Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsulong Tungo sa Pangwakas na Tagumpay!

Pagsulong Tungo sa Pangwakas na Tagumpay!

Pagsulong Tungo sa Pangwakas na Tagumpay!

“Narito! isang kabayong puti; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang busog; at isang korona ang ibinigay sa kaniya, at humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.”​—APOCALIPSIS 6:2.

1. Anong mga pangyayari sa hinaharap ang nakita ni Juan sa pangitain?

 SA PAMAMAGITAN ng pagkasi ng Diyos, nakita ni apostol Juan ang mangyayari pagkalipas ng mga 1,800 taon at nailarawan ang pagluluklok kay Kristo bilang Hari. Kinailangan ni Juan ang pananampalataya upang paniwalaan ang kaniyang nakita sa pangitain. Tayo sa ngayon ay may malinaw na katibayan na naganap ang inihulang pagluluklok na ito noong 1914. Sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, nakikita natin si Jesu-Kristo na ‘humahayong nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.’

2. Paano tumugon ang Diyablo nang isilang ang Kaharian, at katibayan ito ng ano?

2 Kasunod ng pagsilang sa Kaharian, si Satanas ay pinalayas sa langit, na naging dahilan upang pag-ibayuhin niya ang pakikipaglaban taglay ang mas matinding galit ngunit tiyak naman na hindi bumubuti ang kaniyang tsansa na magtagumpay. (Apocalipsis 12:7-12) Dahil sa kaniyang galit ay nagiging lalong mapanganib ang mga kalagayan sa daigdig. Waring nagkakawatak-watak ang lipunan ng tao. Para sa mga Saksi ni Jehova, ito ay malinaw na katibayan na ang kanilang Hari ay sumusulong “upang lubusin ang kaniyang pananaig.”

Binubuo ang Isang Bagong Sanlibutang Lipunan

3, 4. (a) Anong mga pagbabago sa organisasyon ang ginawa sa kongregasyong Kristiyano sapol nang isilang ang Kaharian, at bakit kinailangan ang mga ito? (b) Ano ang naging pakinabang sa mga pagbabagong ito, gaya ng inihula ni Isaias?

3 Kapag naisilang na ang Kaharian, panahon na upang ang isinauling kongregasyong Kristiyano​—na ngayon ay nadagdagan ng mga pananagutang pang-Kaharian​—ay higit na makasuwato ng mga katangian ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano. Kaya naman, sa mga isyu nito na Hunyo 1 at 15, 1938, sinuring mabuti ng The Watchtower kung paano dapat tumakbo ang organisasyong Kristiyano. Nang maglaon, ang isyu ng Disyembre 15, 1971, ay nagbigay ng higit pang paliwanag tungkol sa makabagong-panahong Lupong Tagapamahala sa artikulong “Isang Lupong Tagapamahala na Naiiba sa Isang Legal na Korporasyon.” Noong 1972, inatasan ang mga lupon ng matatanda upang maglaan ng tulong at patnubay sa mga lokal na kongregasyon.

4 Lubhang nakapagpatibay sa kongregasyong Kristiyano ang pagsasauli ng wastong pangangasiwa. Nakatulong din dito ang mga paglalaan na ginawa ng Lupong Tagapamahala upang turuan ang matatanda sa kanilang mga tungkulin, lakip na ang pagsasanay sa kanila sa mga panghukumang bagay. Ang unti-unting pagsulong sa kaayusan ng makalupang organisasyon ng Diyos at ang mga positibong resulta nito ay inihula sa Isaias 60:17: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.” Ang mga positibong pagbabagong ito ay nagpaaninag ng pagpapala ng Diyos at nagpatunay na sinasang-ayunan ng Diyos ang mga hayagan at masigasig na sumuporta sa kaniyang Kaharian.

5. (a) Paano tumugon si Satanas sa pagpapala ni Jehova sa Kaniyang bayan? (b) Kasuwato ng Filipos 1:7, paano tumutugon ang bayan ni Jehova sa galit ni Satanas?

