Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Kung ang Diyos ay Panig sa Atin, Sino ang Magiging Laban sa Atin?”

“Kung ang Diyos ay Panig sa Atin, Sino ang Magiging Laban sa Atin?”

“Kung ang Diyos ay Panig sa Atin, Sino ang Magiging Laban sa Atin?”

“Ano, kung gayon, ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin?”​—ROMA 8:31.

1. Sino ang kasama ng mga Israelita na umalis sa Ehipto, at ano ang umakay sa kanila upang gawin iyon?

 NANG patungo na sa paglaya ang mga Israelita matapos gumugol ng 215 taon sa Ehipto, na ang kalakhang bahagi ng panahong iyon ay ginugol sa pagkaalipin, “isang malaking haluang pangkat ang umahon ding kasama nila.” (Exodo 12:38) Nakaranas ang mga di-Israelitang ito ng sampung kakila-kilabot na salot na nagdulot ng napakalaking pinsala sa Ehipto at nagpangyaring maging katatawanan ang huwad na mga diyos nito. Kasabay nito, nakita nila​—lalo na pasimula sa ikaapat na salot at patuloy​—ang kakayahan ni Jehova na ipagsanggalang ang kaniyang bayan. (Exodo 8:23, 24) Bagaman limitado ang kanilang kaalaman hinggil sa mga layunin ni Jehova, isang bagay ang tiyak nila: Nabigong ipagsanggalang ng mga diyos ng Ehipto ang mga Ehipsiyo, samantalang napatunayan ni Jehova na siya ay malakas alang-alang sa mga Israelita.

2. Bakit sinuportahan ni Rahab ang mga tiktik na Israelita, at bakit hindi siya nagkamali sa pagtitiwala sa Diyos ng mga ito?

2 Pagkalipas ng 40 taon, nang malapit nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, ang kahalili ni Moises, si Josue, ay nagsugo ng dalawang lalaki upang tiktikan ang lupain. Doon ay nakilala nila si Rahab, isang naninirahan sa Jerico. Mula sa kaniyang narinig tungkol sa mga makapangyarihang gawa ni Jehova upang ipagsanggalang ang mga Israelita sa loob ng 40 taon sapol nang lisanin nila ang Ehipto, alam niya na kung nais niyang makamtan ang pagpapala ng Diyos, kailangang suportahan niya ang bayan ng Diyos. Dahil sa kaniyang matalinong pasiya, siya at ang kaniyang sambahayan ay nakaligtas sa pagkapuksa nang sakupin ng mga Israelita ang lunsod nang dakong huli. Ang makahimalang paraan ng pagkakaligtas sa kanila ay maliwanag na katibayan sa ganang sarili na ang Diyos ay sumasakanila. Kaya hindi nagkamali si Rahab sa pagtitiwala sa Diyos ng mga Israelita.​—Josue 2:1, 9-13; 6:15-17, 25.

3. (a) Anong himala ang ginawa ni Jesus malapit sa muling itinayong lunsod ng Jerico, at paano tumugon ang klero ng mga Judio? (b) Ano ang natanto ng ilang Judio, at nang maglaon ng maraming di-Judio?

3 Pagkalipas ng 15 siglo, pinagaling ni Jesu-Kristo ang isang pulubing bulag malapit sa muling itinayong lunsod ng Jerico. (Marcos 10:46-52; Lucas 18:35-43) Nagmakaawa ang lalaking ito kay Jesus upang pagpakitaan siya ng awa, na nagpapahiwatig na kinikilala niya na si Jesus ay sinusuportahan ng Diyos. Sa kabilang panig, sa pangkalahatan ay hindi tinanggap ng mga relihiyosong lider ng mga Judio at ng kanilang mga tagasunod na ang mga himalang ginawa ni Jesus ay katunayan na ginagawa niya ang gawain ng Diyos. Sa halip, hinanapan nila siya ng pagkakamali. (Marcos 2:15, 16; 3:1-6; Lucas 7:31-35) Kahit noong mapaharap sa katotohanan na binuhay-muli si Jesus pagkatapos na siya ay kanilang ipapatay, ayaw pa rin nilang aminin na iyon ay gawa ng Diyos. Sa halip, pinangunahan nila ang pag-usig sa mga tagasunod ni Jesus, anupat sinikap na hadlangan ang gawain ng mga ito na ‘paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus.’ Subalit ang ilang Judio, at nang maglaon ang maraming di-Judio, ay nagbigay-pansin sa mga pangyayaring ito at nasuri nila nang wasto ang mga ito. Para sa kanila, maliwanag na itinakwil na ng Diyos ang mapagmatuwid-sa-sariling mga lider ng mga Judio at sinusuportahan na niya ang mapagpakumbabang mga tagasunod ni Jesu-Kristo.​—Gawa 11:19-21.

