Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pera o Buhay?

Pera o Buhay?

Pera o Buhay?

Marahil ay narinig mo na ang tungkol sa mga tulisang nagtututok ng mga baril sa mukha ng kanilang biktima at nag-uutos: “Pera o buhay!” Sa ngayon, ang kilaláng pagpipiliang ito ay mababanaag sa isang mahirap na suliraning kinakaharap nating lahat​—lalo na ng mga nakatira sa mayayamang lupain. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi tulisan ang nag-uutos. Sa halip, ito ay ang sumidhing pagpapahalaga ng lipunan sa salapi at sa tagumpay sa materyal.

ANG gayong pagpapahalaga ay nagbangon ng isang bagong kalipunan ng mga usapin at mga pagkabahala. Hanggang saan ang dapat na maging kapalit ng pagsisikap na makamit ang salapi at materyal na mga bagay? Maaari ba tayong maging kontento sa kaunting ari-arian lamang? Talaga bang isinasakripisyo ng mga tao ang “tunay na buhay” sa altar ng materyalismo? Salapi ba ang susi sa isang maligayang buhay?

Pagkahumaling sa Salapi

Kasama sa mga nangungunang hangarin at pita ng tao​—lehitimo man o hindi​—ay ang pag-ibig sa salapi. Di-tulad ng pagnanasa sa sekso at pagkain, ang pagkahumaling sa salapi ay maaaring namamalagi at walang katapusan. Tila hindi ito napapawi sa pagtanda. Sa maraming kaso, ang totoo ay maaaring pasidhiin ng pagtanda ang interes o pagkabahala ng isang tao sa salapi at sa mabibili nito.

Tila lumulubha ang kasakiman. Sinabi ng pangunahing tauhan sa isang popular na pelikula: “Epektibo ang kasakiman. Kapaki-pakinabang ang kasakiman.” Bagaman itinuturing ng marami ang dekada ng 1980 bilang ang Panahon ng Kasakiman, ang naganap bago at pagkatapos nito ay nagpapakita na hindi gaanong nagbago ang reaksiyon ng tao sa salapi sa paglipas ng mga taon.

Ang bago marahil ay na napakaraming tao ang nakakakita ng mga pagkakataon upang dagling mabigyang-kasiyahan ang hangaring magtaglay ng higit pa. Tila madalas na ginugugol ng karamihan sa daigdig ang kalakhang enerhiya nito sa paggawa at pagkakamit ng higit at higit pang mga bagay. Marahil ay sasang-ayon ka na ang pagkakaroon ng mga materyal na pag-aari at ang paggastos ng salapi ay naging isang masigasig​—at kadalasan ay pinakamalikhain​—na pinagkakaabalahan sa makabagong-panahong buhay.

Ngunit mas maligaya ba ang mga tao bunga nito? Bilang sagot sa tanong na iyan, sumulat ang marunong at napakayamang hari na si Solomon 3,000 taon na ang nakalipas: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita. Ito rin ay walang kabuluhan.” (Eclesiastes 5:10) Ganiyan din ang mga naging kapansin-pansing konklusyon ng kasalukuyang mga pag-aaral sa lipunan.

Salapi at Kaligayahan

Ang isang lubhang nakapagtatakang bagay na natuklasan hinggil sa paggawi ng tao ay na ang pagkakamal ng salapi at ng materyal na mga bagay ay hindi laging nakapaglalaan ng katumbas na dagdag na kasiyahan at kaligayahan. Natanto ng maraming mananaliksik na minsang naabot ng isang tao ang isang antas ng kasaganaan, ang kaniyang pagkakontento at kaligayahan ay wala nang kaugnayan sa kung gaano karaming materyal na bagay ang maaari niyang makamit.

Kaya ang walang-tigil na pagkukumahog sa materyal na mga bagay at salapi ay nagiging sanhi ng pagtatanong ng marami, ‘Tila nasisiyahan naman kami sa mga bagong bagay na aming nabibili; ngunit bakit kaya, sa kabila ng lahat, ang mga kalugurang ito ay hindi nagdudulot ng higit na kasiyahan?’

