‘Sa Pamamagitan ng Karunungan ay Darami ang Ating mga Araw’
‘Sa Pamamagitan ng Karunungan ay Darami ang Ating mga Araw’
SINO ang magkakaila na ang karunungan ay kailangang-kailangan sa pagharap sa mga suliranin sa buhay? Ang tunay na karunungan ay ang kakayahang gamitin nang wasto ang kaalaman at pagkaunawa. Ito ang mismong kabaligtaran ng kamangmangan, kahangalan, at kabaliwan. Kaya pinapayuhan tayo ng Kasulatan na magtamo ng karunungan. (Kawikaan 4:7) Sa katunayan, ang aklat ng Mga Kawikaan sa Bibliya ay pangunahin nang isinulat upang magbahagi ng karunungan at disiplina. Ang pambungad na mga salita nito ay kababasahan: “Ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, na hari ng Israel, upang ang isa ay makaalam ng karunungan at disiplina.”—Kawikaan 1:1, 2.
Isaalang-alang na lamang ang mahuhusay na turo na nasa unang ilang kabanata ng Mga Kawikaan. Tulad ng isang maibiging ama na humihimok sa kaniyang anak, namanhik si Solomon sa kaniyang mga mambabasa na tanggapin ang disiplina at bigyang-pansin ang karunungan. (Kabanata 1 at 2) Ipinakita niya sa atin kung paano lilinangin ang matalik na kaugnayan kay Jehova at kung paano iingatan ang ating puso. (Kabanata 3 at 4) Pinayuhan tayo na manatiling malinis sa moral. (Kabanata 5 at 6) Oo, napakahalaga sa atin ang pagbubunyag sa pamamaraang ginagamit ng isang taong imoral. (Kabanata 7) At talagang kaakit-akit sa lahat ang panawagan ng karunungan na binigyang-katauhan! (Kabanata 8) Bago siya dumako sa maiikling indibiduwal na mga kawikaan sa sumunod na mga kabanata, nagharap si Haring Solomon ng isang kawili-wiling sumaryo ng mga natalakay na niya.—Kabanata 9.
‘Pumarito Kayo, Kumain Kayo ng Aking Tinapay at Uminom ng Aking Alak’
Ang konklusyon ng unang bahagi ng Mga Kawikaan ay hindi isang nakababagot na sumaryo na bumabalangkas lamang sa kababanggit na payo. Sa halip, inihaharap ito bilang isang kapana-panabik at magandang ilustrasyon, na gumaganyak sa mambabasa na itaguyod ang karunungan.
Ang ika-9 na kabanata ng aklat ng Mga Kawikaan sa Bibliya ay nagsisimula sa mga salitang ito: “Ang tunay na karunungan ay nagtayo ng kaniyang bahay; tinabas nito ang kaniyang pitong haligi.” (Kawikaan 9:1) Ang terminong “pitong haligi,” pahiwatig ng isang iskolar, ay “tumutukoy sa isang mansiyon na itinayo sa palibot ng isang looban, na ang balangkas nito ay sinusuhayan ng tatlong haligi sa bawat tagiliran at may isa sa gitna sa ikatlong tagiliran na nakaharap sa hantad na espasyo na siyang pasukan.” Anuman ang kalagayan, ang tunay na karunungan ay nagtayo ng isang matibay na bahay para sa pagtanggap sa maraming panauhin.
Ang lahat ay nakahanda na para sa isang piging. Naroon na ang karne, gayundin ang alak. Personal na inasikaso ng karunungan ang paghahanda ng pagkain at ang pag-aayos ng mesa. “Isinaayos nito ang pagkatay niya ng karne; tinimpla nito ang kaniyang alak; higit pa riyan, inayos nito ang kaniyang mesa.” (Kawikaan 9:2) Malinaw na makukuha sa makasagisag na mesang ito ang pagkaing pangkaisipan na nagbibigay ng espirituwal na liwanag.—Isaias 55:1, 2.
