Magalak sa Pag-asa ng Kaharian!
Magalak sa Pag-asa ng Kaharian!
NAGKASAMA-SAMA sa isang masayang okasyon ang 5,784 na tagapakinig na nagtipon noong Marso 10, 2001, sa tatlong pasilidad sa New York State na ginagamit ng malaking pamilyang Bethel. Ang okasyon ay ang pagtatapos ng ika-110 klase ng paaralang Gilead ukol sa pagmimisyonero.
Si Carey Barber, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang tumanggap sa lahat at nagbukas ng programa, sa pagsasabing: “Natutuwa tayong malaman na 110 klase ng mga estudyante ng Gilead ang nasanay na ngayon bilang mga misyonero at naatasan sa mga teritoryo sa palibot ng buong globo.”
Kung Paano Mananatiling May Kagalakan
Pagkatapos ng pambungad na pananalita ni Brother Barber, si Don Adams ay nagsalita sa mga tagapakinig, kasama na ang 48 estudyanteng nagtapos, sa paksang “Ang Pagpapala ni Jehova ay Nagpapayaman sa Atin.” Ibinabatay ang kaniyang pahayag sa Kawikaan 10:22, pinaalalahanan niya ang mga tagapakinig na pinalalakas at pinagpapala ni Jehova ang kaniyang mga lingkod kapag inuuna nila ang mga kapakanan ng Kaharian sa kanilang buhay. Pinasigla niya ang mga estudyante na tanggapin ang kanilang mga bagong atas taglay ang gayunding espiritu ng pagkukusa na ipinamalas ni apostol Pablo nang siya ay anyayahan na ‘tumawid sa Macedonia at tumulong.’ (Gawa 16:9) Bagaman may mga suliranin na kailangang pagtagumpayan, ang pagkukusa ni Pablo na mangaral saanman siya isugo ay nagbunga ng maraming nakagagalak na pagpapala.
Nakumpleto na ng mga miyembro ng nagtapos na klase ang kanilang limang-buwang pag-aaral ng Bibliya at pagsasanay bilang paghahanda para sa gawaing pagmimisyonero. Gayunman, pinatibay pa rin sila ni Daniel Sydlik, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na patuloy na maging mga mag-aaral. Sa pagpapahayag sa temang “Maging Tunay na mga Alagad,” sinabi niya: “Ang pagiging alagad ay nangangahulugan ng palaging pagsunod sa mga salita ni Jesus. Kalakip dito ang ating pagiging laging handa na makinig sa kaniyang mga salita, sa kaniyang mensahe, sa kaniyang pagtuturo.” Tinukoy niya na ang mga alagad ni Kristo ay hindi gumagawa ng mga pasiya nang hindi muna nakikinig sa tinig ng Panginoon; ang karunungan ng Diyos ay mahigpit na nakalakip sa buhay ni Kristo. (Colosas 2:3) Walang sinuman sa atin ang makapakikinig sa mga salita ni Jesus nang minsan at pagkatapos ay makapagsasabing alam na natin ang lahat ng tungkol sa kaniya, kaya pinasigla ni Brother Sydlik ang mga nagtapos na patuloy na mag-aral, magkapit, at magturo ng katotohanang Kristiyano, na nagbubunga ng kalayaan.—Juan 8:31, 32.
Upang manatiling may kagalakan sa paglilingkod sa Diyos, ang isa ay kailangang maging handang tumanggap ng disiplina at pagtutuwid. “Itutuwid ba Kayo ng Inyong mga Bato?” ang tanong na ibinangon ng instruktor sa Gilead na si Lawrence Bowen. Ipinakita niya na sa Bibliya, ang makasagisag na mga bato ay nauugnay sa pinakamalalalim na kaisipan at damdamin ng isa. Maaaring ituwid ng mga ito ang isa kapag ang kinasihang payo mula sa Salita ng Diyos ay tumagos sa kaloob-loobang mga aspekto ng personalidad ng isa. (Awit 16:7; Jeremias 17:10) Ang tapat na landasin ng isa ay maaari pa ngang lubhang makaantig kay Jehova. Matapos basahin ang Kawikaan 23:15, 16, ang tagapagsalita ay nagtanong: “Itutuwid ba kayo ng inyong mga bato?” Idinagdag niya: “Idinadalangin namin na sana’y magkagayon nga, upang sa gayo’y maipadama ninyo kay Jehova mismo ang pinakamasidhing kasiyahan. Maaantig ninyo ang kaniyang pinakamasisidhing damdamin. Oo, magagawa ninyong magbunyi ang mga bato ng Diyos habang may katapatan kayong nananatili sa inyong mga atas.”
