Nasapatan ang Kaniyang Espirituwal na mga Pangangailangan
Nasapatan ang Kaniyang Espirituwal na mga Pangangailangan
ANG Ciprus ay isang isla sa hilagang-silangang sulok ng Dagat Mediteraneo. Noong kapanahunan ng Bibliya, kilala ang Ciprus sa tanso at primera-klaseng kahoy nito. Doon ipinahayag nina Pablo at Bernabe ang mabuting balita ng Kaharian noong kanilang unang paglalakbay bilang misyonero. (Gawa 13:4-12) Sa ngayon, ang mabuting balita ay mayroon pa ring positibong epekto sa buhay ng maraming taga-Ciprus. Tiyak na ito’y totoo kay Lucas, isang lalaking mahigit na sa 40 taon ang edad. Inilahad niya:
“Ako’y isa sa pitong magkakapatid sa aming pamilya na nakatira sa isang lupaing bakahan. Maaga pa sa aking pagkabata, mahilig na akong magbasa. Ang paborito kong aklat ay isang pocket-size na edisyon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Nang ako’y sampung taóng gulang, ako at ang ilan sa aking mga kaibigan ay bumuo ng isang maliit na grupo sa pag-aaral ng Bibliya. Gayunman, hindi ito nagtagal dahil tinawag kaming mga erehe ng ilang matatanda sa nayon.
“Nang maglaon, habang nag-aaral ako sa Estados Unidos, may nakilala akong mga tao mula sa iba’t ibang relihiyon. Iyan ang muling nagpaningas sa aking hilig sa espirituwal na mga bagay. Gumugol ako ng maraming araw sa aklatan ng unibersidad upang pag-aralan ang iba’t ibang relihiyon. Pinuntahan ko rin ang maraming simbahan, ngunit sa kabila ng aking mga pagsisikap, hindi pa rin ako nakadama ng espirituwal na kasiyahan.
“Nang matapos ko ang aking pag-aaral, nagbalik ako sa Ciprus at tinanggap ko ang isang trabaho bilang direktor ng isang laboratoryo sa medisina. Isang may-edad na lalaki na nagngangalang Antonis, isa sa mga Saksi ni Jehova, ang dumadalaw sa akin noon sa lugar ng aking trabaho. Ngunit hindi nalingid sa Simbahang Griego Ortodokso ang kaniyang mga pagdalaw.
“Di-nagtagal, pinuntahan ako ng isang teologo at hinimok akong huwag makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Yamang mula sa pagkabata ay itinuro sa akin na taglay ng Simbahang Griego Ortodokso ang katotohanan, sumunod ako at huminto sa pakikipagkita kay Antonis at nagsimulang makipagtalakayan sa teologo hinggil sa Bibliya. Pinuntahan ko rin ang maraming monasteryo sa Ciprus. Naglakbay pa nga ako sa hilagang Gresya at pumunta sa Bundok Athos, na itinuturing na pinakabanal na bundok sa daigdig ng Kristiyanong Ortodokso. Pero hindi pa rin nasasagot ang aking mga katanungan sa Bibliya.
“Pagkatapos ay nanalangin ako sa Diyos na tulungan akong masumpungan ang katotohanan. Di-nagtagal pagkalipas nito, muli akong dinalaw ni Antonis sa lugar na pinagtatrabahuhan ko, at nadama kong ito ang sagot sa aking panalangin. Kaya inihinto ko na ang pakikipagkita sa teologo at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya kay Antonis. Patuloy akong sumulong, at noong Oktubre 1997, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
“Noong una, sinalansang ako ng aking asawa at ng aming dalawang nakatatandang anak na babae, na edad 14 at 10. Ngunit dahil sa aking mabuting paggawi, ipinasiya ng aking asawa na dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall. Hangang-hanga siya sa kabaitan ng mga Saksi at sa personal na interes na ipinakita ng mga ito. Lalo na siyang humanga sa kanilang paggamit ng Bibliya. Bunga nito, tinanggap ng aking asawa at dalawang nakatatandang anak na babae ang isang pakikipag-aral sa Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Gunigunihin kung gaano ang aking kasiyahan nang silang tatlo ay mabautismuhan sa “Makahulang Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon noong 1999!
“Oo, ang paghahanap ko ng katotohanan ay natugunan. Ngayon ang aming buong pamilya, kasama ang aking asawa at apat na anak, ay nagkakaisa sa dalisay na pagsamba kay Jehova.”