Sino ang mga inanyayahan sa piging na inihanda ng tunay na karunungan? “Isinugo nito ang kaniyang mga tagapaglingkod na babae, upang makatawag ito sa taluktok ng matataas na dako ng bayan: ‘Ang sinumang walang-karanasan, dumaan siya rito.’ Sa sinumang kapos ang puso—sinasabi niya rito: ‘Pumarito kayo, kumain kayo ng aking tinapay at makisama kayo sa pag-inom ng alak na aking tinimpla. Iwanan ninyo ang mga walang-karanasan at patuloy kayong mabuhay, at lumakad kayo nang tuwid sa daan ng pagkaunawa.’ ”—Kawikaan 9:3-6.
Isinugo ng karunungan ang mga dalaga nito upang mag-anyaya. Sila’y nagpunta sa mga pampublikong lugar kung saan sila makapananawagan Kawikaan 9:4) At isang pangakong aakay sa buhay ang iniaalok sa kanila. Ang karunungang nasa Salita ng Diyos, lakip na yaong nasa aklat ng Mga Kawikaan, ay talagang makukuha ng halos lahat ng tao. Sa ngayon, bilang mga mensahero ng tunay na karunungan, ang mga Saksi ni Jehova ay abala sa pag-aanyaya sa mga tao na mag-aral ng Bibliya, saanman sila matatagpuan. Tunay nga, ang pagkuha ng kaalamang ito ay maaaring umakay sa buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.
sa pinakamaraming tao. Lahat ay inaanyayahan—ang mga “kapos ang puso,” o ang mga walang pagkaunawa, gayundin ang mga walang karanasan. (Ang mga Kristiyano ay dapat na may-kapakumbabaang tumanggap ng disiplina ng karunungan. Ito’y lalo nang totoo sa mga kabataan at sa mga bago pa lamang nagsisimulang matuto tungkol kay Jehova. Dahil sa limitadong karanasan sa mga daan ng Diyos, maaaring “kapos ang puso” nila. Hindi naman ito nangangahulugan na lahat ng kanilang motibo ay masama, kundi kailangan ng panahon at pagsisikap upang sumapit ang puso sa kalagayan na talagang kalugud-lugod sa Diyos na Jehova. Hinihiling nito na ang mga kaisipan, mga ninanais, mga kinagigiliwan, at mga tunguhin ay gawing kasuwato niyaong sinasang-ayunan ng Diyos. Napakahalaga nga na “magkaroon [sila] ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.”—1 Pedro 2:2.
Sa katunayan, hindi ba tayong lahat ay dapat na sumulong nang higit pa sa “pang-unang doktrina”? Tiyak na dapat nating linangin ang interes sa “malalalim na bagay ng Diyos” at kumuha ng sustansiya mula sa matigas na pagkain na nauukol sa mga taong may-gulang. (Hebreo 5:12–6:1; 1 Corinto 2:10) “Ang tapat at maingat na alipin,” na tuwirang pinangangasiwaan ni Jesu-Kristo, ay masikap na naglalaan ng napapanahong espirituwal na pagkain para sa lahat. (Mateo 24:45-47) Nawa’y magpiging tayo sa mesa ng karunungan sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng salig-sa-Bibliyang mga publikasyon na inilalaan ng uring alipin.
“Huwag Mong Sawayin ang Manunuya”
Kalakip din sa mga turo ng karunungan ang pagtutuwid at pagsaway. Ang aspektong ito ng karunungan ay hindi malugod na tinatanggap ng lahat. Dahil dito, ang pangwakas ng unang bahagi ng aklat ng Mga Kawikaan ay may babala: “Siyang nagtutuwid sa manunuya ay nagdudulot ng kasiraang-puri sa kaniyang sarili, at siyang sumasaway sa balakyot—isang kapintasan sa kaniya. Huwag mong sawayin ang manunuya, upang hindi ka niya kapootan.”—Kawikaan 9:7, 8a.
Ang isang manunuya ay nagkikimkim ng hinanakit at poot sa isa na nagsisikap na makatulong upang maituwid ang kaniyang landas. Ang isang taong balakyot ay walang pagpapahalaga sa kapakinabangang dulot ng pagsaway. Tunay na hindi katalinuhan ang sikaping ituro ang magandang katotohanan ng Salita ng Diyos sa sinumang napopoot sa katotohanan o naghahangad lamang na tuyain ito! Noong nangangaral si apostol Pablo sa Antioquia, nakaharap niya ang isang grupo ng mga Judio na walang pag-ibig sa katotohanan. Tinangka nilang isangkot siya sa isang pagtatalo sa pamamagitan ng may-pamumusong na pagsalungat sa kaniya, ngunit sinabi lamang ni Pablo: “Yamang itinatakwil ninyo [ang salita ng Diyos] at hindi ninyo hinahatulan ang inyong sarili bilang karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, narito! babaling kami sa mga bansa.”—Gawa 13:45, 46.
