Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Purihin si Jehova Dahil sa Kaniyang Dakilang mga Gawa!

Purihin si Jehova Dahil sa Kaniyang Dakilang mga Gawa!

Purihin si Jehova Dahil sa Kaniyang Dakilang mga Gawa!

“Dinadakila ng aking kaluluwa si Jehova . . . sapagkat ang Isa na makapangyarihan ay gumawa ng dakilang mga gawa para sa akin.”​—LUCAS 1:46-49.

1. Karapat-dapat nating purihin si Jehova dahil sa anong dakilang mga gawa?

 SI Jehova ay karapat-dapat purihin dahil sa kaniyang dakilang mga gawa. Nang isalaysay ni propeta Moises ang pagpapalaya sa Israel mula sa Ehipto, ipinahayag niya: “Ang inyong mga mata ang nakakita ng lahat ng dakilang mga gawa ni Jehova.” (Deuteronomio 11:1-7) Sa katulad na paraan, nang ibalita ni anghel Gabriel sa babaing dalaga na si Maria ang nalalapit na pagsilang kay Jesus, sinabi nito: “Dinadakila ng aking kaluluwa si Jehova . . . sapagkat ang Isa na makapangyarihan ay gumawa ng dakilang mga gawa para sa akin.” (Lucas 1:46-​49) Bilang mga Saksi ni Jehova, pinupuri natin siya dahil sa dakilang mga gawa na gaya ng pagpapalaya sa Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto at ng makahimalang paglilihi sa kaniyang mahal na Anak.

2. (a) Ano ang kahulugan ng “walang-hanggang layunin” ng Diyos para sa masunuring sangkatauhan? (b) Ano ang naranasan ni Juan sa isla ng Patmos?

2 Marami sa dakilang mga gawa ni Jehova ay kaugnay ng kaniyang “walang-hanggang layunin” na pagpalain ang masunuring sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesiyas at ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. (Efeso 3:8-​13) Ang layuning iyan ay unti-unting natutupad noong pahintulutan ang matanda nang si apostol Juan na sumilip sa isang bukás na pinto sa langit sa pamamagitan ng pangitain. Narinig niya ang isang tulad-trumpetang tinig na nagsabi: “Umakyat ka rito, at ipakikita ko sa iyo ang mga bagay na dapat maganap.” (Apocalipsis 4:1) Habang nasa pagkakatapon ng pamahalaan ng Roma sa isla ng Patmos “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus,” si Juan ay tumanggap ng “isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo.” Ang nakita at narinig ng apostol ay maraming isinisiwalat tungkol sa walang-hanggang layunin ng Diyos, sa gayo’y naglalaan ng espirituwal na kaliwanagan at napapanahong pampatibay-loob para sa lahat ng tunay na mga Kristiyano.​—Apocalipsis 1:1, 9, 10.

3. Sino ang kinakatawan ng 24 na matatanda na nakita ni Juan sa pangitain?

3 Sa pamamagitan ng bukás na pintuang iyon sa langit, nakita ni Juan ang 24 na matatanda, na nakaluklok sa trono at nakokoronahan na gaya ng mga hari. Sumubsob sila sa harap ng Diyos at nagsabi: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” (Apocalipsis 4:11) Ang matatandang iyon ay kumakatawan sa lahat ng binuhay-muling mga pinahirang Kristiyano taglay ang mataas na posisyong ipinangako ng Diyos sa kanila. Naudyukan sila na purihin si Jehova dahil sa kaniyang dakilang mga gawa na kaugnay sa paglalang. Tayo rin ay namamangha sa katibayan ng “walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos” ni Jehova. (Roma 1:20) At habang mas marami tayong natututuhan tungkol kay Jehova, mas marami tayong dahilan upang purihin siya dahil sa kaniyang dakilang mga gawa.

Ipahayag ang mga Gawang Kapuri-puri ni Jehova!

4, 5. Magbigay ng mga halimbawa kung paano pinuri ni David si Jehova.