5 Ang maibiging atensiyon at patnubay na ibinigay ng Diyos sa kaniyang bayan pagkaraang isilang ang Kaharian ay napansin ni Satanas. Halimbawa, noong 1931, hayagang sinabi ng maliit na grupong ito ng mga Kristiyano na hindi lamang sila mga Estudyante ng Bibliya. Kasuwato ng Isaias 43:10, sila ay mga Saksi ni Jehova! Nagkataon man ito o hindi, nagpabugso ang Diyablo ng wala-pang-katulad na daluyong ng pag-uusig sa buong daigdig. Maging sa mga lupain na karaniwang kilalá sa pagbibigay ng kalayaan sa relihiyon, gaya ng Estados Unidos, Canada, at Alemanya, paulit-ulit na napilitan ang mga Saksi na ipakipaglaban ang mga kaso sa hukuman sa layuning mapanatili ang kanilang kalayaan sa pagsamba. Pagsapit ng 1988, nirepaso ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang 71 kaso na kinasasangkutan ng mga Saksi ni Jehova, na dalawang-katlo sa mga ito ay pinagpasiyahan na pabor sa mga Saksi. Sa ngayon, sa buong daigdig, patuloy pa ring ipinaglalaban ang mga kaso sa hukuman upang, gaya noong unang siglo, ‘maipagtanggol at legal na maitatag ang mabuting balita.’​—Filipos 1:7.

6. Nahadlangan ba ng mga pagbabawal at mga paghihigpit ang pagsulong ng bayan ni Jehova? Ilarawan.

6 Noong dekada ng 1930, sa mga araw na humantong sa Digmaang Pandaigdig II, ipinagbawal o hinigpitan ng mga diktadurang pamahalaan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya, Espanya, at Hapon, bilang pagbanggit sa tatlo lamang. Ngunit sa taóng 2000, ang tatlong bansang ito lamang ay mayroon nang halos 500,000 aktibong tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Iyan ay halos sampung ulit ng bilang ng mga Saksi sa buong daigdig noong 1936! Maliwanag, hindi mahahadlangan ng mga pagbabawal at mga paghihigpit ang pagsulong ng bayan ni Jehova sa ilalim ng kanilang matagumpay na Lider, si Jesu-Kristo.

7. Anong namumukod-tanging pangyayari ang naganap noong 1958, at anong malaking pagbabago ang naganap simula noon?

7 Kitang-kita nga ang pagsulong na ito nang maganap sa New York City noong 1958 ang pinakamalaking kombensiyon na idinaos kailanman ng mga Saksi ni Jehova, ang Divine Will International Assembly, na may pinakamataas na bilang ng dumalo na 253,922. Noong 1970, nabuksan ang kanilang gawain sa tatlong bansa na binanggit sa itaas, maliban sa kilalá noon bilang Silangang Alemanya. Ngunit ang mga Saksi ay ipinagbabawal pa rin noon sa malawak na Unyong Sobyet at sa mga kaalyadong bansa nito sa Warsaw Pact. Ngayon, sa dating mga Komunistang bansa na ito, mayroon nang mahigit sa kalahating milyong aktibong Saksi.

8. Ano ang resulta ng pagpapala ni Jehova sa kaniyang bayan, at ano ang sinabi ng The Watchtower noong 1950 hinggil dito?

8 Pinagpala ng pagsulong ang mga Saksi ni Jehova dahil patuloy nilang ‘hinahanap muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos].’ (Mateo 6:33) Sa literal na paraan, natutupad na ang hula ni Isaias: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.” (Isaias 60:22) At hindi pa ito tapos. Nito lamang nakaraang dekada, ang bilang ng aktibong mga tagapagtaguyod ng pamamahala ng Kaharian ay dumami nang mahigit sa 1,750,000 katao. Ang mga ito ay kusang-loob na naging bahagi ng isang grupo na hinggil dito ay ganito ang sinabi ng isang Watchtower noong 1950: “Inihahanda na ngayon ng Diyos ang isang bagong sanlibutang lipunan. . . . Ang pinakapundasyong grupong ito ay makatatawid sa Armagedon, . . . ang unang nasa eksena sa ‘bagong lupa’ . . . , na inorganisa sa teokratikong paraan, anupat nakaaalam sa mga pamamaraan ng organisasyon.” Ganito nagtapos ang artikulo: “Kung gayon, magsama-sama tayong lahat sa patuloy na pagsulong bilang isang bagong sanlibutang lipunan!”