Sa pagsisikap nating paabutan ng mabuting balita ng Kaharian ang mga tapat-puso, mag-ingat sana tayo na huwag masangkot sa mga pakikipagdebate at pakikipagtalo sa mga manunuya. Tinagubilinan ni Kristo Jesus ang kaniyang mga alagad: “Kapag kayo ay pumapasok sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan; at kung ang bahay ay karapat-dapat, hayaang ang kapayapaan na ninanais ninyo ay dumoon; ngunit kung hindi iyon karapat-dapat, hayaang ang kapayapaan mula sa inyo ay bumalik sa inyo. Saanman na ang sinuman ay hindi tumatanggap sa inyo o nakikinig sa inyong mga Mateo 10:12-14.
salita, sa paglabas sa bahay na iyon o sa lunsod na iyon ay ipagpag ninyo ang alabok mula sa inyong mga paa.”—Ang pagtugon sa pagsaway ng isang taong marunong ay kabaligtaran naman niyaong sa manunuya. Sinabi ni Solomon: “Sawayin mo ang taong marunong at iibigin ka niya. Magbigay ka sa taong marunong at magiging mas marunong pa siya.” (Kawikaan 9:8b, 9a) Alam ng taong marunong na “walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.” (Hebreo 12:11) Bagaman waring masakit ang payo, bakit tayo gaganti o magiging palabán kung ang pagtanggap nito ay magpapangyaring maging mas marunong tayo?
“Bahaginan mo ng kaalaman ang matuwid at lalago siya sa pagkatuto,” patuloy ng marunong na hari. (Kawikaan 9:9b) Walang sinuman ang napakarunong o napakatanda upang hindi na matuto. Nakalulugod makita na maging ang mga may-edad na ay tumatanggap sa katotohanan at nag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova! Nawa’y sikapin din nating huwag maiwala ang pagnanais na matuto at panatilihing aktibo ang ating isip.
“Mga Taon ng Buhay ang Madaragdag sa Iyo”
Bilang pagdiriin sa pangunahing punto ng paksang tinatalakay, inilakip ni Solomon ang mahalagang patiunang kahilingan para sa karunungan. Sumulat siya: “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa.” (Kawikaan 9:10) Hindi maaaring magkaroon ng makadiyos na karunungan kung walang masidhi at mapitagang pagkatakot sa tunay na Diyos. Maaaring punô ng kaalaman ang isip ng isang tao, ngunit kung wala siyang takot kay Jehova, hindi niya gagamitin ang kaalamang iyon sa paraang magpaparangal sa Maylalang. Baka nga maghinuha pa siya ng maling mga konklusyon batay sa mga kinikilalang katotohanan, anupat nagmumukha siyang mangmang. Karagdagan pa, ang kaalaman tungkol kay Jehova, ang Kabanal-banalan, ay mahalaga sa pagtatamo ng pagkaunawa, na isang litaw na katangian ng karunungan.
Anong bunga ang iniluluwal ng karunungan? (Kawikaan 8:12-21, 35) Sinabi ng hari ng Israel: “Sa pamamagitan ko ay darami ang iyong mga araw, at mga taon ng buhay ang madaragdag sa iyo.” (Kawikaan 9:11) Ang kahabaan ng mga araw at mga taon ng buhay ay resulta ng pakikisama sa karunungan. Oo, “iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.”—Eclesiastes 7:12.
Ang pagsisikap na magtamo ng karunungan ay personal na pananagutan natin. Bilang pagdiriin sa katotohanang ito, sinabi ni Solomon: “Kung ikaw ay nagpakarunong, nagpakarunong ka para sa iyong sarili; at kung ikaw ay nanuya, pagdurusahan mo iyon, ikaw lamang.” (Kawikaan 9:12) Ang taong marunong ay marunong ukol sa sarili niyang kapakinabangan, at ang manunuya lamang ang dapat sisihin sa kaniyang sariling pagdurusa. Totoo nga na inaani natin ang ating inihahasik. Kaya tayo sana’y “magbigay-pansin sa karunungan.”—Kawikaan 2:2.
