Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patnubay ng Diyos sa Pagpili ng Mapapangasawa

Patnubay ng Diyos sa Pagpili ng Mapapangasawa

Patnubay ng Diyos sa Pagpili ng Mapapangasawa

“Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”​—AWIT 32:8.

1. Anong mga salik ang kailangan para sa isang matagumpay na pag-aasawa?

 ISANG sirkero sa ere ang umigtad mula sa kaniyang dumuduyang trapeze, ibinaluktot niya ang kaniyang katawan, at buong-kahusayang sumirko sa ere. Kasabay ng mabilis na pagtuwid ng kaniyang katawan, iniunat nito ang kaniyang mga braso at sinunggaban naman ito ng isang sirkero na nakabitin nang patiwarik sa trapeze na nasa kabilang dulo. Isang magkaparehang ice skater ang magkasamang nagpapadausdos nang banayad sa isang rink. Walang anu-ano, binuhat ng lalaki ang kaniyang kapareha at inihagis ito sa ere. Umikot nang mabilis ang babae, buong-husay na lumapag na gamit lamang ang isang skate, at nagpatuloy sa pag-ikot sa yelo kasama ng lalaki. Ang dalawang pagtatanghal ay waring walang kahirap-hirap. Subalit, sino kaya ang magtatangkang gawin ang mga ito kung walang pagsasanay, walang kapareha na may kakayahan, at lalo na kung walang tamang uri ng patnubay o instruksiyon. Gayundin naman, ang matagumpay na pag-aasawa ay waring basta na lamang nangyayari. Gayunman, ito rin ay nakasalalay sa isang mabuting kapareha, sa magkatuwang na pagsisikap, at lalo na sa matalinong payo. Sa katunayan, napakahalaga ang wastong patnubay.

2. (a) Sino ang nagtatag ng kaayusan sa pag-aasawa, at sa anong layunin? (b) Paano ginawa ang ilang kaayusan sa pag-aasawa?

2 Likas para sa isang binata o dalaga na mag-isip tungkol sa isang mapapangasawa​—isang kapareha sa buhay. Mula nang itatag ito ng Diyos na Jehova, ang pag-aasawa ng isang lalaki at isang babae ay isa nang normal na paraan ng pamumuhay. Ngunit hindi ang unang lalaki, si Adan, ang pumili sa kaniyang asawa. Ito ay maibiging inilaan sa kaniya ni Jehova. (Genesis 2:18-24) Ang unang mag-asawa ay nilayon na magpakarami upang ang lupa sa dakong huli ay mapuno ng mga tao. Pagkatapos ng unang pag-iisang-dibdib na iyon, ang mga kaayusan sa pag-aasawa ay karaniwan nang ginagawa ng mga magulang ng kasintahang babae at ng kasintahang lalaki, kung minsan ay pagkatapos na makamit ang pagsang-ayon ng mga nasasangkot. (Genesis 21:21; 24:2-4, 58; 38:6; Josue 15:16, 17) Bagaman ang isinaayos na mga pag-aasawa ay karaniwan pa rin sa ilang lupain at kultura, marami sa ngayon ang pumipili sa ganang sarili ng kanilang mapapangasawa.

3. Paano dapat pumili ng mapapangasawa?

3 Paano dapat piliin ang mapapangasawa? Ang ilan ay naiimpluwensiyahan ng hitsura​—kung ano ang kalugud-lugod at kanais-nais sa kanilang mata. Ang iba naman ay naghahanap ng materyal na mga pakinabang, ng isa na mag-aalagang mabuti sa kanila at magbibigay ng kanilang mga kailangan at naisin. Ngunit sa ganang sarili, aakay kaya sa isang maligaya at kasiya-siyang ugnayan ang alinman sa mga pamamaraang ito? “Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan,” ang sabi ng Kawikaan 31:30, “ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.” At doon nakasalalay ang isang mahalagang punto: Isaalang-alang si Jehova kapag pumipili ng mapapangasawa.