4 Pinuri ng salmistang si David ang Diyos dahil sa Kaniyang dakilang mga gawa. Halimbawa, si David ay umawit: “Umawit kayo kay Jehova, na siyang tumatahan sa Sion; sabihin ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa. Pagpakitaan mo ako ng lingap, O Jehova; tingnan mo ang aking kapighatian dahil sa mga napopoot sa akin, O ikaw na nag-aahon sa akin mula sa mga pintuang-daan ng kamatayan, upang maipahayag ko ang lahat ng iyong mga gawang kapuri-puri sa mga pintuang-daan ng anak na babae ng Sion.” (Awit 9:11, 13, 14) Matapos ibigay sa kaniyang anak na si Solomon ang arkitektural na plano para sa templo, pinagpala at pinuri ni David ang Diyos, na sinasabi: “Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kagalingan at ang dangal . . . Sa iyo ang kaharian, O Jehova, ang Isa rin na nagtataas ng iyong sarili bilang ulo ng lahat. . . . At ngayon, O aming Diyos, nagpapasalamat kami sa iyo at pinupuri namin ang iyong magandang pangalan.”​—1 Cronica 29:10-13.

5 Ang Kasulatan ay paulit-ulit na nag-aanyaya​—oo, humihimok​—sa atin na purihin ang Diyos, gaya ng ginawa ni David. Ang aklat ng Mga Awit ay naglalaman ng maraming kapahayagan ng papuri sa Diyos, at halos kalahati sa mga awit na ito ay ipinalalagay na kay David. Lagi niyang pinupuri at pinasasalamatan si Jehova. (Awit 69:30) Karagdagan pa, mula noong sinaunang panahon, ang kinasihan-ng-Diyos na mga komposisyon ni David at ng iba pa ay ginamit upang purihin si Jehova.

6. Paano nagiging kapaki-pakinabang sa atin ang kinasihang Mga Awit?

6 Tunay ngang kapaki-pakinabang ang Mga Awit sa mga mananamba ni Jehova! Kapag nais nating pasalamatan ang Diyos dahil sa lahat ng kaniyang dakilang mga gawa alang-alang sa atin, makabubuting ibaling ang ating isipan sa magagandang salitang masusumpungan sa Mga Awit. Halimbawa, sa paggising sa isang panibagong araw, baka maudyukan tayo na sabihin ang mga kapahayagan na katulad ng mga ito: “Mabuti ang magpasalamat kay Jehova at ang umawit sa iyong pangalan, O Kataas-taasan; upang sa umaga ay isaysay ang tungkol sa iyong maibiging-kabaitan at ang tungkol sa iyong katapatan gabi-gabi, . . . sapagkat pinasaya mo ako, O Jehova, dahil sa iyong gawa; dahil sa mga gawa ng iyong mga kamay ay humihiyaw ako nang may kagalakan.” (Awit 92:1-4) Kapag napagtagumpayan natin ang isang hadlang sa ating espirituwal na pagsulong, baka naisin nating ipahayag ang kagalakan at pasasalamat sa panalangin, gaya ng ginawa ng salmista nang umawit siya: “O halikayo at humiyaw tayo nang may kagalakan kay Jehova! May-pagbubunyi tayong sumigaw sa ating Bato ng kaligtasan. Lumapit tayo sa harap niya taglay ang pasasalamat; may-pagbubunyi tayong sumigaw sa kaniya taglay ang mga awitin.”​—Awit 95:1, 2.

7. (a) Ano ang kapansin-pansin hinggil sa maraming awiting kinakanta ng mga Kristiyano? (b) Ano ang isang dahilan upang dumating nang maaga sa mga pulong at manatili hanggang sa pagtatapos nito?

7 Madalas nating itinataas ang ating mga tinig sa mga awit ng papuri kay Jehova sa mga pulong ng kongregasyon, mga asamblea, at mga kombensiyon. Kapansin-pansin na marami sa mga awiting ito ay salig sa kinasihang mga kaisipan mula sa aklat ng Mga Awit. Kay ligaya nga natin sa pagkakaroon ng makabagong-panahong koleksiyon ng nakapagpapasiglang mga awit ng papuri kay Jehova! Ang pag-awit ng mga papuri sa Diyos ay isang napakabuting dahilan upang dumating nang maaga sa ating mga pulong at manatili hanggang sa pagtatapos, sa gayo’y nakikibahagi sa mga kapuwa mananamba sa pagpuri kay Jehova sa pamamagitan ng awit at panalangin.

“Purihin Ninyo si Jah!”

8. Ano ang nakapaloob sa salitang “Aleluya,” at paano ito kadalasang isinasalin?

8 Ang pagpuri kay Jehova ay nakapaloob sa salitang “Aleluya,” na transliterasyon ng isang kapahayagang Hebreo na halos laging isinasalin na “Purihin ninyo si Jah.” Halimbawa, sa Awit 135:1-3, masusumpungan natin ang masigla at mariing paanyaya: “Purihin ninyo si Jah! Purihin ninyo ang pangalan ni Jehova, maghandog kayo ng papuri, O mga lingkod ni Jehova, kayong mga nakatayo sa bahay ni Jehova, sa mga looban ng bahay ng ating Diyos. Purihin si Jah, sapagkat si Jehova ay mabuti. Umawit kayo sa kaniyang pangalan, sapagkat ito ay kaiga-igaya.”