9. Paano naging kapaki-pakinabang ang mga bagay na natutuhan ng mga Saksi ni Jehova sa paglipas ng mga taon?

9 Samantala, ang lalong lumalaking bagong sanlibutang lipunan na ito ay nagkaroon ng malawak na kabatiran sa mga bagay-bagay na napatunayang napakahalaga sa ngayon at marahil maging sa panahon ng gawaing pagsasauli pagkaraan ng Armagedon. Halimbawa, ang mga Saksi ay natutong mag-organisa ng malalaking kombensiyon, magbigay ng dagliang tulong na pangkagipitan, at magtayo ng mga gusali sa mabilis na paraan. Ang gawaing ito ang naging dahilan ng paghanga at paggalang ng marami sa mga Saksi ni Jehova.

Pagtutuwid sa mga Maling Impresyon

10, 11. Ilarawan kung paano naituwid ang mga maling impresyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova.

10 Gayunman, may mga tao na nagpaparatang na hindi raw kasundo ng lipunan ng tao ang mga Saksi ni Jehova. Ito ay pangunahin nang dahilan sa salig-Bibliyang paninindigan ng mga Saksi hinggil sa mga bagay na tulad ng pagsasalin ng dugo, neutralidad, paninigarilyo, at moralidad. Subalit parami nang parami sa publiko ang nagsisimulang umamin na karapat-dapat isaalang-alang ang mga pangmalas ng mga Saksi. Halimbawa, isang doktora sa Poland ang tumelepono sa tanggapang pampangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova at nagsabi na siya at ang kaniyang mga kasamahan sa ospital ay maraming oras nang nagdedebate hinggil sa paksang pagsasalin ng dugo. Nagsimula ang talakayan dahil sa isang artikulo na lumabas nang araw na iyon sa pahayagang Polako na Dziennik Zachodni. “Ako mismo ay nalulungkot sa labis na paggamit sa dugo sa larangan ng medisina,” ang pag-amin ng doktora. “Dapat itong baguhin, at natutuwa ako na may nagbukas sa paksang ito. Gusto ko ng higit pang impormasyon.”

11 Sa isang komperensiya na ginanap noong nakaraang taon, tinalakay ng mga awtoridad sa medisina mula sa Canada, Europa, Israel, at Estados Unidos ang materyal na dinisenyo upang tulungan ang mga doktor na gumamot ng mga pasyente nang hindi gumagamit ng dugo. Ipinakita sa pulong na ito, na ginanap sa Switzerland, na kabaligtaran ng popular na opinyon, ang totoo ay mas mataas ang bilang ng mga namamatay sa mga pasyenteng nagpasalin ng dugo kaysa sa mga pasyenteng hindi nagpasalin ng dugo. Ang mga pasyenteng Saksi sa pangkalahatan ay mas maagang nakalalabas sa ospital kaysa roon sa mga sinalinan ng dugo, anupat bunga nito ay karaniwan nang nakatitipid sa gastos sa pagpapagamot.

12. Magbigay ng halimbawa kung paano pinuri ng mga prominenteng indibiduwal ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa neutralidad sa pulitika.

12 Marami rin ang positibong komento hinggil sa neutral na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova bago at noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, nang sila ay nanatiling matatag sa ilalim ng pagsalakay ng Nazi. Ang video na Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault, na ginawa ng mga Saksi ni Jehova at angkop na unang ipinalabas sa kampong piitan ng Ravensbrück sa Alemanya noong Nobyembre 6, 1996, ay nakapukaw ng maraming kaayaayang komento. Sa pagbubukas ng isang katulad na presentasyon sa kinatatakutang kampong piitan sa Bergen-Belsen noong Abril 18, 1998, ang direktor ng Center for Political Education sa Lower Saxony, si Dr. Wolfgang Scheel, ay umamin: “Ang isa sa nakahihiyang katotohanan ng kasaysayan ay na tinanggihan ng mga Saksi ni Jehova ang National Socialism taglay ang higit na mas matinding determinasyon kaysa sa mga simbahang Kristiyano. . . . Anuman ang maaaring madama natin tungkol sa mga turo at pagkarelihiyoso ng mga Saksi ni Jehova, ang kanilang katatagan noong panahon ng rehimeng Nazi ay karapat-dapat sa paggalang.”

