Inilagay Namin si Jehova sa Pagsubok
Inilagay Namin si Jehova sa Pagsubok
AYON SA SALAYSAY NI PAUL SCRIBNER
“Magandang umaga, Gng. Stackhouse. Kumukuha ako ng mga order para sa mga Easter cake ngayong umaga, at natitiyak kong masisiyahan kayong magkaroon ng isa nito para sa inyong pamilya.” Noon ay pasimula ng tagsibol ng 1938, at ako ay nasa Atco, New Jersey, E.U.A., at nakikipag-usap sa isa sa pinakamahuhusay na kostumer na nasa aking ruta ng mga suki para sa General Baking Company. Ngunit nagulat ako nang tanggihan ako ni Gng. Stackhouse.
“PALAGAY ko’y hindi ako magiging interesado,” sabi niya. “Hindi kami nagdiriwang ng Easter.”
Hindi ko na ngayon alam kung ano ang iisipin ko. Hindi nagdiriwang ng Easter? Siyempre, ang unang tuntunin sa pagbebenta ay na laging tama ang kostumer. Kaya paano na ngayon? “Buweno,” ang pagbabakasakali ko, “napakasarap ng cake na ito, at alam kong nagugustuhan ninyo ang aming mga produkto. Hindi kaya maibigan ito ng inyong pamilya kahit na hindi kayo . . . nagdiriwang ng Easter?”
“Sa palagay ko’y hindi,” ulit niya, “pero matagal ko nang gustong makipag-usap sa iyo tungkol sa isang bagay, G. Scribner, at baka magandang pagkakataon ito para pag-usapan iyon.” Lubusang babaguhin ng pag-uusap na iyon ang aking buhay! Ipinaliwanag ni Gng. Stackhouse, isang miyembro ng Berlin, New Jersey, Company (o, kongregasyon) ng mga Saksi ni Jehova, kung saan nagmula ang pagdiriwang ng Easter at binigyan ako ng tatlong buklet. Ang pamagat ng mga ito ay Safety, Uncovered, at Protection. Umuwi akong dala ang mga buklet, ibig mag-usisa ngunit medyo atubili. Waring may isang bagay na pamilyar sa sinabi ni Gng. Stackhouse, isang bagay na mula pa sa aking pagkabata.
Unang Pakikipag-ugnayan sa mga Estudyante ng Bibliya
Ako’y ipinanganak noong Enero 31, 1907, at noong 1915, nang ako’y walong taóng gulang, namatay sa kanser ang aking ama. Dahil dito, kami ni Inay
ay nakitira sa kaniyang mga magulang sa isang malaking bahay sa Malden, Massachusetts. Si Benjamin Ransom, na tiyuhin ko sa ina, at ang kaniyang asawa ay doon din nakatira, sa ikatlong palapag. Si Tiyo Ben ay nakikiugnay na sa International Bible Students, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova, bago pa magsimula ang ika-20 siglo. Gustung-gusto ko si Tiyo Ben, ngunit sa tingin ng ibang miyembro ng pamilya ni Inay, na mga Metodista, si Tiyo Ben ay kakatwa. Pagkalipas ng ilang taon, bago siya diborsiyuhin ng kaniyang asawa, nagtagumpay ito na ipakulong siya nang sandaling panahon sa isang mental na institusyon dahil sa kaniyang mga relihiyosong paniniwala! Yamang natuklasan kaagad ng mga doktor sa ospital na wala namang diperensiya sa isip si Tiyo Ben, pinauwi nila siya kasabay ng paghingi ng paumanhin.Isinasama ako ni Tiyo Ben sa mga pulong ng International Bible Students sa Boston, lalo na kapag may mga dumadalaw na tagapagsalita o pantanging mga okasyon. Sa isang pagkakataon, ang dumadalaw na tagapagsalita ay walang iba kundi si Charles Taze Russell, na nangangasiwa sa gawaing pangangaral nang panahong iyon. Sa isa pang pagkakataon, ang pantanging okasyon ay ang pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation.” Bagaman iyon ay noon pang 1915, hanggang sa araw na ito ay malinaw pa sa alaala ko ang paglalarawan kay Abraham habang dinadala si Isaac sa bundok upang ihandog ito bilang hain. (Genesis, kabanata 22) Nakikita ko pa sina Abraham at Isaac na umaahon sa burol na iyon na pasan ang mga kahoy, habang lubusang nagtitiwala si Abraham kay Jehova. Palibhasa ako’y isang batang ulila sa ama, lubhang tumimo iyon sa isip ko.
