Nagagalak at Nagpapasalamat sa Kabila ng Masaklap na Kawalan
Nagagalak at Nagpapasalamat sa Kabila ng Masaklap na Kawalan
AYON SA SALAYSAY NI NANCY E. PORTER
Noon ay Hunyo 5, 1947, isang maalinsangang gabi sa Bahamas, mga islang malapit sa timog-silangang baybayin ng Estados Unidos. Isang opisyal ng imigrasyon ang dumalaw nang di-inaasahan sa amin ng asawa kong si George. Iniabot niya sa amin ang isang liham na nagsasabing hindi na kami tinatanggap sa mga isla at na dapat na kaming “umalis sa kolonya kaagad-agad!”
KAMI ni George ang unang mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova na nakarating sa Nassau, ang pinakamalaking lunsod sa Bahamas. Nang magtapos kami sa ikawalong klase ng Gilead, isang paaralang pangmisyonero sa gawing hilaga ng New York, dito kami inatasang pumunta. Ano ang nagawa namin na naging sanhi ng gayong matinding reaksiyon pagkalipas lamang ng tatlong-buwang pamamalagi rito? At paano nangyaring naririto pa rin ako pagkalipas ng mahigit sa 50 taon?
Pagsasanay Para sa Ministeryo
Ang aking ama, si Harry Kilner, ay isang malakas na impluwensiya sa naging buhay ko. Nagpakita siya sa akin ng isang mahusay na halimbawa, na gumagawa ng maraming pagsasakripisyo upang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman hindi maganda ang kaniyang kalusugan, nangangaral siya halos bawat dulo ng sanlinggo, na may-kasigasigang inuuna ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Kapos na kapos kami sa pinansiyal, ngunit ang kaniyang tindahan ng sapatos ay isang sentro ng espirituwal na gawain sa Lethbridge, Alberta, Canada, noong dekada ng 1930. Ang aking unang mga alaala ay hinggil sa mga buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, na tinatawag na mga payunir, na dumadalaw sa aming tahanan at nagbabahagi ng mga karanasan.
Noong 1943, nagsimula akong magpayunir malapit sa Fort Macleod at Claresholm, Alberta. Noong panahong iyon, ang aming pangangaral ay ipinagbawal sa Canada bunga ng paninira ng mga sumasalansang noong Digmaang Pandaigdig II. Ang aming teritoryo ay umabot ng 100 kilometro mula sa dulo’t dulo, ngunit palibhasa’y nasa kabataan at malalakas pa, bale wala sa amin ang magbisikleta o maglakad upang marating ang maliliit na komunidad at mga kabukiran sa lugar na iyon. Nang panahong ito, nagkaroon ako ng pagkakataon na makausap ang ilan sa mga nagtapos sa Gilead, at ang kanilang mga karanasan ang nagpasigla sa hangarin ko na maging isang misyonera.
Noong 1945, ikinasal kami ni George Porter, na taga-Saskatchewan, Canada. Ang kaniyang mga magulang ay masisigasig na Saksi mula pa noong 1916, at pinili rin niya ang buong-panahong ministeryo bilang kaniyang karera. Ang aming unang atas ay sa magandang Lynn Valley sa North Vancouver, Canada. Di-nagtagal pagkatapos nito, inanyayahan kami sa Gilead.
May nakausap na akong mga nagtapos sa iba’t ibang seminaryo sa teolohiya sa loob ng maraming taon at nakita ko kung paano unti-unting sinira ng kanilang pagsasanay sa teolohiya ang kanilang pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa kabaligtaran, pinatalas ng natutuhan namin sa Gilead ang aming kakayahang mag-isip at higit sa lahat ay pinatibay nito ang aming pananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Salita. Ang aming mga kaklase ay inatasan sa Tsina, Singapore, India, mga bansa sa Aprika, Timog Amerika, at sa iba pang mga lugar. Naaalala ko pa ang aming pananabik nang malaman namin na ang aming atas ay sa mga tropikong isla sa Bahamas.
