Mga Pamantayang Nagbago, Pagtitiwalang Nasira
Mga Pamantayang Nagbago, Pagtitiwalang Nasira
Noong panahon ni Haring Henry I ng Inglatera (1100-1135), tinatantiya na ang isang yarda ay “ang distansiya mula sa tungki ng ilong ng Hari hanggang sa dulo ng kaniyang nakausling hinlalaki.” Gaano kaya katumpak ang mga pangyarda ng mga nasasakupan ni Haring Henry? Waring ang tanging paraan upang makatiyak ay ang dalawin nang personal ang monarka.
ANG mga pagsukat sa ngayon ay mas tumpak na itinatakda batay sa mga pamantayan. Kaya naman, ang metro ay itinakda bilang ang distansiya na nilalakbay ng liwanag sa isang espasyong halos walang hangin sa loob ng isang segundo na hinati sa 299,792,458. Upang maging eksakto, ang liwanag na ito ay may di-nagbabagong wavelength at inilalabas ng isang pantanging uri ng laser. Kung mayroon silang kagamitan na makakakopya ng pamantayang ito, maaaring tiyakin ng mga tao saanman na ang kanilang pagsukat ng haba ay kapareho ng sa iba.
Ang mga pagbabago sa mga pamantayan ng pagsukat, gaano man kaliit, ay maaaring magdulot ng pag-aalinlangan, at malalaking pagsisikap ang ginagawa upang mabantayan ang mga pamantayang ito. Halimbawa, sa Britanya ang pamantayan para sa pagsukat ng timbang ay isang bara ng pinaghalong platino at iridium na tumitimbang ng isang kilo. Ang barang ito ay nakatago sa National Physical Laboratory. Dahil sa polusyon sa hangin mula sa mga sasakyan at dumaraang eroplano ay bumibigat ang timbang ng pamantayan ng kilo araw-araw. Gayunman, ang metal na bara, o silindrong ito, ay isang kopya ng pandaigdig na pamantayan na nakatago sa loob ng tatlong garapon na hugis-kampanilya na nasa isang kaha-de-yero sa ilalim ng lupa sa International Bureau of Weights and Measures sa Sèvres, Pransiya. Ngunit maging ang timbang ng bagay na ito ay nagbabagu-bago dahil sa pagkaliliit na dumi. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga meteorologo sa daigdig ay hindi pa nakaiimbento ng isang mas matatag na pamantayan.
Bagaman ang napakaliliit na pagbabago ay waring hindi mahalaga sa isang karaniwang tao, ang isang ganap na pagbabago sa pamantayan ay maaaring maging sanhi ng kalituhan. Sa Britanya, ang pagbabago mula sa panukat ng timbang ng imperyo (mga libra at onsa) tungo sa metriko (mga kilo at gramo) ay lumikha ng malaking kawalang-tiwala—at may makatuwirang dahilan naman. Sinamantala ng ilang walang-prinsipyong nagtitinda ang pagiging di-pamilyar ng karamihan sa bagong sistema upang makapandaya sa kanilang mga parokyano.
Mga Pamantayan sa Pamilya at sa Moral
Kumusta naman ang mga pagbabago sa mga pamantayan sa pamilya at sa moral? Ang epekto ng gayong mga pagbabago ay makapupong higit na nakapipinsala. Ang kasalukuyang mga ulat ng pagkawasak ng pamilya, mahalay na paggawi sa sekso, at palasak na pang-aabuso sa bata ay nakababahala sa marami at nagpapatunay na nabubuhay tayo sa isang panahon ng bumababang mga pamantayan. Ang mga pamilyang may nagsosolong magulang, mga anak na pinalaki ng “mga magulang” na pareho ang sekso, at ang nakasisindak na seksuwal na pang-aabuso sa mga bata na nasa pangangalaga ng lokal na mga awtoridad ay pawang resulta ng pagtanggi ng mga tao sa pinaniniwalaang mga pamantayan. Ang mga tao ay lalo nang nagiging “mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga walang likas na pagmamahal, . . . mga walang pag-ibig sa kabutihan, . . . 2 Timoteo 3:1-4.
mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos,” gaya ng inihula ng Bibliya mga dalawang libong taon na ang nakalipas.—Ang pagbaba ng mga pamantayan sa moral ay may malapit na kaugnayan sa manhid na pagsira ng pagtitiwala. Kamakailan lamang, ang mga lantarang paglihis sa matataas na pamantayan ng mga taong nasa propesyon ng medisina ay nabunyag sa Hyde, isang bayan sa hilagang Inglatera, kung saan nagtiwala ang mga residente sa kanilang “iginagalang at pinagkakatiwalaang” mga doktor ng pamilya. Ngunit nakalulungkot na nasira ang kanilang pagtitiwala. Paano? Isinisiwalat ng mga ulat ng paglilitis na isang manggagamot ang naging dahilan mismo ng pagkamatay ng di-kukulangin sa 15 sa kaniyang mga pasyenteng babae. Sa katunayan, kinailangang suriing muli ng mga pulis ang mahigit sa 130 iba pang pagkamatay na kinasangkutan ng doktor. Nabigyang-diin ang lawak ng pagkasira ng pagtitiwala nang ang doktor ay mahatulan at masentensiyahan ng pagkabilanggo. Dalawang opisyal sa bilangguan na ang ina ay maaaring napatay ng doktor na ito ang binigyan ng ibang tungkulin upang hindi sila ang mag-asikaso sa kasumpa-sumpang bilanggo. Hindi nga kataka-taka na isang ulat sa The Daily Telegraph hinggil sa kaso ang naglarawan sa nagkasalang manggagamot bilang ang “ ‘Diyablong’ doktor.”
Dahil sa nagbabago at bumababang mga pamantayan sa napakaraming larangan ng buhay, kanino mo kaya maaaring ilagak nang buung-buo ang iyong pagtitiwala? Saan ka kaya makasusumpong ng di-nagbabagong mga pamantayan, na sinusuhayan ng isang awtoridad na may kapangyarihang magtaguyod ng mga ito? Tatalakayin ng sumusunod na artikulo ang mga katanungang ito.