Pagkatapos, si Tiyo Ben at ang kaniyang asawa ay lumipat sa Maine, at muling nag-asawa si Inay at lumipat kami sa New Jersey. Kaya matagal na hindi ko gaanong napagkikita si Tiyo Ben. Sa mga taon ng aking pagtitin-edyer sa New Jersey, nakilala ko si Marion Neff, isa sa walong anak sa isang pamilyang Presbiteryano na kinagigiliwan kong dalawin. Napakaraming Linggo ng gabi ang ginugol kong kasama ng pamilyang iyon at ng grupo ng kabataan ng kanilang simbahan anupat nang maglaon ay naging Presbiteryano na rin ako. Gayunpaman, ang ilan sa mga bagay na natutuhan ko sa mga pulong ng mga Bible Student ay hindi ko nakalimutan. Ikinasal kami ni Marion noong 1928, at ang aming mga anak na babae, sina Doris at Louise, ay ipinanganak noong 1935 at 1938. Ngayong may isa nang bata at isang kasisilang na sanggol sa pamilya, kapuwa namin nadama na kailangan namin ng espirituwal na patnubay sa pagpapalaki ng aming mga anak.
Pagkasumpong ng Katotohanan sa mga Buklet na Iyon
Naghahanap kami ni Marion ng isang simbahan na maaaniban at nakaisip kami ng isang plano. Halinhinan bawat Linggo, isa sa amin ang naiiwan sa bahay kasama ng mga bata habang ang isa naman ay dumadalaw sa isang simbahan na pinag-iisipan naming aniban. Isang araw ng Linggo, si Marion ang nakatokang maiwan sa bahay, ngunit ako’y nagboluntaryong mag-alaga sa mga bata upang mabasa ko ang buklet na Safety, ang una sa tatlo na ibinigay sa akin ni Gng. Stackhouse. Nang umpisahan ko na ang pagbabasa, hindi ko na iyon maihinto! Higit at higit akong nakumbinsi na ang natagpuan ko ay wala sa ibang simbahan. Ganoon din ang nangyari nang sumunod na linggo, at ako’y kontentong nag-alaga ng mga bata habang binabasa ko ang ikalawang buklet, ang Uncovered. Ang binabasa ko ay waring pamilyar. Ito kaya ang pinaniniwalaan ni Tiyo Ben? Inakala ng aming pamilya na ang kaniyang relihiyon ay para sa mga baliw. Ano kaya ang
iisipin ni Marion? Hindi ko pala ito dapat ikinabahala. Nang umuwi ako mula sa trabaho ilang araw pagkabasa ko ng Uncovered, nagulat ako kay Marion nang sabihin niya, “Binasa ko ang mga buklet na iniuwi mo. Talagang kawili-wili ang mga iyon.” Nakahinga ako nang maluwag!Sa likod ng mga buklet ay may impormasyon tungkol sa bagong-labas na aklat na Enemies, isang matinding paglalantad sa huwad na relihiyon. Ipinasiya naming kumuha nito. Ngunit bago pa man namin maihulog sa buson ang aming kahilingan, isang Saksi ang kumatok sa aming pinto at nag-alok sa amin ng mismong aklat na iyon. Iyon ang tumulong upang makapagpasiya kami! Tumigil na kami sa pagdalaw sa mga simbahan at nagsimulang dumalo sa mga pulong ng Camden, New Jersey, Company ng mga Saksi ni Jehova. Pagkalipas lamang ng ilang buwan, noong Linggo, Hulyo 31, 1938, ang aming grupo na mga 50 katao ay nagtipon sa bakuran ni Sister Stackhouse—sa bahay na doo’y sinikap kong makapagbenta ng mga Easter cake—at nakinig sa isang nakarekord na pahayag ni Judge Rutherford tungkol sa bautismo. Pagkatapos ay nagpalit kami ng damit sa bahay, at 19 kami na nagpabautismo sa isang kalapit na sapa.
