Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magsaya sa Kaalaman kay Jehova

Magsaya sa Kaalaman kay Jehova

Magsaya sa Kaalaman kay Jehova

“Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”​—LUCAS 11:28.

1. Kailan nagsimulang makipagtalastasan si Jehova sa mga tao?

 INIIBIG ni Jehova ang mga tao at lubha siyang interesado sa kanilang kapakanan. Kaya naman hindi kataka-taka na nakikipagtalastasan siya sa kanila. Ang pakikipagtalastasang ito ay nagsimula sa hardin ng Eden. Ayon sa Genesis 3:8, sa isang pagkakataon “sa mahanging bahagi ng araw,” “narinig [nina Adan at Eva] ang tinig ng Diyos na Jehova.” Sinasabi ng ilan na ipinahihiwatig nito na kaugalian na ni Jehova na makipagtalastasan kay Adan nang panahong iyon, marahil ay araw-araw. Anuman ang kalagayan noon, nililiwanag ng Bibliya na gumugol ng panahon ang Diyos hindi lamang upang bigyan ng mga tagubilin ang unang tao kundi upang turuan din siya kung ano ang kailangan niyang malaman sa layuning maisakatuparan ang kaniyang mga pananagutan.​—Genesis 1:28-30.

2. Paano inihiwalay ng unang mag-asawa ang kanilang sarili mula sa patnubay ni Jehova, at ano ang resulta?

2 Binigyan ni Jehova sina Adan at Eva ng buhay, kapamahalaan sa mga hayop, at awtoridad sa buong lupa. May isang pagbabawal lamang​—hindi sila maaaring kumain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Palibhasa ay naimpluwensiyahan ni Satanas, sinuway nina Adan at Eva ang utos ng Diyos. (Genesis 2:16, 17; 3:1-6) Pinili nilang kumilos sa ganang sarili, anupat sila ang nagpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali. Sa paggawa ng gayon, buong-kamangmangan nilang inihiwalay ang kanilang sarili mula sa patnubay ng kanilang maibiging Maylalang. Ang mga ibinunga nito ay kapaha-pahamak sa kanila at sa kanilang di-pa-naisisilang na mga supling. Sina Adan at Eva ay tumanda at nang dakong huli ay namatay nang walang pag-asang mabuhay-muli. Minana ng kanilang mga inapo ang kasalanan at ang bunga nito, ang kamatayan.​—Roma 5:12.

3. Bakit nakipagtalastasan si Jehova kay Cain, at paano tumugon si Cain?

3 Sa kabila ng paghihimagsik sa Eden, patuloy pa ring nakipagtalastasan si Jehova sa kaniyang nilalang na tao. Si Cain, ang panganay na anak na lalaki nina Adan at Eva, ay nanganganib noon na madaig ng kasalanan. Binigyan siya ni Jehova ng babala na patungo siya sa kapahamakan at pinayuhan siya na ‘gumawa ng mabuti.’ Tinanggihan ni Cain ang maibiging payong ito at pinatay ang kaniyang kapatid. (Genesis 4:3-8) Kaya pawang tinanggihan ng tatlong kauna-unahang tao sa lupa ang maliwanag na utos ng isa na nagbigay ng buhay sa kanila, ang Diyos na nagbibigay ng tagubilin sa kaniyang bayan upang sila ay makinabang. (Isaias 48:17) Tunay ngang nakasisiphayo ito kay Jehova!

Isiniwalat ni Jehova ang Kaniyang Sarili sa mga Lalaki Noong Unang Panahon

4. Hinggil sa mga inapo ni Adan, sa ano nagtiwala si Jehova, at anong mensahe ng pag-asa ang kaniyang ibinigay habang taglay iyon sa kaniyang isipan?

4 Bagaman taglay niya ang lahat ng karapatang putulin ang pakikipagtalastasan sa mga tao, hindi iyon ginawa ni Jehova. Nagtiwala siya na ang ilan sa mga inapo ni Adan ay may-katalinuhang makikinig sa Kaniyang utos. Halimbawa, nang binibigkas ang hatol kina Adan at Eva, inihula ni Jehova ang pagdating ng isang “binhi” na sasalansang sa Serpiyente, si Satanas na Diyablo. Sa dakong huli, si Satanas ay susugatan sa ulo na kaniyang ikamamatay. (Genesis 3:15) Ang hulang ito ay isang nakagagalak na mensahe ng pag-asa sa “mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.”​—Lucas 11:28.

