Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patibayin ang Iyong Pagtitiwala kay Jehova

Patibayin ang Iyong Pagtitiwala kay Jehova

Patibayin ang Iyong Pagtitiwala kay Jehova

Kasalukuyang binubuo ang isang pakana ng pagpatay. Ang lahat ng matataas na opisyal ng lupain ay nagsanggunian sa isa’t isa at nakaisip na magpanukala ng isang bagong batas. Nais nilang gawing isang pagkakasalang nararapat sa kamatayan ang pagsasagawa ninuman ng pagsambang hindi sinasang-ayunan ng Estado.

WARING pamilyar ba ito? Ang kasaysayan ay punô ng mga halimbawa ng mga taong bumaling sa pagkatha ng kasamaan sa pamamagitan ng batas. Ang pangyayaring nabanggit sa itaas ay naganap sa Imperyo ng Persia noong kapanahunan ni propeta Daniel. Ang batas, na pinagtibay ni Haring Dario, ay nagtakda: “Sinumang magsumamo sa alinmang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw malibang sa . . . hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon.”​—Daniel 6:7-9.

Ano ang gagawin ni Daniel sa harap ng bantang kamatayan? Patuloy ba siyang magtitiwala sa kaniyang Diyos, si Jehova, o makikipagkompromiso ba siya at gagawin ang iniutos ng hari? Sinasabi sa atin ng ulat: “Si Daniel, nang malaman niyang nilagdaan ang sulat, ay pumasok sa kaniyang bahay, at, ang mga bintana sa kaniyang silid-bubungan ay nakabukas para sa kaniya sa dakong Jerusalem, tatlong ulit nga sa isang araw ay iniluluhod niya ang kaniyang mga tuhod at nananalangin at naghahandog ng papuri sa harap ng kaniyang Diyos, gaya ng lagi niyang ginagawa bago pa nito.” (Daniel 6:10) Alam na ng marami ang sumunod na nangyari. Inihagis si Daniel sa yungib ng mga leon dahil sa kaniyang pananampalataya, ngunit ‘itinikom [ni Jehova] ang mga bibig ng mga leon’ at iniligtas ang kaniyang matapat na lingkod.​—Hebreo 11:33; Daniel 6:16-22.

Isang Panahon Para sa Pagsusuri sa Sarili

Sa ngayon, ang mga lingkod ni Jehova ay nabubuhay sa isang napopoot na daigdig, anupat napapaharap sa maraming pagbabanta sa kanilang pisikal at espirituwal na kapakanan. Halimbawa, dahil sa malupit na pagsilakbo ng pagkakapootan ng lahi sa ilang bansa, maraming Saksi ang napapatay. Sa ibang dako naman, napapaharap ang mga lingkod ni Jehova sa kakapusan sa pagkain, kahirapan sa ekonomiya, likas na mga sakuna, malubhang sakit, at iba pang mga situwasyon na nagsasapanganib ng buhay. Karagdagan pa, kinailangan nilang batahin ang pag-uusig, mga panggigipit sa trabaho, at iba’t ibang tukso na gumawa ng masama, anupat ang lahat ng ito ay maaaring magbanta sa kanilang espirituwalidad. Tunay nga, ang pusakal na Kalaban, si Satanas, ay determinadong ipahamak ang mga lingkod ni Jehova sa anumang paraan na mabisa.​—1 Pedro 5:8.

Yamang napapaharap sa gayong mga kalagayan, ano ang maaari nating gawin? Bagaman likas lamang na matakot kapag pinagbabantaan ang buhay ng isa, maaari nating ingatan sa isipan ang nakapagpapalakas-loob na mga pananalita ni apostol Pablo: “Sinabi [ni Jehova]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ Anupat tayo ay magkaroon ng lakas ng loob at magsabi: ‘Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’ ” (Hebreo 13:5, 6) Makapagtitiwala tayo na gayundin ang nadarama ni Jehova hinggil sa kaniyang mga lingkod sa ngayon. Gayunman, may pagkakaiba ang pagkakaroon ng kaalaman sa pangako ni Jehova at ang pagiging kumbinsido na kikilos siya alang-alang sa atin. Kaya napakahalaga na ating suriin kung saan nakasalig ang pagtitiwala kay Jehova at gawin natin ang lahat ng magagawa natin upang patibayin at panatilihin ang pagtitiwalang iyan. Kung gagawin natin iyan, “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:7) At kapag dumating na ang mga pagsubok, makapag-iisip tayo nang malinaw at mahaharap natin ang mga ito nang may karunungan.