Determinadong Maging Isang Payunir
Di-kalaunan pagkatapos kong mabautismuhan, binanggit sa akin ng isa sa mga sister sa company
ang tungkol sa mga kapatid na tinatawag na payunir, na ginagawang kanilang pangunahing gawain ang pangmadlang ministeryo. Kaagad akong naging interesado at di-nagtagal ay nakilala ko ang isang buong pamilya ng mga payunir. Isang matandang lalaki, si Brother Konig, ang asawa niya, at ang anak niyang babae na malaki na ay pawang mga payunir sa isang kalapít na kongregasyon. Bilang ama ng isang pamilyang may maliliit na anak, humanga ako sa masidhing kagalakan ng pamilyang Konig sa ministeryo. Madalas akong dumadalaw, ipinaparada ang aking bakery truck, at sumasama sa kanila sa ministeryo sa bahay-bahay. Di-nagtagal ay gusto ko na ring maging payunir. Ngunit paano? Kami ni Marion ay may dalawang maliliit na anak, at ang trabaho ko ay mahirap. Sa katunayan, habang nagsisimula ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa at parami nang paraming kabataang lalaki ang sumasama sa hukbong sandatahan sa Estados Unidos, dumarami ang trabaho para sa amin na naiwan sa mga trabahong sibilyan. Hinimok akong magdagdag ng ruta, at alam kong talagang hindi ako makapagpapayunir sa ganoong iskedyul.Nang kausapin ko si Brother Konig tungkol sa pagnanais kong magpayunir, sinabi niya: “Basta patuloy kang magsikap sa paglilingkod kay Jehova, at ilapit mo sa kaniya sa panalangin ang iyong tunguhin. Tutulungan ka niyang maabot iyon.” Sa mahigit na isang taon, patuloy kong ginawa iyon. Madalas kong binulay-bulay ang mga kasulatang gaya ng Mateo 6:8, na tumitiyak sa atin na alam ni Jehova ang ating mga pangangailangan bago pa man natin iyon hingin sa kaniya. At patuloy kong sinikap na sundin ang payo sa Mateo 6:33, na patuloy na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran. Pinatibay-loob din ako ni Brother Melvin Winchester, isang zone servant (ngayon ay tinatawag na tagapangasiwa ng sirkito).
Ipinakipag-usap ko kay Marion ang aking mga tunguhin. Pinag-usapan namin ang sinabi sa Malakias 3:10, na nagpapatibay sa atin na ilagay si Jehova sa pagsubok at tingnan kung hindi niya ibubuhos sa atin ang isang pagpapala. Napatibay ako ng kaniyang tugon: “Kung gusto mong magpayunir, huwag kang mag-atubili dahil sa akin. Kaya kong alagaan ang mga bata habang nagpapayunir ka. Tutal, hindi naman malaki ang pangangailangan natin sa materyal.” Pagkatapos ng 12-taóng pagsasama, alam ko nang si Marion ay isang matipid at metikulosang maybahay. Sa paglipas ng mga taon, siya’y naging isang kahanga-hangang kapartner na payunir, at isa sa mga lihim ng aming tagumpay sa halos 60 taon ng buong-panahong paglilingkod ay ang kakayahan niyang masiyahan sa kakaunti at ituring na waring marami iyon.