5, 6. Sa anu-anong paraan nakipagtalastasan si Jehova sa kaniyang bayan bago ang unang siglo C.E., at paano sila nakinabang dito?

5 Ipinatalastas ni Jehova ang kaniyang kalooban sa tapat na mga patriyarka noong unang panahon, tulad nina Noe, Abraham, Isaac, Jacob, at Job. (Genesis 6:13; Exodo 33:1; Job 38:1-3) Nang maglaon, nagbigay siya ng isang buong kodigo ng mga kautusan para sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises. Nakinabang sila sa Kautusang Mosaiko sa maraming paraan. Sa pagsunod dito, naibukod ang Israel mula sa lahat ng iba pang bansa bilang pantanging bayan ng Diyos. Tiniyak ng Diyos sa mga Israelita na kung susundin nila ang Kautusan, pagpapalain niya sila hindi lamang sa materyal na paraan kundi maging sa espirituwal, anupat gagawin silang isang kaharian ng mga saserdote, isang bansang banal. Naglaan pa nga ang Kautusan ng mga tuntunin sa pagkain at kalinisan na nagtaguyod ng mabuting kalusugan. Subalit nagbabala rin si Jehova tungkol sa mga kapaha-pahamak na ibubunga ng pagsuway.​—Exodo 19:5, 6; Deuteronomio 28:1-68.

6 Nang maglaon, idinagdag ang iba pang mga kinasihang aklat sa kanon ng Bibliya. Isinaysay ng mga makasaysayang ulat ang mga pakikitungo ni Jehova sa mga bansa at mga bayan. Buong-kagandahang inilarawan ng mga patulang aklat ang kaniyang mga katangian. Patiunang isinaysay ng mga makahulang aklat ang katuparan ng kalooban ni Jehova sa hinaharap. Maingat na pinag-aralan at ikinapit ng tapat na mga lalaki noong unang panahon ang mga kinasihang akdang ito. Sumulat ang isa: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Sa mga handang makinig, naglaan si Jehova ng edukasyon at kaliwanagan.

Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning

7. Bagaman gumawa ng mga himala si Jesus, sa ano siya pangunahing nakilala, at bakit?

7 Pagsapit ng unang siglo, ang mga relihiyosong grupo ng mga Judio ay nagdagdag ng mga tradisyon ng tao sa Kautusan. Mali ang ginawang pagkakapit sa Kautusan, at sa halip na pagmulan ng kaliwanagan, ito ay naging pabigat dahil sa mga tradisyong iyon. (Mateo 23:2-4) Gayunman, noong 29 C.E., lumitaw si Jesus bilang ang Mesiyas. Ang kaniyang misyon ay hindi lamang ibigay ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan kundi upang “magpatotoo [rin naman] sa katotohanan.” Bagaman gumawa siya ng mga himala, siya ay pangunahing nakilala bilang “ang Guro.” Ang kaniyang turo ay gaya ng isang liwanag na sumisinag sa espirituwal na kadiliman na nakalambong sa mga isipan ng mga tao. Wasto ang pagkasabi ni Jesus mismo: “Ako ang liwanag ng sanlibutan.”​—Juan 8:12; 11:28; 18:37.

8. Anong mga kinasihang aklat ang isinulat noong unang siglo C.E., at paano nakinabang sa mga ito ang unang mga Kristiyano?