13, 14. (a) Anong matalinong pasiya alang-alang sa unang mga Kristiyano ang nanggaling sa isang di-inaasahang pinagmulan? (b) Magbigay ng mga halimbawa ng mga kaayaayang komento alang-alang sa bayan ng Diyos sa ngayon.

13 Kapag ang mga prominenteng indibiduwal o ang mga desisyon ng korte ay nagpahayag ng pagpanig sa mga Saksi ni Jehova hinggil sa mga kontrobersiyal na usapin, maaari itong makabawas sa mga pagtatangi at nagpapangyaring malasin ang mga Saksi sa mas positibong paraan. Malimit na nagbibigay-daan ito para makausap nila ang mga tao na dati ay ayaw makinig. Kaya naman malugod na tinatanggap ang gayong mga pagkilos, at ang mga ito ay tunay na pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaaalaala nito sa atin ang nangyari noong unang siglo sa Jerusalem. Nang naisin ng Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio, na patayin ang mga Kristiyano dahil sa kanilang masigasig na pangangaral, nagbabala si Gamaliel, “isang guro ng Kautusan na iginagalang ng lahat ng mga tao,” at nagsabi: “Mga lalaki ng Israel, bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili sa binabalak ninyong gawin may kaugnayan sa mga taong ito. . . . Huwag ninyong panghimasukan ang mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; (sapagkat, kung ang pakanang ito o ang gawaing ito ay mula sa mga tao, ito ay maibabagsak; ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak;) sa halip, baka masumpungan pa kayong lumalaban mismo sa Diyos.”​—Gawa 5:33-39.

14 Tulad ni Gamaliel, ang mga prominenteng indibiduwal ay nagpahayag kamakailan ng pagpanig sa kalayaan ng relihiyon para sa mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, ang dating tsirman ng International Academy for Freedom of Religion and Belief ay nangatuwiran: “Hindi dapat ipagkait ang mga karapatang panrelihiyon ng isang relihiyon dahil lamang sa ang mga pananalig nito ay minamalas ng lipunan bilang di-katanggap-tanggap o di-karaniwan.” At isang propesor sa makasiyensiyang pag-aaral sa relihiyon sa unibersidad ng Leipzig ang nagbangon ng kaugnay na tanong tungkol sa isang ahensiya ng pamahalaang Aleman na itinatag upang magsiyasat sa tinaguriang mga sekta ng relihiyon, anupat nagtanong: “Bakit ang mga minoryang relihiyon lamang ang mapapasailalim sa pagsisiyasat at hindi kasali ang dalawang malalaking simbahan [ang Simbahang Romano Katoliko at ang Simbahang Luterano]?” Madali nating masusumpungan ang sagot sa mga pananalita ng isang dating opisyal na Aleman, na sumulat: “Walang-alinlangan na sa likod ng mga pangyayari, idinikta ng mga panatiko ng simbahan ang pulitikal na landasing pinili ng ahensiya ng pamahalaan.”

Kanino Tayo Umaasa ng Kaginhawahan?

15, 16. (a) Bakit limitado lamang ang nagawa ng pagkilos ni Gamaliel? (b) Paano naging limitado ang nagawa ng tatlong iba pang maimpluwensiyang indibiduwal alang-alang kay Jesus?

15 Itinatampok lamang ng sinabi ni Gamaliel ang katotohanan na ang isang gawain na sinusuportahan ng Diyos ay hindi maaaring mabigo. Walang-duda na nakinabang ang unang mga Kristiyano sa kaniyang mga pananalita sa Sanedrin, ngunit hindi nila kinalimutan na totoo rin ang mga salita ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay pag-uusigin. Napahinto ng pagkilos ni Gamaliel ang mga plano ng mga relihiyosong lider na patayin ang mga Kristiyano, ngunit hindi nito lubusang pinawi ang pag-uusig, sapagkat mababasa natin: “Sa gayon ay pinakinggan nila siya, at tinawag nila ang mga apostol, pinagpapalo sila, at inutusan silang tumigil na sa pagsasalita salig sa pangalan ni Jesus, at pinawalan sila.”​—Gawa 5:40.

