Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-aaral ng Bibliya—Ito Ba’y Para sa Iyo?

Pag-aaral ng Bibliya—Ito Ba’y Para sa Iyo?

Pag-aaral ng Bibliya​—Ito Ba’y Para sa Iyo?

“HINDI dapat basahin kung walang kasamang pari.” Ang babalang ito ay lumilitaw sa pasimula ng ilang Bibliya na pag-aari ng mga Katoliko. “Bilang mga Katoliko ay hindi kami laging nakababasa ng Bibliya,” sabi ni Kay Murdy ng Catholic Bible Institute sa Los Angeles, “ngunit nagbabago na ang kalagayan.” Minsang malaman ng mga Katoliko kung paano maaaring maapektuhan ng Banal na Kasulatan ang kanilang buhay, ang sabi niya, “nagkakaroon sila ng pagkagutom at pagkauhaw sa Bibliya.”

May kinalaman sa pagbabagong ito, sinipi ng magasing U.S. Catholic ang isang coordinator ng edukasyon sa relihiyon na nagsabing nadama ng mga Katolikong sumali sa mga klase sa pag-aaral ng Bibliya na “pinagkaitan sila bilang mga Katoliko, at na puspos ng kasaganaan ang Bibliya. Nais nilang makamit ang ilang bahagi ng kasaganaang iyan na nadama nilang hindi nila natamo.”

Magkagayunman, anong “kasaganaan” ang maaaring matuklasan ng isang estudyante ng Bibliya? Isaalang-alang ito: Nais mo bang malaman kung paano haharapin ang mga kabalisahan sa pang-araw-araw na buhay? Paano mo mapananatili ang kapayapaan sa loob ng pamilya? Bakit napakaraming magagaspang at antisosyal na pag-uugali? Ano ang sanhi ng karahasan sa gitna ng mga kabataan sa ngayon? Ang mapananaligang mga sagot sa mga ito at sa iba pang nakalilitong mga katanungan ay matatagpuan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at ang mga iyon ay magiging tunay ngang “kasaganaan,” hindi lamang para sa mga Katoliko o sa mga Protestante kundi para rin sa mga Budista, Hindu, Muslim, Shintoista, at maging sa mga ateista at agnostiko. Gaya ng sinabi ng salmista, ‘ang salita ng Diyos ay naging lampara sa kaniyang paa, at liwanag sa kaniyang landas.’ Maaari rin itong maging totoo sa iyo.​—Awit 119:105.