Kung Paano Kami Nakapanatili Roon
Kung ihahambing sa mga nilakbay ng aming mga kaklase, sandali lamang ang aming paglalakbay patungo sa Bahamas. Di-nagtagal at nasisiyahan na kami sa mainit na klima, asul na kalangitan, kulay-turkesang tubig, may mapupusyaw na kulay na mga gusali, at di-mabilang na mga bisikleta. Ngunit ang unang alaalang hindi ko malilimutan ay ang maliit na grupo ng limang Saksi na naghihintay sa amin nang dumating ang aming barko. Kaagad naming nalaman na ang kultura rito ay ibang-iba sa kinasanayan namin. Halimbawa, sinabihan ang aking asawa na huwag akong tawaging sweetheart sa publiko, yamang ang katagang iyon ay karaniwan nang iniuugnay sa isang kalaguyo.
Di-nagtagal at maliwanag na nakadarama ng banta ang klero sa aming malayang pakikisalamuha sa mga tao, anupat may-kabulaanan kaming pinaratangan na mga Komunista. Bunga nito, tumanggap
kami ng utos na umalis sa bansa. Ngunit ang mga Saksi—na wala pang 20 sa mga isla noong panahong iyon—ay kaagad-agad na nakakuha ng libu-libong pirma sa isang petisyong humihingi ng pahintulot na makapanatili kami roon. Dahil dito, napawalang-bisa ang utos na paalisin kami.Sa Isang Bagong Teritoryo
Mabilis na tumubo ang katotohanan ng Bibliya sa mga pusong umiibig sa Diyos, kung kaya’t mas marami pang misyonero ng Gilead ang ipinadala sa Bahamas. Pagkatapos, noong 1950, itinatag ang isang tanggapang pansangay. Makalipas ang sampung taon, si Milton Henschel, miyembro ng kawanihan sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, ay dumalaw sa Bahamas at nagtanong sa mga misyonero kung may sinumang nagnanais na pumunta sa isa pang isla sa Bahamas at pasimulan ang gawaing pangangaral doon. Nagboluntaryo kami ni George, at sa gayon ay nagsimula ang pamamalagi sa Long Island na umabot ng 11 taon.
Ang islang ito, isa sa marami na bumubuo sa Bahamas, ay may haba na 140 kilometro at luwang na 6 na kilometro, at nang panahong iyon, wala pa itong matatawag na mga bayan. Ang kabisera, ang Clarence Town, ay may mga 50 bahay. Lubhang sinauna ang buhay roon—walang kuryente, tubig, o lutuan o mga tubo at gripo sa loob ng bahay. Kaya kinailangan naming makibagay sa tinatawag na out-island life (buhay sa malayong isla). Paboritong pag-usapan dito ang kalusugan ng mga tao. Natutuhan naming huwag isama sa aming pagbati ang tanong na “Kumusta kayo ngayon?” yamang ang kadalasang sagot ay isang mahabang paglalahad sa buong kasaysayan ng kalusugan ng isa.
Ang kalakhang bahagi ng aming pagpapatotoo ay ginagawa habang palipat-lipat kami sa mga kusina dahil ang mga tao ay karaniwan nang matatagpuan sa kanilang kusina sa labas na may bubungang dayami at kalan na ginagatungan ng kahoy. Ang mga komunidad ay pangunahin nang binubuo ng mahihirap ngunit napakababait na magsasaka o mangingisda. Karamihan sa kanila ay hindi lamang relihiyoso kundi lubhang mapamahiin din. Ang di-karaniwang mga pangyayari ay madalas na binibigyang-kahulugan bilang mga palatandaan.
Ang klero ay basta na lamang pumapasok sa mga tahanan ng mga tao nang hindi inaanyayahan at pinupunit ang mga literatura sa Bibliya na iniwan namin doon. Sa gayon ay tinatakot nila ang mga mahina ang loob, ngunit hindi lahat ay takót sa kanila. Halimbawa, isang matapang na 70-taóng-gulang na babae ang tumangging magpadala sa pananakot. Gusto niyang siya mismo ang makaunawa sa Bibliya, at nang dakong huli siya’y naging isang Saksi kasama ang marami pang iba. Dahil marami kaming natatagpuang interesado, paminsan-minsan ay kailangang magmaneho si George nang 300 kilometro kapag Linggo, anupat tinutulungan ang mga ito na makadalo sa aming mga pulong.
Noong unang mga buwan na wala pang ibang Saksi, pinanatili namin ni George ang aming espirituwalidad sa pamamagitan ng pagdaraos ng lahat ng regular na Kristiyanong pagpupulong. Karagdagan pa, masikap naming sinunod tuwing Lunes ng gabi ang isang programa ng pag-aaral sa aralin sa magasing Bantayan at ang aming pagbabasa ng Bibliya. Binabasa rin namin kaagad ang lahat ng isyu ng Ang Bantayan at Gumising! kapag natanggap namin ang mga ito.