Sino sa Ngayon ang Sinusuportahan ng Diyos?

4, 5. (a) Ano ang nadarama ng ilang tao hinggil sa kanilang pagpili ng relihiyon? (b) Sa pagkilala sa tunay na relihiyon, ano ang napakahalagang tanong?

4 May kinalaman sa usapin tungkol sa tunay na relihiyon, sinabi ng isang klerigo sa isang panayam kamakailan sa TV: “Igigiit ko na tunay ang isang relihiyon kung ang isa ay nagiging mas mabuting tao kapag siya ay namumuhay ayon dito.” Totoo, pinangyayari ng tunay na relihiyon na maging mas mabubuti ang mga tao. Ngunit dahil ba sa nakagagawa ng mas mabubuting tao ang isang relihiyon ay katunayan na ito sa ganang sarili na ito ay sinusuportahan ng Diyos? Iyan lamang ba ang pamantayan sa pagtiyak kung tunay nga ang isang relihiyon?

5 Pinahahalagahan ng lahat ang kakayahang gumawa ng personal na mga pagpili, kasali na ang pagpili sa aanibang relihiyon. Ngunit ang pagkakaroon ng kalayaang pumili ay hindi garantiya na makagagawa nga ng tamang pagpili ang isang tao. Halimbawa, pinipili ng ilang tao ang isang relihiyon dahil sa dami, kayamanan, karingalan ng mga seremonya nito, o dahil sa buklod ng kanilang pamilya. Wala sa mga bagay na ito ang sa anumang paraan ay napakahalaga sa pagtiyak kung ang isang relihiyon ang siyang tunay o hindi. Ang napakahalagang tanong sa bagay na ito ay: Aling relihiyon ang humihimok sa mga tagasunod nito na gawin ang kalooban ng Diyos at nagbibigay ng matibay na patotoo ng suporta ng Diyos, anupat may-pagtitiwalang masasabi ng mga tagapagtaguyod nito na, “ang Diyos ay panig sa atin”?

6. Anong mga salita ni Jesus ang nagbigay-liwanag hinggil sa tunay at huwad na relihiyon?

6 Ibinigay ni Jesus ang alituntunin sa pagkilala sa pagkakaiba ng tunay at huwad na pagsamba nang kaniyang sabihin: “Maging mapagbantay kayo sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga dayukdok na lobo sila. Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” (Mateo 7:15, 16; Malakias 3:18) Repasuhin natin ang ilan sa “mga bunga,” o mga pagkakakilanlang tanda, ng tunay na relihiyon upang matiyak natin nang buong-katapatan kung sino sa ngayon ang sinusuportahan ng Diyos.

Mga Pagkakakilanlang Tanda Niyaong mga Sinusuportahan ng Diyos

7. Ano ang ibig sabihin ng ituro kung ano lamang ang nakasalig sa Bibliya?

7 Isinasalig nila ang kanilang mga turo sa Bibliya. Sinabi ni Jesus: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. Kung ang sinuman ay nagnanais na gawin ang Kaniyang kalooban, makikilala niya tungkol sa turo kung ito ay mula sa Diyos o ako ay nagsasalita nang mula sa aking sarili.” At sinabi rin niya: “Siya na mula sa Diyos ay nakikinig sa mga pananalita ng Diyos.” (Juan 7:16, 17; 8:47) Makatuwiran naman, upang matamasa ang suporta ng Diyos, kailangang ituro ng isa kung ano lamang ang isinisiwalat ng Diyos sa kaniyang Salita at tanggihan ang mga turong salig sa karunungan o tradisyon ng tao.​—Isaias 29:13; Mateo 15:3-9; Colosas 2:8.