Ang huling pahayag sa bahaging ito ng programa ay binigkas ni Mark Noumair, na naglingkod bilang isang misyonero sa Kenya bago naging isang instruktor sa Gilead. Ang kaniyang pahayag na pinamagatang “Mas Mabuti ang Pagtingin ng mga Mata” ay nagtampok sa kahalagahan ng paglinang sa pagkakontento. Kasuwato ng Eclesiastes 6:9, inirekomenda ni Brother Noumair: “Harapin ang katotohanan. Iyan ang ‘pagtingin ng mga mata.’ Sa halip na mangarap nang gising tungkol sa isang bagay na nais mong gawin ngunit hindi mo ginagawa, ituon ang pansin sa pagtatamo ng pinakamainam mula sa iyong kasalukuyang mga kalagayan. Ang pamumuhay sa isang daigdig ng mga pangarap, anupat may di-makatuwirang mga inaasahan, o pagtutuon ng pansin sa mga negatibong aspekto ng iyong atas ay magpapangyari lamang na mawalan ka ng kasiyahan at pagkakontento.” Oo, nasaan man tayo o anuman ang mga kalagayan, ang paglinang ng makadiyos na pagkakontento sa ating sariling mga kalagayan ay magdudulot ng espiritung may kagalakan sa paglilingkod sa ating Dakilang Maylalang.
Nakagagalak na mga Karanasan sa Paglilingkod sa Kaharian at sa Gilead
Pagkatapos ng gayong praktikal na payo mula sa mga diskursong iyon, isinalaysay ng mga 2 Corinto 4:2) Nagawa nilang pukawin ang bigay-Diyos na budhi ng ilan. Ipinakita ng mga karanasan ng mga estudyante kung paano napasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya sa taimtim na mga indibiduwal na natagpuan nila sa lansangan, sa ministeryo sa bahay-bahay, at sa iba pang kalagayan. Sa iba’t ibang pagkakataon, sinabi ng mga taong interesado na ang salig-Bibliyang mga publikasyon ng organisasyon ni Jehova ay may taginting ng katotohanan. Isang may-bahay ang tumugon nang lubhang positibo sa isang partikular na talata sa Bibliya. Ang babaing ito ay nakikipag-aral na ngayon ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.
estudyante ang ilan sa mga karanasang tinamasa nila habang nakikibahagi sa pangmadlang ministeryo sa panahon ng kanilang limang-buwang kurso. Sa pangangasiwa ni Wallace Liverance, tagapagrehistro sa Paaralang Gilead, inilahad ng mga estudyanteng nagtapos kung paano nila inirekomenda ang kanilang sarili bilang mga ministro ng Diyos. (Pagkatapos, kinapanayam ni Joel Adams ang mga nagtapos sa Gilead mula sa mga naunang klase. Ang kaniyang tema ay “Huwag Tumigil Kailanman sa Pag-aaral, Huwag Tumigil Kailanman sa Paglilingkod kay Jehova.” Yaong mga kinapanayam ay may napapanahong payo para sa mga bagong misyonero. Sa pagbabalik-tanaw sa kaniyang mga araw bilang isang miyembro ng ika-26 na klase ng Gilead, sinabi ni Harry Johnson: “Itinuro sa amin na laging inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan at aakayin pa rin ang kaniyang bayan. Ang pagtitiwalang iyan ay naging pampatibay-loob sa paglipas ng mga taon.” Si William Nonkes, isang miyembro ng ika-53 klase ng Gilead, ay nagpayo sa mga nagtapos: “Higit sa lahat, ingatan sa isipan ang mga simulain sa Bibliya, at ikapit ang mga ito sa lahat ng pagpapasiya na kailangan ninyong gawin sa buhay ngayon at magpakailanman. Bilang resulta, magagawa ninyong manatili sa inyong atas, at sasainyo ang mayamang pagpapala ni Jehova.”
“Pinatibay Upang Tuparin ang Kalooban ni Jehova” ang temang pinili ni Richard Rian para sa kaniyang bahagi sa programa. Isa sa mga kinapanayam niya ay si John Kurtz, isang nagtapos sa ika-30 klase, na gumugol ng mahigit na 41 taon sa Espanya bilang misyonero. Nang tanungin hinggil sa kurikulum ng Gilead, sinabi ni Brother Kurtz: “Ang pangunahing aklat-aralin ay ang Bibliya. At pagkatapos ay mayroon kaming mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya upang tulungan kaming maunawaan ang Bibliya. Makukuha ng lahat ang mga iyon. Walang lihim na impormasyon na ibinibigay sa Gilead. Lagi ko itong idiniriin sapagkat madaling makuha ng lahat ng Saksi ang impormasyon na inilalaan sa Gilead.”