8 Nang maglaon ay idinagdag ang mga Ebanghelyo, apat na mga nakasulat na salaysay tungkol sa buhay ni Jesus, at ang aklat ng Mga Gawa, isang kasaysayan tungkol sa paglaganap ng Kristiyanismo pagkamatay ni Jesus. Naroon din ang mga kinasihang liham na isinulat ng mga alagad ni Jesus, gayundin ang makahulang aklat ng Apocalipsis. Ang mga akdang ito, lakip na ang Hebreong Kasulatan, ang bumubuo sa kanon ng Bibliya. Sa tulong ng kinasihang aklatan na ito, maaaring “maintindihan [ng mga Kristiyano] kasama ng lahat ng mga banal kung ano ang lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan. (Efeso 3:14-18) Maaari nilang taglayin “ang pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Gayunman, hindi lubusang naintindihan ng unang mga Kristiyanong iyon ang bawat aspekto ng mga layunin ni Jehova. Sumulat si apostol Pablo sa mga kapananampalataya: “Sa kasalukuyan ay nakakakita tayo ng malabong anyo sa pamamagitan ng salaming metal.” (1 Corinto 13:12) Maaaninag sa gayong salamin ang isang anyo ngunit hindi ang lahat ng detalye. Magaganap pa sa hinaharap ang isang mas lubusang pagkaunawa sa Salita ng Diyos.

9. Anong kaliwanagan ang naganap sa “mga huling araw”?

9 Sa ngayon, nabubuhay tayo sa isang yugto na tinatawag na “mga huling araw,” isang yugto na kakikitaan ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Inihula ni propeta Daniel na sa panahong ito “ang tunay na kaalaman ay sasagana.” (Daniel 12:4) Kaya naman si Jehova, ang Dakilang Tagapagpatalastas, ay tumutulong sa mga tapat-pusong tao na maunawaan ang kahulugan ng kaniyang Salita. Napakaraming tao na ngayon ang nakauunawa na si Kristo Jesus ay iniluklok sa trono sa di-nakikitang mga langit noong 1914. Alam din nila na di-magtatagal at wawakasan na niya ang lahat ng kabalakyutan at babaguhin ang lupa tungo sa isang pangglobong paraiso. Ang mahalagang aspektong ito ng mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral na ngayon sa buong lupa.​—Mateo 24:14.

10. Sa nagdaang mga siglo, paano tumugon ang mga tao sa payo ni Jehova?

10 Oo, sa buong kasaysayan ay ipinatatalastas ni Jehova ang kaniyang kalooban at layunin sa mga tao sa lupa. Inilalarawan ng ulat ng Bibliya ang marami na nakinig, nagkapit ng makadiyos na karunungan, at pinagpala dahil doon. Inilalahad nito ang tungkol sa iba na tumanggi sa maibiging payo ng Diyos, anupat sumunod sa kapaha-pahamak na landasin nina Adan at Eva. Inilarawan ni Jesus ang situwasyong ito nang sabihin niya ang tungkol sa dalawang simbolikong daan. Ang isa ay patungo sa pagkapuksa. Palibhasa ay malapad at maluwang, ito ang tinatahak ng marami na tumatanggi sa Salita ng Diyos. Ang isang daan naman ay patungo sa buhay na walang hanggan. Bagaman masikip, ito ang landas ng iilan na tumatanggap sa Bibliya ayon sa kung ano ito, ang Salita ng Diyos, at namumuhay na kasuwato nito.​—Mateo 7:13, 14.

Pinahahalagahan ang Taglay Natin

11. Ang ating kaalaman at paniniwala sa Bibliya ay katibayan ng ano?

11 Kabilang ka ba sa mga pumili sa daang patungo sa buhay? Kung oo, walang-alinlangan na nais mong manatili roon. Paano mo ito magagawa? Regular at may-pagpapahalagang bulay-bulayin ang mga pagpapalang idinulot sa iyong buhay ng pagkaalam sa mga katotohanan sa Bibliya. Ang mismong pagtugon mo sa mabuting balita ay katibayan na ng pagpapala ng Diyos. Ipinahiwatig ito ni Jesus nang manalangin siya sa kaniyang Ama sa ganitong mga pananalita: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Mateo 11:25) Nakuha ng mga mangingisda at mga maniningil ng buwis ang diwa ng turo ni Jesus, samantalang hindi ito nakuha ng mga edukadong relihiyosong lider. Sinabi pa ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Kung may nalalaman ka na sa Bibliya at ikaw ay naniniwala at sumusunod sa mga turo nito, katibayan ito na inilapit ka na ni Jehova. Dahilan ito para magsaya.

