Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagtatapat na Umaakay sa Paggaling

Ang Pagtatapat na Umaakay sa Paggaling

Ang Pagtatapat na Umaakay sa Paggaling

“NANG manahimik ako ay nanghina ang aking mga buto dahil sa pagdaing ko buong araw. Sapagkat sa araw at gabi ay mabigat ang iyong kamay sa akin. Ang halumigmig ng aking buhay ay nabagong gaya ng tuyong init ng tag-araw.” (Awit 32:3, 4) Malamang na ipinababanaag ng madamdaming pananalitang ito ang matinding kirot ng kalooban na nadama ni Haring David ng sinaunang Israel, kirot na idinulot niya sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglilihim ng isang malubhang pagkakasala sa halip na ipagtapat ito.

Si David ay isang lalaking may namumukod-tanging mga kakayahan. Siya’y isang magiting na mandirigma, isang bihasang estadista, isang makata, at isang manunugtog. Gayunman, nanalig siya, hindi sa kaniyang mga kakayahan, kundi sa kaniyang Diyos. (1 Samuel 17:45, 46) Inilarawan siya bilang isang lalaking ang puso ay “sakdal kay Jehova.” (1 Hari 11:4) Ngunit may isa siyang pagkakasalang nagawa na lalo nang marapat sa paghatol, at malamang na ipinahiwatig niya ito sa Awit 32. Marami tayong matututuhan sa pagsusuri sa mga kalagayang umakay sa kaniyang pagkakasala. Makikilala natin ang mga silo na dapat iwasan at makikita rin natin ang pangangailangang ipagtapat ang ating pagkakasala upang maibalik ang ating kaugnayan sa Diyos.

Isang Matapat na Hari ang Nahulog sa Pagkakasala

Ang bansang Israel ay nagsasagawa noon ng isang kampanyang pangmilitar laban sa mga Ammonita, ngunit si David naman ay namamalagi sa Jerusalem. Isang gabi habang naglalakad-lakad sa bubong ng kaniyang palasyo, napansin niya ang isang magandang babae na naliligo sa isang kalapít na bahay. Hindi siya nagpigil ng kaniyang sarili kundi pinasimulan niya itong pagnasahan nang masidhi. Nang malamang iyon ay si Bat-sheba, asawa ni Uria, na isang kawal sa kaniyang hukbo, ipinatawag ni David ang babae, at nangalunya siya rito. Nang maglaon, nagpasabi si Bat-sheba kay David na siya’y nagdadalang-tao.​—2 Samuel 11:1-5.

Nasukol si David. Kung mabubunyag ang kanilang pagkakasala, ang parusa sa kanilang dalawa ay kamatayan. (Levitico 20:10) Kaya bumuo siya ng isang plano. Ipinatawag niya ang asawa ni Bat-sheba, si Uria, mula sa labanan. Pagkatapos ng masusing pagtatanong kay Uria tungkol sa digmaan, inutusan siya ni David na umuwi ng bahay. Inaasahan ni David na mapalilitaw nito na si Uria ang ama ng anak ni Bat-sheba.​—2 Samuel 11:6-9.

Nabigo si David sapagkat hindi dinalaw ni Uria ang kaniyang asawa. Sinabi ni Uria na hindi niya magagawang umuwi ng bahay samantalang tinitiis naman ng hukbo ang tindi ng labanan. Kapag ang isang hukbong Israelita ay nagsasagawa ng kampanyang pangmilitar, umiiwas ang mga lalaki mula sa pakikipagtalik, kahit sa sarili nilang asawa. Kailangang manatili silang malinis sa seremonyal na paraan. (1 Samuel 21:5) Sa gayon ay inanyayahan ni David si Uria sa isang hapunan at nilasing ito, ngunit ayaw pa rin nitong umuwi sa kaniyang asawa. Hinatulan ng tapat na paggawi ni Uria ang malubhang pagkakasala ni David.​—2 Samuel 11:10-13.

Lalo pang naipit si David sa silo ng sarili niyang pagkakasala. Sa matinding kagipitan, iisang solusyon na lamang ang naisip niya. Pinabalik niya sa labanan si Uria na dala ang isang sulat para sa heneral ng hukbo, si Joab. Malinaw ang layunin ng maikling sulat: “Ilagay ninyo si Uria sa harap ng pinakamatitinding sagupaan sa pagbabaka, at umurong kayo mula sa likuran niya, at dapat siyang mapabagsak at mamatay.” Sa pamamagitan ng sulat na iyon, waring napagtakpan ng makapangyarihang hari ang kaniyang ginawa, anupat pinayaon si Uria sa kamatayan nito.​—2 Samuel 11:14-17.