8. Bakit mahalaga na gamitin ang pangalan ng Diyos sa pagsamba?

8 Ginagamit at ipinahahayag nila ang pangalan ng Diyos na Jehova. Inihula ni Isaias: “Sa araw na iyon ay tiyak na sasabihin ninyo: ‘Magpasalamat kayo kay Jehova! Tumawag kayo sa kaniyang pangalan. Ihayag ninyo sa gitna ng mga bayan ang kaniyang mga ginagawa. Banggitin ninyo na ang kaniyang pangalan ay natanyag. Umawit kayo kay Jehova, sapagkat siya ay gumawa ng mga dakilang bagay. Ito ay inihahayag sa buong lupa.’ ” (Isaias 12:4, 5) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Samakatuwid, Judio man o di-Judio, ang mga Kristiyano ay maglilingkod bilang ‘isang bayan ukol sa pangalan [ng Diyos].’ (Gawa 15:14) Maliwanag na nalulugod ang Diyos na suportahan yaong mga tuwang-tuwa na maging “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.”

9. (a) Bakit ang kagalakan ay pagkakakilanlan ng mga miyembro ng tunay na relihiyon? (b) Paano ipinakita ni Isaias ang kaibahan ng tunay na relihiyon sa huwad?

9 Ipinaaaninag nila ang magalaking personalidad ng Diyos. Bilang awtor ng “mabuting balita,” si Jehova ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Kaya paano magiging malungkutin o laging madaling masiraan ng loob ang kaniyang mga mananamba? Sa kabila ng kabagabagan sa daigdig at personal na mga problema, nananatiling nagagalak ang mga tunay na Kristiyano dahil regular silang nagtatamasa ng saganang espirituwal na pagkain. Ipinakita ni Isaias ang kaibahan nila sa mga nagsasagawa ng huwad na relihiyon: “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Narito! Ang aking mga lingkod ay kakain, ngunit kayo ay magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay iinom, ngunit kayo ay mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsasaya, ngunit kayo ay mapapahiya. Narito! Ang aking mga lingkod ay hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso, ngunit kayo ay daraing dahil sa kirot ng puso at magpapalahaw kayo dahil sa lubusang pagkabagbag ng espiritu.’ ”​—Isaias 65:13, 14.

10. Paano maiiwasan niyaong mga nagtataglay ng tunay na relihiyon na matuto sa pamamagitan ng pagbabaka-sakali?

10 Isinasalig nila ang kanilang paggawi at ang kanilang mga pasiya sa mga simulain ng Bibliya. “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa,” ang payo sa atin ng manunulat ng Mga Kawikaan, “sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Sinusuportahan ng Diyos ang mga bumabaling sa kaniya ukol sa patnubay sa halip na sa nagkakasalungatang mga teoriya ng tao na nagwawalang-bahala sa karunungan ng Diyos. Kung hanggang saan handang iayon ng isang tao ang kaniyang buhay sa Salita ng Diyos, hanggang doon din niya maiiwasang matuto sa pamamagitan ng pagbabakasakali.​—Awit 119:33; 1 Corinto 1:19-21.

11. (a) Bakit hindi maaaring hatiin ang mga miyembro ng tunay na relihiyon sa isang uring klero at isang uring lego? (b) Anong halimbawa sa kawan ang dapat ipakita niyaong mga nangunguna sa gitna ng bayan ng Diyos?

11 Sila ay inoorganisa sa paraang katulad ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano. Ibinigay ni Jesus ang simulain: “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo. Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.” (Mateo 23:8-11) Ang isang kalipunan ng mga kapatid ay nakahahadlang sa pagkakaroon ng isang palalong uring klero na nagpaparangal sa sarili nito sa pamamagitan ng matatayog-pakinggang mga titulo at namamanginoon sa lego. (Job 32:21, 22) Yaong mga nagpapastol sa kawan ng Diyos ay sinabihan na gawin iyon nang “hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik; ni hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.” (1 Pedro 5:2, 3) Hindi sinisikap ng tunay na mga Kristiyanong pastol na maging mga panginoon sa pananampalataya ng iba. Bilang mga kamanggagawa sa paglilingkod sa Diyos, pinagsisikapan lamang nila na magpakita ng mainam na halimbawa.​—2 Corinto 1:24.