Saligan ng Pagtitiwala kay Jehova

Talagang marami tayong dahilan upang magtiwala sa ating Maylalang na si Jehova. Una sa mga ito ay ang katotohanan na si Jehova ay isang maibiging Diyos na tunay na nagmamalasakit sa kaniyang mga lingkod. Napakaraming pangyayari ang nakaulat sa Bibliya na naglalahad tungkol sa maibiging pagmamalasakit ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Sa paglalarawan hinggil sa pakikitungo ni Jehova sa kaniyang piniling bayan, ang Israel, sumulat si Moises: “Nasumpungan niya siya sa isang lupaing ilang, at sa isang tiwangwang at umaalulong na disyerto. Pinasimulan niya siyang palibutan, upang alagaan siya, upang ingatan siya na gaya ng balintataw ng kaniyang mata.” (Deuteronomio 32:10) Sa makabagong panahon, patuloy na pinangangalagaang mabuti ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, kapuwa bilang isang grupo at bilang mga indibiduwal. Halimbawa, nang dumanas ng malubhang kakapusan sa pagkain ang ilang Saksi noong panahon ng digmaang sibil sa Bosnia, tiniyak ni Jehova na tumanggap sila ng kailangang-kailangang mga suplay sa pamamagitan ng magiting na pagsisikap ng kanilang mga kapatid mula sa Croatia at Austria, na nagsapeligro ng kanilang buhay upang maglakbay sa napakamapanganib na teritoryo upang makapagdala ng materyal na tulong sa kanilang mga kapatid. a

Yamang ang Diyos na Jehova ang Makapangyarihan-sa-lahat, tiyak na kaya niyang ipagsanggalang ang kaniyang mga lingkod sa ilalim ng anumang kalagayan. (Isaias 33:22; Apocalipsis 4:8) Ngunit kahit na pinahihintulutan ni Jehova ang ilan sa kaniyang mga lingkod na patunayan ang kanilang katapatan hanggang sa kamatayan, inaalalayan pa rin niya sila at tinutulungan sila na panatilihin ang kanilang katapatan, anupat pinangyayari na manatili silang matatag, may kagalakan, at kalmado hanggang sa wakas. Sa gayon ay maaari nating taglayin ang pagtitiwalang katulad niyaong sa salmista: “Ang Diyos ay kanlungan at kalakasan para sa atin, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan. Kaya naman hindi tayo matatakot, bagaman ang lupa ay dumanas ng pagbabago at bagaman ang mga bundok ay makilos patungo sa kalagitnaan ng malawak na dagat.”​—Awit 46:1, 2.

Isinisiwalat din ng Bibliya na si Jehova ay isang Diyos ng katotohanan. Nangangahulugan ito na lagi niyang tinutupad ang kaniyang mga pangako. Sa katunayan, inilalarawan siya ng Bibliya bilang isang Diyos “na hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Yamang paulit-ulit na sinasabi ni Jehova ang kaniyang pagnanais na ipagsanggalang at iligtas ang kaniyang mga lingkod, lubos tayong makatitiyak na hindi lamang niya kayang tuparin ang kaniyang mga pangako kundi handa rin siyang gawin ang mga ito.​—Job 42:2.

Mga Paraan Upang Patibayin ang Ating Pagtitiwala

Bagaman taglay natin ang lahat ng dahilan upang ilagak ang ating pagtitiwala kay Jehova, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang bagay na ito. Ito ay sa dahilang ang sanlibutan sa pangkalahatan ay may kakaunting pananampalataya sa Diyos, at ang gayong saloobin ay madaling makapagpapahina sa ating pagtitiwala kay Jehova. Kung gayon, dapat tayong puspusang magsumikap na patibayin at panatilihin ang pagtitiwalang iyon. Alam na alam ito ni Jehova, at naglaan siya ng mga paraan upang magawa natin ang gayon.

Una sa lahat, inilaan niya ang kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya, na nag-uulat ng napakaraming makapangyarihang gawa na kaniyang isinakatuparan alang-alang sa kaniyang mga lingkod. Isip-isipin na lamang, gaano kalaki ang magiging pagtitiwala mo sa isa kung pangalan lamang niya ang alam mo? Marahil ay babahagya lamang, kung mayroon man. Kailangan mong malaman ang kaniyang mga pamamaraan at ang kaniyang mga nagawa upang makapagtiwala ka sa kaniya, hindi ba? Habang binabasa natin at binubulay-bulay ang gayong mga ulat sa Bibliya, ang ating kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga kamangha-manghang pamamaraan ay lumalalim, at lalo nating pinahahalagahan na siya’y talagang mapagkakatiwalaan. Kaya napatitibay ang pananalig natin sa kaniya. Nagbigay ang salmista ng mahusay na halimbawa nang sabihin niya sa marubdob na panalangin sa Diyos: “Aalalahanin ko ang mga gawa ni Jah; sapagkat aalalahanin ko ang iyong kamangha-manghang gawain noong sinaunang panahon. At bubulay-bulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at ang iyong mga gawain ay pagtutuunan ko ng pansin.”​—Awit 77:11, 12.