Nang matapos ang yugto ng pagdadalamhati ni Bat-sheba para sa kaniyang asawa, agad siyang pinakasalan ni David. Lumipas ang panahon, at isinilang ang kanilang anak. Sa buong panahong ito, nanatiling tahimik si David tungkol sa kaniyang mga pagkakasala. Marahil ay sinisikap niyang ipagmatuwid sa kaniyang sarili ang mga nagawa niya. Hindi ba’t namatay nang marangal si Uria sa labanan gaya ng iba? Bukod diyan, hindi ba’t sinuway niya ang kaniyang hari sa pagtangging umuwi sa kaniyang asawa? Gagamitin ng ‘mapandayang puso’ ang lahat ng uri ng pangangatuwiran upang sikaping ipagmatuwid ang pagkakasala.​—Jeremias 17:9; 2 Samuel 11:25.

Mga Pagkakamali na Umaakay sa Pagkakasala

Paano nangyaring si David, na umiibig sa katuwiran, ay napadaig sa pangangalunya at pagpaslang? Ang mga binhi ng kaniyang pagkakasala ay maliwanag na inihasik sa loob ng mahaba-habang panahon. Maaaring pagtakhan natin kung bakit hindi kasama si David ng kaniyang mga tauhan, na sinusuportahan sila sa kanilang kampanyang pangmilitar laban sa mga kaaway ni Jehova. Sa kabaligtaran pa nga, nagpapahingalay si David sa kaniyang palasyo, na malayung-malayo sa mga hirap ng pakikipagdigma upang mapawi nito ang kaniyang maling pagnanasa sa asawa ng isang tapat na kawal. Sa ngayon, isang proteksiyon sa mga tunay na Kristiyano ang aktibong pagtataguyod ng mga espirituwal na gawain kasama ng kanilang mga kongregasyon at ang regular na pakikibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo.​—1 Timoteo 6:12.

Ang haring Israelita ay inutusang gumawa ng kopya ng Kautusan at basahin ito araw-araw. Sinasabi ng Bibliya ang dahilan para rito: “Upang matuto siyang matakot kay Jehova na kaniyang Diyos nang sa gayon ay maingatan niya ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ang mga tuntuning ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga iyon; upang ang kaniyang puso ay hindi magmataas sa kaniyang mga kapatid at upang hindi siya lumihis mula sa utos sa kanan o sa kaliwa.” (Deuteronomio 17:18-20) Waring posible na hindi sinusunod ni David ang tagubiling iyon nang panahong magawa niya ang malulubhang pagkakasalang ito. Ang regular na pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos ay tiyak na makatutulong upang maingatan tayo mula sa pagkakasala sa mapanganib na mga panahong ito.​—Kawikaan 2:10-12.

Karagdagan pa, ang pinakahuli sa Sampung Utos ay espesipikong nagsabi: “Huwag mong nanasain ang asawa ng iyong kapuwa.” (Exodo 20:17) Nang panahong iyon, si David ay marami nang mga asawa at mga babae. (2 Samuel 3:2-5) Ngunit hindi ito naging proteksiyon sa kaniya upang huwag nasain ang isa pang kaakit-akit na babae. Ipinapaalala sa atin ng ulat na ito ang pagkaseryoso ng mga salita ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Sa halip na paglaruan sa isipan ang gayong maling mga pagnanasa, kaagad nating alisin ang mga ito mula sa ating isip at puso.

Pagsisisi at Awa

Ang prangkahang ulat ng Bibliya tungkol sa pagkakasala ni David ay tiyak na hindi inilagay roon upang bigyang-kasiyahan ang mahalay na pagnanasa ng isa. Ang salaysay ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong masaksihan ang isang aktibo at nakaaantig na kapahayagan ng isa sa namumukod-tanging mga katangian ni Jehova​—ang kaniyang awa.​—Exodo 34:6, 7.

Pagkatapos na magsilang si Bat-sheba ng isang anak na lalaki, isinugo ni Jehova ang propetang si Natan upang kausapin si David. Ito’y isang pagpapakita ng awa. Kung hindi nilapitan si David at nanatili itong tahimik, posible na magiging mapagmatigas ito sa landas ng pagkakasala. (Hebreo 3:13) Mabuti na lamang at tumugon si David sa awa ng Diyos. Ang mahusay at malinaw na mga salita ni Natan ay umantig sa budhi ni David, at may-kapakumbabaan niyang kinilala na nagkasala siya laban sa Diyos. Sa katunayan, ang Awit 51, na tungkol sa pagkakasala ni David may kinalaman kay Bat-sheba, ay kinatha pagkatapos niyang magsisi at magtapat ng kaniyang malubhang pagkakasala. Huwag na huwag sana nating pahintulutang magmatigas ang ating puso sakali mang makagawa tayo ng malubhang pagkakasala.​—2 Samuel 12:1-13.

