nang dakong huli ay nabautismuhan siya. Nang maglaon, si Felito ay naging isang regular pioneer. Sinabi ng kaniyang mga magulang: “Habang pinagmamasdan namin ang pagsulong ng aming anak, natatanto namin na utang namin ito kay Jehova at sa kaniyang mga tagubilin.”

Tulungan ang mga Anak na Sumulong sa Espirituwal

9. Bakit dapat tayong magpasalamat sa espirituwal na tagubilin na tinatanggap natin sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin?

9 Dose-dosena ang mga magasin, daan-daan ang mga aklat, at libu-libo ang mga Web site sa Internet na nagbibigay ng payo kung paano palalakihin ang mga anak. Kadalasan ay “nagkakasalungatan ang impormasyon,” ang sabi ng isang pantanging isyu ng Newsweek tungkol sa mga anak. “Ang lalo pang nakalilito ay kapag ang impormasyon na inaakala mong mapagkakatiwalaan mo ay maling-mali pala.” Laking pasalamat natin na si Jehova ay saganang naglalaan para sa tagubilin at espirituwal na pagsulong ng mga pamilya! Lubusan mo bang sinasamantala ang lahat ng mga paglalaan na ibinibigay sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin?​—Mateo 24:45-47.

10. Paano nagiging kapaki-pakinabang kapuwa sa mga magulang at mga anak ang isang mabisang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya?

10 Ang isang napakahalagang pangangailangan ay ang isang regular at di-pabagu-bagong pampamilyang pag-aaral sa Bibliya na idinaraos sa isang kaayaayang kapaligiran. Upang ito ay maging nakapagtuturo, kasiya-siya, at nakapagpapatibay, kailangan ang mabuting paghahanda. Sa pamamagitan ng pagpukaw sa kanilang mga anak na ipahayag ang kanilang niloloob, maaaring malaman ng mga magulang kung ano ang nasa puso at isipan ng mga ito. Ang isang paraan upang matiyak kung mabisa ang isang pampamilyang pag-aaral ay ang pagpansin kung ito ay pinananabikan ng lahat ng miyembro ng sambahayan.

11. (a) Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magtakda ng anong mga tunguhin? (b) Ano ang naging resulta nang itaguyod ng isang batang Haponesa ang kaniyang tunguhin?

11 Ang maka-Kasulatang mga tunguhin ay nagbubunga rin ng isang pamilyang may matibay na espirituwalidad, at dapat na tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maitakda ang mga ito. Kasali sa angkop na mga tunguhin ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw, pagiging regular na mamamahayag ng mabuting balita, at pagsulong tungo sa pag-aalay at bautismo. Maaaring ilakip sa iba pang mga tunguhin ang buong-panahong paglilingkod bilang payunir, paglilingkod sa Bethel, o pagiging isang misyonero. Nang siya ay nasa paaralang elementarya, ginawang tunguhin ng isang batang Haponesa na nagngangalang Ayumi na magpatotoo sa lahat ng nasa kaniyang klase. Upang mapukaw ang interes ng kaniyang guro at mga kaklase, humingi siya ng pahintulot na maglagay sa aklatan ng ilang publikasyon sa Bibliya. Bilang resulta, nakapagdaos siya ng 13 pag-aaral sa Bibliya sa loob ng kaniyang anim na taon sa paaralang elementarya. Ang isa sa mga estudyanteng iyon sa Bibliya at ang iba pa sa pamilya ng estudyanteng iyon ay naging bautisadong mga Kristiyano.