9. Ano ang nag-uudyok sa atin na purihin si Jehova?

9 Habang dinidili-dili natin ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos sa paglalang at ang lahat ng kaniyang gawa alang-alang sa atin, inuudyukan tayo ng taos-pusong pagpapahalaga na purihin siya. Kapag pinag-iisipan natin ang makahimalang mga bagay na ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan noon, ginaganyak tayo ng ating puso na purihin siya. At habang binubulay-bulay natin ang mga pangako ng dakilang mga bagay na gagawin pa ni Jehova, humahanap tayo ng mga paraan upang ipahayag ang papuri at pasasalamat.

10, 11. Paanong ang atin mismong pag-iral ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang purihin ang Diyos?

10 Ang atin mismong pag-iral ay nagbibigay sa atin ng makatuwirang dahilan upang purihin si Jah. Si David ay umawit: “Pupurihin kita [Jehova] sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.” (Awit 139:14) Oo, “kamangha-mangha ang pagkakagawa” sa atin at taglay natin ang mahahalagang kaloob na gaya ng paningin, pandinig, at kakayahang mag-isip. Kung gayon, hindi ba dapat tayong mamuhay sa paraang mapupuri natin ang Maylikha sa atin? Ipinahayag ni Pablo ang gayunding kaisipan nang sumulat siya: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”​—1 Corinto 10:31.

11 Gagawin natin ang lahat ng bagay alang-alang sa kaluwalhatian ni Jehova kung talagang iniibig natin siya. Sinabi ni Jesus na ang unang utos ay: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.” (Marcos 12:30; Deuteronomio 6:5) Tiyak na dapat nating ibigin si Jehova at purihin siya bilang ang ating Maylikha at ang Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at ng bawat sakdal na regalo.’ (Santiago 1:17; Isaias 51:13; Gawa 17:28) Tutal, ang ating kakayahang mangatuwiran, ang ating espirituwal na kakayahan, at ang ating pisikal na lakas​—lahat ng ating katangian at abilidad​—ay nagmula kay Jehova. Bilang ating Maylalang, siya ay karapat-dapat sa ating pag-ibig at papuri.

12. Ano ang nadarama mo hinggil sa dakilang mga gawa ni Jehova at sa mga salita ng Awit 40:5?

12 Ang dakilang mga gawa ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng di-mabilang na mga dahilan upang ibigin at purihin siya! “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin,” ang awit ni David. “Walang sinumang maihahambing sa iyo. Naisin ko mang saysayin at salitain ang tungkol sa mga iyon, ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.” (Awit 40:5) Hindi maisalaysay ni David ang lahat ng mga kamangha-manghang gawa ni Jehova, at maging tayo man. Ngunit lagi nating purihin ang Diyos kapag naipaaalaala sa atin ang alinman sa kaniyang dakilang mga gawa.

Mga Gawa na Kaugnay sa Walang-Hanggang Layunin ng Diyos

13. Paanong ang ating pag-asa ay kalakip ng dakilang mga gawa ng Diyos?

13 Ang ating pag-asa para sa hinaharap ay kalakip ng dakila at kapuri-puring mga gawa na kaugnay ng walang-hanggang layunin ng Diyos. Matapos ang paghihimagsik sa Eden, ibinigay ni Jehova ang unang hula na punô ng pag-asa. Nang pinapatawan ng hatol ang serpiyente, sinabi ng Diyos: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Ang pag-asa sa ipinangakong Binhi ng babae ay nanatili sa puso ng tapat na mga tao matapos isagawa ni Jehova ang isang dakilang gawa sa pamamagitan ng pagliligtas kay Noe at sa kaniyang pamilya sa pangglobong Delubyo na lumipol sa isang balakyot na sanlibutan. (2 Pedro 2:5) Ang makahulang mga pangako sa mga lalaking may pananampalataya na gaya nina Abraham at David ay nagbigay ng karagdagang kaunawaan sa isasakatuparan ni Jehova sa pamamagitan ng Binhing iyon.​—Genesis 22:15-​18; 2 Samuel 7:12.