Nasa Long Island kami nang mamatay ang aking
ama. Nang sumunod na tag-araw noong 1963, isinaayos namin na si Inay ay pumaroon at manirahan malapit sa amin. Bagaman may-edad na siya, nasanay rin siya sa kalagayan at nanirahan sa Long Island hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1971. Sa ngayon, ang Long Island ay may isang kongregasyon na may bagong Kingdom Hall.Isang Masaklap na Hamon
Noong 1980, nadama ni George na nagsisimula nang humina ang kaniyang kalusugan. Gayon nagsimula ang isa sa pinakamasakit na karanasan ko sa buhay—ang makita ang aking minamahal na asawa, kamanggagawa, at kasama na unti-unting namamatay dahil sa Alzheimer’s disease. Nagbago ang kaniyang buong personalidad. Ang pinakahuli at pinakamapait na bahagi ay nagtagal nang mga apat na taon bago ang kaniyang kamatayan noong 1987. Sinasamahan niya ako sa ministeryo at sa mga pulong hangga’t kaya niya, bagaman maraming beses akong napapaiyak sa kaniyang pagsisikap. Ang saganang pagpapamalas ng pag-ibig ng ating mga Kristiyanong kapatid ay tunay na nakaaaliw, ngunit talagang labis ko pa rin siyang hinahanap-hanap.
Ang isa sa pinakamahalagang aspekto ng aming pag-aasawa ni George ay ang aming madalas at kasiya-siyang pag-uusap. Ngayong wala na si George, ako’y nagpapasalamat higit kailanman na inaanyayahan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na ‘manalangin nang walang lubay,’ ‘magmatiyaga sa pananalangin,’ at gamitin ang “bawat uri ng panalangin.” (1 Tesalonica 5:17; Roma 12:12; Efeso 6:18) Lubhang nakaaaliw na malaman na si Jehova ay nababahala sa ating kapakanan. Tunay na ang nadarama ko ay tulad niyaong sa salmista na umawit: “Pagpalain nawa si Jehova, na sa araw-araw ay siyang nagdadala ng pasan para sa atin.” (Awit 68:19) Ang paggawa lamang ng makakaya ko sa isang araw, pagtanggap sa aking mga limitasyon, at pagiging mapagpasalamat sa mga pagpapalang tinatanggap sa bawat araw, tulad ng ipinayo ni Jesus, ay tunay na siyang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay.—Mateo 6:34.
Nakagagalak na mga Gantimpala sa Ministeryo
Ang pagiging abala sa Kristiyanong ministeryo ay tumulong sa akin na huwag labis na isipin ang nakaraan. Sa gayon ay napananaigan ko ang mga emosyon na maaaring humantong sa panlulumo. Ang pagtuturo sa iba hinggil sa katotohanan ng Bibliya ay naging isang pantanging pinagmumulan ng kagalakan. Naglalaan ito ng isang maayos na espirituwal na rutin na nakapagbigay ng kaayusan at katatagan sa aking buhay.—Filipos 3:16.
Minsan, nakatanggap ako ng isang tawag mula sa isang babae na nabahaginan ko ng mensahe ng Kaharian mga 47 taon na ang nakararaan. Siya ay anak ng isa sa aming unang mga estudyante sa Bibliya nang dumating kami sa Bahamas noong 1947. Ang kaniyang ina, ama, at lahat ng kaniyang mga kapatid ay naging mga Saksi ni Jehova at gayundin ang karamihan sa kanilang mga anak at
apo. Sa katunayan, mahigit sa 60 miyembro ng pamilya ng babaing ito ay mga Saksi. Ngunit siya mismo ay hindi tumanggap sa katotohanan ng Bibliya. Gayunman, sa wakas ay handa na siya ngayon na maging isang lingkod ng Diyos na Jehova. Anong laking kagalakan ang makita na ang iilang Saksi na nasa Bahamas nang dumating kami ni George ay dumami na sa mahigit na 1,400!Kung minsan ay tinatanong ako ng mga tao kung hinahanap-hanap ko ang pagkakaroon ng sariling mga anak. Siyempre pa, ang pagkakaroon ng mga anak ay isang pagpapala. Subalit ang pag-ibig na palaging ipinakikita sa akin ng aking espirituwal na mga anak, mga apo, at mga apo-sa-tuhod ay isang bagay na marahil ay hindi nararanasan ng lahat ng likas na mga magulang. Tunay nga, yaong mga “gumawa ng mabuti” at “mayaman sa maiinam na gawa” ang siyang pinakamaliligayang tao. (1 Timoteo 6:18) Kaya naman nananatili akong abala sa ministeryo habang ipinahihintulot ng aking kalusugan.