12. Sa anu-anong paraan nagbibigay ng kaliwanagan ang Bibliya?

12 Ang Salita ng Diyos ay naglalaman ng nakapagpapalayang mga katotohanan at nagbibigay ng kaliwanagan. Yaong mga namumuhay ayon sa kaalaman sa Bibliya ay pinalalaya mula sa mga pamahiin, huwad na mga turo, at kawalang-alam na nangingibabaw sa buhay ng milyun-milyon. Halimbawa, ang pagkaalam sa katotohanan tungkol sa kaluluwa ay nagpapalaya sa atin mula sa anumang takot na maaari tayong saktan ng mga patay o na nagdurusa ang ating namatay na mga minamahal. (Ezekiel 18:4) Ang pagkaalam sa katotohanan tungkol sa mga balakyot na anghel ay tumutulong sa atin na umiwas sa mga panganib ng espiritismo. Ang turo ng pagkabuhay-muli ay nakaaaliw sa mga namatayan ng mga minamahal. (Juan 11:25) Ipinakikita sa atin ng mga hula sa Bibliya kung nasaan na tayo sa agos ng panahon at pinatatatag ang ating pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos sa hinaharap. Pinatitibay rin nito ang ating pag-asa na mabuhay magpakailanman.

13. Paano tayo pisikal na nakikinabang sa pagsunod sa Salita ng Diyos?

13 Tinuturuan tayo ng makadiyos na mga simulain sa Bibliya na mamuhay sa paraang nagdudulot ng mga pisikal na pakinabang. Halimbawa, natututo tayong umiwas sa mga gawaing nagpaparumi sa ating katawan, gaya ng maling paggamit sa tabako at iba pang droga. Iniiwasan natin ang pag-abuso sa alkohol. (2 Corinto 7:1) Ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos hinggil sa moral ay nagsisilbing proteksiyon mula sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik. (1 Corinto 6:18) Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Diyos na umiwas sa pag-ibig sa salapi, hindi natin sinisira ang kapayapaan ng ating isip, gaya ng ginagawa ng iba, dahil sa pagsisikap na magkamit ng mga kayamanan. (1 Timoteo 6:10) Sa anu-anong paraan ka pisikal na nakikinabang dahil sa pagkakapit ng Salita ng Diyos sa iyong buhay?

14. Anong impluwensiya ang nagagawa ng banal na espiritu sa ating buhay?

14 Kung namumuhay tayo ayon sa Salita ng Diyos, natatanggap natin ang banal na espiritu ni Jehova. Nalilinang natin ang isang tulad-Kristong personalidad, na kakikitaan ng kaakit-akit na mga katangian na gaya ng awa at pagkamahabagin. (Efeso 4:24, 32) Iniluluwal din sa atin ng espiritu ng Diyos ang mga bunga nito​—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Ang mga katangiang ito ay nagtataguyod ng maligaya at makabuluhang mga kaugnayan sa iba, pati na sa mga miyembro ng pamilya. Nagkakaroon tayo ng panloob na lakas na tumutulong sa atin na harapin ang kahirapan taglay ang tibay ng loob. Nauunawaan mo ba kung paano naiimpluwensiyahan ng banal na espiritu ang iyong buhay ukol sa ikabubuti?

15. Habang iniaayon natin ang ating buhay sa kalooban ng Diyos, paano tayo nakikinabang?

15 Habang iniaayon natin ang ating buhay sa kalooban ng Diyos, pinatitibay natin ang ating kaugnayan kay Jehova. Lalong tumitibay ang ating pananalig na tayo ay kaniyang nauunawaan at iniibig. Natututuhan natin sa pamamagitan ng karanasan na inaalalayan niya tayo sa mahihirap na panahon. (Awit 18:18) Napag-uunawa natin na talagang nakikinig siya sa ating mga panalangin. (Awit 65:2) Natututo tayong umasa sa kaniyang patnubay, anupat nagtitiwala na makikinabang tayo roon. At taglay natin ang kamangha-manghang pag-asa na sa takdang panahon, dadalhin ng Diyos sa kasakdalan ang kaniyang mga tapat at ibibigay sa kanila ang kaniyang kaloob na buhay na walang hanggan. (Roma 6:23) “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” ang isinulat ng alagad na si Santiago. (Santiago 4:8) Nadarama mo ba na tumitibay ang iyong kaugnayan kay Jehova habang lumalapit ka sa kaniya?