14. Ano ang sukdulang halimbawa ng dakilang mga gawa ni Jehova alang-alang sa sangkatauhan?

14 Ang sukdulang pagkakahayag kay Jehova bilang ang isa na nagsasagawa ng dakilang mga gawa alang-alang sa sangkatauhan ay naganap nang ipagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak​—ang ipinangakong Binhi, si Jesu-Kristo​—bilang isang haing pantubos. (Juan 3:16; Gawa 2:29-36) Ang pantubos ang naglaan ng saligan para sa pakikipagkasundo sa Diyos. (Mateo 20:28; Roma 5:11) Ang mga unang nakipagkasundo ay tinipon ni Jehova sa Kristiyanong kongregasyon, na itinatag noong Pentecostes 33 C.E. Sa tulong ng banal na espiritu, ipinangaral nila ang mabuting balita nang malawakan, na ipinakikita kung paanong ang kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus ay nagbukas ng daan upang maranasan ng masunuring sangkatauhan ang walang-hanggang mga pagpapala sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos.

15. Paano kumilos si Jehova sa kamangha-manghang paraan sa ating kaarawan?

15 Sa ating kaarawan, si Jehova ay kumilos sa kamangha-manghang paraan upang tipunin ang nalalabing mga pinahirang Kristiyano. Ang mga hangin ng pagpuksa ay pinipigil upang mapahintulutan ang pagtatatak sa nalalabi ng 144,000, na mamamahalang kasama ni Kristo sa langit. (Apocalipsis 7:1-4; 20:6) Tiniyak ng Diyos na ang mga pinahirang Kristiyano ay mapalaya mula sa espirituwal na pagkakabihag sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:1-5) Ang pagpapalayang iyon noong 1919 at ang proteksiyon ng Diyos na naranasan nila mula noon ay nagpahintulot sa pinahirang nalabi na gawin ang ano? Upang sumikat sa pagbibigay ng pangwakas na patotoo bago wakasan ni Jehova ang balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas sa mabilis na dumarating na “malaking kapighatian.”​—Mateo 24:21; Daniel 12:3; Apocalipsis 7:14.

16. Ano ang nagaganap bunga ng kasalukuyang-panahong pandaigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian?

16 Ang mga pinahirang Saksi ni Jehova ang buong-sigasig na nangunguna sa isang pandaigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian. Bunga nito, isang lumalaking bilang ng “ibang mga tupa” ang nagiging mga mananamba ngayon ni Jehova. (Juan 10:16) Natutuwa tayo na ang pagkakataon ay bukás pa rin upang makasama natin ang mga maaamo sa lupa sa pagpuri kay Jehova. Yaong mga tumutugon sa paanyaya na “halika” ay mapapabilang sa maliligtas sa malaking kapighatian, taglay ang pag-asa na purihin si Jehova magpakailanman.​—Apocalipsis 22:17.

Libu-libo ang Dumaragsa sa Tunay na Pagsamba

17. (a) Paano gumagawa si Jehova ng dakilang mga gawa may kaugnayan sa ating gawaing pangangaral? (b) Paano natutupad ang Zacarias 8:23?

17 Si Jehova ay gumagawa ngayon ng dakila at kapuri-puring mga gawa may kaugnayan sa ating gawaing pangangaral. (Marcos 13:10) Nitong mga nakaraang taon, ‘binuksan [niya] ang malalaking pinto na umaakay sa gawain.’ (1 Corinto 16:9) Dahil dito ay naging posible na maipangaral ang mabuting balita sa malalawak na teritoryo kung saan ang mga kaaway ng katotohanan ay dating humahadlang. Marami na dating namumuhay sa espirituwal na kadiliman ay tumutugon ngayon sa paanyaya na sambahin si Jehova. Tinutupad nila ang mga makahulang salitang ito: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Mangyayari sa mga araw na iyon na sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, tatangan sila sa laylayan ng lalaki na isang Judio, na sinasabi: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.” ’ ” (Zacarias 8:23) Yaong kausap ng “sampung lalaki” ay mga espirituwal na Judio, ang kasalukuyang-panahong nalabi ng mga pinahirang Kristiyano. Yamang ang sampu ay maaaring kumatawan sa pagiging ganap ng isang makalupang uri, ang “sampung lalaki” ay kumakatawan sa “malaking pulutong,” na dinala upang maging kasama ng “Israel ng Diyos,” na kasama nilang bubuo ng “isang kawan.” (Apocalipsis 7:9,10; Galacia 6:16) Kay laking kagalakan nga na makita ang napakarami na magkakasamang naghahandog ngayon ng sagradong paglilingkod bilang mga mananamba ng Diyos na Jehova!