Isang araw sa opisina ng dentista, isang kabataang babae ang lumapit sa akin at nagsabi, “Hindi po ninyo ako kilala, ngunit kilala ko kayo, at nais ko lamang pong ipabatid sa inyo na mahal ko kayo.” Pagkatapos ay inilahad niya kung paano niya nalaman ang katotohanan mula sa Bibliya at ang laki ng pasasalamat niya dahil sa pagpunta naming mga misyonero sa Bahamas.
Sa isa pang pagkakataon nang makabalik na ako mula sa bakasyon, nakakita ako ng isang rosas sa pintuan ng tinitirhan ko ngayon sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nassau. May kalakip itong mensahe, “Naliligayahan kami sa iyong pag-uwi.” Nag-uumapaw sa pasasalamat ang aking puso, at pinangyayari nito na ibigin ko si Jehova nang lubus-lubusan kapag nakikita ko ang uri ng mga tao na ibinubunga ng kaniyang Salita, organisasyon, at espiritu! Tunay nga, ang umaalalay na kamay ni Jehova ay madalas na namamalas sa pamamagitan niyaong mga nakapaligid sa atin.
Nag-uumapaw sa Pasasalamat
Hindi laging madali ang buhay para sa akin, ni madali man ang ilang bahagi nito sa ngayon. Ngunit napakarami kong dapat ipagpasalamat—ang mga kagalakan sa ministeryo, ang pag-ibig at pagmamahal ng napakaraming Kristiyanong kapatid na lalaki’t babae, ang maibiging pangangalaga ng organisasyon ni Jehova, ang magagandang katotohanan mula sa Bibliya, ang pag-asa na makasama ang mga minamahal kapag sila’y binuhay muli, at ang mga alaala ng 42 taon ng pag-aasawa sa piling ng isang tapat na lingkod ni Jehova. Bago kami ikinasal, aking ipinanalangin na lagi ko sanang matulungan ang aking asawa na manatili sa buong-panahong ministeryo na mahal na mahal niya. May kagandahang-loob na sinagot ni Jehova ang panalanging iyon. Kaya nais kong ipahayag ang aking pasasalamat kay Jehova sa pamamagitan ng pagiging laging tapat sa kaniya.
Ang Bahamas ay isang popular na pasyalan ng mga turista, na gumagastos ng libu-libong dolyar upang mapuntahan at matamasa ang mga kaluguran sa tropiko. Yamang ipinasiya kong maglingkod kay Jehova saanman ako akayin ng kaniyang organisasyon, naranasan ko ang kagalakan na maglakbay mula sa isang dulo ng mga islang ito hanggang sa kabilang dulo, na ipinahahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ngunit higit pa riyan, nadama ko at napahalagahan ang pag-ibig ng pinakamabubuti sa mga palakaibigang taga-Bahamas.
Lubos akong nagpapasalamat sa mga nagdala ng katotohanan sa aking mga magulang, na siya namang nagkintal sa aking murang kaisipan at puso ng masidhing hangarin na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos. Ang mga kabataang lingkod ni Jehova sa ngayon ay makatatanggap din ng maraming pagpapala kung kanilang papasukin ang “malaking pinto” na umaakay sa malalaking pagkakataon ng isang pinalawak na ministeryo. (1 Corinto 16:9) Kayo rin ay mag-uumapaw sa pasasalamat kung gagamitin ninyo ang inyong buhay upang parangalan “ang Diyos ng mga diyos,” si Jehova.—Deuteronomio 10:17; Daniel 2:47.
[Larawan sa pahina 24]
Sa gawain sa lansangan sa Victoria, B.C., noong 1944
[Larawan sa pahina 24]
Nag-aral kami ni George sa Paaralang Gilead noong 1946
[Larawan sa pahina 25]
Kasama si George sa harapan ng tahanang pangmisyonero sa Nassau, Bahamas, noong 1955
[Larawan sa pahina 26]
Ang tahanang pangmisyonero sa Deadman’s Cay, kung saan kami naglingkod mula 1961 hanggang 1972