Maibiging Patnubay Mula sa Diyos

4. Anong tulong ang inilalaan ng Diyos may kaugnayan sa pagpili ng mapapangasawa?

4 Inilaan ng ating maibiging Ama sa langit, si Jehova, ang kaniyang nasusulat na Salita upang maging patnubay natin sa lahat ng bagay. Sinabi niya: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Kung gayon, hindi kataka-taka na masumpungan sa Bibliya ang subok-na-sa-panahon na mga patnubay sa pagpili ng mapapangasawa. Nais ni Jehova na mamalagi at maging maligaya ang ating pag-aasawa. Kaya naman, naglaan siya ng tulong upang maunawaan at maikapit natin ang mga patnubay na ito. Hindi ba’t iyan ang maaasahan natin sa ating maibiging Maylalang?​—Awit 19:8.

5. Ano ang mahalaga para sa namamalaging kaligayahan sa pag-aasawa?

5 Nang itatag ni Jehova ang kaayusan sa pag-aasawa, nilayon niya na ito ay maging isang namamalaging buklod. (Marcos 10:6-12; 1 Corinto 7:10, 11) Iyan ang dahilan kung bakit “kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo,” anupat pinahihintulutan lamang ito kung ang dahilan ay “pakikiapid.” (Malakias 2:13-16; Mateo 19:9) Samakatuwid, ang pagpili ng mapapangasawa ay isa sa pinakaseryosong hakbang na maaari nating gawin at hindi ito dapat ipagwalang-bahala. Iilang pagpapasiya lamang ang may gayon kalaking potensiyal para sa kaligayahan o para sa kalungkutan. Bagaman ang isang mabuting pagpili ay maaaring magpaunlad sa kalidad ng buhay ng isa at magpangyaring maging kasiya-siya ito, ang isang di-matalinong pagpili ay maaaring magdulot ng walang-katapusang pighati. (Kawikaan 21:19; 26:21) Upang magpatuloy ang kaligayahan, mahalaga na pumili nang may-katalinuhan at maging handang gumawa ng namamalaging pangako, sapagkat itinatag ng Diyos ang pag-aasawa bilang isang tambalan na magtatagumpay dahil sa pagkakaisa at pagtutulungan.​—Mateo 19:6.

6. Bakit kailangang maging maingat lalo na ang mga kabataang lalaki at babae kapag pumipili ng mapapangasawa, at paano sila makagagawa ng pinakamatalinong pasiya?

6 Lalo nang kailangang mag-ingat ang mga kabataang lalaki at babae upang hindi mapilipit ang kanilang pagpapasiya dahil sa pisikal na pagkaakit at matinding simbuyo ng damdamin kapag pumipili sila ng mapapangasawa. Sa katunayan, ang ugnayan na salig lamang sa gayong mga salik ay maaaring mauwi agad sa pagkasuklam o pagkapoot pa nga. (2 Samuel 13:15) Sa kabilang banda, ang namamalaging pag-ibig ay maaaring malinang habang nakikilala natin ang ating mapapangasawa at habang lalo rin nating nauunawaan ang ating sarili. Kailangan din nating matanto na ang pinakamabuti para sa atin ay maaaring hindi yaong ninanais ng ating puso sa pasimula. (Jeremias 17:9) Iyan ang dahilan kung bakit ang patnubay ng Diyos na masusumpungan sa Bibliya ay napakahalaga. Tumutulong ito sa atin na maunawaan kung paano tayo makagagawa ng pinakamatatalinong pasiya sa buhay. Kumatawan kay Jehova ang salmista sa pagsasabing: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” (Awit 32:8; Hebreo 4:12) Bagaman maaaring sapatan ng pag-aasawa ang ating likas na pangangailangan ukol sa pag-ibig at kasama, naghaharap din ito ng mga hamon na nangangailangan ng pagkamaygulang at kaunawaan.

7. Bakit hindi tinatanggap ng ilan ang salig-Bibliyang payo hinggil sa pagpili ng mapapangasawa, ngunit saan maaaring humantong ang ganitong landasin?