Bukod pa sa Bibliya, mayroon tayong saganang mapagkukunan ng espirituwal na pagkain sa mga publikasyon sa Bibliya na inilalathala ng organisasyon ni Jehova. Kadalasan nang kalakip din sa mga publikasyong ito ang makabagbag-damdaming mga talambuhay ng mga lingkod ng Diyos sa modernong panahon, na nagpapakita kung paano nakapaglaan ng tulong at kaginhawahan si Jehova nang sila’y mapaharap sa matinding kagipitan. Halimbawa, si Martin Poetzinger, na nang maglaon ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay nagkasakit nang malubha habang naglilingkod bilang payunir sa mga lugar ng Europa na malayo sa kaniyang sariling bayan. Wala siyang pera, at walang doktor na gustong tumingin sa kaniya. Ngunit hindi siya pinabayaan ni Jehova. Sa wakas, nakausap ang senior consultant ng ospital sa lugar na iyon. Palibhasa’y isang taong matatag na naniniwala sa Bibliya, inalagaan ng mabait na lalaking ito si Brother Poetzinger tulad ng pag-aalaga sa isang anak, anupat ginawa pa ito nang walang bayad. Ang pagbabasa ng gayong personal na mga salaysay ay talagang makapagpapatibay ng ating pagtitiwala sa ating makalangit na Ama.

Ang isa pang napakahalagang tulong na inilalaan ni Jehova upang patibayin ang ating pagtitiwala sa kaniya ay ang mahalagang pribilehiyo ng panalangin. Buong-pagmamahal na sinasabi sa atin ni apostol Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” (Filipos 4:6) Kabilang sa “lahat ng bagay” ang ating mga damdamin, mga pangangailangan, mga takot, at mga kabalisahan. Habang mas madalas at taos-puso ang ating mga panalangin, lalong magiging mas matibay ang ating pagtitiwala kay Jehova.

Noong si Jesu-Kristo ay nasa lupa, kung minsan ay mag-isa siyang pumupunta sa isang liblib na dako upang manalangin nang hindi nagagambala. (Mateo 14:23; Marcos 1:35) Bago gumawa ng mabibigat na pasiya, buong magdamag pa nga siyang nanalangin sa kaniyang Ama. (Lucas 6:12, 13) Hindi kataka-taka na ang pagtitiwala ni Jesus kay Jehova ay napakatibay anupat nakayanan niyang batahin ang pinakanakapanghihilakbot na pagsubok na dinanas ninuman. Ang kaniyang huling mga salita sa pahirapang tulos ay: “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” Ang kapahayagang iyon ng pagtitiwala ay nagpapakitang hindi humina ang kaniyang pagtitiwala sa kaniyang Ama hanggang sa wakas, bagaman hindi nakialam si Jehova upang iligtas siya.​—Lucas 23:46.

Ang isa pang paraan upang mapatibay ang ating pagtitiwala kay Jehova ay ang regular na pakikisama sa mga taong nagtitiwala sa kaniya nang buong puso. Iniutos ni Jehova sa kaniyang bayan na magtipon nang regular upang higit na matuto hinggil sa kaniya at upang magpatibayang-loob sa isa’t isa. (Deuteronomio 31:12; Hebreo 10:24, 25) Ang gayong pakikisama ay nagpatibay sa kanilang pagtitiwala kay Jehova, anupat nakayanan nilang batahin ang malalaking pagsubok sa pananampalataya. Sa isang bansa sa Aprika kung saan ipinagbawal ang gawaing pangangaral, ang mga Saksi ni Jehova ay pinagkaitan ng proteksiyon mula sa pulisya, mga dokumento para sa paglalakbay, mga sertipiko sa kasal, panggagamot sa ospital, at mga trabaho. Nang sumiklab ang digmaang sibil sa isang lugar, ang 39 na miyembro, kasama na ang mga bata, ng isang kalapit na kongregasyon ay nanirahan nang mga apat na buwan sa ilalim ng isang mababang tulay sa disyerto upang makaligtas sa pambobomba sa kanilang bayan. Sa ilalim ng gayon katinding kahirapan, lubha silang pinalakas ng kanilang araw-araw na pagtalakay ng isang teksto sa Bibliya at ng iba pang mga pagpupulong. Sa gayon ay nakayanan nilang batahin ang matinding pagsubok anupat hindi naapektuhan ang kanilang espirituwalidad. Maliwanag na ipinakikita ng karanasang ito ang kahalagahan ng regular na pakikipagpulong sa bayan ni Jehova.