Pinatawad si David, ngunit hindi siya pinalibre sa disiplina o sa mga bunga ng kaniyang pagkakasala. (Kawikaan 6:27) Ano na ang mangyayari kung hindi siya didisiplinahin? Kung palalampasin na lamang ng Diyos ang lahat ng ito, mapupulaan ang kaniyang mga pamantayan. Mawawalan siya ng awtoridad katulad ng mataas na saserdoteng si Eli, na nagbigay lamang ng banayad na saway sa kaniyang balakyot na mga anak at pagkatapos ay hinayaan silang magpatuloy sa kanilang masasamang gawa. (1 Samuel 2:22-25) Gayunman, hindi ipinagkakait ni Jehova sa isang nagsisisi ang Kaniyang maibiging-kabaitan. Ang kaniyang awa, tulad ng nakarerepreskong malamig na tubig, ay tutulong upang mabata ng isang nagkasala ang mga bunga ng pagkakasala. Ang init ng kapatawaran ng Diyos at ang nakapagpapatibay na pakikisama sa mga kapuwa mananamba ay nakapagpapagaling. Oo, salig sa pantubos ni Kristo, maaaring maranasan ng isang nagsisisi ‘ang kayamanan ng di-sana-nararapat na kabaitan [ng Diyos].’​—Efeso 1:7.

“Isang Dalisay na Puso” at “Isang Bagong Espiritu”

Pagkatapos na magtapat si David, hindi siya nagpadaig sa isang negatibong pagkadama ng kawalang-kabuluhan. Ang kaniyang mga pananalita sa mga awit na isinulat niya tungkol sa pagtatapat ay nagpapakita ng ginhawang nadama niya at ng kaniyang determinasyon na maglingkod sa Diyos nang may katapatan. Halimbawa, tingnan ang Awit 32. Sa talata 1, mababasa natin: “Maligaya siya na ang kaniyang pagsalansang ay pinagpapaumanhinan, na ang kaniyang kasalanan ay tinatakpan.” Gaano man kalubha ang pagkakasala, posibleng maging maligaya ang kalalabasan kung taimtim ang isang tao sa kaniyang pagsisisi. Ang isang paraan upang maipakita ang kataimtimang ito ay sa pamamagitan ng pagtanggap ng buong pananagutan sa mga pagkilos ng isa, gaya ng ginawa ni David. (2 Samuel 12:13) Hindi niya tinangkang ipagmatuwid ang kaniyang sarili sa harap ni Jehova o sinubukan mang ipasa sa iba ang sisi. Sinasabi sa talata 5: “Ang aking kasalanan ay ipinagtapat ko sa iyo sa wakas, at ang aking kamalian ay hindi ko pinagtakpan. Sinabi ko: ‘Ipagtatapat ko ang tungkol sa aking mga pagsalansang kay Jehova.’ At pinagpaumanhinan mo ang kamalian ng aking mga kasalanan.” Ang tunay na pagsisisi ay nagdudulot ng ginhawa, anupat ang isang tao ay hindi na babagabagin ng kaniyang budhi dahil sa nakalipas na mga pagkakamali.

Pagkatapos na magsumamo upang makamit ang kapatawaran ni Jehova, hiniling ni David: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, O Diyos, at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag.” (Awit 51:10) Ang paghiling ng “isang dalisay na puso” at “isang bagong espiritu” ay nagpapakita na batid ni David ang makasalanang hilig sa loob niya at na kailangan niya ang tulong ng Diyos upang linisin ang kaniyang puso at magkaroon ng bagong pasimula. Sa halip na magpadaig sa pagkahabag sa sarili, determinado siyang magpatuloy sa kaniyang paglilingkod sa Diyos. Nanalangin siya: “O Jehova, ibuka mo nawa ang mga labi kong ito, upang ang aking bibig ay makapagpahayag ng iyong kapurihan.”​—Awit 51:15.

Ano ang naging pagtugon ni Jehova sa taimtim na pagsisisi ni David at sa dibdiban nitong pagsisikap na paglingkuran siya? Binitiwan niya kay David ang nakapagpapasiglang katiyakang ito: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” (Awit 32:8) Ito’y katiyakan ng personal na atensiyon ni Jehova sa mga damdamin at mga pangangailangan ng isang nagsisisi. Binigyan ni Jehova si David ng karagdagang unawa, ang kakayahang makita ang higit pa sa panlabas na anyo ng mga bagay-bagay. Kung mapapaharap sa tukso sa hinaharap, magagawa niyang makilala ang kalalabasan ng kaniyang mga pagkilos at ang epekto nito sa iba, at makakakilos siya nang may pag-iingat.

Ang yugtong ito sa buhay ni David ay nagsisilbing pampatibay-loob sa lahat ng nahulog sa malubhang pagkakasala. Sa pamamagitan ng pagtatapat ng ating pagkakasala at pagpapakita ng taimtim na pagsisisi, muli nating matatamo ang ating pinakamahalagang pag-aari, ang kaugnayan natin sa Diyos na Jehova. Ang pansamantalang kirot at kahihiyan na maaaring kailangan nating batahin ay di-hamak na mas mabuti kaysa sa hirap ng loob na idudulot ng pananahimik, o sa kalunus-lunos na bunga kung pahihintulutan nating maging mapagmatigas tayo sa mapaghimagsik na landasin. (Awit 32:9) Sa halip, mararanasan natin ang mapagmahal na kapatawaran ng isang maibigin at maawaing Diyos, “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.”​—2 Corinto 1:3.

[Larawan sa pahina 31]

Umasa si David na matatakasan niya ang mga bunga ng kaniyang pagkakasala sa pamamagitan ng pagpapayaon kay Uria sa kamatayan nito