7 Landas ng karunungan na pakinggan ang sinasabi ng Tagapagpasimula ng pag-aasawa hinggil sa pagpili ng mapapangasawa. Gayunman, maaaring agad tayong tututol kapag nakatanggap ng salig-Bibliyang payo mula sa mga magulang o mula sa Kristiyanong matatanda. Baka madama natin na hindi nila tayo lubusang nauunawaan, at maaaring udyukan tayo ng matitinding hangarin ng damdamin upang sundin ang hilig ng puso. Gayunman, kapag napaharap na sa mga katotohanan ng buhay, maaaring magsisi tayo na hindi natin pinakinggan ang ibinigay na matalinong payo para sa ating ikabubuti. (Kawikaan 23:19; 28:26) Baka masumpungan natin ang ating sarili sa isang pag-aasawang walang-pag-ibig, na may mga anak na inaalagaan nang may kahirapan at baka may asawa pa nga na hindi sumasampalataya. Anong lungkot nga kung ang isang kaayusan na nakapagdulot sana sa atin ng malaking kaligayahan ay naging isang pinagmumulan ng napakaraming kabagabagan!

Makadiyos na Debosyon​—Isang Mahalagang Salik

8. Paano nakatutulong ang makadiyos na debosyon upang mamalagi at magdulot ng kaligayahan ang pag-aasawa?

8 Totoo, ang pagkaakit sa isa’t isa ay nakatutulong upang mapatibay ang pag-aasawa. Ngunit ang mga kagalingan na parehong pinanghahawakan ay lalong higit na mahalaga upang mamalagi at magbunga ng kaligayahan ang pagsasama ng mag-asawa. Hinuhubog ng magkaparehong debosyon sa Diyos na Jehova ang isang namamalaging bigkis at itinataguyod nito ang pagkakaisa sa paraang hindi magagawa ng ibang salik. (Eclesiastes 4:12) Kapag ang tunay na pagsamba kay Jehova ang ginagawang pangunahin ng Kristiyanong mag-asawa sa kanilang buhay, sila ay nagkakaisa sa espirituwal, mental, at moral na paraan. Magkasama silang nag-aaral ng Salita ng Diyos. Magkasama silang nananalangin, at pinagkakaisa nito ang kanilang puso. Magkasabay silang dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at magkasamang gumagawa sa ministeryo sa larangan. Lahat ng ito ay tumutulong upang mabuo ang isang espirituwal na bigkis na lalong naglalapit sa kanila sa isa’t isa. Higit pang mahalaga, nagbubunga ito ng pagpapala ni Jehova.

9. Ano ang ginawa ni Abraham may kaugnayan sa paghanap ng asawa para kay Isaac, at ano ang resulta?

9 Dahil sa kaniyang makadiyos na debosyon, sinikap ng tapat na patriyarkang si Abraham na palugdan ang Diyos nang sumapit na ang panahon upang pumili ng asawa para sa kaniyang anak na si Isaac. Sa kaniyang pinagkakatiwalaang lingkod ng sambahayan, sinabi ni Abraham: “Pasusumpain kita sa pamamagitan ni Jehova, ang Diyos ng langit at ang Diyos ng lupa, na hindi ka kukuha ng asawa para sa aking anak mula sa mga anak na babae ng mga Canaanita na sa gitna nila ay nananahanan ako, kundi paroroon ka sa aking lupain at sa aking mga kamag-anak, at kukuha ka nga ng asawa para sa aking anak, para kay Isaac. . . . [Si Jehova] ang magsusugo ng kaniyang anghel sa unahan mo, at tiyak na kukuha ka ng asawa para sa aking anak mula roon.” Si Rebeka ay naging isang mahusay na asawa, na lubhang inibig ni Isaac.​—Genesis 24:3, 4, 7, 14-21, 67.