12. Anong timbang na pangmalas hinggil sa mga pamahalaan ng tao ang hinihiling ng Diyos sa mga nagnanais na magkamit ng kaniyang suporta?

12 Sila ay mapagpasakop sa mga pamahalaan ng tao ngunit nananatiling neutral. Siya na hindi ‘nagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad’ ay hindi makaaasa sa suporta ng Diyos. Bakit? Sapagkat “ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon. Kaya nga siya na sumasalansang sa awtoridad ay naninindigan laban sa kaayusan ng Diyos.” (Roma 13:1, 2) Gayunman, batid ni Jesus na posibleng magkaroon ng magkasalungat na mga interes nang kaniyang sabihin: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17) Yaong mga nagnanais na makamit ang suporta ng Diyos ay kailangang ‘patuloy . . . na humanap muna sa kaharian [ng Diyos] at sa kaniyang katuwiran,’ habang kasabay nito ay sumusunod sa mga batas ng lupain na kasuwato ng kanilang nakatataas na mga pananagutan sa Diyos. (Mateo 6:33; Gawa 5:29) Idiniin ni Jesus ang pagiging neutral nang kaniyang sabihin tungkol sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” Nang dakong huli ay sinabi pa niya: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”​—Juan 17:16; 18:36.

13. Anong papel ang ginagampanan ng pag-ibig sa pagkilala sa bayan ng Diyos?

13 Hindi sila nagtatangi sa paggawa “ng mabuti sa lahat.” (Galacia 6:10) Hindi nagtatangi ang Kristiyanong pag-ibig, tinatanggap nito ang lahat ng tao anuman ang kulay ng kanilang balat, katayuan sa kabuhayan o edukasyon, nasyonalidad, o wika. Ang paggawa ng mabuti sa lahat at lalo na sa mga may kaugnayan sa kanila sa pananampalataya ay tumutulong upang makilala yaong mga sinusuportahan ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:35; Gawa 10:34, 35.

14. Ang mga tao ba na sinasang-ayunan ng Diyos ay laging tinatanggap ng lahat? Ipaliwanag.

14 Handa silang dumanas ng pag-uusig dahil sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Patiunang nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo; kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang sa inyo.” (Juan 15:20; Mateo 5:11, 12; 2 Timoteo 3:12) Yaong mga sinusuportahan ng Diyos ay laging kinaiinisan, gaya ni Noe, na sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya ay hinatulan niya ang sanlibutan. (Hebreo 11:7) Sa ngayon, yaong mga nagnanais ng suporta ng Diyos ay hindi dapat magbanto sa salita ng Diyos o magkompromiso ng makadiyos na mga simulain upang makaiwas lamang sa pag-uusig. Hangga’t sila ay tapat na naglilingkod sa Diyos, alam nila na ang mga tao ay ‘magtataka at patuloy na magsasalita nang may pang-aabuso’ tungkol sa kanila.​—1 Pedro 2:12; 3:16; 4:4.

Panahon Na Upang Suriin ang mga Katotohanan

15, 16. (a) Anong mga tanong ang tutulong sa atin na makilala ang relihiyosong grupo na nagtatamasa ng suporta ng Diyos? (b) Anong konklusyon ang nabuo ng milyun-milyong tao, at bakit?

15 Tanungin ang iyong sarili, ‘Anong relihiyosong grupo ang kilalá sa mahigpit na pagsunod sa Salita ng Diyos, kahit na naiiba ang mga turo nito sa mga paniniwala ng nakararaming tao? Sino ang nagdiriin sa kahalagahan ng personal na pangalan ng Diyos, anupat ginagamit pa nga ito upang ipakilala ang kanilang sarili? Sino ang positibong tumutukoy sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging solusyon sa lahat ng problema ng tao? Sino ang nagtataguyod sa mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa paggawi, kahit na ituring sila na makaluma? Anong grupo ang kilalá na walang bayarang klero, na ang lahat ng miyembro nito ay mga mángangarál? Sino ang pinupuri bilang mga mamamayang masunurin sa batas, bagaman hindi sila sumasali sa pulitika? Sino ang maibiging gumugugol ng panahon at salapi sa pagtulong sa iba na matuto tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin? At sa kabila ng lahat ng kapuri-puring bagay na ito, sino pa rin ang hinahamak, tinutuya, at inuusig?’