18, 19. Ano ang patotoo na pinagpapala ni Jehova ang gawaing pangangaral?

18 Tuwang-tuwa tayo na sampu-sampung libo​—sa katunayan, daan-daang libo​—ang yumayakap sa tunay na pagsamba sa mga lupain na dati ay lubhang dominado ng huwad na relihiyon anupat waring hindi kailanman tatanggapin ng mga tao ang mabuting balita. Tingnan ang kasalukuyang Yearbook of Jehovah’s Witnesses, at pansinin ang mga lupain na nag-uulat ngayon ng mula 100,000 hanggang sa halos 1,000,000 mamamahayag ng Kaharian. Ito ay isang matibay na patotoo na ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay pinagpapala ni Jehova.​—Kawikaan 10:22.

19 Bilang bayan ni Jehova, pinupuri at pinasasalamatan natin ang ating makalangit na Ama sa pagbibigay sa atin ng tunay na layunin sa buhay, kapaki-pakinabang na gawain sa paglilingkod sa kaniya, at isang magandang pananaw sa hinaharap. Nabubuhay tayo taglay ang may-pananabik na pag-asam sa katuparan ng lahat ng mga pangako ng Diyos at determinado na ‘panatilihin ang ating sarili sa pag-ibig ng Diyos, tungo sa buhay na walang hanggan.’ (Judas 20, 21) Kay laking kaluguran nga natin na makitang ang malaking pulutong na pumupuri sa Diyos ay may bilang na ngayong mga 6,000,000! Sa pamamagitan ng maliwanag na pagpapala ni Jehova, ang pinahirang nalabi at ang kanilang kasamang ibang mga tupa ay naoorganisa sa mga 91,000 kongregasyon sa 235 lupain. Tayong lahat ay pinakakaing mabuti sa espirituwal sa pamamagitan ng walang-kapagurang mga pagsisikap ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Isang progresibong teokratikong organisasyon na may maibiging pangangasiwa ang nangunguna sa gawaing pang-Kaharian sa 110 tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Nagpapasalamat tayo na inuudyukan ni Jehova ang puso ng kaniyang bayan upang ‘parangalan siya ng kanilang mahahalagang pag-aari.’ (Kawikaan 3:9, 10) Bunga nito, ang ating pandaigdig na gawaing pangangaral ay nagpapatuloy, anupat nagtatayo ng mga pasilidad sa pag-iimprenta, mga tahanang Bethel at pangmisyonero, mga Kingdom Hall, at mga Assembly Hall kung kinakailangan.

20. Paano tayo dapat maapektuhan ng pagsasaalang-alang sa mga gawang dakila at kapuri-puri ni Jehova?

20 Imposible para sa atin na banggitin ang lahat ng mga gawang dakila at kapuri-puri ng ating makalangit na Ama. Ngunit mayroon bang sinumang may matuwid na puso na makatatangging sumali sa dumaragsang mga pumupuri kay Jehova? Siyempre wala! Kung gayon, hayaang lahat ng umiibig sa Diyos ay sumigaw nang may kagalakan: “Purihin ninyo si Jah! Purihin ninyo si Jehova mula sa langit, purihin ninyo siya sa kaitaasan. Purihin ninyo siya, ninyong lahat na mga anghel niya . . . , kayong mga binata at kayo ring mga dalaga, kayong matatandang lalaki pati na ang mga batang lalaki. Purihin nila ang pangalan ni Jehova, sapagkat ang kaniyang pangalan lamang ang di-maabot sa kataasan. Ang kaniyang dangal ay nasa itaas ng lupa at langit.” (Awit 148:1, 2, 12, 13) Oo, ngayon at magpakailanman, purihin natin si Jehova dahil sa kaniyang dakilang mga gawa!

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang ilan sa mga gawang kapuri-puri ni Jehova?

• Bakit ka nauudyukan na purihin si Jehova?

• Paano nauugnay ang ating pag-asa sa dakilang mga gawa ng Diyos?

• Paano gumagawa si Jehova ng mga gawang kapuri-puri may kaugnayan sa gawaing pangangaral ng Kaharian?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 10]

Buong-puso ka bang sumasali sa mga awit ng papuri kay Jehova?

[Mga larawan sa pahina 13]

Natutuwa tayo na ang pagkakataon ay bukás pa rin upang makasama natin ang mga maaamo sa pagpuri kay Jehova