16 Nang litisin si Jesus, sinikap ni Poncio Pilato, palibhasa ay walang masumpungang pagkakasala kay Jesus, na palayain siya. Ngunit siya ay nabigo. (Juan 18:38, 39; 19:4, 6, 12-16) Maging ang dalawang miyembro ng Sanedrin, sina Nicodemo at Jose ng Arimatea, na nakapanig kay Jesus, ay walang gaanong nagawa upang mahadlangan ang hukuman sa paggawa ng hakbang laban kay Jesus. (Lucas 23:50-52; Juan 7:45-52; 19:38-40) Ang kaginhawahang nakakamit ng mga tao kapag ipinagtanggol nila ang bayan ni Jehova​—sa anumang kadahilanan​—ay limitado lamang. Patuloy pa ring kapopootan ng sanlibutan ang tunay na mga tagasunod ni Kristo, gaya ng pagkapoot ng sanlibutan sa kaniya. Ang lubos na kaginhawahan ay darating lamang mula kay Jehova.​—Gawa 2:24.

17. Anong makatotohanang pangmalas ang taglay ng mga Saksi ni Jehova, ngunit bakit hindi humihina ang kanilang kapasiyahang magpatuloy sa pangangaral ng mabuting balita?

17 Palibhasa ay may makatotohanang pangmalas, inaasahan ng mga Saksi ni Jehova na magpapatuloy ang pag-uusig. Hihinto lamang ang pagsalansang kapag nagapi na sa wakas ang sistema ni Satanas. Gayunman, ang pag-uusig na ito, bagaman di-kaayaaya, ay hindi nakapipigil sa mga Saksi sa pagtupad sa kanilang atas na ipangaral ang Kaharian. Bakit sila mapipigilan nito, gayong sinusuportahan sila ng Diyos? Tumitingin sila sa kanilang matapang na Lider, si Jesu-Kristo, bilang ang tamang huwaran.​—Gawa 5:17-21, 27-32.

18. Anong paghihirap ang naghihintay pa rin sa bayan ni Jehova, ngunit sa anong resulta sila kumbinsido?

18 Sapol nang magsimula ito, napaharap na ang tunay na relihiyon sa matinding pagsalansang. Di-magtatagal, ito ang magiging tampulan ng lubusang pagsalakay ni Gog, si Satanas sa kaniyang ibinabang kalagayan mula nang palayasin siya sa langit. Ngunit makaliligtas ang tunay na relihiyon. (Ezekiel 38:14-16) ‘Ang mga hari ng buong tinatahanang lupa,’ na nasa ilalim ng patnubay ni Satanas “ay makikipagbaka sa Kordero, ngunit, dahil sa siya ay Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, dadaigin sila ng Kordero.” (Apocalipsis 16:14; 17:14) Oo, ang ating Hari ay sumusulong tungo sa pangwakas na tagumpay at malapit na niyang “lubusin ang kaniyang pananaig.” Kay gandang pribilehiyo nga na sumulong na kasama niya, yamang nalalaman natin na di-magtatagal at wala nang muli pang sasalungat sa mga mananamba ni Jehova kapag sasabihin nila: “Ang Diyos ay panig sa atin”!​—Roma 8:31; Filipos 1:27, 28.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Ano ang ginawa ni Jehova upang patibayin ang kongregasyong Kristiyano mula nang isilang ang Kaharian?

• Ano ang ginawa ni Satanas upang sikaping mapahinto si Kristo sa paglubos sa kaniyang pananaig, at ano ang mga resulta?

• Anong timbang na pangmalas ang dapat nating taglayin sa pagpanig sa atin ng mga di-Saksi?

• Ano ang malapit nang gawin ni Satanas, at ano ang magiging resulta?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 18]

Makikita sa mga kombensiyon ang pagsulong ng bayan ni Jehova

[Mga larawan sa pahina 20]

Nagdudulot pa rin ng papuri kay Jehova ang pagiging neutral ng mga Saksi noong Digmaang Pandaigdig II