“Ang Babaing Hangal ay Maingay”
Bilang paghahambing, sinabi naman ngayon ni Solomon: “Ang babaing hangal ay maingay. Siya mismo ang kamangmangan at wala siyang nalalamang anuman. At umupo siya sa pasukan ng kaniyang bahay, sa isang upuan, sa matataas na dako ng bayan, upang tawagin yaong mga nagdaraan, yaong mga nagpapatuloy sa kanilang mga landas: ‘Ang sinumang walang-karanasan, dumaan siya rito.’ ”—Kawikaan 9:13-16a.
Ang kahangalan ay inilalarawan bilang isang babaing maingay, walang disiplina, at hangal. Nagtayo rin siya ng isang bahay. At nagkusa siyang tawagin ang sinumang walang-karanasan. Kaya ang mga dumaraan ay may pagpipilian. Tatanggapin ba nila ang paanyaya ng karunungan o yaong sa kahangalan?
“Ang Nakaw na Tubig ay Matamis”
Kapuwa ang karunungan at ang kahangalan ay nag-aanyaya sa mga nakikinig na ‘dumaan sila rito.’ Ngunit magkaiba ang panawagan. Inaanyayahan ng karunungan ang mga tao sa isang piging ng alak, karne, at tinapay. Ang pang-akit na iniaalok ng kahangalan ay nagpapaalaala sa atin ng mga lakad ng isang babaing imoral. Sinabi ni Solomon: “Sa sinumang kapos ang puso—sinasabi rin niya rito: ‘Ang nakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinakain sa lihim—iyon ay kaiga-igaya.’ ”—Kawikaan 9:16b, 17.
Sa halip na hinaluang alak, “ang babaing si Kahangalan” ay nag-aalok ng nakaw na tubig. (Kawikaan , New International Version) Sa Kasulatan, ang pagtatamasa ng seksuwal na kasiyahan sa piling ng isang asawang minamahal ay inihahambing sa pag-inom ng nakarerepreskong tubig. ( 9:13Kawikaan 5:15-17) Kung gayon, ang nakaw na tubig ay kumakatawan sa imoral na seksuwal na pakikipagtalik na ginagawa sa lihim. Ang gayong tubig ay pinalilitaw na matamis—mas mabuti kaysa sa alak—sapagkat iyon ay ninakaw at nagpapahiwatig na ang isa’y hindi nahuli sa masamang bagay na ginawa. Ang lihim na tinapay ay pinalilitaw na mas masarap kaysa sa tinapay at karne ng karunungan dahil lamang sa ito’y nakamit sa di-tapat na paraan. Kung itinuturing ng isa na kaakit-akit ang isang bagay na ipinagbabawal at lihim, iyon ay tanda ng kahangalan.
Samantalang kalakip sa paanyaya ng karunungan ang pangakong aakay sa buhay, hindi binanggit ng babaing hangal ang mga bunga ng pagsunod sa kaniyang mga lakad. Ngunit nagbabala si Solomon: “Hindi niya nalalaman na yaong mga inutil sa kamatayan ay naroroon, na yaong mga tinatawag niya ay nasa mabababang dako ng Sheol.” (Kawikaan 9:18) “Ang bahay ng babaing si Kahangalan ay hindi isang tahanan kundi isang mausoleo,” ang isinulat ng isang iskolar. “Kapag pinasok mo iyon, hindi ka makalalabas doon nang buháy.” Ang pagsunod sa imoral na istilo ng pamumuhay ay hindi karunungan; iyon ay nakamamatay.
Sinabi ni Jesu-Kristo: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Nawa’y lagi tayong kumain sa mesa ng karunungan at makabilang sa mga nasa daan na umaakay patungo sa buhay.
[Larawan sa pahina 31]
Ang taong marunong ay malugod na tumatanggap ng pagtutuwid
[Larawan sa pahina 31]
Ang pagtatamo ng karunungan ay isang personal na pananagutan