10. Anong mga maka-Kasulatang pananagutan ang nakaatang sa mga asawang lalaki at mga asawang babae?

10 Kung tayo ay mga Kristiyanong walang asawa, ang makadiyos na debosyon ay tutulong sa atin upang magkaroon ng mga katangian na magpapangyari sa atin na maabot ang mga maka-Kasulatang kahilingan sa pag-aasawa. Kabilang sa mga pananagutan ng mga asawang lalaki at mga asawang babae ay ang mga ito na binanggit ni apostol Pablo: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon . . . Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito . . . Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. . . . Ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:22-33) Gaya ng nakikita natin, idiniriin ng mga kinasihang salita ni Pablo ang pangangailangan ukol sa pag-ibig at paggalang. Nasasangkot sa pagsunod sa payong ito ang mapitagang pagkatakot kay Jehova. Kahilingan dito ang buong-pusong pagtatalaga ng sarili maging sa kaayaaya at di-kaayaayang mga panahon. Dapat ay kayang balikatin ng mga Kristiyano na nagbabalak mag-asawa ang pananagutang ito.

Pagpapasiya Kung Kailan Mag-aasawa

11. (a) Anong payo hinggil sa kung kailan mag-aasawa ang nasa Kasulatan? (b) Anong halimbawa ang nagpapakita sa katalinuhan ng pagsunod sa payo ng Bibliya na nakaulat sa 1 Corinto 7:36?

11 Mahalaga na alam natin kung kailan tayo handa nang mag-asawa. Yamang ito ay nagkakaiba-iba sa bawat indibiduwal, walang edad na itinatakda ang Kasulatan. Gayunman, ipinakikita nito na mas mabuti na maghintay hanggang sa tayo ay “lampas na sa kasibulan ng kabataan,” kapag ang matinding simbuyo sa sekso ay maaaring pumilipit sa mabuting pagpapasiya. (1 Corinto 7:36) “Nang makita ko ang aking mga kaibigan na nakikipag-date at nagsisipag-asawa, na karamihan sa kanila ay mga tin-edyer pa, napakahirap kung minsan na ikapit ang payong ito,” ang sabi ni Michelle. “Ngunit natanto ko na nagmumula kay Jehova ang payo, at sinasabi lamang niya sa atin kung ano ang kapaki-pakinabang sa atin. Habang naghihintay na makapag-asawa, nakapagtuon ako ng pansin sa aking kaugnayan kay Jehova at nakakuha ng karanasan sa buhay, na malamang na hindi mo matatamo sa panahon ng iyong pagkatin-edyer. Pagkalipas ng ilang taon, mas handa na akong harapin ang mga pananagutan at ang mga problema na bumabangon sa pag-aasawa.”

12. Bakit isang katalinuhan na huwag magpadalus-dalos sa pag-aasawa habang nasa kabataan pa?

12 Madalas ay natutuklasan niyaong mga nagmadaling mag-asawa habang nasa kabataan pa na nagbabago ang kanilang mga pangangailangan at mga hangarin habang sila’y nagiging may-gulang. Saka nila natatanto na ang mga bagay na nasumpungan nilang kanais-nais sa simula ay hindi na gayon kahalaga. Isang kabataang Kristiyanong babae ang determinadong mag-asawa nang siya ay edad 16. Nag-asawa ang kaniyang lola sa gayong edad, gayundin ang kaniyang ina. Nang ang kabataang lalaki na gusto niya ay tumangging magpakasal sa kaniya nang panahong iyon, pumili siya ng iba na handa nang magpakasal sa kaniya. Subalit sa kalaunan ng kaniyang buhay, labis niyang pinagsisihan ang kaniyang padalus-dalos na pagpapasiya.