16 Milyun-milyong tao sa buong daigdig ang nagsuri sa mga katotohanan at nakumbinsi na tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nagsasagawa ng tunay na relihiyon. Nabuo nila ang konklusyong ito salig sa itinuturo ng mga Saksi ni Jehova at sa paraan ng kanilang paggawi, at salig din sa mga kapakinabangang naidudulot ng kanilang relihiyon. (Isaias 48:17) Sa diwa, milyun-milyon ang nagsasabi, gaya ng inihula sa Zacarias 8:23: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.”

17. Bakit hindi kapangahasan para sa mga Saksi ni Jehova na sabihing taglay nila ang tunay na relihiyon?

17 Kapangahasan ba para sa mga Saksi ni Jehova na sabihing sila lamang ang sinusuportahan ng Diyos? Ang totoo, katulad lamang ito nang sabihin ng mga Israelita sa Ehipto na sila ang sinusuportahan ng Diyos sa kabila ng paniniwala ng mga Ehipsiyo, o nang sabihin ng unang-siglong mga Kristiyano na sila ang sinusuportahan ng Diyos at hindi ang mga relihiyonistang Judio. Pinatutunayan ng mga katotohanan ang kanilang sinasabi. Sa 235 lupain, ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang gawaing inihula ni Jesus na gagawin ng kaniyang tunay na mga tagasunod sa panahon ng kawakasan: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

18, 19. (a) Bakit walang dahilan para ihinto ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang gawaing pangangaral, bagaman sila ay sinasalansang? (b) Paano sinusuhayan ng Awit 41:11 ang katotohanan na sinusuportahan ng Diyos ang mga Saksi?

18 Patuloy na isasakatuparan ng mga Saksi ni Jehova ang atas na ito, anupat hindi pinahihintulutan kailanman na ang kanilang gawain ay mahadlangan ng pag-uusig o pagsalansang. Ang gawain ni Jehova ay dapat na maisakatuparan at talagang maisasakatuparan. Ang lahat ng pagtatangka ng iba noong nakalipas na siglo na hadlangan ang mga Saksi sa pagsasakatuparan sa gawain ng Diyos ay nauwi sa kabiguan, sapagkat ipinangako ni Jehova: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo. Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova, at ang kanilang katuwiran ay mula sa akin.”​—Isaias 54:17.

19 Ang katotohanan na ang mga Saksi ni Jehova ay mas malakas at mas aktibo ngayon nang higit kailanman​—at ito ay sa kabila ng pagsalansang sa buong daigdig​—ay patotoo na nalulugod si Jehova sa kanilang ginagawa. Sinabi ni Haring David: “Sa ganito ay nalalaman kong kinalugdan mo ako, sapagkat ang aking kaaway ay hindi sumisigaw nang may pagbubunyi laban sa akin.” (Awit 41:11; 56:9, 11) Ang mga kaaway ng Diyos ay hindi kailanman makasisigaw nang may pagbubunyi laban sa bayan ni Jehova, sapagkat ang kanilang Lider, si Jesu-Kristo, ay sumusulong tungo sa pangwakas na tagumpay!

Masasagot Mo Ba?

• Ano ang ilang sinaunang halimbawa ng mga tao na sinusuportahan ng Diyos?

• Ano ang ilang pagkakakilanlang tanda ng tunay na relihiyon?

• Bakit personal kang kumbinsido na sinusuportahan ng Diyos ang mga Saksi ni Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Ang mga turo niyaong mga nagnanais na makamit ang suporta ng Diyos ay kailangang isalig lamang sa kaniyang Salita

[Larawan sa pahina 15]

Ang Kristiyanong matatanda ay nagsisilbing mga halimbawa para sa kawan