Bilang panghuli, upang mapatibay ang ating pagtitiwala kay Jehova, dapat tayong manatiling aktibo sa gawaing pangangaral ng Kaharian, na laging handang ibahagi sa iba ang mabuting balita. Ipinakita ito ng isang makabagbag-damdaming karanasan ng isang masigasig na kabataang mamamahayag sa Canada na may taning na ang buhay dahil sa leukemia. Sa kabila ng malubhang sakit ng kabataang babae, ninanais niyang maging isang regular pioneer, o isang buong-panahong ministro. Nang sandaling panahon na pansamantalang nasupil ang kaniyang sakit, nagkaroon siya ng sapat na lakas upang makagugol ng isang buwan sa ministeryo bilang isang auxiliary pioneer. Pagkatapos ay lumala na ang kaniyang kalagayan, at namatay siya pagkalipas ng ilang buwan. Gayunman, nanatili siyang malakas sa espirituwal hanggang sa wakas, at hindi nanghina ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova kahit isang saglit. Naalala ng kaniyang ina: “Hanggang sa wakas, higit pa siyang nabahala sa iba kaysa sa kaniyang sarili. Pinatitibay niya sila na mag-aral ng Bibliya, na sinasabi sa kanila, ‘Magkakasama tayo sa Paraiso.’ ”

Pinatutunayan ang Ating Pagtitiwala kay Jehova

“Kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Ang sinabi ni Santiago hinggil sa pananampalataya sa Diyos ay maaaring ikapit din sa ating pagtitiwala sa Kaniya. Ilang ulit man nating sabihin na malaki ang ating pagtitiwala sa Diyos, wala itong kabuluhan kung hindi natin ipakikita ang pagtitiwalang iyon sa pamamagitan ng ating mga pagkilos. Lubos na nagtiwala si Abraham kay Jehova at pinatunayan ang pagtitiwalang iyon sa pamamagitan ng walang pag-aalinlangang pagsunod sa kaniyang mga utos, maging hanggang sa punto na handa niyang ihandog ang kaniyang anak na si Isaac. Dahil sa gayong namumukod-tanging pagtitiwala at pagsunod, nakilala si Abraham bilang kaibigan ni Jehova.​—Hebreo 11:8-​10, 17-​19; Santiago 2:23.

Hindi natin kailangang hintaying dumanas pa ng matinding pagsubok bago natin ipakita ang ating pagtitiwala kay Jehova. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.” (Lucas 16:10) Dapat tayong matutong magtiwala kay Jehova sa lahat ng ating pang-araw-araw na gawain, anupat sinusunod siya maging sa mga bagay na tila hindi mahalaga. Kapag nakikita natin ang mga kapakinabangan na dulot ng gayong pagsunod, ang ating pagtitiwala sa ating makalangit na Ama ay napatitibay, na nagpapangyaring maharap natin ang mas malalaki at mas mahihirap na pagsubok.

Habang papalapit na ang sanlibutan sa kapaha-pahamak na wakas nito, tiyak na daranas ang bayan ni Jehova ng higit pang mga pagsubok at mga panganib. (Gawa 14:22; 2 Timoteo 3:12) Sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang matibay at lubos na pagtitiwala kay Jehova sa ngayon, makaaasa tayong maligtas tungo sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan​—ito man ay sa pamamagitan ng pagtawid nang buháy sa malaking kapighatian o sa pamamagitan ng pagtanggap ng pagkabuhay-muli. (2 Pedro 3:13) Nawa’y huwag nating hayaan na sirain ng anumang kawalan ng pagtitiwala sa bahagi natin ang ating mahalagang kaugnayan kay Jehova. Sa gayon, ang sinabi tungkol kay Daniel pagkatapos na siya’y iligtas mula sa yungib ng mga leon ay masasabi rin tungkol sa atin: “Walang anumang pinsala ang nasumpungan sa kaniya, sapagkat nagtiwala siya sa kaniyang Diyos.”​—Daniel 6:23.

[Talababa]

a Para sa mga detalye, tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1994, pahina 23-7.

[Larawan sa pahina 9]

Ang pagbabasa ng mga talambuhay ng mga tapat na lingkod ni Jehova, tulad ni Martin Poetzinger, ay nakapagpapatibay ng pananampalataya