12. Paano matatamo ng mga bata ang pinakamalaking pakinabang mula sa mga Kristiyanong pagpupulong?

12 Kailangan din sa matibay na espirituwal na kalusugan ang regular na pagdalo sa pulong. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya na ‘huwag pababayaan ang kanilang pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba.’ Huwag nawa nating maging kaugalian iyon, sapagkat kapuwa ang mga bata at matatanda ay nakikinabang nang malaki mula sa regular na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Hebreo 10:24, 25; Deuteronomio 31:12) Dapat na turuan ang mga bata na makinig nang mabuti. Mahalaga rin ang paghahanda para sa mga pulong, sapagkat natatamo ang pinakamalaking pakinabang sa pamamagitan ng aktibong pakikibahagi sa pagkokomento. Bagaman ang isang bata ay maaaring magsimula sa pagbigkas ng ilang salita o pagbasa sa isang maliit na bahagi ng isang parapo, magiging mas kapaki-pakinabang kung sasanayin ang mga bata na hanapin ang sagot at sabihin ang mga ito sa kanilang sariling mga pananalita. Mga magulang, kayo ba mismo ay nagpapakita ng halimbawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng regular at makabuluhang mga komento? Makabubuti rin para sa bawat miyembro ng pamilya na magkaroon ng isang Bibliya, isang aklat-awitan, at isang kopya ng publikasyon na ginagamit sa maka-Kasulatang talakayan.

13, 14. (a) Bakit ang mga magulang ay dapat na gumawang kasama ng kanilang mga anak sa ministeryo? (b) Ano ang tutulong upang maging kapaki-pakinabang at nakagagalak sa mga bata ang paglilingkod sa larangan?

13 Aakayin ng matatalinong magulang ang lakas ng kabataan ng kanilang mga anak sa paglilingkod kay Jehova, anupat tinutulungan sila na gawing mahalagang bahagi ng kanilang buhay ang pangangaral. (Hebreo 13:15) Matitiyak ng mga magulang na matatamo ng kanilang mga anak ang pagsasanay na kinakailangan upang maging mga ministro “na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan,” tangi lamang kung sila ay gagawang kasama ng kanilang mga anak sa ministeryo. (2 Timoteo 2:15) Kung gayon, kumusta ka naman? Kung ikaw ay isang magulang, tinutulungan mo ba ang iyong mga anak na maghanda para sa paglilingkod sa larangan? Ang paggawa nito ay tutulong upang ang ministeryo ay maging nakagagalak, makabuluhan, at mabunga para sa kanila.

14 Bakit kapaki-pakinabang para sa mga magulang at sa kanilang mga anak na gumawang magkakasama sa ministeryo? Sa ganitong paraan ay mapapansin at matutularan ng mga anak ang mabuting halimbawa ng kanilang mga magulang. Kasabay nito, mapagmamasdan ng mga magulang ang saloobin, paggawi, at kakayahan ng kanilang mga anak. Tiyaking ipagsama ang iyong mga anak sa iba’t ibang pitak ng ministeryo. Kung posible, bigyan ng sariling bag para sa pagpapatotoo ang bawat anak, at turuan siya na panatilihin itong malinis at presentable. Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at pagpapatibay-loob, malilinang ang tunay na pagpapahalaga sa ministeryo, at mamalasin ng mga bata ang gawaing pangangaral bilang isang paraan ng pagpapakita ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.​—Mateo 22:37-39; 28:19, 20.

Panatilihin ang Espirituwalidad

15. Yamang napakahalaga ng pagpapanatili sa espirituwalidad ng isang pamilya, ano ang ilang paraan upang magawa ito?

15 Napakahalaga ng pagpapanatili sa espirituwalidad ng pamilya. (Awit 119:93) Ang isang paraan ng paggawa nito ay ang talakayin ang espirituwal na mga bagay kasama ng iyong pamilya sa bawat pagkakataon. Tinatalakay mo ba sa kanila ang teksto sa Bibliya sa bawat araw? Nakaugalian mo ba na ikuwento ang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan o ang mga punto sa pinakabagong mga magasing Bantayan at Gumising! “kapag naglalakad ka sa daan”? Naaalaala mo bang pasalamatan si Jehova sa panalangin para sa bawat araw ng buhay at para sa kaniyang saganang mga paglalaan “kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka”? (Deuteronomio 6:6-9) Kapag nakikita ng iyong mga anak na nababanaag ang pag-ibig sa Diyos sa lahat ng iyong ginagawa, tutulong ito sa kanila upang dibdibin nila ang katotohanan.