13. Yaong mga maagang nag-asawa ay kadalasang kulang sa anong bagay?

13 Kapag nagbabalak mag-asawa, mahalaga na magkaroon ng may-gulang na unawa sa lahat ng nasasangkot. Ang maagang pag-aasawa ay maaaring magdulot ng napakaraming problema na malamang na hindi pa handang harapin ng kabataang mag-asawa. Baka kulang pa sila ng kinakailangang karanasan at pagkamaygulang upang maharap ang mga kaigtingang dulot ng pag-aasawa at ng pagpapalaki ng mga anak. Ang pag-aasawa ay dapat pasukin tangi lamang kapag tayo ay handa na sa pisikal, mental, at espirituwal na paraan upang bumalikat ng isang namamalaging pagsasama.

14. Ano ang kailangan upang maharap ang maiigting na situwasyon sa pag-aasawa?

14 Isinulat ni Pablo na yaong mga nag-aasawa “ay magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1 Corinto 7:28) Babangon ang mga problema dahil may dalawang magkaibang personalidad, at magiging magkaiba ang mga punto de vista. Dahil sa di-kasakdalan ng tao, baka maging mahirap na tuparin ang ating maka-Kasulatang papel sa kaayusan ng pag-aasawa. (1 Corinto 11:3; Colosas 3:18, 19; Tito 2:4, 5; 1 Pedro 3:1, 2, 7) Kailangan ang pagkamaygulang at espirituwal na katatagan upang mahanap at masunod ang patnubay ng Diyos sa layuning malutas ang maiigting na situwasyon sa maibiging paraan.

15. Anong papel ang magagampanan ng mga magulang sa paghahanda sa kanilang mga anak sa pag-aasawa? Ilarawan.

15 Maaaring maihanda ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pag-aasawa sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod sa patnubay ng Diyos. Sa pamamagitan ng mahusay na paggamit sa Kasulatan at sa mga Kristiyanong publikasyon, matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matiyak kung sila ba o ang kanilang mapapangasawa ay handa nang magtalaga ng sarili sa pag-aasawa. a Inakala ng 18-taóng-gulang na si Blossom na umiibig siya sa isang kabataang lalaki sa kanilang kongregasyon. Ang lalaki ay buong-panahong ministrong payunir, at gusto na nilang magpakasal. Ngunit hiniling sa kaniya ng kaniyang mga magulang na maghintay pa siya ng isang taon, yamang sa palagay nila ay napakabata pa niya. Nang maglaon ay sumulat si Blossom: “Lubos akong nagpapasalamat na nakinig ako sa matalinong payong iyon. Sa loob ng isang taon, sa paanuman ay sumulong ako sa pagkamaygulang at nagsimulang makita ko na hindi pala taglay ng kabataang lalaking ito ang mga katangian na kinakailangan para sa isang mabuting asawa. Nang dakong huli ay iniwan niya ang organisasyon, at nakaligtas ako sa isa sanang kapahamakan sa aking buhay. Kay inam nga na magkaroon ng matatalinong magulang na ang pasiya ay mapagkakatiwalaan!”

‘Mag-asawa Tangi Lamang sa Panginoon’

16. (a) Paano maaaring masubok ang mga Kristiyano may kinalaman sa ‘pag-aasawa tangi lamang sa Panginoon’? (b) Kapag natutuksong mag-asawa ng isang di-sumasampalataya, sa ano dapat magdili-dili ang mga Kristiyano?

16 Napakalinaw ng tagubilin ni Jehova para sa mga Kristiyano: ‘Mag-asawa tangi lamang sa Panginoon.’ (1 Corinto 7:39) Maaaring masubok ang mga Kristiyanong magulang at ang kanilang mga anak sa bagay na ito. Paano? Maaaring magnais na mag-asawa ang mga kabataan, subalit baka walang puwedeng mapangasawa sa loob ng kongregasyon. Sa tingin ay waring gayon nga. Baka mas kakaunti ang mga lalaking walang-asawa kaysa sa mga babaing walang-asawa sa isang lugar, o baka walang nakikitang waring karapat-dapat sa pook na iyon. Ang isang kabataang lalaki na hindi isang nakaalay na miyembro ng kongregasyon ay baka magpakita ng interes sa isang kabataang Kristiyanong babae (o ang kabaligtaran nito), at naroon ang panggigipit na ikompromiso ang mga pamantayan na itinakda ni Jehova. Sa gayong mga kalagayan, makabubuti na dili-diliin ang halimbawa ni Abraham. Ang isang paraan na napanatili niya ang kaniyang mainam na kaugnayan sa Diyos ay ang pagtiyak na ang mapapangasawa ng kaniyang anak na si Isaac ay isang tunay na mananamba ni Jehova. Gayundin ang ginawa ni Isaac sa kaniyang anak na si Jacob. Ang lahat ng nasasangkot ay nagsumikap para rito, subalit nakalugod naman ito sa Diyos at nagbunga ng kaniyang pagpapala.​—Genesis 28:1-4.