Isang Kayamanan na Walang Katulad

16. Anong mga pagbabago ang ginawa ng ilang Kristiyano noong unang siglo?

16 Ipinaalaala ni Pablo sa mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu noong unang siglo na ang ilan sa kanila ay dating mga mapakiapid, mangangalunya, homoseksuwal, magnanakaw, taong sakim, lasenggo, manlalait, at mga mangingikil. (1 Corinto 6:9-11) Ang katotohanan sa Bibliya ang nagpangyari sa kanila na gumawa ng malalaking pagbabago; sila ay ‘hinugasang malinis.’ Subuking gunigunihin kung ano kaya ang magiging buhay mo kung wala ang mga nakapagpapalayang katotohanan na natutuhan mo mula sa Bibliya. Talagang ang katotohanan ay isang kayamanan na lubhang walang katulad. Anong ligaya natin na nakikipagtalastasan sa atin si Jehova!

17. Paano pinakain sa espirituwal na paraan ang mga Saksi ni Jehova sa mga Kristiyanong pagpupulong?

17 Bukod dito, isip-isipin ang pagpapalang taglay natin sa ating kapatiran na may iba’t ibang lahi! Inilalaan ng “tapat at maingat na alipin” ang espirituwal na pagkain sa tamang panahon, lakip na ang mga Bibliya, magasin, at iba pang publikasyon sa napakaraming wika. (Mateo 24:45-47) Sa mga pulong ng kongregasyon noong taóng 2000, nirepaso ng mga Saksi ni Jehova sa maraming lupain ang mga tampok na bahagi mula sa walong malalaking aklat ng Hebreong Kasulatan. Binulay-bulay nila ang buhay ng 40 tauhan sa Bibliya na tinalakay sa Insight on the Scriptures. Isinaalang-alang nila ang humigit-kumulang ikaapat na bahagi ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman at halos ang buong aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! Tatlumpu’t anim na pangalawahing artikulo ang isinaalang-alang mula sa magasing Bantayan bukod pa sa 52 araling artikulo. Bukod dito, tinustusan ang bayan ni Jehova ng 12 isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian at lingguhang mga pahayag pangmadla tungkol sa sari-saring paksa sa Bibliya. Tunay na saganang espirituwal na kaalaman ang inilaan!

18. Sa anu-anong paraan tayo tinutulungan sa loob ng kongregasyong Kristiyano?

18 Sa buong daigdig, mahigit sa 91,000 kongregasyon ang naglalaan ng pag-alalay at pampatibay-loob sa pamamagitan ng mga pulong at pakikipagsamahan. Tinatamasa rin natin ang pag-alalay ng may-gulang na mga kapuwa Kristiyano na handang tumulong sa atin sa espirituwal na paraan. (Efeso 4:11-13) Oo, lubha tayong nakinabang dahil sa pagtanggap sa kaalaman tungkol sa katotohanan. Isang kagalakan na makilala at paglingkuran si Jehova. Totoong-totoo nga ang mga salita ng salmista na sumulat: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”​—Awit 144:15.

Natatandaan Mo Ba?

• Kanino nakipagtalastasan si Jehova bago ang panahong Kristiyano?

• Paano lalong nagningning ang espirituwal na liwanag noong unang siglo? sa modernong panahon?

• Anong mga pagpapala ang idinudulot ng pamumuhay ayon sa kaalaman kay Jehova?

• Bakit tayo nagsasaya dahil sa ating kaalaman sa Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Ipinatalastas ni Jehova ang kaniyang kalooban kina Moises, Noe, at Abraham

[Larawan sa pahina 9]

Sa panahon natin, nagpapasinag ng liwanag si Jehova hinggil sa kaniyang Salita

[Mga larawan sa pahina 10]

Isip-isipin ang pagpapalang taglay natin sa ating kapatiran na may iba’t ibang lahi!