Sa kaniyang aklat na Happy People, napansin ng awtor na si Jonathan Freedman: “Minsang nagkaroon na ng kaunting kita, ang dami ng salaping taglay mo ay wala nang gaanong kinalaman sa pagdudulot ng kaligayahan. Kapag ang antas ng pamumuhay ay umangat na sa antas ng karukhaan, ang kaugnayan ng kita sa kaligayahan ay talagang napakaliit.” Natanto ng marami na ang talagang nakapagdudulot ng kaligayahan sa isang indibiduwal ay ang pagkakaroon ng espirituwal na mga kayamanan, makabuluhang mga gawain sa buhay, at pamantayang moral. Mahalaga rin ang mga kaugnayan sa ibang tao at kawalan ng mga alitan o mga paghihigpit na maaaring humadlang sa atin na malugod sa ating tinataglay.

Nakikita ng marami na ang ugat ng karamihan sa mga kasalukuyang suliranin sa lipunan ay ang hilig na subukang gamitin ang kasaganaan sa materyal upang malutas ang sa katunayan ay mga panloob na problema. Binabanggit ng ilang komentarista sa kalagayan ng lipunan ang hinggil sa pangkalahatang saloobin ng pagiging negatibo at di-kontento. Napansin din nila ang sumidhing hilig ng mga tao sa mayayamang lipunan na kumonsulta sa mga therapist o humanap ng kahulugan ng buhay at kapayapaan ng isip mula sa mga guru, mga kulto, at sa mga grupong nag-aangking naglalaan ng therapy. Pinatutunayan nito ang kabiguan ng materyal na mga bagay na magdagdag ng tunay na kahulugan sa buhay.

Ang Kapangyarihan at Kawalang-Kapangyarihan ng Salapi

Totoo na may kapangyarihan ang salapi. Mabibili nito ang magagandang bahay, eleganteng mga damit, at kahanga-hangang mga kagamitan. Maaari rin nitong mabili ang labis na paghanga, pagsunod, o pambobola, at nakapagdudulot pa nga ng ilang pansamantala at matulunging mga kaibigan. Ngunit hanggang doon lamang ang kapangyarihan ng salapi. Hindi mabibili ng salapi ang mga bagay na kailangang-kailangan natin​—ang pag-ibig ng isang tunay na kaibigang tao, kapayapaan sa isip, kaunting taos-pusong kaaliwan sa panahon ng kamatayan. At para sa mga nagpapahalaga sa kanilang kaugnayan sa Maylalang, hindi mabibili ng salapi ang pagsang-ayon ng Diyos.

Batid ni Haring Solomon, na nagtaglay ng lahat ng mabubuting bagay na mabibili ng salapi noong panahon niya, na ang pagtitiwala sa mga materyal na ari-arian ay hindi umaakay sa nagtatagal na kaligayahan. (Eclesiastes 5:12-​15) Maaaring mawala ang salapi dahil sa pagkalugi ng bangko o implasyon. Maaaring masira ang mga lupa’t bahay dahil sa malalakas na bagyo. Bagaman pinapalitan ng mga polisa ng seguro ang ilang pagkalugi sa materyal, hindi nito kayang punan ang mga pinsala sa emosyon. Ang mga sapi (stocks) at mga bono (bonds) ay maaaring mawalan ng halaga sa magdamag dahil sa biglang pagbagsak ng ekonomiya. Maging ang isang trabahong may magandang suweldo ay maaaring narito ngayon at wala na bukas.

Kung gayon, paano tayo magkakaroon ng timbang na pangmalas sa salapi? Anong papel ang dapat gampanan ng salapi o ng mga ari-arian sa ating buhay? Pakisuyong suriin pa nang higit ang bagay na ito at tingnan kung paano ka magtatamo ng isang bagay na tunay na mahalaga​—“ang tunay na buhay.”

[Mga larawan sa pahina 4]

Hindi nakapagdudulot ng nagtatagal na kaligayahan ang mga materyal na ari-arian