Tinapos ni Brother Gerrit Lösch, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang espirituwal na programa sa pagpapahayag sa paksang “Sa Ibabaw at sa Ilalim ng mga Pakpak ni Jehova.” Ipinaliwanag niya kung paanong ang proteksiyon at suporta ng Diyos sa kaniyang tapat na mga lingkod ay inilalarawan sa Bibliya sa pamamagitan ng mga pakpak ng agila. (Deuteronomio 32:11, 12; Awit 91:4) Ibinubuka kung minsan ng hustong-gulang na agila ang kaniyang mga pakpak sa loob ng maraming oras upang maipagsanggalang ang kaniyang mga inakay. Sa ilang pagkakataon, ikinukubli pa nga ng inang agila sa kaniyang mga pakpak ang kaniyang mga inakay upang maipagsanggalang ang mga ito sa malamig na hangin. Sa katulad na paraan at kasuwato ng kaniyang layunin, maaaring saklolohan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod, lalo na kapag napapaharap sila sa mga pagsubok sa espirituwal. Hindi pinahihintulutan ni Jehova na ang kaniyang mga lingkod ay tuksuhin nang higit sa matitiis nila kundi gumagawa siya ng daang malalabasan upang mabata nila ito. (1 Corinto 10:13) Nagtapos si Brother Lösch sa pagsasabing: “Upang makapanatiling may pananggalang sa espirituwal, kailangan nating manatili sa ilalim ng mga pakpak ni Jehova. Nangangahulugan ito na hindi tayo dapat magkaroon ng espiritu ng pagsasarili. Lagi tayong manatiling malapít kay Jehova at sa kaniyang tulad-inang organisasyon, anupat hindi inihihiwalay ang ating sarili mula sa kanilang pag-akay at maibiging payo.”
Binasa ng tsirman ang mga telegrama at liham mula sa mga bumati buhat sa palibot ng globo. Pagkatapos ay sumunod ang pag-aabot ng mga diploma. Nang itatag ang Paaralang Gilead, ang layunin lamang nito noon ay magkaroon ng limitadong bilang ng mga klase sa loob ng limang taon. Ngunit sa loob ng 58 taon, ang paaralan ay pinanatiling bukás ng Diyos na Jehova. Gaya ng sinabi ni Brother Barber sa kaniyang pambungad na pananalita: “Tunay ngang isang kamangha-manghang rekord ang nagawa na ng mga nagtapos sa Gilead mula noong 1943, nang pasinayaan ang Gilead! Ang kanilang sama-samang pagsisikap ay nagbunga ng literal na pagdaragdag ng daan-daang libong maaamo sa lupa sa maluwalhating organisasyon ni Jehova.” Oo, nakatulong ang paaralang ito ukol sa pagmimisyonero upang milyun-milyon ang magalak sa pag-asa ng Kaharian.
[Kahon sa pahina 24]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 8
Bilang ng mga bansang magiging atas: 18
Kabuuang bilang ng mga estudyante: 48
Katamtamang edad: 34
Katamtamang taon sa katotohanan: 18
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13
[Larawan sa pahina 25]
Ang Ika-110 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Vacek, E.; Madelin, L.; Evans, G.; Watanabe, K. (2) Trafford, P.; Turfa, J.; Wilson, P.; Williams, R.; Weber, A. (3) Johnson, T.; Hanau, K.; Mourlhou, F.; Charpentier, F.; Peckham, R.; Androsoff, P. (4) Seegers, T.; Seegers, D.; Bailey, P.; Bailey, M.; Madelin, K.; Lippold, E.; Lippold, T. (5) Evans, N.; Gold, R.; Bollmann, I.; Vacek, R.; Oundjian, J.; Wilson, N. (6) Turfa, J.; Zuidema, L.; Zuidema, R.; Bengtsson, C.; Bengtsson, J.; Galano, M.; Galano, L. (7) Peckham, T.; Mourlhou, J.; Charpentier, C.; Gold, M.; Bollmann, R.; Oundjian, F. (8) Weber, R.; Johnson, B.; Hanau, D.; Watanabe, Y.; Williams, R.; Trafford, G.; Androsoff, T.