Pagsapit ng tag-araw ng 1941, pagkatapos ng maraming buwan ng pananalangin at pagpaplano, nakaipon na kami ni Marion ng malaki-laking pera, at bumili kami ng isang 5.5-metrong treyler na pambiyahe na matitirhan ng aming pamilya. Nagbitiw ako sa aking trabaho at naging regular pioneer noong Hulyo 1941, at ako’y nasa buong-panahong paglilingkod mula noon. Ang unang atas sa akin ay sampung hintuan sa kahabaan ng Route 50 sa pagitan ng New Jersey at St. Louis, Missouri, kung saan idaraos ang aming kombensiyon sa bandang pasimula ng Agosto. Ipinadala sa akin ang mga pangalan at adres ng mga kapatid na madaraanan, at sumulat ako nang patiuna, na sinasabi sa kanila kung kailan ako dapat asahan. Nang makarating kami sa kombensiyon, dapat kong hanapin ang pioneer desk at kumuha ng ibang atas.
“Ilalagay Ko si Jehova sa Pagsubok”
Kinargahan namin ng literatura ang aming maliit na treyler na pambiyahe at dinaluhan ang aming huling pulong sa Camden upang magpaalam sa mga kapatid. Palibhasa’y mayroon kaming dalawang maliliit na anak na babae na aalagaan at walang tiyak na destinasyon pagkatapos ng kombensiyon kaya malamang na waring di-makatotohanan sa ilang kapatid ang aming plano, at ilan sa kanila ang nagsabi: “Di-magtatagal at babalik din kayo.” Natatandaan kong sinabi ko: “Hindi ko naman sinasabing hindi ako babalik. Sinabi ni Jehova na aalagaan niya ako, kaya ilalagay ko si Jehova sa pagsubok.”
Pagkatapos ng anim na dekada ng pagpapayunir sa 20 bayan mula sa Massachusetts hanggang sa Mississippi, masasabi namin na lubus-lubusang tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako. Ang mga pagpapalang ibinuhos niya kay Marion, sa akin, at sa aming dalawang anak ay higit pa sa anumang maaari kong asamin noong 1941. Kalakip dito ang paglilingkod ng aming mga anak bilang tapat na mga payunir sa kalapít na mga kongregasyon, at (ayon sa huling bilang) ang pagkakaroon ng mga isang daang espirituwal na anak na lalaki at babae na nakapangalat sa buong Silangang Baybayin ng Estados Unidos. May 52 katao na nakipag-aral sa akin na nagsipag-alay ng kanilang buhay sa Diyos na Jehova at si Marion naman ay may 48.
Noong Agosto 1941, nakarating kami sa St. Louis, at doon ko nakilala si Brother T. J. Sullivan mula sa Bethel. Nasa kaniya ang sulat ng aking ordinasyon, na kailangan ko dahil sa nagbabantang digmaan at sa pangangalap ng mga sundalo. Sinabi ko kay Brother Sullivan na ang oras na ginugugol ng aking asawa sa ministeryo ay kasindami ng sa akin at na gusto niyang magpayunir na kasama ko. Bagaman hindi pa naisasaayos ang pioneer desk sa kombensiyon, ora mismo ay pinapirma ni Brother Sullivan si Marion bilang payunir at tinanong kami: “Saan kayo magpapayunir pagkatapos ng kombensiyon?” Hindi namin alam. “Buweno, huwag kayong mag-alala,” ang sabi niya: “May makikilala kayo sa kombensiyon mula sa isang lugar na nangangailangan ng mga payunir, at malulutas ang inyong problema. Basta sumulat kayo sa amin at sabihin ninyo sa amin kung nasaan kayo, at ipadadala namin ang inyong atas.” Ganiyan nga ang nangyari. Ito palang si Brother Jack DeWitt, isang dating zone servant, ay may mga kakilala sa New Market, Virginia, na may pioneer home na nangangailangan ng ilan pang payunir. Kaya pagkatapos ng kombensiyon, nagtungo kami sa New Market.