17. Bakit ang pag-aasawa sa isang di-sumasampalataya ay malamang na maging kapaha-pahamak, at ano ang pinakamahalagang dahilan upang ‘mag-asawa tangi lamang sa Panginoon’?

17 Sa ilang kaso, nang dakong huli ay naging Kristiyano ang isang di-sumasampalataya. Gayunman, ang mga pakikipag-asawa sa mga di-sumasampalataya ay kadalasang kapaha-pahamak. Yaong mga nakipamatok nang kabilan ay hindi magkapareho ang mga paniniwala, mga pamantayan, o mga tunguhin. (2 Corinto 6:14) Maaari itong magdulot ng nakapipinsalang epekto sa pakikipagtalastasan at sa kaligayahan ng mag-asawa. Halimbawa, ipinaghihinagpis ng isang Kristiyanong babae ang bagay na pagkatapos ng isang nakapagpapatibay na pulong, sa kaniyang pag-uwi, hindi niya maipakipag-usap ang mga espirituwal na bagay sa kaniyang di-sumasampalatayang asawa. Sabihin pa, ang higit na mahalaga, ang ‘pag-aasawa tangi lamang sa Panginoon’ ay isang bagay na may kinalaman sa katapatan kay Jehova. Kapag nakasusunod tayo sa Salita ng Diyos, hindi tayo hinahatulan ng ating puso, sapagkat ginagawa natin kung ano ang “kalugud-lugod sa kaniyang paningin.”​—1 Juan 3:21, 22.

18. Kapag nagbabalak mag-asawa, anong mahahalagang bagay ang dapat na bigyang-pansin, at bakit?

18 Kapag nagbabalak mag-asawa, ang kagalingan at espirituwalidad ng mapapangasawa ang dapat na pangunahing bigyang-pansin. Ang Kristiyanong personalidad, lakip na ang pag-ibig sa Diyos at buong-kaluluwang debosyon sa kaniya, ay lalong higit na mahalaga kaysa sa pisikal na pang-akit. Ang pagsang-ayon ng Diyos ay tinatamasa niyaong mga nagpapahalaga at tumutupad sa kanilang pananagutan na maging mga asawang may matibay na espirituwalidad. At ang pinakasukdulang tibay na maaaring matamo ng mag-asawa ay nagmumula sa magkaparehong debosyon sa Maylalang at lubos na pagtanggap sa kaniyang patnubay. Sa ganitong paraan ay napararangalan si Jehova, at nagsisimula ang pag-aasawa sa isang matibay na espirituwal na pundasyon na makatutulong sa namamalaging pagsasama.

[Talababa]

a Tingnan Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1999, pahina 4-8.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit kailangan ang patnubay ng Diyos sa pagpili ng mabuting mapapangasawa?

• Paano makatutulong ang makadiyos na debosyon sa pagpapatibay sa bigkis ng pag-aasawa?

• Paano maihahanda ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pag-aasawa?

• Bakit mahalaga na ‘mag-asawa tangi lamang sa Panginoon’?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 17]

Ang pagkakapit sa payo ng Diyos sa pagpili sa iyong mapapangasawa ay magbubunga ng malaking kaligayahan

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang saganang pagpapala ay nagmumula sa ‘pag-aasawa tangi lamang sa Panginoon’