16. Ano ang kahalagahan ng pagpapasigla sa mga bata na gumawa ng kanilang sariling pagsasaliksik?

16 Kung minsan, mangangailangan ng patnubay ang mga bata upang matagumpay na maharap ang mga bumabangong problema o situwasyon. Sa halip na laging sabihin sa kanila kung ano ang gagawin, bakit hindi ipakita sa kanila kung paano hahanapin ang pangmalas ng Diyos hinggil sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagpapasigla sa kanila na gumawa ng sariling pagsasaliksik? Ang pagtuturo sa mga bata na gamitin nang mabisa ang lahat ng mga kasangkapan at mga publikasyon na inilalaan sa pamamagitan ng ‘tapat na alipin’ ay tutulong sa kanila na magkaroon ng malapit na kaugnayan kay Jehova. (1 Samuel 2:21b) At kapag ibinabahagi nila sa ibang mga miyembro ng sambahayan ang mga kapakinabangan ng kanilang pagsasaliksik sa Bibliya, lalong napasusulong ang espirituwalidad ng pamilya.

Lubusang Magtiwala kay Jehova

17. Bakit hindi dapat masiraan ng loob ang mga nagsosolong magulang may kaugnayan sa pagpapalaki sa kanilang mga anak bilang mga Kristiyano?

17 Kumusta naman ang mga pamilyang may nagsosolong magulang? Napapaharap ang mga ito sa karagdagang mga hamon may kaugnayan sa pagpapalaki ng mga anak. Subalit mga nagsosolong magulang, huwag kayong masiraan ng loob! Posible ang tagumpay, gaya ng ipinakikita ng maraming nagsosolong magulang na nagtiwala sa Diyos, masunuring nagkapit sa kaniyang mga payo, at nakapagpalaki ng mga anak na mahuhusay at may matibay na espirituwalidad. (Kawikaan 22:6) Sabihin pa, ang mga Kristiyano na mga nagsosolong magulang ay kailangang lubusang magtiwala kay Jehova. Sila ay dapat na manampalataya na maglalaan siya ng tulong.​—Awit 121:1-3.

18. Anong mental at pisikal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak ang dapat bigyang-pansin ng mga magulang, ngunit ano ang dapat na gawing pangunahin?

18 Natatanto ng matatalinong magulang na ‘may panahon ng pagtawa at panahon ng pagluksu-lukso.’ (Eclesiastes 3:1, 4) Mahalaga sa pagpapatibay sa isip at katawan ng bata ang libreng panahon, gayundin ang timbang at kapaki-pakinabang na paglilibang. Ang nakapagpapatibay na musika at lalo na ang pagkanta ng mga awitin ng papuri sa Diyos ay tutulong sa bata na magkaroon ng magandang saloobin na maaaring gumanap ng mahalagang papel sa pagpapatibay sa kaniyang kaugnayan kay Jehova. (Colosas 3:16) Ang kabataan din ang siyang panahon upang maghanda na maging isang adultong may takot sa Diyos, upang ang pagtatamasa sa buhay ay makapagpatuloy magpakailanman sa isang paraisong lupa.​—Galacia 6:8.

19. Bakit makapagtitiwala ang mga magulang na pagpapalain ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap sa pagpapalaki ng mga anak?

19 Nais ni Jehova na lahat ng pamilyang Kristiyano ay magtagumpay bilang matitibay na espirituwal na yunit. Kung talagang iniibig natin ang Diyos at ginagawa ang ating buong makakaya upang masunod ang kaniyang Salita, pagpapalain niya ang ating mga pagsisikap at ilalaan sa atin ang lakas na kinakailangan upang masunod ang kaniyang kinasihang tagubilin. (Isaias 48:17; Filipos 4:13) Tandaan na ang pagkakataong taglay mo ngayon upang turuan at sanayin ang iyong mga anak ay limitado at hindi na mauulit. Gawin mo ang iyong buong makakaya upang maikapit ang payo ng Salita ng Diyos, at pagpapalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap upang makapagtayo ng isang pamilyang may matibay na espirituwalidad.

Ano ang Natutuhan Natin?

• Bakit napakahalaga ng pagbili ng panahon kapag nagsasanay ng mga anak?

• Bakit kailangan ang mabuting halimbawa ng magulang?

• Ano ang ilang mahahalagang paraan upang matulungang sumulong sa espirituwal ang mga anak?

• Paano mapananatili ang espirituwalidad ng isang pamilya?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Ang mga pamilyang may matibay na espirituwalidad ay regular na nag-aaral ng Salita ng Diyos, dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at nakikibahagi sa ministeryo nang magkakasama