Sa New Market, nagkaroon kami ng pantanging dahilan upang magalak. At sino ang bumaba mula sa Philadelphia upang sumama sa amin sa pagpapayunir kundi si Benjamin Ransom! Oo, si Tiyo Ben. Anong laking kagalakan na makasama siya sa ministeryo sa bahay-bahay pagkalipas ng mahigit na 25 taon matapos niyang ihasik ang mga binhing iyon ng katotohanan sa aking puso doon sa Boston! Sa kabila ng pagharap sa maraming taon ng kawalang-interes, panunuya, at pag-uusig pa nga mula sa pamilya, hindi kailanman naiwala ni Tiyo Ben ang kaniyang pag-ibig kay Jehova at sa ministeryo.
Nasiyahan kami sa walong-buwang pamamalagi sa pioneer home sa New Market. Nang panahong iyon, natutuhan namin, bukod sa iba pang mga bagay, kung paano ipakikipagpalit ng manok at itlog ang literatura. Pagkatapos, si Tiyo Ben, si Marion, at ako, kasama ng tatlo pa, ay inatasang maglingkod bilang mga special pioneer sa Hanover, Pennsylvania—ang una sa anim na atas namin sa Pennsylvania mula 1942 hanggang 1945.
Mga Special Pioneer Noong Digmaang Pandaigdig II
May mga panahon noong Digmaang Pandaigdig II na kinailangan naming humarap sa pagkapoot dahil sa aming neutral na katayuan, ngunit lagi kaming inaalalayan ni Jehova. Sa isang pagkakataon sa Provincetown, Massachusetts, ang aming lumang kotseng Buick ay nasira at tumirik, at upang makagawa ng isang pagdalaw-muli, kinailangan kong lumakad ng ilang kilometro at dumaan sa kabahayan ng mga Katolikong napakatindi ng pagkapoot. Napadaan ako sa isang grupo ng mga kabataang sanggano na nakakilala sa akin at nagsimula silang magsisigaw. Nagmadali ako habang hinahagingan ako ng mga bato sa tainga, na umaasang sana’y hindi ako hinahabol ng mga kabataan. Nakarating ako sa bahay ng taong interesado nang hindi nasasaktan. Ngunit ang may-bahay, isang iginagalang na miyembro ng American Legion, ay humingi ng paumanhin, na sinasabi: “Hindi kita maiistima ngayong gabi dahil nakalimutan kong manonood pala kami ng sine sa kabayanan.” Nanlambot ako nang maisip ko ang pangkat ng mga nambabato na nasa kanto, na naghihintay sa aking pagbabalik. Gayunman, sumaya ako nang sabihin ng lalaki: “Bakit hindi ka na lang sumabay sa amin sa paglalakad? Maaari tayong mag-usap sa daan.” Kaya nakapagpatotoo ako sa kaniya, at ligtas akong nakadaan sa lugar na mapanganib.
Pinagtitimbang ang Pamilya at Ministeryo
Pagkatapos ng digmaan, nagkaroon kami ng ilang atas sa Virginia, kasama rito ang isang walong-taóng pamamalagi bilang special at regular pioneer sa Charlottesville. Pagsapit ng 1956, ang aming mga anak ay malalaki na at nagsipag-asawa na, at palipat-lipat na naman kami ni Marion, naglilingkod bilang mga payunir sa Harrisonburg, Virginia, at bilang mga special pioneer sa Lincolnton, North Carolina.
Noong 1966, inatasan ako sa gawaing pansirkito, na naglalakbay at dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon at nagpapatibay sa mga kapatid, gaya rin ng pagpapatibay sa akin ni Brother Winchester sa New Jersey noong dekada ng 1930. Sa loob ng dalawang taon, naglingkod ako sa isang sirkito ng mga kongregasyon sa Tennessee. Pagkatapos ay pinabalik kami ni Marion sa aming pinakamamahal sa lahat, ang paglilingkod bilang special pioneer. Mula 1968 hanggang 1977, naglingkod kami bilang mga special pioneer sa timugang Estados Unidos, mula sa Georgia hanggang sa Mississippi.
Sa Eastman, Georgia, inatasan ako bilang tagapangasiwa ng kongregasyon (ngayon ay tinatawag na punong tagapangasiwa) kahalili ni Powell Kirkland, isang minamahal na matanda nang kapatid na naglingkod nang maraming taon bilang tagapangasiwa Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Sa pamamagitan ng pagsisikap na panatilihing bukás ang pagtatalastasan, napagkaisa namin ang kongregasyon at nagdulot naman ito ng mabubuting resulta sa lahat.
ng sirkito ngunit ngayon ay mahina na ang kalusugan. Siya’y lubhang mapagpahalaga at matulungin. Napakahalaga ng kaniyang suporta sapagkat may ilang di-pagkakasundo sa kongregasyon at ilan sa mga prominente ang nasasangkot. Uminit ang isyu, at madalas akong nanalangin kay Jehova. Naalaala ko ang mga kasulatang gaya ngPagsapit ng 1977, nagsimula na kaming makadama ng mga epekto ng katandaan, at muli kaming inatasan sa lugar ng Charlottesville, kung saan nakatira ang dalawa naming anak kasama ng kani-kanilang pamilya. Nitong nakalipas na 23 taon, naging kagalakan namin ang gumawa sa lugar na ito, anupat nakatulong sa pagpapasimula ng kongregasyon ng Ruckersville, Virginia, at nasaksihan na ang mga anak at apo ng aming unang mga estudyante sa Bibliya na naging matatanda sa kongregasyon, mga payunir, at mga Bethelite. Nasusunod pa rin namin ni Marion ang isang mabuting iskedyul ng paglilingkod sa larangan, at pribilehiyo ko na aktibong maglingkod bilang isang matanda sa East Congregation ng Charlottesville, na nangangasiwa ng pag-aaral sa aklat at nagbibigay ng mga pahayag pangmadla.
Sa paglipas ng mga taon, nakaranas kami ng mga problema, gaya rin ng lahat. Halimbawa, sa kabila ng aming mga pagsisikap, may panahong nanghina si Doris sa espirituwal noong mga huling taon ng kaniyang pagkatin-edyer at nag-asawa ng isang lalaki na hindi Saksi. Ngunit hindi niya lubusang naiwala ang kaniyang pag-ibig kay Jehova, at ang anak niyang lalaki na si Bill ay 15 taon nang naglilingkod sa Bethel sa Wallkill, New York. Sina Doris at Louise ay kapuwa balo na ngayon, ngunit masaya silang naglilingkod di-kalayuan sa amin bilang mga regular pioneer.
Mga Aral na Natutuhan sa Paglipas ng mga Taon
Natutuhan kong magkapit ng ilang simpleng tuntunin upang magtagumpay sa paglilingkod kay Jehova: Panatilihing simple ang iyong buhay. Maging uliran sa lahat ng iyong pakikitungo, pati na sa iyong pribadong buhay. Ikapit ang tagubilin ng “tapat at maingat na alipin” sa lahat ng bagay.—Mateo 24:45.
Si Marion ay nakabuo ng isang maikli ngunit mabisang talaan ng mga mungkahi para sa matagumpay na pagpapayunir habang nagpapalaki ng mga anak: Gumawa ng isang praktikal na iskedyul at sundin ito. Gawing tunay na karera ang iyong ministeryong pagpapayunir. Laging kumain ng masusustansiyang pagkain. Magkaroon ng sapat na pahinga. Huwag magpapakalabis sa paglilibang. Sikaping ang katotohanan, pati na ang lahat ng pitak ng ministeryo, ay maging kasiya-siyang karanasan sa buhay ng inyong mga anak. Gawing kawili-wiling karanasan ang ministeryo para sa kanila sa lahat ng pagkakataon.
Ngayon ay mahigit na kami sa edad na 90. Animnapu’t dalawang taon na ang nakalilipas mula nang marinig namin ang pahayag sa aming bautismo sa bakuran ng bahay ng mga Stackhouse, at nakagugol na kami ng 60 taon sa buong-panahong paglilingkod. Buong-katapatan naming masasabi ni Marion na kami’y lubusan at tunay na nasisiyahan sa aming kalagayan sa buhay. Ako’y lubos na nagpapasalamat sa pampatibay-loob na tinanggap ko noon bilang isang amang nasa kabataan pa na unahin ang espirituwal na mga tunguhin at patuloy na pagsikapang abutin ang mga iyon, at nagpapasalamat ako sa aking mahal na asawa, si Marion, at sa aking mga anak dahil sa kanilang suporta sa loob ng maraming taon. Bagaman wala kaming materyal na kayamanan, madalas kong ikinakapit sa aking sarili ang Eclesiastes 2:25: “Sino ang kumakain at sino ang umiinom nang mas mabuti kaysa sa akin?”
Tunay na sa aming kalagayan ay labis-labis na tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako na matatagpuan sa Malakias 3:10. Talagang ‘ibinuhos [niya] sa amin ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan’!
[Kahon/Larawan sa pahina 29]
MGA ALAALA MULA SA MGA TAON NG DIGMAAN
Halos 60 taon pagkalipas ng digmaan, mayroon pa ring malilinaw na alaala ng mga taóng iyon ang buong pamilya.
“Talagang nagiging maginaw sa Pennsylvania,” ang naalaala ni Doris. “Isang gabi ay -35 digri Celsius ang temperatura.” Idinagdag ni Louise, “Inuupuan namin ni Doris ang mga paa ng isa’t isa habang nakaupo sa likod ng aming lumang Buick upang hindi ginawin ang aming mga paa.”
“Ngunit hindi namin nadama kailanman na kami’y maralita o napagkakaitan,” ang sabi ni Doris. “Alam namin na mas madalas kaming nagpapalipat-lipat kaysa sa karamihan, ngunit lagi kaming maraming pagkain, at mayroon kaming magagandang damit na halos bago pa kung ibigay sa amin ng ilang kaibigan sa Ohio, na may mga anak na babae na mas matanda sa amin nang kaunti.”
“Laging ipinadarama sa amin nina Inay at Itay na kami’y minamahal at pinahahalagahan,” ang sabi ni Louise, “at madalas nila kaming kasama sa ministeryo. Ipinadama nito sa amin na kami’y espesyal at napakalapít sa kanila.”
“Nagkaroon ako ng isang 1936 Buick Special,” naalaala ni Paul, “at ang mga kotseng iyon ay balitang madalas mabalian ng ehe. Palagay ko’y talagang napakalakas ng makina para sa buong kotse. Para namang laging nangyayari iyon sa pinakamaginaw na gabi sa buong buwan, at pagkatapos ay pupunta ako sa junkyard para kumuha ng ibang ehe. Naging eksperto ako sa pagpapalit ng mga iyon.”
“Huwag mong kalilimutan ang mga ration card,” sabi ni Marion. “Lahat ay nirarasyon—karne, gasolina, mga gulong para sa kotse, lahat na lang. Sa tuwing darating kami sa isang bagong atas, kailangan naming humarap sa lokal na lupon at mag-aplay para sa isang ration card. Maaaring abutin ng maraming buwan bago makakuha ng isa, at para bang tuwing matatanggap na namin ang aming kard, pinapupunta na kami sa susunod na atas, at kailangan na naman naming magsimulang muli. Ngunit lagi kaming inaalagaan ni Jehova.”
[Larawan]
Kami ni Marion kasama sina Doris (kaliwa) at Louise, 2000
[Larawan sa pahina 25]
Kasama ng aking ina noong 1918, nang ako’y 11 taóng gulang
[Larawan sa pahina 26]
Kasama sina Louise, Marion, at Doris noong 1948 nang mabautismuhan ang aming mga anak
[Larawan sa pahina 26]
Larawan noong aming kasal, Oktubre 1928
[Larawan sa pahina 26]
Ang aming mga anak (dulong kaliwa at dulong kanan) at ako sa Yankee Stadium, 1955